2022
Gawing Pagmamahal ang Pagtatalo
Marso 2022


“Gawing Pagmamahal ang Pagtatalo,” Liahona, Mar. 2022.

Welcome sa Isyung Ito

Gawing Pagmamahal ang Pagtatalo

si Jose ng Egipto na nakikipagkasundo sa kanyang mga kapatid

Jose ng Egipto, ni Michael T. Malm

Kung minsa’y dumaranas tayo ng mga hindi pagkakasundo sa ating mga pakikipag-ugnayan. Ang malaman kung paano gawing mga pag-uusap na nakabubuti ang mga pagtatalong nakapipinsala ay mahalaga sa ating kapakanan. Subalit talagang nahihirapan tayo rito.

Parang napakabigat ng mga pagtatalong nakapipinsala. Talamak ang mga pagtatalo. Parang limitado ang ating mga pagpipilian patungkol dito. Nakadarama tayo ng kahinaan at pagkabalisa. Naiiwan ang mga nasirang relasyon at watak-watak na komunidad sa nawasak na paligid.

Ngunit maaari din tayong makilahok sa mga pag-uusap na nakakatulong, kung saan ay makalalaya tayo mula sa pagiging negatibo ng mga pagtatalo. Mapagyayaman natin ang katarungan at awa, mapalalakas ang ating mga ugnayan, at malulutas ang malalalim na problema. Ang kapayapaan ay posible—sa ating mga relasyon at komunidad.

Bilang tagapamagitan sa mga pagtatalo, asawa, at ama, nalaman ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay makapagbibigay sa atin ng liwanag at lakas na kailangan upang maging pagmamahal ang pagtatalo.

Sa isyung ito, mababasa mo kung paano nalutas nina Jacob, Esau, at Jose ang mga di-pagkakasundo sa kanilang pamilya at kung paano rin natin magagawa iyon sa ating mga tahanan at komunidad (tingnan sa pahina 26). Mababasa mo rin ang nakaaantig na artikulo ni Elder D. Todd Christofferson tungkol sa mga paraan na napadadalisay tayo ng paghihirap kung hihingi tayo ng tulong sa Panginoon (tingnan sa pahina 6).

Napakarami sa atin ang nagpapasan ng matinding pasakit dahil sa mga nasirang relasyon sa tahanan at sa mundo. Sana ay makapagbigay ng pag-asa ang isyung ito sa mga taong tila wala nang pag-asa sa pakikipag-ayos, makahikayat ng pananampalataya na hindi tayo nag-iisa, at higit sa lahat, madama natin ang pagmamahal ni Jesucristo na hindi lamang ang ating puso ang binabago kundi ang mga puso ng mga tao na kasama nating nahihirapan.

Malugod na sumasainyo,

Chad Ford

Propesor sa Intercultural Peacebuilding, Brigham Young University–Hawaii