“Nagkaisa ang Aming Espiritu sa Pag-awit,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw: Kababaihang May Pananampalataya
Nagkakaisa ang Ating Espiritu sa Pag-awit
Nawalan ng saysay ang pagkakaiba sa wika dahil alam namin Kung para Kanino at kung ano ang inaawit namin.
Nang sumakay kami ng kaibigan ko sa jumbo jet sa Seoul, South Korea, tumango kami bilang pagbati sa isang lolang Koreana na nakaupo sa upuan sa tabi ng daanan. Pagkatapos ay pasiksik namin siyang nilagpasan ng kaibigan ko papunta sa sarili naming upuan, ang kaibigan ko sa gitnang upuan at ako naman ay sa tabi ng bintana.
Ilang minuto pa lang nakakalipad ang aming eroplano nang marinig ko ang malalambing na tono ng isang himno. Narinig ko na ito ay ang “Dakilang Diyos,”1 na pamilyar sa maraming relihiyong Kristiyano at nakabisado ko kamakailan lamang.
Maingat akong tumingin sa paligid para malaman kung saan nanggagaling ang kanta. Nang gawin ko iyon, napansin ko na hawak ng Koreana sa hilera ng mga upuan namin ang isang maliit na himnaryo—na nakalimbag sa mga titik na Korean—mula sa kanyang simbahang Protestante.
Agad akong nakipagpalit ng upuan sa kaibigan ko at tahimik na sumali sa pag-awit ng babae, na kapwa nagpalugod sa amin. Hindi siya nagsasalita ng Ingles, at hindi ako marunong magsalita ni magbasa ng Korean. Pero nakakapagbabasa ako ng musika.
Kaya, kapag binuklat niya ang mga pahina ng kanyang himnaryo, tinitingnan ko ang unang linya ng mga nota at tumatango ako kung alam ko ang himno. Pagkatapos ay humuhuni ako ng isang tono, at nagsisimula kaming kumanta, siya Korean at ako sa Ingles. Kinakanta niya ang melody, at kinakanta ko naman ang harmony.
Hindi nagtagal ay sumali sa amin ang mga pasaherong nasa hilera sa harapan, sa likuran, at sa tagiliran namin. Sa mas mahabang bahagi ng isang oras, inawit ng aming biglaang koro ang ilang tipikal na himnong Kristiyano sa aming kani-kaniyang katutubong wika. Nawalan ng saysay ang pagkakaiba sa wika dahil sa musika at sa katotohanan na alam namin Kung para Kanino at kung ano ang inaawit namin. Nagkaisa ang aming espiritu sa pag-awit.
Bago nagsilbi ng hapunan ang mga flight attendant, ang huling himno namin ay “Kay Tahimik ng Paligid”2—at kalagitnaan pa lamang ng Oktubre.
Mula nang maranasan ko iyon, naisip ko kung gaano kakaiba, subalit kahanga-hanga, na dapat pag-isahin ng isang grupo ng mga estranghero ang kanilang mga tinig sa mga himno sa isang jetliner na lumilipad sa ibabaw ng Pasipiko.
Nagkakaroon pa rin ako ng bigik sa lalamunan tuwing kakantahin ko ang “Dakilang Diyos” at “Kay Tahimik ng Paligid.” Hindi ko magawang awitin ang mga himnong iyon nang hindi iniisip ang Koreanang iyon at ang kaloob na musika na tumulong sa amin na ibahagi ang aming karaniwang pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.