Digital Lamang
Pag-aampon at Family History—mga Walang Hanggang Ugnayan, mga Walang Hanggang Koneksyon
Paano natin malalaman kung dapat ba tayong gumawa ng gawain sa family history para sa mga ninuno na kadugo natin o ng mga nag-ampon sa atin?
Mapalad tayo na maaari tayong makibahagi sa mga ordenansa sa templo na nagbubuklod sa atin bilang mga pamilya para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang kadakilaan ay responsibilidad ng buong pamilya. Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya. Ang pinakadakilang layuning pinagsisikapan natin ay maging masaya tayo bilang pamilya—tumanggap ng endowment, mabuklod, at maging handa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.”1 Ang pagkakataong ito ay ibinibigay kapwa sa mga isinilang sa loob ng tipan at sa mga inampon at ibinuklod sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa sa templo.
“Ang mapagmahal at walang-hanggang pamilya ay malilikha sa pamamagitan ng pag-aampon. Kung ang mga anak man ay dumarating sa isang pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon o pagsilang, sila ay parehong mahalagang pagpapala. Ang mga anak na ibinuklod sa templo sa mga magulang na nag-ampon sa kanila ay makatatanggap ng lahat ng pagpapala ng pagiging bahagi ng kanilang walang-hanggang pamilya.”2
Kapag nagsimula ang isang ampon sa paggawa ng family history, may dalawang posibleng pedigree na susundan, sasaliksikin, at isasaalang-alang para sa gawain sa templo.
Kung susundan man niya ang linya ng pamilya kung saan siya ibinuklod (na maaaring tawag sa pamilyang nag-ampon sa isang tao) o ang linya ng mga kadugo—o pareho—ito ay dapat hangarin sa pamamagitan ng mga family council at paghahayag. Walang iisang tamang sagot, at dapat itong ipagdasal ng bawat taong nahaharap sa ganitong pagpili.
Sinabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginu[gu]gol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap. Ipinahayag ng Unang Panguluhan, ‘Ang pinakamahalagang obligasyon natin ay hanapin at tukuyin ang sarili nating mga ninuno’ [Sulat ng Unang Panguluhan, Peb. 29, 2012].”3
Karaniwan sa mga inampon ang maguluhan tungkol sa kahulugan nito para sa kanilang mga ninuno. Sinabi ni Mary (binago ang pangalan): “Nakalilito sa akin ang family history. Sinabi sa akin na ang ‘mga ninuno’ ko ay ang mga ibinuklod sa akin, at kung minsa’y nalulugod ako sa pamanang iyon, pero pakiramdam ko’y parang palagi akong nagpapanggap nang kaunti dahil hindi ko sila kadugo. Napakarami nang ginawang family history ang pamilyang kadugo ko at ipinakita nila sa akin ang ilang journal at larawan. Kakatwa at kapana-panabik na makita kung saan nagmula ang ilan sa aking mga pisikal na katangian … at makadama ng koneksyon habang binabasa ko ang mga salita mula sa aking mga kadugong ninuno. Ngunit halos pakiramdam ko ay hiram lang ang koneksyong iyon, dahil lumalabas ako sa ordenansang iyon sa templo.”
Tulad ng maraming inampon, gustung-gusto ni Susan (binago ang pangalan) na siyasatin ang tungkol sa kanyang mga tunay na magulang. Nabuklod siya bilang sanggol sa pamilyang umampon sa kanya at nadama ang kapangyarihan at kumpirmasyon na sa kanila siya nabibilang—ang dapat na makasama niya magpakailanman. Nadama niyang pinagpala siya sa paggawa ng family history at gawain sa templo para sa pamilyang ito. Gayunman, hindi nito inalis ang kanyang pag-uusisa o ang hangarin niyang magbigay ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa mga taong kadugo niya. Nag-alala siya na sa ilang paraan ay nagiging hindi siya tapat sa pamilyang umampon sa kanya dahil sa hangaring iyon. Ngunit matapos ang mapagmahal na pakikipag-usap sa kanyang mga magulang, nagkaroon siya ng katiyakan na ang damdamin ng pagmamahal at katapatan ay hindi mababawasan ng paghahangad ng sagradong gawain para sa kanyang mga kadugong ninuno.
Isang Bagay na Kailangan ng Pagpapayo at Paghahayag
Labis na magkakaiba ang dinamika ng mga pamilya, at kung ano ang gumagana sa isang tao ay maaaring hindi komportable para sa isa pang tao. Kung hindi komportable ang mga magulang na umampon sa iyo sa paggawa mo ng pedigree ng iyong mga kadugo, marahil ay pinakamainam na tumigil muna sa gawaing iyon at magtuon sa iba pang mga ninuno. Maaaring dumating ang panahon para sa iyong mga kadugong ninuno kalaunan, dahil bawat taong isinilang sa mundo ay magkakaroon ng pagkakataong tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ngunit dapat ninyong malaman na balang-araw ay magiging malinaw ang mga ugnayan ng pamilya sa kabilang-buhay na tila nakalilito para sa atin dahil sa ating limitadong pang-unawa.
Si Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagsalaysay ng kuwentong ito na ibinahagi sa kanya ng isang kaibigan:
“Nang mamatay ang pinakamamahal niyang asawa at ina ng kanyang mga anak, nag-asawang muli ang ama. Tinutulan ng ilan sa mga anak na malalaki na ang muling pag-aasawa at humingi ng payo sa malapit na kamag-anak na isang respetadong lider ng Simbahan. Matapos marinig ang mga dahilan ng kanilang mga pagtutol, na nakatuon sa mga kundisyon at ugnayan sa daigdig ng mga espiritu o sa mga kaharian ng kaluwalhatian na kasunod ng Huling Paghuhukom, sinabi ng lider na ito: ‘Maling mga bagay ang ikinababahala ninyo. Ang dapat na inaalala ninyo ay kung makakapasok ba kayo sa mga lugar na iyon. Iyan ang pagtuunan ninyo ng pansin. Kung makakarating kayo roon, mas maganda pa sa inaasahan ninyo ang lahat ng naroon.’
“Napakalaking kapanatagan ang aral na ito! Magtiwala sa Panginoon!”4
Mga Opsiyon sa FamilySearch
Samantala, dahil sa ilang feature sa FamilySearch ay mayroon kang mga pagpipilian. Madaling masubaybayan ang linya ng mga ninunong nabuklod sa iyo at kadugo mo sa iyong pedigree chart kung nanaisin mo. Sa loob ng Family Tree sa FamilySearch.org, maaari mong piliin ang opsiyon na “Idagdag ang Magulang” sa iyong rekord. Ito ay lilikha ng isang linya na may hiwalay na pares ng mga magulang na maaari mong saliksikin at punan hanggang sa layo na gusto mo. Maaari mong italaga kung aling pares ng mga magulang ang gusto mong idispley, ngunit madaling palitan at ibalik ang nakadispley. Sa iyong indibiduwal na rekord, maaari mo ring tukuyin kung ang magulang ay kadugo o umampon kung gusto mo.
Isinasaad sa patakaran ng Simbahan na maaari ka lamang magsumite ng mga pangalan ng mga kamag-anak mo, kaya pinahihintulutan ka nitong magsumite ng mga pangalan sa templo para sa mga linya ng kadugo, umampon, at tagapag-alagang pamilya na konektado sa iyong pamilya.
Pag-aampon sa Sambahayan ni Israel
Ang konsepto at pagsasagawa ng pag-aampon ay angkop sa halos lahat ng taong isinilang. Itinuro ni Mark A. Peterson, dating propesor sa Brigham Young University:
“Ang pag-aampon ay hindi limitado sa mga espesyal na kaso na tinatawag nating ‘ampon.’ Tumutukoy ito sa ating lahat. Si Apostol Pablo ay … nagsalita tungkol sa pag-aampon bilang proseso kung paano tayo nagiging miyembro ng tipan, at bahagi ng pamilya ni Abraham. … Para kay Pablo, ang katagang pag-aampon ay ginamit upang ipakita na ang mga naniniwala kay Jesus ay nagiging bahagi ng isang napakaespesyal na pamilya. Totoo ito para sa ating lahat na nabinyagan sa Simbahan ngayon. Tayo ay nagiging magkakapatid.
“Marahil ay pinakamalinaw ito sa Galacia:
“‘Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
“‘Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
“‘At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.’ [Galacia 3:27–29] …
“Ang pagiging bahagi ng sambahayan ni Israel ay ipinapahayag sa atin sa partikular na mga kataga kapag tinatanggap natin ang ating mga patriarchal blessing. Doon ay sinabi sa atin kung saang angkan tayo kabilang. Ito rin, sa maraming pagkakataon, ay isang pagpapakita ng paglikha ng pamilya sa pamamagitan ng proseso ng pag-aampon. Kung minsan sa loob ng isang pamilya ay may ilan na kabilang sa angkan ni Ephraim samantalang ang isa pa ay maaaring kabilang sa Juda o Dan o Manases. Ang pagiging miyembro sa bawat lahing ito ay kadalasang bahagi ng proseso ng pag-aampon na binanggit ni Pablo. Kapag pinipili nating sumunod at magsisi at tumanggap ng pagpapala ng tipan, malugod tayong tinatanggap sa sambahayan ng pananampalataya, ang Simbahan. Hindi na tayo mga estranghero at dayuhan kundi mga kapwa mamamayan at kapatid ng mga Banal.”5
Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan
Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan. Alam Niya na ang mabuklod sa walang-hanggang ugnayan ng pamilya ay magdudulot sa atin ng kagalakan sa anyo ng malalapit na koneksyon at pagmamahal na nadarama ng mga ugnayan ng pamilya. Sa pamamagitan ng panalangin, matutuklasan mo ang landas na dapat tahakin sa iyong sariling paglalakbay hinggil sa mga linya ng mga kadugo at umampong pamilya habang nakikibahagi ka sa gawain sa templo at family history sa buong buhay mo.