Mga Young Adult
Paano Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain—sa Pamamagitan ng Social Media
Sa pamamagitan ng social media, tinutupad ng mga missionary ang pangako na lalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo sa “lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.”
Nakaupo ang dalawang Temple Square missionary sa gamit-na-gamit na mga bangko ng Salt Lake Tabernacle, nakatitig sa isang computer screen nang turuan ko sila kung paano i-upload ang kanilang video footage sa isang video-editing program.
Pagkatapos ay bigla kong natanto: narito kami, gamit ang internet at kumplikadong software, nakaupo sa loob ng isang gusaling itinayo noong ika-18 siglo. Napakaraming kamangha-manghang turo ang naibahagi na sa gusaling ito. Sa nakalipas na 155 taon, narinig ng mga manonood nito ang daan-daang mahuhusay na tagapagsalita sa pulpito nito, kabilang na si Brigham Young, 12 iba’t ibang pangulo ng Estados Unidos, si Susan B. Anthony, at si Helen Keller.
At ngayon, sa gayong makasaysayang gusali, nagsimula kami ng isang bagong kabanata sa gawain ng Panginoon, isang pagbabago sa gawaing misyonero: tinutulungan ko, na isang YouTuber, ang mga missionary na matutuhan kung paano lumikha ng video content para sa social media.
Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) tungkol sa hinaharap ng gawaing misyonero: “Sa paglalaan ng Panginoon ng mga himalang ito ng komunikasyon, at sa ibayong pagsisikap at katapatan ng ating mga missionary at nating lahat, … tiyak na matutupad ang banal na utos: … ‘ang ebanghelyo ay dapat na maipangaral sa bawat kinapal’ [Doktrina at mga Tipan 58:64].”1
Sinabi iyan ni Pangulong Kimball noong 1974—halos 50 taon na ang nakararaan!—at mas totoo iyan ngayon kaysa noon. Ang gawain ng Panginoon ay sumusulong, lalo na sa panahon ng pandemyang COVID-19 kung kailan kailangang gamitin ang teknolohiya para sa mga missionary sa buong mundo—ang mensahe ng ebanghelyo ay lumalaganap sa “lahat ng bansa, lahi, wika, at tao” (Alma 37:4).
Mula sa Pagkatok tungo sa mga Notification
Sa buong dekada ng aking propesyon sa paglikha ng video content, nakita ko ang kapangyarihang makakonekta online sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Dahil hindi na opsiyon ang pagkatok sa mga pintuan sa panahon ng pandemya, maraming missionary ang binigyan ng mga smartphone para makakonekta sa mga taong maaaring hindi sila nagkaroon ng pagkakataong maturuan sa ibang paraan. At maraming mission din ngayon ang may mga dedikadong magkompanyon na naglilingkod bilang mga social media o tech specialist, tumutulong sa pagpapatakbo ng Facebook page ng mission, lumilikha ng social media content, gumagawa ng mga ad sa ComeuntoChrist.org, at pinangangasiwaan ang badyet na ginagamit sa mga ad.
Sinabi ni Elder Elias Magallanes sa Argentina Córdoba Mission na dahil sa teknolohiya, naturuan nilang magkompanyon ang maraming tao: “Naniniwala ako na maraming taong pinagpapala dahil natutuhan nila ang tungkol sa ebanghelyo.”
Idinagdag ni Sister Colby Sinclair, isa sa dalawang social media specialist sa Temple Square Mission, na ang kanyang mission ay nakakaabot sa mas marami pang tao sa mga video nito. “Marahil ay 15 oras ang ginugugol namin sa ginagawa naming video, pero nakakaabot kami sa 15,000 katao! Karaniwan ay may isang lesson kami sa bawat isa sa 15,000 kataong iyon, at aabutin iyon ng 15,000 oras.”
Pagsubok sa mga Bagong Bagay
Ngunit sa kabila ng mga pakinabang na nakukuha sa pagbabahagi ng ebanghelyo online, ilang pagsubok at pagkakamali ang nagawa upang mahanap ang mga pinakamainam na paraan para magawa ito.
Sabi ni Elder Magallanes: “Nang umalis ang lahat ng missionary at mga Argentine missionary lamang ang narito, walang sinumang nakaaalam kung paano gumamit ng mga smartphone. Kinailangan naming matuto sa pamamagitan ng pagsasanay at tuklasin kung paano gumagana ang mga bagay-bagay para sa aming sarili.”
Nalaman ng mga missionary sa France Paris Mission na ang pinaka-epektibo para sa kanila ay ang mag-post tungkol sa mga paksang naaangkop: kapayapaan, kagalakan, pananampalataya, at pasasalamat. Sinabi ni Sister Olivia Jackson: “Walang limitasyon ang gawaing misyonero. Napakaraming iba’t ibang paraan para mag-anyaya at magbahagi ng Liwanag ni Cristo.”
Nadama ni Sister Emily Webber sa Temple Square Mission na hindi siya kwalipikado na lumikha ng content para sa kanyang mission, ngunit natutuhan niya na kung aasa tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayong gamitin ang ating mga kakayahan upang maisakatuparan ang Kanyang gawain. “Alam ko na tumulong ang Diyos na paunlarin ang bawat kakayahang taglay ko para magawa ito. Mas nakikita ko ang kamay ng Panginoon kapag ginagawa namin ang content na ito.”
Bago umalis si Elder Ethan Glines papunta sa kanyang misyon sa Concepción, Chile, inakala niya na kailangang itigil nang dalawang taon ang kanyang mga talento sa pag-edit ng video. Ngunit nang ma-reassign siya noong panahon ng pandemya sa Omaha, Nebraska, USA, hiniling sa kanya ng kanyang bagong mission president na dalhin ang kanyang camera gear para lumikha ng social media content para sa mission. Nang bumalik si Elder Glines sa Chile, patuloy niyang ginamit ang kanyang mga talento sa pag-edit ng video sa pamamagitan ng kanyang assignment sa bagong tungkulin na social media specialist. Itinuring ito ni Elder Glines bilang isa pang saksi na talagang ang Diyos ay batid at may impluwensya sa lahat ng mga detalye ng ating buhay at “nais Niyang gamitin natin ang ating mga talento dahil ibinigay Niya sa atin ang ating mga talento.” Ginagamit ng mga missionary sa buong mundo ang kanilang mga kasanayan para isulong ang gawain ng Panginoon.
Kaya Ano ang Magagawa Ninyo?
Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bilang mga disipulo, ang dapat na layunin natin ay gamitin ang mga social media channel bilang kasangkapan sa pagpapakita ng liwanag at katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo na lalo pang napupuno ng kadiliman at pagkalito.”2
Ito ay para sa ating lahat: nagmisyon man kayo o hindi, kayo man ay isinilang sa tipan o convert, ang inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas ay magkakaroon ng epekto sa isang tao. At oo, ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa social media ay maaaring nakakawala ng tiwala sa sarili at nakakatakot, ngunit ang inyong patotoo, gaano man kasimple, ay kailangan.
Sinabi ni Sister Lucy Collins, na naglingkod sa Mormon Battalion Historic Site: “Kung naiisip ninyong magbahagi ng isang bagay sa social media tungkol sa ebanghelyo o ng isang mensahe ng pag-asa o kapayapaan o lakas, ibahagi ito! Ilang beses na ba kayong nakadalo sa isang testimony meeting kung saan nakaupo kayo roon at may ibang nagbabahagi ng kanilang patotoo at ikaw naman ay parang, ‘Wow, para sa akin ba iyon ngayon’? Gayundin ang pag-post ninyo ng inyong mga iniisip tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, dahil may isang tao sa mundo na nangangailangan nito. Kaya gawin lang ninyo iyon!”
Hindi kailangang maging mahaba o detalyado ang inyong patotoo para magkaroon ng epekto sa iba. Maaari ninyong sundin ang Espiritu para magbahagi ng isang simple at tunay na patotoo sa normal at natural na mga paraan. Narito ang ilang ideya para makapagsimula kayo:
-
Mag-repost o magbahagi ng content mula sa mga account ng Simbahan sa inyong personal account.
-
Anyayahan ang iba na sumama sa inyo sa isang aktibidad sa ward o institute.
-
Maging malikhain! Gamitin ang inyong mga kaloob at talento para lumikha ng content na nakasentro sa ebanghelyo.
-
Tanungin ang inyong mga lokal na missionary kung anong resources ang ginagamit nila at kung paano kayo makakabahagi.
Kapag hindi takot ang mga miyembro na ibahagi ang kanilang mga simpleng patotoo, maaantig nito ang napakaraming puso.
Mga Koneksyon higit pa sa mga Pananaw
Ilang taon na ang nakararaan, gumawa ako ng isang video para isama sa kampanyang Maging Ilaw sa Sanlibutan na pinanood ng mahigit 2.5 milyon. Naisip ko, “Dapat ba akong maglagay ng isang talata sa banal na kasulatan sa huli? O bigyan ko ng hamon ang mga tao na magpabinyag? Tungkulin ko bang ilaan ang aking YouTube channel sa gawaing misyonero?”
Talagang nahirapan ako sa huling tanong na iyon. Mas maraming tao akong naaabot ngayon kung ihahambing sa inabot ng mga naunang mga missionary at naunang mga pioneer kaysa sa pinangarap ko! Kaya nagpunta ako sa templo na taglay ang tanong na ito, na handa sa anumang sagot na matatanggap ko.
At ang sagot na dumating ay, “Gawin mo ang ministering mo, at gawin ang calling mo.”
Natanto ko na hindi kailangan ni Jesucristo na binyagan ko ang bawat isa sa mga subscriber ko. Kinailangan Niya akong magtuon sa paglilingkod sa mga taong nasa paligid ko.
Ang paglikha ng content ay isang aspeto lamang ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilan sa mga pinakaepektibong gamit ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa pamamagitan ng social media ay ang pagtulong sa mga kakilala ninyo, pagsagot sa mga komento, o pagpapadala ng mga tuwirang mensahe.
Hindi mahalaga kung ilang views o likes ang matatanggap ng isang video. Hindi mahalaga kung mayroon kang 2.5 milyong followers o 25. Ang pinakamahalaga ay ang pagkonekta sa isang tao—ang maglingkod sa isang tao. Tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Dinadala ng mga missionary ngayon ang gawain ng kaligtasan sa lahat ng sulok ng mundo—o kung gaano kalayo ang mararating nila gamit ang internet—at magagawa rin natin iyan. Maibabahagi natin ang ating simpleng patotoo, makakagawa tayo ng content na magpapasigla at magbibigay-inspirasyon sa iba, at makakatulong tayo sa isang taong nangangailangan nito.