“Ang mga Babaeng Sumunod kay Jesus mula sa Galilea,” Liahona, Mar. 2022.
Ang mga Babaeng Sumunod kay Jesus mula sa Galilea
Tatlong aral mula sa matatapat na kababaihan na sumunod kay Jesucristo.
Noong 1883, isinulat ni Helen Mar Whitney na “sa buhay ni Cristo, makikita [natin] ang katapatan na ipinakita ng babae. Huli siyang nanatili sa Krus, at unang nagpunta sa Libingan.”1 Bagama’t hindi tinukoy ni Sister Whitney kung sinu-sinong kababaihan ang inilalarawan niya, kabilang sa kanila ang kababaihang sumunod kay Cristo mula sa Galilea. Inilarawan ni Lucas ang mga babaeng ito, isinusulat na si Jesus ay “nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon, na [nangangaral]. Kasama niya ang labindalawa, at ang ilang babae na pinagaling … , si Maria na tinatawag na Magdalena, … si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba, na naglingkod sa [kanya] ng kanilang mga ari-arian” (Lucas 8:1–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pariralang “marami pang iba” ay nagpapahiwatig ng isang grupo na may malaking bilang. Maraming matatapat na kababaihan ang kasama ni Cristo. Tinuturuan tayo ng mga babaeng ito na itayo ang kaharian ng Diyos at samahan ang mga nagdurusa. Itinuturo nila sa atin na maging matapang at manatiling malapit kay Cristo kahit mahirap ang mga bagay-bagay. Marahil ang pinakamahalaga, itinuturo nila sa atin na sa pamamagitan ni Cristo ay maaari nating lisanin ang kadiliman at pasukin ang liwanag.
Sina Maria Magdalena, Juana, Susana,2 at ang maraming iba pang kababaihan na sumunod kay Cristo ay hindi lamang naghintay; sa halip, sila ay aktibo at nagbigay ng materyal na suporta sa Kanyang ministeryo (tingnan sa Lucas 8:2–3). Partikular na binanggit si Juana bilang asawa ng katiwala ni Herodes, na malamang na nangangahulugan na ang kanyang asawa ay nasa posisyong may kakayahan at awtoridad para kay Haring Herodes Antipas, ang pinuno sa Galilea.
Nang samahan ng kababaihang ito si Cristo sa Galilea, sila ay malamang na nakinig sa marami sa Kanyang mga pangaral, nakinig sa Kanyang mga talinghaga, at nakasaksi sa mga himalang tulad ng pagpapagaling sa babaeng inaagasan ng dugo at sa babaeng 18 taon nang may karamdaman (tingnan sa Lucas 8:43–48; 13:11–13). Marahil ay naroon sila sa pagpapakain sa 5,000 at marami pang ibang mga himala (tingnan sa Lucas 9:12–17; 14:1–4). Nang matapos ang pagmiministeryo ni Cristo sa Galilea, ang ilan sa mga babaeng ito ay sumunod sa Kanya sa isang linggong paglalakbay patungong Jerusalem (tingnan sa Mateo 27:55–56).
Makidalamhati sa mga Nagdadalamhati
Isipin sandali ang katotohanan na ang mga babaeng ito ay sumama kay Cristo mula sa Galilea at naroon nang ipako Siya sa krus. Bagama’t hindi partikular na binabanggit sa mga banal na kasulatan ang kanilang pakikibahagi sa iba pang mga pangyayari sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas, malamang na sila ay naroon sa matagumpay na pagpasok, nakinig sa Kanyang mga turo sa templo, at marahil ay nakibahagi sa iba pang mga pangyayari.
Itinala ni Lucas na ang grupong ito ng kababaihan ay naroon sa Kalbaryo: “Lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya’y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang [Pagpapako sa Krus]” (Lucas 23:49). Tinutukoy ni Mateo ang pangkat ding ito ng kababaihan, itinatala na sa krus, “marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya. Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo” (Mateo 27:55–56).3
Isipin ang matinding kalungkutang nadama sa krus ng mga babaeng ito habang minamasdan nila ang pagdurusa ng Tagapagligtas. Nagdaan na tayong lahat sa mga pagkakataon na dumanas ng trahedya ang mga mahal natin sa buhay at wala tayong magawa na kahit anumang bagay tungkol dito. Bagama’t hindi mababago ng kababaihan sa krus ang sitwasyon, nanatili silang kasama ng Tagapagligtas sa Kanyang napakatinding pasakit. Ipinapakita sa atin ng kanilang mga halimbawa na ang isang paraan para “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” (Mosias 18:9) ay ang samahan lamang ang mga nagdurusa.
Maging Matapang at Manatiling Malapit
Ang mga babaeng ito ay nagbibigay din ng halimbawa ng katapangan. Ang pananatili nila sa krus ay maaaring naglagay sa kanila sa panganib, dahil nagpakita ito na sila ay nauugnay sa isang taong pinarusahan ng kamatayan ng Roma. Ang isinulat ni Camille Fronk Olson tungkol kay Maria, na ina ni Jesus (na naroon din sa krus), ay totoo rin sa mga babaeng ito: “Nakatayo nang malapit kay Jesus na sa tingin ng iba ay isang nakakahiyang pagdurusa, ipinahayag din ni Maria na ang kanyang takot sa Diyos ay mas malaki kaysa sa kanyang takot sa tao. Anuman ang akusasyong maaaring ibato sa kanya ng sinumang nanonood sa paligid, ang tahimik na katatagan ni Maria ay nagpapahayag na hindi tulad ng iba sa kanyang mga disipulo, hindi niya itatatwa ang kanyang pakikisalamuha kay Jesus.”4
Ang grupong ito ng maraming kababaihan ay hindi lamang naroon sa pagkamatay ni Cristo kundi “tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. Sila’y umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila’y nagpahinga ayon sa kautusan” (Lucas 23:55–56). Dahil sa panganib na naranasan nila mula sa mga awtoridad ng mga Judio o sa mga Romano, ang mga babaeng ito ay naghanda na dapat na agad na umalis sa bayan. Sa halip, naghanda sila ng mga pabango para sa katawan ni Cristo (tingnan sa Lucas 24:1). Kahit hindi tiyak ang kanilang hinaharap, nanatili silang malapit sa kinaroroonan ni Jesus. Tinutukoy ang Sabado pagkatapos ng Pagpapako sa Krus, itinanong ng Kristiyanong awtor na si Max Lucado: “Kapag Sabado sa iyong buhay, paano ka tutugon? Kapag ikaw ay nasa pagitan ng trahedya ng nagdaang araw at ng tagumpay kinabukasan, ano ang gagawin mo? Iiwan mo ba ang Diyos—o mananatili kang malapit sa kanya?”5 Tinuturuan tayo ng mga babaeng ito na manatiling malapit kay Jesus, kahit sa mahihirap na panahon.
Lumapit sa Liwanag
Hindi nakakagulat na ang pangkat ding ito ng kababaihan ang nauna sa puntod sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay (tingnan sa Lucas 24:1–10).6 Ipinahayag sa kanila ng anghel ang masayang balita:
“Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?
“Wala siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya’y nasa Galilea pa” (Lucas 24:5–6).
“Naalaala [ng mga babae] ang kanyang mga salita,” bumalik sila, at “ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa” (Lucas 24:8–9).
Sinabi sa atin ni Apostol Juan na si Maria Magdalena ang unang taong nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa Juan 20:11–17). Marahil ay kahanga-hanga ito kapag aalalahanin natin na itinala ni Lucas na noong naunang panahon sa buhay ni Maria, siya ay sinapian ng “pitong diyablo” (Lucas 8:2). Makikita natin dito na si Maria ay nagmula sa napakahirap na kalagayan ngunit kalaunan ay naging unang saksi ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Ipinahihiwatig nito na kapag nakikipag-ugnayan tayo kay Jesucristo, matutulungan Niya tayong lisanin ang kadiliman at lumapit sa liwanag. Anumang mga hamon ang naranasan natin noon, makadarama tayo ng kagalakan sa paglapit kay Cristo ngayon.
Sina Maria Magdalena, Juana, Susana, at ang iba pang kababaihang sumunod kay Cristo mula sa Galilea ay napakabubuting halimbawa ng mga disipulo na tumutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Itinuturo nila sa atin na samahan ang mga taong nagdurusa, na maging matapang, at huwag iwan si Jesus—kahit sa mga sandaling puno ng hamon. Itinuturo sa atin ng mga babaeng ito, na mga saksi ng nabuhay na mag-uling Cristo, na sa pamamagitan Niya, tayo ay makaaalis sa kadiliman at makalalapit sa liwanag.
Noong 1893, isinulat ng Banal sa mga Huling Araw na si Lu Dalton ang sumusunod na mga linya na naglalarawan ng lakas ng kababaihang ito na sumunod kay Jesucristo:
Unang bumati nang may pagmamahal sa kanyang pagsilang,
Huling tumalikod sa kanyang kamatayan,
Unang nagbigay ng liwanag sa kanyang tahanan,
Huling sumuko at tumigil lumaban.
Huling naiwan sa krus ng kanyang ipinakong Panginoon,
Unang nakakita nang siya’y nagbangon,
Unang nagpahayag na siya’y muling nabuhay,
Gumiba ng bilangguan ng kamatayan.7