2022
Ibigay Mo nang Buo ang Iyong Sarili
Marso 2022


“Ibigay Mo nang Buo ang Iyong Sarili,” Liahona, Mar. 2022.

Pagtanda nang May Katapatan

Ibigay Mo nang Buo ang Iyong Sarili

Kahit nangangahulugan ito na kailangan mong “iwagwag ang sarili mo,” ang senior missionary service ay magdudulot sa iyo ng kagalakan.

Larawan
mag-asawang senior missionary kasama ng mga katutubo sa Laos

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ilang buwan matapos kaming bumalik ng asawa ko mula sa paglilingkod ng isang humanitarian mission, nagsimula akong magbalik-tanaw. Bakit napakamakabuluhan pa rin ng aming misyon?

Kapag hinihilingan kaming magsalita tungkol sa aming mga karanasan, para itong bumubulwak na talon ng kabutihan na bumubuhos sa akin at dinadala ako ng mga agos nito sa panahon at mga karanasang pinagdaanan namin kasama ng mabubuting tao ng Laos.

Naaalala ko ang isang nakatutuwang awitin na dati naming kinakanta kasama nila. Ito ay tinatawag na “The Hokey Pokey,” at ang huling talata ay kinapapalooban ng pariralang, “Ibigay mo nang buo ang iyong sarili, at iwagwag mo ang sarili mo.” Kapag inaawit namin ang kanta, masayang sumasali ang mga tao. Iwinawagwag nila ang sarili nila at sumasayaw, at pagkatapos ay nagpapalakpakan sila ng kanilang mga kamay sa kaligayahan.

Sa palagay ko ay ibinubuod ng awiting iyon ang aming damdamin tungkol sa aming misyon—ibinigay namin nang buo ang aming sarili sa gawain ng Panginoon. Hindi nagtagal ay nalaman namin kung gaano kami pinagpala na makibahagi sa kultura ng mga taga-Laos. Bilang mga humanitarian missionary, natulungan namin sila sa pamamagitan ng pagtuturo ng Ingles. Nag-usap, sumayaw, at nagpaikot-ikot lang kami sa aming mga klase. Pero napakatamis ng isinukli nito sa namin. Natuklasan namin na tulad ng pagmamahal namin sa kanila, minahal din nila kami.

Ang aming misyon ay naging espesyal na panahon sa aming buhay na talagang matatawag naming sa amin. Binigyang-kahulugan nito ang panahon ng aming katandaan. Buong buhay kaming nagpalaki ng aming mga anak, nagtrabaho para kumita, bumili ng bahay, at gumawa ng lahat ng bagay na tila napakahalaga sa paglalakbay. Pagkatapos ay dumating ang pagreretiro at ang tanong na, “Ano ang gagawin natin ngayon?”

Ang mensahe ko ay kung gusto mong makahanap ng nagtatagal na kaligayahan, lumabas at tumulong sa isang tao. Doon nagmumula ang tunay na kagalakan—sa paglilingkod. At ang napakagandang sorpresa ay habang nagbibigay ka, nakatatanggap ka din nang sagana. Nalaman namin na marami sa mga taga-Laos ay walang gaanong materyal na ari-arian. Ngunit mayaman sila sa kagalakan ng pamumuhay, isang kagalakang malaya nilang ibinahagi sa amin. Dinagdagan nila ang kakayahan naming magalak.

Larawan
mga taong nagsasayaw

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Kaya, huwag matakot na “ibigay nang buo ang iyong sarili,” kahit nangangahulugan ito na kailangan mong “iwagwag ang sarili mo.” Kumanta at sumayaw sa ibang kultura at makikita mo rin ang isang talon ng kabutihan na bubuhos sa iyo. Isa iyan sa mga sikreto ng paglilingkod sa humanitarian mission—ikaw ay kapwa nagbibigay at nakatatanggap. Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit araw-araw na mapalad kaming naging bahagi ng napakagandang pagkakataong iyon, na ipalaganap ang diwa ng ebanghelyo sa ating mga kapatid sa Laos.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Print