“Hinahanap Mo Ba si Cristo Araw-araw?,” Liahona, Mar. 2022.
Mga Young Adult
Hinahanap Mo ba si Cristo Araw-araw?
Ang karanasan ko sa templo ay nakatulong sa akin na maunawaan na kailangan kong hangaring matagpuan si Cristo araw-araw.
Ang awtor ay naninirahan sa Guatemala.
Noong bata pa ako, madalas kong itanong sa sarili ko ang tulad ng “Nagsasalita ba ang Banal na Espiritu?” “Kapag pumunta ako sa langit, makikita ko ba ang Diyos?”
Ngayong mas matanda na ako, makakapagbalik-tanaw ako at makikita na ang Ama sa Langit ay palaging gumagabay sa akin at nagpakita sa akin ng katibayan na totoo Siya, ngunit hindi ko palaging nakikita ang Kanyang kamay sa buhay ko. Mapalad akong mapalaki sa isang tahanan na may ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit nabuhay ako sa hiram na patotoo sa loob ng mahabang panahon. Mahirap para sa akin na maniwala na tunay na totoo ang Diyos.
Isang araw, noong mga 15 taong gulang ako, ibinalita ng bishop ko ang isang ward temple trip. Sanay na akong pumunta sa templo kasama ang pamilya ko, kaya hindi ko inisip na malaking bagay ito. Wala naman talaga akong gaanong nadama kailanman at hindi ko naunawaan ang kahalagahan ng mga tipan at ordenansang isinasagawa sa templo.
Nang dumating ang araw na iyon, pumasok ako sa templo at isinuot ang puting jumpsuit ko. Nang madaan ako sa isang salamin habang naglalakad, nakita ko ang isang sulyap ng aking sarili na nakasuot ng puting damit at may ngiti sa aking mukha. Habang naghihintay ako sa iba pang mga miyembro ng aking ward, namangha ako. Pinag-isipan ko ang kagandahan ng bautismuhan at ng mga ipinintang larawan nang biglang nadama ko ang Espiritu na marahang umantig sa puso ko.
Hinding-hindi ko malilimutan ang mga salitang pumasok sa isip ko: “Orson, ito ang bahay ng Panginoon. Mahal ka Niya. Nais Niyang baguhin mo ang iyong buhay at sikaping maging mas mabuting tao nang paunti-unti.”
Nakadama ako ng labis na pagmamahal sa mga salitang iyon ngunit bigla akong nabigatan dahil sa pagkabagabag ng konsiyensya. Hindi ko sineryoso ang templo hanggang sa puntong ito. Kaya nagdasal ako sa puso ko, hinihiling sa Ama sa Langit na patawarin ako.
At alam kong narinig Niya ang aking panalangin dahil nakadama ako ng labis na kapayapaan sa puso ko.
Noong araw na iyon, pinalalim ko ang aking pananampalataya at natanggap ko ang inasam kong tunay na patotoo sa ebanghelyo. Noong araw na iyon, matatag kong nasabi tulad ng dalawang disipulo ni Juan: “Natagpuan [ko na] ang Mesiyas” (tingnan sa Juan 1:41).
Mga Simpleng Paraan para Makakonekta
Mula nang maranasan ko ito, sinikap kong mas makilala ang impluwensya ng Ama sa Langit sa aking buhay sa pamamagitan ng paghahanap kay Jesucristo araw-araw. Bagama’t maaaring gawing mahirap ng mundo ang pakikinig sa tinig ng Tagapagligtas kung minsan, alam ko na ngayon na Siya talaga ay tunay at Siya ay kasama ko.
Marami sa atin ang may mga araw na parang mas malapit tayo sa langit kaysa karaniwan. Mayroon din tayong mga araw na nahihirapan tayong madama ang Kanyang impluwensya gaano man natin subukan o mga abalang araw na wala tayong sapat na oras para hanapin Siya. Ngunit alam ko na kung tapat tayong nagnanais na hanapin Siya, makikita natin ang Kanyang kamay sa ating buhay.
Kapag nadarama mong malayo ka sa Tagapagligtas, itanong sa iyong sarili, sinisikap ko bang hanapin ang Mesiyas araw-araw?
Kapag hinangad nating maging katulad ng mga Apostol noong unang panahon, na iniiwan ang ating mga lambat (tingnan sa Mateo 4:20) at iba pang mga responsibilidad at interes sandali para bumaling sa Kanya, matatagpuan natin Siya.
May mga pinagmumulan ng espirituwal na lakas na makatutulong sa atin. Ipinaalala sa atin ni propetang Alma na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6). Ang maliliit na gawain ng pananampalataya at espirituwal na gawain natin sa bawat araw ay makatutulong sa atin na mas palawigin ang ating kakayahang makilala ang Panginoon sa ating buhay.
Ang ilan sa mga espirituwal na kasangkapang ito ay maaaring:
-
Pagdarasal nang may pananampalataya
-
Sadya at makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan
-
Paglilingkod sa iba nang walang pag-iimbot
-
Pagbabahagi ng patotoo sa kaibigan
-
Pakikinig sa mga himno o espirituwal na musika
-
Pagdalo sa institute
-
Pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath
-
Pag-aayuno
-
Pagbisita sa templo nang regular.
Maraming bagay ang makatutulong sa atin na mahanap si Jesucristo, ngunit ang susi ay ang patuloy na paghahanap sa Kanya. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson “[Habang nagsisikap tayong maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.”1
Siya ba ay Natagpuan na Ninyo Ngayon?
Kahit hindi mo pa natatanggap ang lahat ng sagot na hinahanap mo ngayon, magpatuloy ka! Hanapin lamang si Cristo at piliing manampalataya sa Kanya. Kung sisikapin mong hanapin Siya araw-araw sa pamamagitan ng maliliit na gawa, alam ko na madarama mo ang Kanyang yakap mula sa langit. Alam kong totoo ito dahil nadama ko na ito.
Kinikilala ng Ama sa Langit ang ating mga pagsisikap. Hindi ganoon kahalaga sa Kanya kung gaano kalaki ang mga bagay na ginagawa natin para patibayin ang ating espiritu kung masasabi natin araw-araw nang may katatagan at katiyakan: “Natagpuan ko ang Mesiyas sa araw na ito!”
Dalangin ko na makilala at mahalin natin ang ating Tagapagligtas araw-araw. Na gagawin natin ang iminungkahi ni Moroni at “hanapin ang Jesus na ito” (Eter 12:41). Nawa’y makita natin, sa katapusan ng bawat araw, Siya na isinulat ni Moises at ng iba pang mga propeta: si Jesus ng Nazaret. Sa paghahanap kay Cristo, makikita natin ang kamay ng Diyos sa ating buhay. At kapag mas hinanap natin si Cristo araw-araw, mas makikita natin Siya at makikilala natin ang Kanyang tinig, na pumapatnubay at gumagabay sa atin sa buong buhay natin.