Digital Lamang: Mga Young Adult
Binabago Mo ba ang Ebanghelyo upang Umakma sa Iyong Buhay?
Ang isang natatanging disenyo ng gusali ay nakatulong sa akin na maunawaan kung gaano kahalaga na baguhin ang ating buhay upang umakma sa ebanghelyo—at hindi ang kabaligtaran.
Kamakailan lamang ay nakakita ako ng larawan ng isang kakaibang gusali. Sa harapan ng gusali, may isang malaking puno na malinaw na matagal nang naroon bago pa man itinayo ang gusali. Sa gilid ng gusali, may dalawang palapag ng balkonahe na nilagyan ng butas upang tulutan ang mga sanga ng puno na lumago palabas. Patuloy na lumalago ang puno sa tabi ng gusali, habang ang katawan nito ay patuloy na lumalago palabas sa isang butas sa bubong.
Habang tinitingnan ko ang larawang ito, napaisip ako nang husto tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo.
Napaisip ako: Nais ba nating baguhin ang ating buhay upang umakma sa ebanghelyo, o sinusubukan ba nating baguhin ang ebanghelyo upang umakma sa ating buhay?
Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2021, sinabi ni Elder Chi Hong (Sam) Wong ng Pitumpu: “Ang ebanghelyo ay hindi maliit na aspeto ng ating buhay, ngunit ang ating buhay ay maliit na bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-isipan ninyo ito. Hindi ba’t totoo iyan?”1
Ang sagot ko ay oo, totoo ito.
At ang pag-unawa sa mahalagang aral na ito ay makatutulong sa atin na maiwasan ang pighati sa buong buhay natin at matutong lubos na magbalik-loob at maging tapat sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.
Ang Karunungan at mga Tinig ng Mundo Laban sa Karunungan ng Diyos
Pag-usapan natin ang magandang gusali na ito at ang puno na patuloy na lumalago palabas nito. Maaari sigurong sinabi na lang ng arkitekto na sagabal ang puno—“Nakahahadlang ito sa proyektong gusto kong isagawa.” O maaari sigurong sinabi na lang ng may-ari ng gusali, “May pera ako—putulin na lang ang punong ito upang magkaroon ng espasyo na pagtatayuan ng gusali.” Ngunit hindi nila sinabi iyon. Sa halip, pinili nilang baguhin ang disenyo ng kanilang gusali upang umakma sa puno na matagal nang naroon.
Kapag tiningnan ito sa pananaw ng ebanghelyo, hindi natin maaaring baguhin ang mga alituntunin at doktrina ng ebanghelyo na itinakda magpakailanman—mga alituntunin at doktrina na para sa ating kapakinabangan. Tunay ngang tayo ay “malayang makapipili” (2 Nephi 2:27) kung mamumuhay tayo ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit hindi natin mapipili ang mga bunga ng ating mga pagpili.
Alalahanin natin ang nangyari kay Uzah sa Lumang Tipan:
“Iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.
“Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos” (2 Samuel 6:6–7).
Sa pagsisikap na patatagin ang arka, ipinakita ni Uzah na akala niya ay mas marunong siya kaysa sa Panginoon. Ngayon ay nahaharap tayo sa mga makabagong Uzah, na nagsisikap na iunat ang kanilang mga kamay, o gamitin ang kanilang karunungan, adyenda, o ideya upang ipatupad ang mga sarili nilang batas sa halip na ang mga batas ng Diyos. Naniniwala sila na mas marunong sila kaysa sa Panginoon at hinahangad nilang ilayo tayo sa mga tamang alituntuning ibinigay Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na propeta. Maaari nilang subukang kumbinsihin tayo na gumawa ng mga pagbabago o sumuporta sa mga bahagi ng ebanghelyo na akma sa ating ninanais na pamumuhay.
Ngunit inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng mga pagbabago sa ating buhay upang masunod ang dalisay at walang hanggang ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil kapag ginawa natin iyon, mapagpapala Niya tayo.
Ang mga Pagpapala ng Pagtanggap sa Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo
Tulad ng inilalarawan ng gusaling ito at ng puno, maaari nating piliin na igalang ang mga alituntunin ng ebanghelyo na matagal nang itinakda, tulad ng arkitekto ng gusali na piniling igalang ang kalikasang matagal nang naroon. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-aakma ng ating buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo at hindi ang kabaligtaran, na maaaring humantong sa masasakit na bunga, tulad ng napakalungkot na karanasan ni Uzah. Kapag inalala natin na hindi natin “nauunawaan … ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon” (Mosias 4:9) at na “nalalaman niya ang lahat ng bagay” (Alma 26:35), mauunawaan natin na binigyan Niya tayo ng mga kautusan o tagubilin na ipamumuhay para sa ating kaligayahan, proteksyon, at, sa huli, walang hanggang kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:8–9).
Lubos akong naniniwala sa kapangyarihan at karunungan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo—at na ang Kanilang kapangyarihan at mga pagpapala ay mapapasaatin kapag sinunod natin ang Kanilang mga kautusan na itinakda Nila para sa ating ikabubuti. Naparito tayo sa lupa upang manampalataya at sumunod sa Ama sa Langit nang sa gayon ay makaranas tayo ng walang hanggang kaligayahan at kagalakan at makabalik tayo sa Kanya.
Alam ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay na lugar kung saan matututuhan nating maging lalong katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin ng mga makabagong propeta—sapagkat ang kanilang mga tagubilin ay karapat-dapat paniwalaan at ibinigay mismo ng Tagapagligtas upang makatulong na gabayan tayo sa ating paglalakbay pabalik sa Kanya.