2022
Ang Paglilingkod sa Akin ng Ibang Tao ay Tumulong para Mapalalim Ko ang Aking Katapatan sa Ebanghelyo ni Jesucristo
Marso 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Paglilingkod sa Akin ng Ibang Tao ay Tumulong para Mapalalim Ko ang Aking Katapatan sa Ebanghelyo ni Jesucristo

Nang sumapi ako sa Simbahan, ang mga pagsisikap sa ministering ng mga miyembro ay naging kasing-halaga ng mga lesson ng mga missionary.

grupo ng mga young adult na magkakasamang nakaupo sa mesa

Larawang kuha na ginamitan ng mga modelo

Noong una akong sumapi sa Simbahan, maraming bahagi nito ang nakalilito. Alam ko ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, na itinuro sa akin ng mga kahanga-hangang missionary, pero walang nagturo sa akin tungkol sa organisasyon ng Simbahan. Ang elders quorum, Relief Society, institute, at ang marami pang ibang mga programa at alituntunin ay hindi ko alam. Ang alam ko lamang ay dapat akong magsimba tuwing Linggo, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at manalangin.

Gayunman, mapalad akong magkaroon ng mga kaibigan na tumulong sa akin na suungin ang aking kawalang-katiyakan noong una. Maaaring ipinakilala ako ng mga missionary sa ebanghelyo, pero sa pamamagitan ng paglilingkod na katulad ng kay Cristo mula sa maraming miyembro ay patuloy kong napalakas ang aking patotoo.

Narito ang ilan sa mga taong nagpala sa buhay ko sa pamamagitan ng kanilang mga pagsisikap sa ministering.

1. Ang Pamilyang Nagsama sa Akin

Isa sa mga unang pamilyang tumatak sa aking isipan ay matatagal nang miyembro sa branch na dinaluhan ko malapit sa bahay ko sa Malaysia. Kapag nakikita nila ako sa simbahan tuwing Linggo, sinasalubong nila ako ng malalaking ngiti sa kanilang mga mukha. Ginabayan din nila ako sa mga klase at ipinakita sa akin kung saan pupunta at sinusundo at inihahatid pa ako papunta sa simbahan kung minsan. Kalaunan ay sinimulan din nilang anyayahan ako na maghapunan sa bahay nila. Talagang tinanggap ng pamilyang ito ang ebanghelyo sa kanilang buhay, at ipinakita nila ang kanilang katapatan kay Jesucristo sa pamamagitan ng tunay na pagmamalasakit at pagmamahal sa akin. Dahil sa kanilang ministering, naging malapit kaming magkakaibigan, at nadama ko na mas nagkakaisa kami sa branch at na para kaming isang malaking pamilya.

2. Ang mga Young Adult na Nasa Katulad na Kalagayan

Tumanggap din ako ng maraming tulong at suporta mula sa iba pang mga young single adult. Talagang naging malapit ako sa karamihan sa kanila sa simula pa lang ng pagbabalik-loob ko dahil karamihan sa amin ay kami lang ang mga miyembro ng Simbahan sa aming mga pamilya. Dahil sa mga sitwasyon namin, umasa kami sa isa’t isa para makaunawa at nagbigay ng ligtas na kanlungan para sa isa’t isa. Madalas kaming magtipon para kumain at magdaos ng mga aktibidad. Ang pagiging kasama ng bawat isa, pagbabahagi ng aming pagmamahal sa ebanghelyo, at pagsuporta sa isa’t isa ay nakatulong sa akin na mapalalim ang aking pananampalataya at asamin ang ilan sa mga aspeto ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa simbahan.

3. Ang Mag-asawang Itinuring ang Ministering na Higit pa sa Isang Tungkulin

Ang mga pagsisikap sa ministering ng isang mag-asawa ay nagpadama rin sa akin na may mga kapamilya ako sa Simbahan. Talagang itinuring ko sila bilang lolo’t lola ko sa Simbahan—itinuring nila ako na tulad ng isang apo.

Siyempre, naging mga young adult adviser sila sa district at naging tungkulin nilang maglingkod sa mga young adult, ngunit hindi nila kailanman itinuring na simpleng tungkulin lamang ang kanilang mga responsibilidad. Higit pa sa inaasahan ang ginawa nila para humanap ng mga pagkakataong alagaan kami bilang mga young adult. Kung kailangan ko o ng iba pang mga young adult sa lugar namin ng makakausap, ng magbibigay sa amin ng payo, o kahit ng masasandalan, naroon ang mag-asawang ito para sa amin.

Ang isang partikular na nakakatulong na gawain na ipinagawa sa akin ng sister na iyon bago ako nagmisyon ay ang ipabasa sa amin ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya araw-araw at ipinabahagi niya ang aming mga iniisip tungkol dito. Ginawa namin ito sa loob ng ilang buwan, hanggang isang araw bago ako umalis para magmisyon. Ang mga araw bago simulan ang paglilingkod bilang missionary ay nakaka-stress at mahirap, ngunit naniniwala ako na ang kanyang pagtitiyaga at kahandaang gawin ang gawaing ito kasama ko araw-araw ay nakatulong sa akin na makarating sa kinaroroonan ko ngayon.

Gumagawa ng Kaibhan ang Ministering

Ang epektibong ministering ay maaaring magpabago sa buhay ng isang tao magpakailanman—ako ay patunay niyon—lalo na kapag handa tayong tumanggap ng tulong. Tulad ng nakasaad sa Alma 37:6, “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.” At totoo iyon. Ang maliliit na paglilingkod na natanggap ko, tulad ng pag-anyaya sa hapunan ng mapagmahal na pamilyang iyon sa aking branch, pagtanggap ng suporta mula sa iba pang mga young adult, at pagkakaroon ng pagkakataong basahin ang mga mensahe sa kumperensya kasama ang sister na iyon, ay nakagawa ng malaking kaibhan. Ang ministering ay hindi nilayong maging mahirap; ang mga simpleng pagpapakita ng pagmamahal at kabaitan ang nakapagpapabago nang husto sa buhay ng isang tao.

Dahil sa kahandaan ng mga miyembrong ito na makita ang aking mga pangangailangan at magpakita sa akin ng pagmamahal, nagkaroon ako ng sapat na suporta para patatagin ang aking patotoo, at naglilingkod ako sa misyon ngayon. Ang mga salita ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President, ay totoo: “Sa huli, ang tunay na ministering ay maisasakatuparan nang paisa-isa na pag-ibig ang motibasyon.”1 At alam ko na kapag aasa tayo sa patnubay ng Espiritu, makapaglilingkod tayo nang tulad ng ginawa ni Cristo at madadala natin ang iba sa Kanya.