Liahona
Ang Aming mga Pakikibaka ay Naging mga Pagpapala sa Amin
Disyembre 2024


“Ang Aming mga Pakikibaka ay Naging mga Pagpapala sa Amin,” Liahona, Dis. 2024.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Ang Aming mga Pakikibaka ay Naging mga Pagpapala sa Amin

Sa kabila ng aming mga pagdurusa sa mahihirap na panahon sa Kenya, nagpaabot ng saganang magigiliw na awa ang Panginoon sa amin.

ang awtor na nakatayo sa labas kasama ang kanyang asawa’t anak

Larawang-kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Hindi matiwasay ang buhay kung minsan sa Nairobi, kabisera ng Kenya sa East Africa. Pero bilang mga anak ng isang middle-class factory manager, kami ng dalawa kong kapatid ay maraming makakain at may tahanan na naroon na ang lahat ng kailangan namin.

Gayunman, mabilis na ginulo ng mga halalan noong 2008 ang aming komportableng buhay, at nagkaroon ng kaguluhan sa bansa. Naglipana ang mga rebelde sa mga kalye at ninakawan ang mga tindahan. Sa pagpasok sa trabaho, kinailangan ng tatay ko ng police escort.

Para maging ligtas, nilisan namin ang lungsod at lumipat kami sa isang bahay na itinayo ng tatay namin na 450 km (280 milya) ang layo, sa Busia, Kenya. Pero kahit doon, ikinandado namin ang aming mga pinto.

Walang duda, ang Pasko noong 2009 ang pinakamahirap na panahon para sa amin. Araw-araw noong Kapaskuhang iyon, natakot kaming mamatay. Nakakubli ang mga tao sa labas ng bahay namin, na sabik at handang magnakaw. Isang grupo ng mga magnanakaw ang lumapit sa amin minsan na may dalang mga itak. Madalas ay takot kaming buksan ang pinto. Kumbinsido ako na pinanatili kaming ligtas ng mga dalangin ng tapat kong ina.

Sa panahong iyon, wala nang trabaho ang tatay ko. Agad naubos ang pagkain. Ang naging pagkain namin para sa Pasko noong taong iyon ay pinakuluang mga dahon na pinitas sa mga halamang beans na itinanim ng nanay ko. Sa kabila ng aming mga pagdurusa, nanatiling matatag ang aking ama, bagama’t nakaramdam din siya ng matinding sakit.

Nangamba kami nang husto at halos mawalan kami ng pag-asa. “Bakit nangyari ito?” tanong namin sa aming sarili. “Bakit kami nagdaraan sa ganitong mga paghihirap pagkatapos na pagkatapos naming sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?”

Dakilang mga Awa

Isang gabi dalawang senior missionary na alam ang mga panganib sa lugar namin ang lakas-loob na nagpunta para maghatid sa amin ng isang mensahe ng kapayapaan. Lumakas ang loob namin nang bigkasin nila ang patotoo at pangako ni Nephi sa 1 Nephi 1:20: “Ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas.”

Naniwala kami roon.

Ipinaunawa sa amin ng mga missionary na anuman ang aming mga pagdurusa, inaasahan ng Panginoon na patuloy kaming mamumuhay nang tapat. Malinaw kong naaalala ang kapayapaan at kapanatagang nadama ko noong gabing iyon. Alam ko, higit kailanman, na nag-aalala ang Panginoon sa amin at sa aming kalagayan. Nang gabing iyon, at sa mga oras ng pagsubok pagkatapos, nalaman ko na ang Kanyang magigiliw na awa ay kahanga-hanga.

Nang dumating ang panahon para magmisyon ako, nadama ko ang pagnanais na biyayaan ng ebanghelyo ang mga tao sa kalapit na Uganda, pero gusto ko ring turuan ang mga tao sa Zimbabwe, ang tahanan ng missionary na nagbinyag sa akin.

Nagdasal ako, pero sa puso ko, wala akong nakitang paraan para makapaglingkod ako sa dalawang bansang magkalayo. Hindi nagtagal, natanggap ko ang tawag sa akin na maglingkod sa Zimbabwe, pero habang nasa missionary training center ako sa Johannesburg, South Africa, naantala ang visa ko. Inilipat ako sa Uganda, kung saan ako naglingkod nang walong buwan bago ko natanggap ang visa clearance para sa Zimbabwe.

“Mahiwaga ang mga paraan ng Panginoon,” naisip ko sa sarili ko.

Ang una kong area sa Zimbabwe ay sa Chikanga Mutare. Sa kasabikang mahanap ang pamilya ng missionary na nagbinyag sa akin, pinag-aralan namin ng kompanyon ko ang area book. Maraming pangalang tumugma sa apelyido niya. Nagdasal kami, gumawa ng pinakamainam na desisyon kung saan kami pupunta, at sapalarang lumabas.

Sa unang pintong kinatok namin nakita namin ang pamilya ng missionary ko. Agad kaming natuwa. Nag-iyakan kami at nagyakapan na parang magkakapamilya. Habang tinitingnan namin ang mga photo album ng pamilya nila, nakita ko ang mga larawan ng pamilya ko nang binyagan kami.

“Para Kaming Nasa Langit”

Umuwi ako pagkatapos ng aking misyon at natuklasan ko na hindi bumuti ang kalagayan ng aking pamilya. Wala pa ring trabaho ang tatay ko. Inanyayahan ako ng dalawa kong pinsan na tumira sa kanila sa Kibera—ang pinakamapanganib na lugar sa Nairobi. Doon, gumawa ako ng isang lugar na matitirhan ko.

Mga gang ang naghari sa Kibera, pero lumayo ako sa mga lugar na puno ng krimen. Pakiramdam ko wala ako sa tamang lugar, pero pinrotektahan ako ng mga pinsan ko, na tinitiyak na alam ng iba na relihiyoso ako at dapat igalang.

Ang pagkain sa mga iskwater ay tubig at isang chocolate paste na pinagmukhang doughnut. Pinili kong kumain sa gabi. Tuwing umaga, nagigising akong gutom. Sa simbahan, ginawa ko ang lahat para ngumiti at maging masaya para hindi malaman ng mga miyembro na gutom ako.

Sa panahong ito, naglingkod ako bilang elders quorum president sa Langata Branch at pumasok sa paaralan kapag posible ito. Tuwing Linggo ng hapon, sumasama ako sa branch president para bumisita sa mga miyembro, batid na madali kaming puntiryahin ng mga gang dahil nakasuot kami ng puting polo. Pero para kaming nasa langit kapag naglilingkod kami sa iba, at binantayan kami ng mga pinsan ko kapag naglalakad kami sa maalikabok na mga kalye.

ang awtor kasama ang kanyang anak na babae

Sa kabila ng mahihirap na panahon, sabi ni Brother Omondi, “sa pamamagitan ng panalangin, tumibay ako at hindi ako nawalan ng pag-asa. Ginantimpalaan ang pag-asang iyon.”

Ginantimpalaan ang Pag-asa

Mahirap ang panahong ito, pero sa pamamagitan ng panalangin, tumibay ako at hindi ako nawalan ng pag-asa. Ginantimpalaan ang pag-asang iyon.

Kalaunan, ininterbyu ako para sa isang trabaho. Nakipagkumpitensya ako para sa posisyon laban sa isang dosenang iba pa na mas kwalipikado na may mga degree at sertipikasyon. Pero nakapagmisyon ako, at nanampalataya ako at nagtiwala na pagpapalain ako ng Panginoon. Nagdasal ako at pagkatapos ay humarap sa isang review panel.

Sa pagtatapos ng interbyu sa akin, sinabi ko, “Kailan po ako magsisimula?” Pagkaraan ng dalawang linggo, isa ako sa dalawang natanggap. Hindi nagtagal ay kinilala ako bilang nangungunang salesman, na nagbukas ng mga pinto tungo sa aking pag-unlad, kabilang na ang isang tawag mula sa isang chief executive officer na sumama ako sa kanyang malaking kumpanya. Ngayon, napagpala akong maging asawa at ama at maglingkod bilang bishop ng Langata Ward.

ang awtor kasama ang kanyang asawa’t anak

“Ngayon, napagpapala akong maging asawa at ama at maglingkod bilang bishop.”

Naaalala ko ang Pasko ng 2009 at ang sumunod na mga pakikibaka bilang isang di-malilimutang aral—isang panahon na naging mga pagpapala sa amin ang aming mga pakikibaka at nagpaabot sa amin ang Panginoon ng saganang magigiliw na awa dahil sa aming pananampalataya.