Digital Lamang
Paghihintay sa Takdang Panahon ng Panginoon
Nagkaroon ako ng impresyon na mag-aral sa BYU–Idaho pero hindi ako nakapasa. Nang maglaon, natanggap ako at sa huli ay nakilala ko ang magiging asawa ko.
Mula pa noong maliit ako, kaming magkakapatid ay laging hinihikayat ng itay ko na mag-aral sa Brigham Young University–Hawaii. Gayunman, isang araw sa misyon ko noong 2016, nagkaroon ako ng pahiwatig na mag-aral sa BYU–Idaho. Pagkabalik ko mula sa misyon, naghanda ako para sa English proficiency exam bilang bahagi ng aplikasyon sa unibersidad. Hindi umabot ang mga resulta ng pagsusulit ko sa kailangang marka, at hindi ako nakapasa sa BYU–Idaho. Gayunman, bilang dayuhang mag-aaral mula sa Taiwan, nakapasa ako para pumasok sa BYU–Hawaii.
Noong panahong nag-aaral ako sa Hawaii, patuloy akong naghanda para lumipat sa Idaho. Ang tanong na ito ay laging pumapasok sa isip ko: “Bakit hindi ako tinanggap sa BYU–Idaho kung natanggap ko ang pahiwatig na pumunta roon?” Tila hindi na darating ang sagot.
Mabuti na lang, matapos ang dalawang taong pag-aaral sa Hawaii, tinanggap ako sa BYU–Idaho noong taglagas ng 2019. Sobrang nasasabik akong pumunta roon. Habang nag-aaral sa BYU–Idaho, pinagnilayan ko nang husto ang layunin ng Diyos kung bakit ako naroroon. Hindi naging madali ang mga gawain sa paaralan sa naunang dalawang semestre. Gayunman, natutuhan kong magsikap sa pamamagitan ng pagsalig sa Diyos habang nagagawa ko ang maraming mahirap na pagsubok at gawain. Natutuhan ko na “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13).
Nang sumunod na taon, nakilala ko ang asawa ko sa unang linggo niya sa BYU–Idaho. Naging mabuti kaming magkaibigan, at hindi nagtagal ay natanto namin na mahal namin ang isa’t isa at ninais naming magpakasal. Noon ko lang naunawaan ang pinakamahalagang dahilan ng pagkaantala sa pagkakatanggap sa akin sa BYU–Idaho: ang makilala ang asawa ko.
Nagtapos ako sa BYU–Idaho noong taong 2023 at kasalukuyan akong nag-aaral sa programang Master of Music sa Michigan State University. Sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko ang lahat ng biyayang ibinigay sa akin at, higit sa lahat, sa naging uri ng pagkatao ko ngayon. Mula sa aking mga paghihirap sa pagiging isang dayuhang mag-aaral sa dalawang magkaibang kapaligiran, natuto akong igalang ang iba pang mga kultura, na maging mas indipendiyente, at magtiwala sa Diyos sa mga pagsubok na dumarating sa akin. Kung minsan ay maaaring hindi natin alam ang plano ng Diyos para sa atin sa panahon ng mga pagsubok, pero alam ko na kung magtitiwala at mananampalataya tayo sa Kanya, magiging makabuluhan ang lahat sa huli—at magiging mas mabuti tayo dahil dito.