Liahona
Bilang mga Babae, Nabibilang Tayo sa Isang Pandaigdigang Kapatiran na Madalas ay Di-Nababanggit
Disyembre 2024


“Bilang mga Babae, Nabibilang Tayo sa Isang Pandaigdigang Kapatiran na Madalas ay Di-Nababanggit,” Liahona, Dis. 2024.

Bilang mga Babae, Nabibilang Tayo sa Isang Pandaigdigang Kapatiran na Madalas ay Di-Nababanggit

Ang Relief Society ay nagbibigay ng praktikal na paraan ng pagtupad sa utos ni Jesucristo na mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili.

tatlong babaeng magkakaakbay

Three Sisters [Tatlong Magkakapatid na Babae], ni Kathleen Peterson

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “pinagkalooban na ang kababaihan ng kakaibang gabay sa moralidad” at na ang kababaihan ay may “mga espirituwal na kaloob [at hilig]” para madama ang mga pangangailangan ng tao, para mag-alo, magturo, at magpalakas. Ang ating mga komunidad ay nakadepende sa kababaihan para magampanan ang kanilang mga natatanging tungkulin bilang mga pinuno, guro, tagapag-alaga, manggagamot, at tagapamayapa.

Bilang mga babae, nabibilang tayo sa isang pandaigdigang kapatiran na madalas ay di-nababanggit. Ang mga palagiang pagbabago sa katawan nating mga babae at ang pagiging pangkalahatan ng paraan ng pagdadala at pag-aalaga natin sa sangkatauhan ay nag-uugnay sa atin nang hindi na kailangang magsalita sa mga hadlang na dulot ng mga pagkakaiba sa kultura at wika.

Nakita ko na ang ginagawa ng kababaihan kapag nakikipag-ugnayan sila sa iba sa pamamagitan ng ating kapatiran. Nakita ko na ang pagtutulungan ng kababaihan sa kabila ng kahirapan. Nakita ko na ang kababaihan na mag-alaga, magpakain, at mangalaga sa mga bata na hindi nila sariling anak. Nakita ko na ang kababaihan na pinoprotektahan ang iba mula sa mga epekto ng digmaan. Kapag natutupad nito ang matataas na pamantayan nito, ang Relief Society ay nagbibigay ng praktikal na paraan ng pagtupad sa utos ni Jesucristo na mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili.

Halimbawa, noong nakaraang dekada, sa panahon ng krisis ng mga refugee sa Europe, pinagsama-sama ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang oras, talento, at kayamanan para tulungan ang marami sa mga taong nawalan ng tahanan na nagpuntahan sa Europe. Ang kanilang mga pagsisikap ay nakatulong na maibsan ang mga desperadong kalagayan sa mga kampo ng mga dayuhan.

Sa Pilipinas, nag-alala ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw tungkol sa mataas na bilang ng malnutrisyon sa kanilang komunidad at kung paano ito nakakaapekto sa sarili nilang pamilya. Natutuhan nila ang iba pang bagay tungkol sa mga pinaka-karaniwang sanhi ng malnutrisyon at sa mapaminsalang mga epekto nito habambuhay. Nag-host ng mga nutritional screening ang mga ward at stake Relief Society sa mga gusali ng Simbahan para sa mga pamilyang miyembro at sa kanilang mga kapitbahay at pagkatapos ay tinuruan ang mga magulang tungkol sa mabuting nutrisyon. Ini-refer nila ang mga nangangailangan sa mga lokal na serbisyong medikal at pangkomunidad na magbibigay ng panggagamot.

Nakita ang epekto ng kababaihang ito habang nagsisikap sila para sa ikabubuti ng mga pamilya sa kanilang mga komunidad. Ang pinakamahalaga at pinakaepektibong gawain ng kababaihan ay patuloy na ginagawa nang malapit sa atin: kapag inaalagaan natin ang ating sariling mga anak, tinuturuang magbasa ang isang kaibigan, matiyagang tinutugunan ang mga pangangailangan ng isang matandang kapitbahay, naghahanda ng pagkain para sa maysakit, o nakikidalamhati sa isang kapatid na nagdadalamhati.

Sinisikap kong maging isang disipulo ni Jesucristo at tinutularan ko ang Kanyang halimbawa sa paglilingkod sa iba. Ang kinasanayan Niyang gawin sa araw-araw ay ang isa-isang tulungan palagi ang mga taong nagdurusa: sa sarilinang pakikipag-usap sa itinakwil ng lipunan na Samaritana sa may balon (tingnan sa Juan 4); tumigil sandali para aliwin ang babaeng inaagasan ng dugo sa gitna ng mga tao (tingnan sa Lucas 8:43–48); lihim na pinagaling ang batang babaeng anak ni Jairo (tingnan sa Lucas 8:51–55).

Bagama’t ang gawain ko ngayon ay kinapapalooban ng mga pagsisikap na mapabuti ang kalagayan ng kababaihan at mga bata sa buong mundo, natatanto ko na ang pinakamahalagang hinihingi ni Cristo sa akin bilang Kanyang disipulo ay ang kilalanin ang mga pangangailangan ng bawat isa sa paligid ko at tumugon nang may tiyaga at pagmamahal.

Hindi kayang tulungan ng mga organisasyon ang bawat tao sa mundo, gaano man kalaki ang pondo ng kanilang mga programa, gaano man kahusay ang pagkasulat ng kanilang mga patakaran, o gaano man kaganda ang kanilang diplomasya. Pero sa pamamagitan ng ating pandaigdigang kapatiran, matutulungan natin ang bawat kaluluwa.

Kaninong buhay ang mapapabuti ninyo ngayon sa makabuluhang paraan sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag? Hinihikayat ko kayong tumigil sandali at makipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit, ang pinakamataas na pinagmumulan ng inspirasyon, at pagkatapos ay tahimik na hintayin ang patnubay ng Espiritu Santo. Inaanyayahan ko kayong isulat ito at gawin ito. Sana’y makatulong sa inyo ang simpleng ehersisyong iyan na makilala na ang ating pinakamalaking tagumpay ay nasa paggamit ng kapangyarihan ng ating pandaigdigang kapatiran.