Liahona
Pagkatapos ng Binyag: Isang Masusing Pag-aaral ng Moroni 6:4
Disyembre 2024


Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pagkatapos ng Binyag: Isang Masusing Pag-aaral ng Moroni 6:4

Maaari mong suriin nang mas malalim ang Moroni 6:4 sa pamamagitan ng pag-aaral sa bawat salita o parirala.

isang misyonerong naghahanda para binyagan ang isang nagbalik-loob

binyag

“Ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig” (2 Nephi 31:17).

nahikayat

Kapag tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo, Siya ay kumikilos sa atin sa partikular na paraan upang linisin, dalisayin, at pabanalin tayo (tingnan sa 3 Nephi 27:20).

nalinis

Matapos ang pagbibinyag ay “darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:17).

“Ang Espiritu Santo ay isang Tagapagpabanal na nililinis at sinisilaban ang dumi at kasamaan sa kaluluwa ng tao na tulad sa apoy.”

mga tao ng simbahan ni Jesucristo

Tuwing organisado ang bayan ng Panginoon, ito ay nasa ilalim ng Kanyang awtoridad. Sumasapi ang mga tao sa Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagkumpirma, na nakikipagtipan na taglayin ang Kanyang pangalan.

ang kanilang mga pangalan ay kinuha

“Ang pag-iingat ng talaan ay mahalaga noon pa man sa Simbahan ng Panginoon.” Ang Simbahan ni Jesucristo ay nag-iingat ng talaan ng mga miyembro nito upang matulungan sila ng Simbahan sa kanilang espirituwal na pag-unlad at matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

maalala

Bukod pa sa nasusulat ang ating pangalan sa mga opisyal na talaan ng Simbahan at nakatatanggap ng pansin mula sa mga lider ng Simbahan, maaari tayong “maalala” ng bawat isa.

“Bilang mga miyembro, dapat lagi tayong nakamasid at hanapin ang mga bagong mukha kapag dumadalo sa mga aktibidad at pulong sa Simbahan. … Magagawa natin ang mga simpleng bagay para tulungan ang mga bagong kaibigan na ito na madamang mahal sila at tanggap sila sa Simbahan. … Madarama nila na kabilang sila at makikipagkaibigan sila, at higit sa lahat, madarama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating tunay na pagmamalasakit.”

mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos

“Ang inspiradong tagubilin sa tahanan at sa Simbahan ay tumutulong sa pagbibigay ng mahalagang elementong ito ng pagpapalakas sa pamamagitan ng mabuting salita ng Diyos.”

“Bawat salitang binibigkas natin ay makapagpapalakas o makapagpapahina ng pananampalataya. Kailangan natin ng tulong mula sa Espiritu upang masabi ang mga salitang makapagpapaunlad at makapagpapalakas.

“May dalawang mahahalagang susi para maanyayahan ang Espiritu na gabayan ang mga salitang bibigkasin natin habang pinangangalagaan natin ang iba. Ang mga ito ay ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ang panalangin ng pananampalataya. …

“Ang mabuting salita ng Diyos kung saan kailangan tayong mapangalagaan ay ang simpleng doktrina ng ebanghelyo. Hindi tayo dapat matakot kung ito man ay simple o paulit-ulit. …

“… Kailangan ng pusong tulad ng sa bata upang madama ang mga pahiwatig ng Espiritu, upang pasakop sa mga utos na iyon, at sumunod. Iyan ang kailangan para mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.”

mataimtim [mapagbantay] na panalangin

Ang ibig sabihin ng maging mapagbantay ay manatiling gising, maging alerto, maging maingat. Ang tuwinang pananalangin, pagpapakumbaba, at katapatan—sa pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit—ay tumutulong sa atin na manatiling alerto sa mga espirituwal na panganib, maiwasan ang tukso, at magabayan ng Espiritu (tingnan sa Mateo 26:41; Alma 13:28; 34:39).

lamang

“Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa. Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan” (Mga Awit 62:5–6; idinagdag ang diin).

“At tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas” (2 Nephi 10:24; idinagdag ang diin).

gantimpala ni Cristo

Kabilang sa mga gantimpala ni Cristo ang Kanyang buhay na walang kasalanan at ang Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, na ginagawang posible na matubos tayo mula sa ating kasalanan at kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 2:6–8).

ang may-akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya

Si Jesucristo ang Simula at ang Katapusan, ang Alpha at Omega. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli, kapwa Siya ang nagbibigay ng pundasyon para sa ating pananampalataya at tinatapos o ginagawang sakdal ito.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 59.

  2. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Simbahan ni Jesucristo,” Gospel Library.

  3. Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 33.0, Gospel Library.

  4. Ulisses Soares, “Iisa Kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 38.

  5. Jeffrey R. Holland, “A Teacher Come from God,” Ensign,Mayo 1998, 25.

  6. Henry B. Eyring, “Feed My Lambs,” Ensign, Nob. 1997, 83–84.