“Ang Kalayaang Piliin si Cristo,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Young Adult
Ang Kalayaang Piliin si Cristo
Ang relihiyon ay laging parang isang bagay na humahadlang sa akin na gumawa ng sarili kong mga pagpili.
Noong sanggol pa ako, bininyagan ako sa Orthodox Church ng Ukraine. Habang lumalaki ako, hindi ako mapayapa sa katotohanan na hindi ako ang nagpasiyang magpabinyag. Naisip ko na hindi ako binigyan ng relihiyon ng kalayaang pumili para sa sarili ko.
Kaya kalaunan ay tumigil ako sa paniniwala sa Diyos o sa anumang bagay na espirituwal.
Isang araw, nakausap ko ang kaibigan kong nasa Czechia na gumagawa ng isang study program na kasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Niyaya niya akong gawin din ang programa. Hindi ako interesado noong una, pero hindi nagtagal, nagpasiya akong mag-imbestiga.
Nagustuhan ko ang pangkalahatang mensahe ng pagiging positibo, kaya pumayag ako at nag-apply.
Pero wala akong interes sa pagpokus ng programa kay Jesucristo.
O iyon ang akala ko.
Nalilito
Dahil sa akademyang ito, naiba ang buhay ko kaysa nakasanayan ko. Una, nalaman ko na hindi ako puwedeng uminom ng kape sa kampus!
Unti-unti nang naglalaho ang kalayaan ko.
Kasabay nito, bawat umaga ay nagsisimula sa isang sapilitang debosyonal. Kadalasa’y tinutulugan ko ang mga iyon dahil hindi ako interesado. Naroon lang ako para mag-aral at pagkatapos ay mamuhay sa paraang gusto ko.
Pero pagkaraan ng ilang araw, napansin ko ang mga tao sa paligid ko na sineseryoso ang mga turo ni Jesucristo. Sa Ukraine, maraming tao na nagsisimba lang nang ilang beses sa isang taon, pero dito, laging pinag-uusapan ng lahat si Cristo. Mababait sila, mabubuti, at positibo ang pananaw nila sa buhay.
Nagsimula akong mag-isip kung ano ang magiging buhay ko kung maniniwala rin ako sa Kanya. Kung minsa’y nahuhuli ko pa ang sarili ko na nag-iisip na, “Ano kaya ang magiging pananaw ni Jesus?”
Totoo ba Ito?
Nalito ako. Ikinuwento ko sa isang kaibigan ko sa akademya na nagdadalawang-isip ako. Inanyayahan niya akong subukang ipagdasal ang nadarama ko.
Isang maulap na umaga, nagpasiya akong maghanap ng isang tahimik na lugar para magmuni-muni sa labas. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko, pero sa halip na magmuni-muni, sinubukan kong maniwala sa Diyos. Sabi ko, “OK, mag-usap tayo.”
At sinambit ko ang pinakamahabang dasal sa buong buhay ko.
Gusto ko lang malaman kung totoo ang Diyos at si Jesucristo.
Habang nagdarasal ako, tumagos sa hamog ang araw. Naramdaman ko ang init nito sa balat ko at sa puso ko. Naramdaman ko na parang may kamay na nakapatong sa balikat ko, na nagsasabi sa akin na naroon Sila sa tabi ko mismo.
Malinaw ang mensahe: Sila ay totoo. Alam Nila ang nangyayari sa akin.
May natanto rin akong iba pa.
Sa pagtingin sa mga tao na ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, wala akong nakitang sinuman na napipilitang gawin ang mga bagay-bagay na ayaw nilang gawin o nadarama na hinihigpitan sila ng kanilang pananampalataya. Nakita ko na pinipili nilang mamuhay na tulad ni Jesucristo dahil gusto nila.
Sa Aklat ni Mormon, ipinaabot ng propetang si Moroni ang kanyang pangako sa pamamagitan ng isang paanyaya, hindi isang utos: “Kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).
Natanto ko na gusto ko rin Siyang piliin.
Hindi Perpektong Pagkadisipulo
Mula noon, sineryoso ko na ang pag-aaral tungkol kay Jesucristo. Tinanggap ko ang mga lesson ng mga missionary. Pinag-aralan ko ang Aklat ni Mormon. Nagdasal ako araw-araw. Nabinyagan pa nga ako! (Ako ang nagpasiya sa pagkakataong ito!) Lahat ng ito ay lubhang bago sa akin, pero nadama ko na nagbabago ang puso ko.
Marami pa akong dapat matutuhan, at napakarami kong pagkukulang, pero lagi kong sinasabi sa sarili ko na, “Subukan na lang nating tularan si Cristo ngayon. Patuloy lang nating subukan.”
Maganda ang itinuro ni Elder Joaquin E. Costa ng Pitumpu: “Kung minsan, tila imposible at mahirap magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Maaaring iniisip natin na ang paglapit kay Cristo ay nangangailangan ng lakas, kapangyarihan, at kasakdalan na hindi natin taglay, at hindi tayo makahanap ng lakas na gawin ang lahat ng iyon. Ngunit … ang pananampalataya kay Jesucristo ang nagbibigay sa atin ng siglang magsimula sa paglalakbay.”
Maaari tayong baguhin ni Jesucristo kung bibigyan natin Siya ng pagkakataon at patuloy tayong magsisikap. Hindi Niya nililimitahan ang ating kalayaan. Sa halip, nag-aalok Siya sa atin ng higit pa sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala: kagalakan, paggaling, at pag-asa.
May kalayaan tayong piliin Siya araw-araw, at nagpapasalamat ako sa mga himalang hatid sa buhay ko ng aking pagpiling sundin Siya.
Ang awtor ay mula sa Kyiv, Ukraine.