“Walang Pasko Ngayong Taon?,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Walang Pasko Ngayong Taon?
Nang magtanong kami tungkol sa Pasko, sinabi ni Inay na mahirap ang panahon at walang ni anuman ang pamilya para sa Pasko sa taon na iyon.
Kita ko pa rin sa aking isipan ang bahay noong malamig at malungkot na araw na iyon ng Disyembre sa Illinois, USA. Ang bubong nito ay nasa ibabaw ng lupa, pero halos buong bahay ay mas mababa sa lupa. “Malamang, walang nakatira doon,” naisip namin ng kompanyon ko.
Kumatok kami. Ilang sandali pa, bahagyang binuksan ng isang babae ang pinto. Sinabi namin sa kanya na mga missionary kami mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at na may mahalagang mensahe kami para sa kanya. Nag-atubili siya pero pinapasok niya kami.
Pinaupo niya kami sa dalawang umuugang upuang kahoy. Malabo ang ilaw sa kuwarto. Habang umaangkop ang mga mata ko sa liwanag, napansin ko na lupa ang sahig ng bahay. Walang mga larawang nakasabit sa mga dingding. Biglang lumitaw ang apat na batang malungkot na nakasuot ng walang kulay na damit.
Dalawang linggo na lang ay Pasko na. Nasaan ang sanggol na si Jesus sa isang sabsaban? Nasaan ang makukulay na dekorasyon at Christmas tree?
Matapos naming ihatid ang aming mensahe tungkol sa Pagpapanumbalik, inanyayahan kami ng ina na bumalik para kausapin ang kanyang asawa. Bago kami umalis, nagtanong kami tungkol sa Pasko. Mahirap daw ang panahon at wala silang ni anuman para sa Pasko sa taon na iyon.
Pagkaalis namin, humingi kami ng kompanyon ko ng tulong sa mga miyembro ng ward sa lugar. Isang dakilang pagpapakita ng pagmamahal ang sumunod. Nagbigay ang mga miyembro ng mga pagkain, damit, laruan, at isang Christmas tree na may mga palamuti.
Bumalik kami sa bahay na iyon makalipas ang ilang araw. Kumatok kami, at muling bumukas nang bahagya ang pinto. “Maligayang Pasko,” pagbati namin sa ama, ina, at apat na anak na nanlalaki ang mga mata.
Ipinasok namin ang Christmas tree, mga regalo, at pagkain sa bahay. Mukhang natulala ang pamilya. Inayos namin ang Christmas tree, inilagay ang mga regalo sa ilalim nito, inihain ang pagkain sa mesa, at nagalak kami sa maikling pagbisita. Nang maghanda na kaming umalis, tiningnan ko ang mga bata. Lahat sila ay may malalaking ngiti sa kanilang mukha.
Patuloy naming tinuruan ang pamilya, at kalaunan ay sumapi sila sa Simbahan. Nang lumiwanag ang ilaw ng ebanghelyo sa kanilang tahanan, nagkaroon ng pananampalataya ang ama at nakatanggap ng bagong layunin para sa kanyang pamilya. Nakakita siya ng mas magandang trabaho. Naging mas malapit ang pamilya sa isa’t isa. Hindi nagtagal ay lumipat sila ng bahay.
Makalipas ang mahigit 60 taon, nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon sa pagpapahintulot sa amin na pagpalain ang anim sa Kanyang mahal na mga anak, na nagpaalala sa akin na “yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).