Liahona
15 Dahilan para Patuloy na Basahin ang Aklat ni Mormon Araw-araw
Disyembre 2024


Digital Lamang

15 Dahilan para Patuloy na Basahin ang Aklat ni Mormon Araw-araw

Tingnan kung sumasang-ayon ka sa listahan ko, o mas mabuti pa, tuklasin ang sarili mong listahan!

mga kamay na may hawak na mga banal na kasulatan

Nagbabasa ako ng daan-daan at maraming klase ng libro bawat taon. Sa ngayon, ang pinaka-nakaiimpluwensya at pinakapaborito ko ay ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.

Hindi ito palaging ganito. May isang pagkakataon na sa pakiramdam ko ay alam ko na ang lahat ng kuwento at sumulong nang higit pa sa maibibigay ng aklat. Tumigil ako sa pagbabasa ng aklat at bumili ng marami pang iba tungkol sa doktrina at mga pinangyarihang lugar sa Aklat ni Mormon. Gayunman, nang mabawasan ang aking intelektuwal na kuryosidad, natuklasan kong naging marupok at mahina ang aking patotoo. Ang aking patotoo ay nawala sa aking puso at naging pangkaisipan na lamang, at nawala na ang nalalaman ko sa kaibuturan ng aking puso.

Isang araw, narinig kong itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang katotohanang ito: “Kailangan nating madama sa ‘kaibuturan’ ng ating puso [tingnan sa Alma 13:27] na ang Aklat ni Mormon ay di-maikakailang salita ng Diyos. Kailangang madama natin itong mabuti upang hindi natin naising mabuhay kahit isang araw nang wala ito.” Hindi si Pangulong Nelson ang unang propetang nagsabi sa atin na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw. Pero napakalakas ng mensaheng iyon at direktang nagsalita sa akin. Gusto ko at kailangan ko ang kapangyarihang inilarawan ni Pangulong Nelson, at higit sa lahat ay gusto kong bigyang-lunas ang aking nagugutom na patotoo.

Hindi ko ubos maisip na hindi ako makapagbasa nang kahit isang araw ng Aklat ni Mormon. Ang mga salita nito ay naging napakahalaga sa akin sa pagharap ko o pagtulong sa iba sa mga hamon ng buhay. Nagtipon ako ng mga dahilan para basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw at kamakailan ay ibinahagi ko ang top 50 ko sa aking asawa. Hindi siya makapaniwala noong una. Pero nang ibahagi ko ang aking listahan, masigasig siyang nagdagdag ng iba pang mga dahilan. Ngayon ay lampas na kami sa 70 at nadaragdagan pa.

Ang aklat na ito ay tunay na isang kamangha-manghang kaloob. Ito ay kapwa gabay at pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos, na ibinigay sa ating panahon upang labanan ang mga impluwensya ng kaaway. Sa pagbabasa at araw-araw na pagpapanibago ng ating patotoo, napapayabong natin ang ating pananampalataya na kumilos ayon sa mga turo nito at makita kung paanong tayo at ang mga nakapaligid sa atin ay sinagip ni Jesucristo. Ang isang tao ay tunay na mas mapapalapit sa Diyos sa pagbabasa ng aklat na ito at pagsunod sa mga turo nito kaysa sa pagbabasa ng anumang aklat (tingnan sa pambungad sa Aklat ni Mormon).

Bagama’t halos tapos na tayong mag-aral ng Aklat ni Mormon bilang bahagi ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa taong ito, inaanyayahan tayong patuloy na pag-aralan ang mga katotohanan nito sa buong buhay natin. Narito ang 15 sa mga dahilan kung bakit patuloy kong araw-araw na pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon. Tingnan kung sumasang-ayon ka sa listahan ko, o mas mabuti pa, tuklasin ang sarili mong listahan!

Pinag-aaralan ko ang Aklat ni Mormon upang magawa kong:

  1. Tumanggap ng patotoo tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Moroni 10:5–7; 2 Nephi 33:10–11).

  2. Gamitin ang pinakamabisang sanggunian para mapalapit sa Diyos at kay Jesucristo (tingnan sa pambungad sa Aklat ni Mormon).

  3. Alamin kung paano “inihalintulad ko sa [aking sarili] ang lahat ng banal na kasulatan” (1 Nephi 19:23; tingnan din sa talata 24).

  4. Tumanggap ng lakas na madaig at matiis ang mga paghihirap (tingnan sa Mosias 29:20).

  5. Pakinggan ang tinig ng Panginoon at alamin kung paano Siya maaaring makipag-usap sa atin nang isa-isa (tingnan sa Jacob 7:5; Enos 1).

  6. Palakasin ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng palagiang paggunita sa “kabutihan at biyaya” ng Diyos (Moroni 8:3).

  7. Tingnan kung paano nakita ng mga sinaunang propeta ang ating panahon at ipamuhay ang mga babalang ibinibigay nila (tingnan sa 1 Nephi 13:40).

  8. Unawain na ang awa ni Cristo ay dumarating sa pamamagitan ng pagsisisi at paglambot ng puso (tingnan sa Alma 12:34).

  9. Damhin na ang mga sinaunang propeta ay tuwirang nagsasalita sa akin tungkol sa mga hamon ko (tingnan sa Mormon 8:35).

  10. Ituon ang buhay ko sa pag-alaala sa mga posibilidad ng mabuting balita ni Cristo at sa katiyakan ng mga pangako ng ebanghelyo (tingnan sa Mosias 2:41).

  11. Dumanas ng kagalakan at kaluwalhatian na hindi masasabi sa mga salita (tingnan sa Alma 26:16).

  12. Magkaroon ng kakayahang humingi at asahan ang mga sagot sa mga panalangin (tingnan sa 2 Nephi 4:35; Mosias 4:21; 3 Nephi 27:28; Eter 3:2).

  13. Tuklasin ang kalayaan na “pinapatnubayan ng Espiritu” (1 Nephi 4:6; tingnan din sa Eter 2:6)

  14. Tuklasin ang hangarin at lakas na alisin ang masasamang panggagambala sa buhay ko (tingnan sa 2 Nephi 1:13–14).

  15. Unawain na ang pagiging mapagpakumbabang tagasunod ni Cristo ay makapipigil sa atin na maligaw (tingnan sa 2 Nephi 28:14).

Tama si Pangulong Nelson! Ang Aklat ni Mormon ay may mahimalang kapangyarihan. Kung hindi kayo naniniwala sa akin, subukan ninyo ang sarili ninyong eksperimento sa mga salita ni Pangulong Nelson. Ang epekto sa akin ay lubos na lubos kaya nangako akong babasahin at pagninilayan ang Aklat ni Mormon araw-araw habambuhay.

Ito ngayon ay isang minamahal na kasama at kaibigan. Nalaman ko na higit pa sa simpleng nakasulat sa mga pahina nito ang Aklat ni Mormon. May mga talatang pumapasok sa isip ko na direktang sagot sa kailangan ko, sa sandaling iyon mismo, para sa aking sarili at sa mga mahal ko sa buhay. Tunay na patotoo ko na ang pagtupad sa pangakong ito na maglaan ng oras araw-araw para sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat na ito, ay nakatulong sa akin na muling pagningasin ang apoy ng aking patotoo. Muli kong lubos na nalaman ang katotohanan ng ebanghelyo, at sabik na sabik ako sa mga susunod na bagay na matututuhan ko.