“Pagsasama-sama para Maglingkod sa Chennai,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 4
Pagsasama-sama para Maglingkod sa Chennai
Noong gabi ng Disyembre 25, 2004, nagkakatuwaan ang mga miyembro ng Chennai First Branch sa silangang baybayin ng India sa isang aktibidad sa Pasko. Wala silang malay na kinaumagahan ay magkakaroon ng malakas na lindol sa Indian Ocean sa baybayin ng Sumatra. Ang lakas ng lindol ay tumawid ng buong karagatan, na nagtulak sa nagtataasang alon ng tubig-alat papunta sa lupa. Humampas ang malabundok na mga alon sa mga bayan at nayon sa India, Indonesia, Sri Lanka, Malaysia, at Thailand, at nagpabaha sa mga kalye at nagpaguho sa mga bahay at gusali. Walang nakaalam kung ilang tao ang nawala o namatay.
Pagdating sa simbahan kalaunan nang umagang iyon nina Elder Alwyn Kilbert at Elder Revanth Nelabelle, mga missionary na naglilingkod sa Chennai, nadama nila na may problema. Sa dalampasigan, ang mga pulis ay nagtayo ng mga barikada para hindi makalapit ang mga nakamasid na mga tao at nagpatrolya sila sa lugar habang sakay sila ng kabayo. Sa kahabaan ng dalampasigan, iniaahon ng mga tao ang mga patay mula sa tubig. Nakita ng mga missionary na umabot ang tubig at pagkawasak nang mahigit kalahating milya (0.8 km) papasok ng lupa mula sa dalampasigan.
Nang gabing iyon trak-trak ang ipinadalang supply ng Simbahan mula sa isang bayan na halos 400 milya (640 km) ang layo para ipamahagi ng mga Banal sa mga nangangailangan sa Chennai. Sa umaga, nagtipun-tipon ang mga miyembro at missionary sa Chennai First Branch meetinghouse para tumulong sa isang service project na inorganisa ng dalawang branch sa lungsod. Sa sumunod na dalawang araw, nagtipon at bumuo sila ng mga relief kit na naglalaman ng mga damit, kumot, hygiene, at kagamitan sa pagkain.
Mula nang mag-tsunami, namahagi na sa mga biktima ng mga relief goods na bigay ng Simbahan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa bansa. Matapos kargahan ang mga trak ng daan-daang hygiene kit at iba pang mga supply, naglakbay ang mga missionary at iba pa kasama si Pangulong Brent Bonham ng India Bangalore Mission para ihatid ang mga iyon sa isang istasyon ng Red Cross sa India.
Sa istasyon, nakilala ng lalaking sumalubong sa kanila ang mga name tag nila. “Ah, taga-Simbahan pala kayo,” sabi nito. “Ano’ng dinala ninyo?”
Sumagot sila na mayroon silang mga lampara, hygiene kit, at ilang toneladang damit. Tuwang-tuwa ang opisyal sa mga donasyon at sinabihan sila na ipasok ang mga trak sa pasilidad.
Sa loob nakita nilang nagsisiksikan ang mga tao sa paligid ng malalaking tambak ng damit. Nagbaba rin ng mga supply ang mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon at organisasyon, at gumugol ng ilang oras ang mga missionary sa pagdiskarga ng mga supply na nasa trak at sa pagdadala ng mga ito sa lugar kung saan kailangan ang mga iyon.
Nang tingnan ni Elder Kilbert ang mga tao mula sa iba’t ibang grupo, nagulat siya sa pagtutulungan nilang lahat dahil sa pagmamahal sa kanilang kapwa. “May mabubuting tao sa lahat ng dako,” naisip niya.