“Saan Maghahanap ng Pag-asa, Kapayapaan, at Layunin Kapag Nagbago ang Buhay,” Liahona, Dis. 2024.
Mga Young Adult
Saan Maghahanap ng Pag-asa, Kapayapaan, at Layunin Kapag Nagbago ang Buhay
Ang kaalaman tungkol sa ebanghelyo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naghahatid ng pag-asa, kapayapaan, at layunin sa Kapaskuhang ito.
Sa paglalakbay natin sa buhay, magkakaroon tayong lahat ng mga karanasan na maaaring makatulong sa atin na maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo. Gayunman, madalas magbago ang ating kalagayan sa buhay, at maaari nating kailanganing baguhin ang ating pamumuhay.
Magkagayunman, may pag-asa para sa mga taong “[nakatutok] kay [Cristo] sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36), at may “[pag-asa] para sa isang daigdig na higit na mainam” at mas magandang kinabukasan para sa mga naniniwala sa Diyos (Eter 12:4).
Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo, nagbibigay-inspirasyon, at nagpapakita sa atin kung paano tumugon ang mga tao noon—bago sumapit, nang sumapit, at matapos ang mortal na ministeryo at misyon ni Cristo—sa kanilang mga sitwasyon. Halimbawa, inutusan ng Panginoon si propetang Lehi sa Aklat ni Mormon na lisanin ang kanyang tahanan at lahat ng kanyang ari-arian, tumakas sa ilang kasama ang kanyang pamilya, at humayo sa isang di-pamilyar na destinasyon. Habang naglalakbay, dumanas si Lehi ng oposisyon, pighati, pagkabalisa, pasakit, at kabiguan. Ang mga karanasang ito ang naghanda sa kanya at sa kanyang pamilya para sa lupang pangako.
Marami sa atin ang nahaharap sa mga hamon tulad ni Lehi. Ang ilan ay maaaring nag-aalala tungkol sa kanilang pamilya, pakikisama sa asawa, pag-aaral, o trabaho. Maaaring madama ng iba na malayo sila sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas na si Jesucristo dahil sa mga maling pasiya o na nag-iisa sila dahil sa paglipat sa ibang bayan o paaralan.
Binibigyan tayo ng Kapaskuhang ito ng espesyal na oportunidad na magtuon sa kapayapaang alok sa atin ni Jesucristo. Anuman ang inyong damdamin, sitwasyon, o kinaroroonan, tandaan na maaaring mangyari ang mga himala kapag kayo ay “mag[pa]patuloy nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20).
Isang Panahon ng Kawalang-Katiyakan at Kaguluhan
Habang naglilingkod bilang missionary sa Côte d’Ivoire Abidjan Mission noong 1998, nabalitaan ko na ang kaguluhan sa pulitika at sitwasyon ng lipunan sa aming bansa na Democratic Republic of the Congo. Araw-araw, lumalabas kami ng kompanyon ko para mag-proselyte. Kapag nagpapakilala ako at binabanggit ko na taga-DR Congo ako, ibinabalita sa akin ng mga tao ang kalubhaan ng nangyayari sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo roon—lalo na sa Kinshasa, ang punong lungsod, kung saan nakatira ang pamilya ko. Nalungkot ako nang marinig ko na nagugutom ang mga tao sa aming bansa at marami na ang napatay.
Nakipag-ugnayan ako sa aking mapagmalasakit at nag-aalalang mission president para alamin kung may iba pa siyang alam tungkol sa sitwasyon o kung may natanggap siyang anumang impormasyon tungkol sa pamilya ko. Nakaramdam ako ng kawalang-pag-asa at ilang oras akong umiyak. Gusto ko nang sumuko. Pakiramdam ko pinabayaan na kaming magpapamilya ng Panginoon.
Pinakitaan ako ng kompanyon ko at ng iba pang mga missionary ng suporta at malasakit sa panahong ito. Nang malapit na akong sumuko, nagbahagi si Elder Joseph Wheeler, isang matalik kong kaibigan, ng isang talata sa banal na kasulatan na hinding-hindi ko malilimutan.
Noong 1830 nakatanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith para kay Thomas B. Marsh. Kabibinyag lang kay Thomas noon at inorden siya bilang elder sa Simbahan. Tinawag din siya para ipangaral ang ebanghelyo. Noong panahong iyon, kinailangan ni Thomas ng kaunting pagtiyak. Sinabi ng Panginoon kay Thomas sa pamamagitan ng Propeta:
“Thomas, aking anak, pinagpala ka dahil sa iyong pananampalataya sa aking gawain.
“Masdan, ikaw ay dumanas na ng maraming pagdurusa dahil sa iyong mag-anak; gayunman, pagpapalain kita at ang iyong mag-anak, oo, ang iyong mga maliliit; at darating ang araw na sila ay maniniwala at malalaman [nila] ang katotohanan at makikiisa [sila] sa iyo sa aking simbahan.
“Pasiglahin ang iyong puso at magalak, sapagkat ang oras ng iyong misyon ay dumating na; at ang iyong dila ay kakalagan, at iyong ipahahayag ang mabubuting balita ng dakilang kagalakan sa salinlahing ito. …
“Kaya nga, hawakan ang iyong panggapas nang buo mong kaluluwa, at ang iyong mga kasalanan ay patatawarin, at ikaw ay makapapasan ng bungkos sa iyong likod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang upa. Dahil dito, ang iyong mag-anak ay mabubuhay” (Doktrina at mga Tipan 31:1–3, 5; idinagdag ang diin).
Ito ang sagot na hanap ko. Ginagawa ko ang gawain ng Panginoon, at ang kaalaman at katotohanan ng ebanghelyo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naghatid ng pag-asa at layunin sa buhay ko sa panahong iyon ng kawalang-katiyakan.
Apat na Alituntunin para Makasumpong ng Kapayapaan
Ang sumusunod na apat na alituntunin ay maaaring makatulong sa inyo kapag hindi ninyo alam kung saan kayo maghahanap ng pag-asa, kapayapaan, at layunin sa inyong buhay:
1. Maniwala na may pag-asa at solusyon sa kahungkagan o panghihina-ng-loob na nadarama ninyo. Ang pag-asa ay matatagpuan kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Kanyang ebanghelyo. “Ako’y pumarito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan” (Juan 10:10). Sa Kanya, lagi kayong may pag-asang magkaroon ng saganang buhay na iyon.
2. Maging masaya anuman ang sitwasyon o mga hamon ninyo sa buhay. Itinuro na sa atin ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson:
“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin ng pansin sa buhay.
“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya.”
Kahit kayo ay “iiyak at tatangis, … ang sanlibutan ay magagalak” dahil kay Jesucristo, at “magagalak ang inyong puso. … At walang makakapag-alis sa inyo ng inyong kagalakan” (Juan 16:20, 22).
3. Maging mahabagin at maglingkod sa iba. Ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay “naglibot … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Ipagdasal na magkaroon ng lakas na maging sagot sa panalangin ng iba. Ngitian, kausapin, at samahang maglakad ang mga tao sa paligid ninyo. Makinig sa kanila at pag-ukulan sila ng oras. Hikayatin, bahaginan ng alam ninyong totoo, at patawarin ang iba. Ang mga simpleng gawaing ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa inyo at sa iba.
4. Magsisi at magsikap na tuparin ang inyong mga tipan. Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Dahil [ang Tagapagligtas], sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, [ay] tinubos ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, … kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito. …
“Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinaka-nakayayamot na problema.”
Kung magsisisi kayo at magsisikap araw-araw na tuparin ang mga tipang nagawa ninyo sa inyong Ama sa Langit at kay Jesucristo sa binyag at sa templo, itinuro ni Pangulong Nelson na kayo ay “higit na [ma]katatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo.” Ang Kanyang kapangyarihan ay “nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay.”
Kayo ay anak na lalaki o anak na babae ng isang mapagmahal at mapagmalasakit na Ama sa Langit. Nais Niyang umunlad kayo at magkaroon ng kagalakan, na posible lamang sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na maaari nating sikaping laging alalahanin sa Kapaskuhang ito—at sa bawat panahon pagkatapos nito. Alam ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala ay maaaring maghatid ng pag-asa, kapayapaan, at layunin sa inyong buhay.