Kabanata 14
Ang Kaloob na Espiritu Santo
“Maaaring pagkatapos ng binyag at kumpirmasyon ay mapasaatin ang Espiritu Santo na magtuturo sa atin ng mga pamamaraan ng Panginoon, magpapalinaw sa ating isipan at tutulong sa atin na maunawaan ang katotohanan.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
Itinuro ni Joseph Fielding Smith na bawat tapat na miyembro ng Simbahan “ay may karapatang tumanggap ng mga paghahayag na kinakailangan at mahalaga upang siya ay mapatnubayan.”1 Hinangad niya palagi ang personal na patnubay na ito, lalo na sa mga pagsisikap niyang turuan at pangalagaan ang kanyang mga anak. Ikinuwento ni Elder Francis M. Gibbons, na naglingkod bilang kalihim sa Unang Panguluhan, ang sumusunod na karanasan, na ikinuwento sa kanya ng anak ni Pangulong Smith na si Reynolds (na ang palayaw ay Reyn).
“Inamin ni Reyn na minsan lang siyang nanigarilyo sa buong buhay niya, at sandaling-sandali lang iyon. Nangyari iyon noong estudyante siya sa Roosevelt Junior High School sa Salt Lake City. Ang pasukan [ng paaralan] ay nasa tahimik na gilid ng kalsada na di-gaanong dinaraanan ng mga sasakyan. Sa araw na iyon, kalalabas lang ni Reyn sa harapang pasukan ng paaralan kasama ang isang kaibigang naninigarilyo at hinimok siya nito, tulad ng madalas nitong gawin, na ‘sumubok ng kahit isa lang.’ Sa pagkakataong ito, nagtagumpay ang kanyang kaibigan. Kinuha ni Reyn ang isang sigarilyo at sinindihan ito. Ilang hitit pa, sino pa ba ang nasa sasakyang huminto sa gilid ng bangketa kundi ang ama ni Reyn. Nang ibaba ni Elder Smith ang bintana ng sasakyan, sinabi niya sa nabiglang anak, “Reynolds, mag-uusap tayo mamayang gabi pagkakain ng hapunan’ at pinaandar na ang sasakyan palayo. Ikinuwento ni Reyn, ‘Kapag Reynolds ang tawag sa akin ng aking ama, alam kong seryoso siya.’ Hinayaan ni Elder Smith na surutin si Reyn ng kanyang budhi sa buong maghapon at sa oras ng hapunan, nakakagulat na halos wala itong sinabi. Pagkaraan niyon, naaasiwang umupo siya sa study room ng kanyang ama, … humanda si Reynolds sa sasabihin nito. Ngunit ang sinabi lang nito sa kanya ay isang magiliw at mapagmahal na pangaral tungkol sa mga kasamaang dulot ng ‘masamang bisyong iyon’ at isang paalala kung sino siya at kung paano nakaapekto sa reputasyon ng buong pamilya ang kanyang ginawa. Natapos ito sa kahilingan na mangako si Reyn na hindi na siya kailanman maninigarilyo. Nangako si Reyn. “Hindi na iyon naulit pa,’ wika niya. Nang sumunod na mga taon mula noon, kabilang na ang pagpasok niya sa United States Navy noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan talamak ang paninigarilyo, tinupad niya ang pangako niya sa kanyang ama.”
Habang iniisip ang karanasang ito, napansin ni Elder Gibbons: “Ang di-inaasahang pagsulpot ni Joseph Fielding Smith sa tagong kalsadang iyon sa mismong oras na sinindihan ng kanyang binatilyong anak ang kaisa-isa niyang sigarilyo ay talagang kamangha-mangha. Kahit hindi niya sinabi, nahiwatigan sa kilos at tono ng boses ni Reyn na nakumbinsi siya ng pangyayaring iyon na pambihira ang lalim at lakas ng espirituwal na talas ng pakiramdam ng kanyang ama, lalo na kapag may kaugnayan ito sa kapakanan ng kanyang pamilya.”2
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Ang misyon ng Espiritu Santo ay patotohanan ang Ama at ang Anak at ang lahat ng katotohanan.
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang Espiritu, sa anyo ng isang tao. Ang Ama at ang Anak ay mga personaheng may katawan; sila ay may mga katawang may laman at mga buto. Ang Espiritu Santo ay isang personaheng Espiritu, at may katawang espiritu lamang [tingnan sa D at T 130:22]. Ang Kanyang misyon ay patotohanan ang Ama at ang Anak at ang lahat ng katotohanan [tingnan sa 2 Nephi 31:18; Moroni 10:5].3
Kabahagi Siya sa gawain ng Ama at ng Anak at inihahayag ang mga ito sa mga naglilingkod nang tapat sa Panginoon. Sa pamamagitan ng mga turo ng Mang-aaliw, o Espiritu Santo, naalala ng mga apostol ang mga turo ni Jesucristo [tingnan sa Juan 14:26]. Sa pamamagitan ng mga turo ng Banal na Espiritu dumarating ang propesiya [tingnan sa II Pedro 1:21].4
Ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao ay may kapangyarihang magbahagi ng katotohanan nang mas mabisa at mauunawaan kaysa sa katotohanang maibabahagi ng personal na pakikipag-ugnayan maging sa mga nilalang mula sa langit. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan upang hindi ito malimutan.5
2
Inihahayag ng Espiritu Santo ang katotohanan sa matatapat na tao sa lahat ng dako.
Naniniwala tayo na ang Espiritu Santo ang tagapaghayag at na siya ay magpapatotoo sa matatapat na tao sa lahat ng dako na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na si Joseph Smith ay propeta, at na ang simbahang ito “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo.” (D at T 1:30.)
Hindi kailangang manatili sa kadiliman ang sinuman; narito ang liwanag ng walang-hanggang ebanghelyo; at bawat tao sa lupa na tapat na nagsisiyasat ay maaaring magtamo ng sariling patotoo mula sa Banal na Espiritu tungkol sa katotohanan at likas na kabanalan ng gawain ng Panginoon.
Sinabi ni Pedro: “… Hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao: kundi sa bawa’t bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod” sa kanya (Mga Gawa 10:34–35), na ibig sabihin ay ibubuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa matatapat upang malaman nila mismo ang mga katotohanan ng relihiyong ito.6
Ipaparamdam ng Espiritu Santo ang kanyang sarili sa sinumang tao na magtatanong tungkol sa katotohanan, tulad ng ginawa Niya kay Cornelio [tingnan sa Mga Gawa 10]. Ang pahayag na ito ay sinabi ni Moroni sa Aklat ni Mormon, nang patapos na siya sa kanyang talaan, kabanata 10, talata 4:
“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”
Bawat tao ay maaaring dumanas ng pagpaparamdam ng Espiritu Santo, kahit hindi siya miyembro ng Simbahan, kung masigasig siyang naghahanap ng liwanag at katotohanan. Darating ang Espiritu Santo at ibibigay sa tao ang patotoong hinahanap niya, at lilisan pagkatapos.7
3
Pagkatapos ng binyag, ang kaloob na Espiritu Santo ay ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.
Ipinangako sa sinaunang simbahan ni Jesucristo na lahat ng magsisisi, magpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan at magiging tapat, ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Ipinangako rin iyan sa lahat ng tatanggap ng Ebanghelyo sa dispensasyong ito, sapagkat sinabi ng Panginoon:
“At sinuman ang may pananampalataya ay papagtibayin ninyo sa aking simbahan, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at aking ipagkakaloob ang kaloob na Espiritu Santo sa kanila.” [D at T 33:15.]8
Hindi ninyo makukuha ang kaloob na Espiritu Santo sa pagdarasal, sa pagbabayad ng inyong ikapu, sa pagsunod sa Word of Wisdom—kahit pa magpabinyag kayo sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Dapat ninyong lubusin ang binyag na iyan sa pamamagitan ng binyag ng Espiritu. Minsan ay sinabi ng Propeta na parang nagbinyag kayo ng isang sakong buhangin kapag nagbinyag kayo ng isang tao at hindi siya kinumpirma at hindi ibinigay sa kanya ang kaloob na Espiritu Santo, sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Hindi ninyo ito makukuha sa ibang paraan.9
Naniniwala ako sa doktrina ng pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, dahil sa pamamagitan nito nakakaugnayan natin ang ating Ama sa langit at natututuhan ang Kanyang pamamaraan, upang makatahak tayo sa Kanyang landas.10
4
Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, maaaring makasama palagi ng mga miyembro ng Simbahan ang Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ang Sugo, o Mang-aaliw, na ipinangako ng Tagapagligtas na ipadadala sa kanyang mga disipulo matapos siyang ipako sa krus. Ang Mang-aaliw na ito, sa pamamagitan ng kanyang impluwensya, ay magiging kasama palagi ng bawat taong nabinyagan, at ipapaalam ang katotohanan sa mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag at patnubay, upang makalakad sila sa liwanag nito. Espiritu Santo ang nagpapalinaw sa isipan ng tunay na nabinyagang miyembro. Sa pamamagitan niya dumarating ang paghahayag sa bawat tao, at ang liwanag ng katotohanan ay naitatanim sa ating puso.11
Matapos tayong binyagan, tayo ay kinukumpirma. Para saan ang kumpirmasyong iyan? Para makasama natin ang Espiritu Santo; para bigyan tayo ng pribilehiyong mapatnubayan ng ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos—makasama siya, upang maliwanagan ang ating isipan, mapasigla tayo ng Banal na Espiritu upang hangarin nating malaman at maunawaan ang lahat ng bagay na nauukol sa ating kadakilaan.12
Maaaring pagkatapos ng binyag at kumpirmasyon ay mapasaatin ang Espiritu Santo na magtuturo sa atin ng mga pamamaraan ng Panginoon, magpapalinaw ng ating isipan at tutulong sa atin na maunawaan ang katotohanan.13
Ipinangako sa atin na kapag nabinyagan tayo, kung tayo ay tunay at tapat, papatnubayan tayo ng Espiritu Santo. Ano ang layunin nito? Para turuan tayo, patnubayan tayo, magpatotoo sa atin tungkol sa nakapagliligtas na mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat batang nasa tamang edad na para mabinyagan, at nabinyagan na, ay may karapatan sa patnubay ng Espiritu Santo. Narinig kong sinabi ng mga tao na ang walong taong gulang na bata ay hindi makakaunawa. Hindi ganyan ang pagkaalam ko. Nagkaroon ako ng patotoo sa katotohanang ito noong walong taong gulang ako, na nagmula sa Espiritu Santo. Nasa akin na ito magmula noon.14
Kayluwalhating pribilehiyo na magabayan palagi ng Espiritu Santo at maihayag sa atin ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos.15
5
Ang pagsama ng Espiritu Santo ay makakamtan lamang ng mga yaong inihahanda ang kanilang sarili na matanggap ito.
Naisip ko na maraming miyembro ng Simbahang ito ang nabinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at napatungan ng mga kamay ang kanilang mga ulo para sa kaloob na Espiritu Santo, ngunit hindi kailanman nakatanggap ng kaloob na iyan—ibig sabihin, ang mga paramdam nito. Bakit? Dahil hindi nila inihanda ang kanilang sarili upang matanggap ang mga paramdam na ito. Hindi sila kailanman nagpakumbaba. Hindi nila ginawa kailanman ang mga hakbang na maghahanda sa kanila upang makasama nila ang Espiritu Santo. Samakatwid, namumuhay sila nang wala ang kaalamang iyan; kulang sila sa pag-unawa. Kapag nagpunta sa kanila ang mga tuso at mapanlinlang na pinupulaan ang mga awtoridad ng Simbahan at mga doktrina ng Simbahan, ang mahihinang miyembrong ito ay walang sapat na pag-unawa, sapat na impormasyon, at sapat na patnubay ng Espiritu ng Panginoon para paglabanan ang mga maling doktrina at turo. Nakikinig sila at iniisip nila na siguro’y nagkamali sila, at dahil dito ay lumalayo sila sa Simbahan, dahil hindi nila ito nauunawaan.16
Iniutos ng Panginoon na dapat maging masigasig ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang mga ginagawa at sa pag-aaral ng mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ayon sa pagkahayag dito. Hindi mananatili ang Espiritu ng Panginoon sa mga taong walang pagpapahalaga, sa mga suwail at mapanghimagsik na hindi namumuhay sa liwanag ng banal na katotohanan. Pribilehiyo ng bawat nabinyagan na magkaroon ng matibay na patotoo sa panunumbalik ng ebanghelyo, ngunit ang patotoong ito ay hihina at kalaunan ay tuluyang maglalaho maliban kung patuloy tayong tumatanggap ng espirituwal na lakas sa pamamagitan ng pag-aaral, pagsunod, at masigasig na paghahangad na malaman at maunawaan ang katotohanan.17
May karapatan tayong mapatnubayan ng Espiritu Santo, ngunit hindi ito mapapasaatin kung sadya nating tatanggihan ang mga paghahayag na ibinigay upang tulungan tayong makaunawa at gabayan tayo sa liwanag at katotohanan ng walang-hanggang ebanghelyo. Hindi natin maaasahang makamtan ang patnubay na iyan kapag tumanggi tayong isaalang-alang ang mga dakilang paghahayag na ito na napakahalaga sa atin kapwa sa temporal at espirituwal. Ngayon kung matatagpuan natin ang ating sarili sa kalagayang ito ng kawalan ng paniniwala o kahandaang hanapin ang liwanag at kaalamang ibinigay sa atin ng Panginoon, nanganganib tayong malinlang ng masasamang espiritu, mga doktrina ng mga diyablo, at mga turo ng mga tao [tingnan sa D at T 46:7]. At kapag ang mga maling turong ito ay inilahad sa atin, hindi natin mahihiwatigan ang mga ito para maibukod at malaman na hindi ito sa Panginoon. Kaya nga maaari tayong mabiktima ng mga makasalanan, sa kasamaan, katusuhan, at panlilinlang ng mga tao.18
Hindi mananahan ang Espiritu ng Panginoon sa maruruming tabernakulo, at kapag ang isang tao ay tumalikod sa katotohanan dahil sa kasamaan, hindi siya susundan ng Espiritu at lilisanin siya, at papalit doon ang diwa ng pagkakasala, ng pagsuway, ng kasamaan, ng walang-hanggang kapahamakan.19
6
Kapag nanatili tayong tapat, bibigyan tayo ng Espiritu Santo ng mga paghahayag na aakay at gagabay sa atin habang tayo ay nabubuhay.
Nangako ang Panginoon sa lahat ng magsisisi at mananatiling tapat, na magpapakumbaba at magsusumigasig, na magkakaroon sila ng karapatang mapatnubayan ng Espiritu ng Diyos. Aakayin at gagabayan sila ng Espiritung ito habang sila ay nabubuhay.20
Bawat miyembro ng Simbahan ay pinatungan ng mga kamay sa kanyang ulo para sa kaloob na Espiritu Santo. May karapatan siyang tumanggap ng mga paghahayag na mahalaga at kailangan para siya mapatnubayan; hindi para sa Simbahan, kundi para sa kanyang sarili. May karapatan siya kung siya ay susunod, kung siya ay magpapakumbaba, na tumanggap ng liwanag at katotohanan ayon sa inihayag sa pamamagitan ng Espiritu ng Katotohanan, at siya na makikinig sa Espiritung iyan at hihiling ng kaloob na Espiritu nang may pagpapakumbaba at pananampalataya ay hindi malilinlang.21
Kailangan nating tumahak sa kabanalan ng buhay sa liwanag at katotohanan nang may wastong pag-unawang dumarating sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo na ipinangako sa lahat ng maniniwala tungo sa pagsisisi at tatanggap ng mga salita ng buhay na walang hanggan. Kung nakaayon tayo sa Espiritung ito tayo ay lumalakad sa liwanag at patnubay ng Diyos.22
Pribilehiyo ng bawat miyembro ng Simbahan na malaman ang katotohanan, na mangusap ayon sa katotohanan, na magkaroon ng inspirasyon ng Espiritu Santo; pribilehiyo ng bawat isa sa atin … na tumanggap ng liwanag at lumakad sa liwanag; at kung patuloy tayong susunod sa Diyos, ibig sabihin, susunod sa Kanyang mga utos, tatanggap tayo ng higit pang liwanag hanggang sa dumating sa atin ang ganap na araw ng kaalaman. [Tingnan sa D at T 50:24.]23
Sa huli, babalik tayo sa kinaroroonan ng ating Diyos Ama sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo.24
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Ano ang itinuturo ng salaysay sa “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith” tungkol sa Espiritu Santo? Kailan kayo nahikayat ng Espiritu na tulungan ang isang tao?
-
Tinukoy ni Pangulong Smith “ang Espiritu ng Diyos na nangungusap sa espiritu ng tao” (bahagi 1). Sa anong mga paraan naiiba ang pakikipag-ugnayan sa ating espiritu sa naririnig ng ating mga tainga o nakikita ng ating mga mata? Paano naging mas mabisa ito?
-
Ano ang ilang pagkakaiba ng pagtanggap ng paghahayag ng Espiritu, tulad ng nangyari kay Cornelio, sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo? (Tingnan sa bahagi 2.)
-
Itinuro ni Pangulong Smith na hindi kumpleto ang binyag kung wala ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa bahagi 3). Sa anong mga paraan hindi magiging kumpleto ang buhay ninyo kung wala ang kaloob na Espiritu Santo?
-
Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Smith sa bahagi 4 tungkol sa ibig sabihin ng mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo. Sa anong mga paraan kayo napagpala ng patnubay na ito?
-
Anong paghahanda ang maaari nating gawin para makasama ang Espiritu Santo? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 5.)
-
Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 6, pansinin ang patnubay na matatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makilala at matanggap ang patnubay na ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Juan 16:13; Mga Gawa 19:1–6; I Mga Taga Corinto 12:3; 1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 31:15–20; 3 Nephi 19:9; D at T 46:13; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4
Tulong sa Pagtuturo
“Huwag mabahala kung ang mga mag-aaral ay tahimik nang ilang sandali matapos [kayong] magtanong. Huwag sagutin ang sarili ninyong katanungan; bigyan ng oras ang mga mag-aaral na makapag-isip ng isasagot. Gayunpaman, ang mahabang katahimikan ay maaaring magpahiwatig na hindi nila naunawaan ang tanong at kailangan ninyo itong ulitin nang maliwanag” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 85).