Kabanata 18
Pamumuhay ayon sa Bawat Salitang Nagmumula sa Bibig ng Diyos
“Ang pinakadakilang pagsamba ay ang pagsunod sa mga kautusan, pagsunod sa mga yapak ng Anak ng Diyos, paggawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa kanya.”
Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith
“Hinahangad ko ang sarili kong kaligtasan,” pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith, “at alam ko na matatagpuan ko lamang ito sa pagsunod sa mga batas ng Panginoon sa pagsunod sa mga kautusan, paggawa ng kabutihan, pagsunod sa mga yapak ng ating pinunong si Jesus, ang huwaran at pinuno ng lahat.”1
Bukod pa sa paghahangad sa kanyang sariling kaligtasan, masigasig na tinulungan ni Pangulong Smith ang iba pa na gawin din iyon. Naobserbahan ni Elder Francis M. Gibbons, na naglingkod bilang kalihim sa Unang Panguluhan, na “itinuring [ni Pangulong Smith] na tungkulin niyang magbabala kapag ang mga tao ay nagsimulang lumihis mula sa landas na tinukoy sa mga banal na kasulatan. At wala siyang balak na talikuran ang tungkuling iyan, anuman ang sabihin ng iba. Ang pagsasalita sa gayong paraan na hindi kinaluguran ng ilang grupo ay tila hindi naman naging hadlang sa kanya; wala siyang balak na maging popular o sikat sa mata ng mga tao. Sa halip, itinuring niya ang kanyang tungkulin na katulad ng sa tanod sa tore na ang tungkulin ay magbabala sa mga nasa ibaba na hindi nakakakita sa paparating na panganib.”2
Minsa’y nagbahagi ng isang karanasan si Pangulong Smith na naglarawan ng pagbabago ng puso na maaaring maranasan ng isang taong nakikinig sa babalang ito:
“Dumalo ako sa isang stake conference ilang taon na ang nakararaan at nagsalita tungkol sa Word of Wisdom. … Nang magpunta ako sa likuran ng gusali [pagkatapos ng kumperensya,] halos lahat ay nakaalis na, ngunit isang lalaki ang nakipagkamay sa akin at nagsabing:
“‘Brother Smith, iyon ang unang mensahe tungkol sa Word of Wisdom na nagustuhan ko.’
“Sabi ko: ‘Wala ka pa bang ibang narinig na mensahe tungkol sa Word of Wisdom?’
“Sabi niya: ‘Mayroon, pero ito ang unang-unang nakasiya sa akin.’
“Sabi ko: ‘Bakit naman?’
“Sinabi niya: ‘Kasi, alam mo, sinusunod ko na ngayon ang Word of Wisdom.’”3
Mga Turo ni Joseph Fielding Smith
1
Pinamamahalaan ng Diyos ang sansinukob sa pamamagitan ng batas, at saklaw tayo ng batas na iyan.
Dapat tanggapin ng lahat ng tao na yamang ang Maykapal ang namamahala sa buong sansinukob sa pamamagitan ng batas na hindi pabagu-bago, ang tao, na siyang pinakadakila sa lahat ng kanyang nilikha, ay kailangang magpailalim sa batas na iyan. Ipinahayag ng Panginoon ang katotohanang ito nang maikli at tuwiran at may kapangyarihan sa isang paghahayag sa Simbahan:
“Lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay;
“At may maraming kaharian; sapagkat walang lugar na walang naroroong kaharian; at walang kaharian na walang naroroong lugar, maging isang malaki o maliit na kaharian.
“At ang bawat kaharian ay binigyan ng batas; at sa bawat batas ay may mga hangganan din at mga batayan.
“Lahat ng tao na hindi nakapananatili sa mga batayang iyon ay hindi mabibigyang-katwiran.” (D at T 88:36–39.)
Ang katotohanang ito ay hindi na kailangang patunayan. Kaya nga, makatwiran lamang na asahan natin na ang kaharian ng Diyos ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng batas at lahat ng nais pumasok dito ay dapat magpailalim sa batas. “Masdan, ang aking bahay ay isang bahay ng kaayusan, wika ng Panginoong Diyos, at hindi isang bahay ng kaguluhan.” (D at T 132:8.)
Ang Panginoon ay nagbigay sa tao ng mga batas na tinatawag nating ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil sa kawalan ng inspirasyon at espirituwal na patnubay, maaaring magkaiba-iba ang pag-unawa at pagsasabuhay ng mga tao sa mga batas na ito, ngunit hindi maaaring magkaroon ng pagtatalo hinggil sa katotohanan na talagang umiiral ang mga batas na iyon, at na lahat ng naghahangad na makapasok sa kahariang iyan ay saklaw ng mga ito.4
Nasa atin ang lahat ng katotohanan, doktrina, batas at ipinagagawa, pagsasakatuparan at ordenansang kailangan upang maligtas at mapadakila tayo sa pinakamataas na antas ng selestiyal na daigdig.5
2
Ang pagsunod sa mga kautusan ay nagpapakita ng ating pagmamahal sa Panginoon.
Ang ating responsibilidad sa Simbahan ay sambahin ang Panginoon sa espiritu at sa katotohanan, at hangad natin itong gawin nang buong puso, kakayahan, at pag-iisip. Sinabi ni Jesus: “Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Mateo 4:10.)
Naniniwala tayo na ang pagsamba ay higit pa sa pagdarasal at pangangaral at pagsunod sa ebanghelyo. Ang pinakadakilang pagsamba ay ang sundin ang mga kautusan, sundan ang mga yapak ng Anak ng Diyos, gawin sa tuwina ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanya. Mahalagang ipahayag na naniniwala tayo sa Panginoon; ngunit mahalaga ring igalang at sundin ang kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawang ipinakita niya sa atin. … Nagagalak ako sa pribilehiyong sundan ang kanyang mga yapak. Nagagalak akong sabihin na nagpapasalamat ako sa mga salita ng buhay na walang hanggan na natanggap ko, sa mundong ito, at sa pag-asa ng buhay na walang hanggan na mapapasaakin sa mundong darating kung ako ay mananatiling tapat at totoo hanggang wakas.6
Ito ang batas sa mga miyembro ng Simbahan, sa mga salita ng Tagapagligtas: “Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin. …” (Juan 14:21.) Muli, sinabi ng Tagapagligtas: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15.) …
Ang Tagapagligtas ay hindi kailanman nakagawa ng anumang kasalanan at malinis ang kanyang budhi. Hindi siya kailangang magsisi na tulad ko at ninyo; ngunit sa hindi ko maunawaang paraan, pinasan niya ang bigat ng akin at inyong mga kasalanan. … Pumarito Siya at inialay ang kanyang sarili bilang sakripisyo upang magbayad-sala para sa bawat isa sa atin na handang magsisi ng kanyang mga kasalanan at bumalik sa kanya at sundin ang kanyang mga utos. Isipin ninyo ito, kung kaya ninyo. Dinala ng Tagapagligtas ang pasaning iyan sa paraang hindi natin kayang unawain. Alam ko iyan, dahil tanggap ko ang kanyang salita. Inilahad niya sa atin ang pagdurusang kanyang pinagdaanan; napakatindi ng pagdurusa kaya siya nagsumamo sa kanyang Ama na kung maaari ay hindi niya inumin ang mapait na saro at manliit: “… gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.” (Lucas 22:42.) Ang sagot sa kanya ng kanyang Ama ay, “Kailangan mong inumin ito.”
Mapipigilan ko bang mahalin siya? Hindi, hindi ko kaya. Mahal ba ninyo siya? Kung gayo’y sundin ang kanyang mga utos.7
3
Kung susuwayin natin ang mga utos ng Panginoon, huwag nating asahang matanggap ang Kanyang mga pagpapala.
Kapag sinuway natin ang mga utos na ibinigay sa atin ng Panginoon para sa ating patnubay, wala tayong karapatan sa kanyang mga pagpapala.8
Ano ang buting idudulot sa atin ng pagdarasal sa Panginoon, kung wala tayong balak na sundin ang Kanyang mga utos? Ang gayong pagdarasal ay walang kabuluhan at isang paghamak sa harapan ng luklukan ng biyaya. Ang lakas naman ng loob nating umasa ng magandang sagot kung ganyan ang sitwasyon. “Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya’y masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit: Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang pagiisip: at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.” Iyan ang sabi ni Isaias (Isaias 55:6–7). Ngunit hindi ba laging nasa malapit ang Panginoon kapag nagdarasal tayo sa Kanya? Ang sagot ay talagang hindi! Sinabi niya, “Sila ay mabagal sa pagdinig sa tinig ng Panginoon nilang Diyos; kaya nga, ang Panginoon nilang Diyos ay mabagal sa pagdinig sa kanilang mga panalangin, sa pagsagot sa kanila sa araw ng kanilang suliranin. Sa araw ng kanilang kapayapaan ay hindi gaano nilang pinahalagahan ang aking payo; subalit, sa araw ng kanilang kaguluhan, dahil sa pangangailangan ay inaapuhap nila ako” [D at T 101:7–8]. Kung magsisilapit tayo sa Kanya, lalapit Siya sa atin, at hindi tayo pababayaan; ngunit kung hindi tayo magsisilapit sa Kanya, hindi siya nangakong sasagutin Niya tayo kapag sumusuway tayo.9
Hindi maaaring manalangin tayo sa Panginoon at sabihin nating: “Bigyan ninyo kami ng aming kailangan, pagwagiin ninyo kami, gawin ninyo ang nais naming ipagawa sa inyo, ngunit huwag ninyong ipagawa sa amin ang nais ninyo.”10
Kailangan tayong lumakad sa ganap na liwanag ng katotohanan, hindi sa bahagyang katotohanan lamang. Wala akong karapatang balewalain ang ilang alituntunin ng ebanghelyo at paniwalaan ang iba, at madama pagkatapos na karapat-dapat ako sa buong pagpapala ng kaligtasan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos. Kung gusto natin ng kadakilaan, kung gusto natin ang lugar na inihanda ng Panginoon para sa mga taong mabubuti at tapat, dapat tayong maging handang lumakad sa ganap na liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo, at sumunod sa lahat ng kautusan. Hindi natin masasabi na ang ilan sa mga ito ay maliit at walang halaga kaya babalewalain ito ng Panginoon kung labagin natin ito. Inuutusan tayong mamuhay ayon sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos [tingnan sa Deuteronomio 8:3; D at T 98:11]. “Bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon,” wika niya, “at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” [Tingnan sa Lucas 6:46.]11
4
Kapag sinusunod natin ang mga utos ng Panginoon, nasa landas tayo tungo sa pagiging sakdal.
Inaasahan ng Panginoon na maniwala tayo sa kanya, na tanggapin natin ang kanyang walang-hanggang ebanghelyo, at mamuhay tayo ayon sa kanyang mga hinihingi at kundisyon. Hindi natin dapat piliin at sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo na nakasisiya lamang sa atin at kalimutan na ang iba. Wala tayong karapatang magpasiya na hindi na angkop sa ating mga sitwasyon sa lipunan at kultura ang ilang alituntunin.
Ang mga batas ng Panginoon ay walang hanggan, at nasa atin ang kabuuan ng kanyang walang-hanggang ebanghelyo at kailangang paniwalaan natin ang lahat ng kanyang batas at katotohanan at mamuhay ayon dito. Wala nang mas mahalaga pa sa sinumang tao kaysa sundin ang mga utos ng Panginoon. Inaasahan niya na kakapit tayo sa bawat totoong alituntunin, uunahin natin sa buhay ang mga bagay ng kanyang kaharian, susulong tayo nang may katatagan kay Cristo, at maglilingkod tayo sa kanya nang buong kakayahan, pag-iisip, at lakas. Sa pananalita ng mga banal na kasulatan, pakinggan natin ang buod ng buong paksa: “Matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos: sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.” (Eclesiastes 12:13.)12
Madalas kong isipin, at sa palagay ko’y gayon din kayo, ang napakadakila at napakagandang mensaheng iyon—ang pinakadakila sa lahat ng naipangaral na, na alam natin—na tinatawag nating Sermon sa Bundok. … Kung susundin lamang natin ang mga aral na iyon, maaari tayong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos Ama, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
Madalas kong isipin ang Kanyang sinabi bilang buod ng lahat ng Kanyang itinuro:
“Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [Mateo 5:48.]
… Naniniwala ako na talagang iyon ang nais Niyang sabihin, na dapat tayong magpakasakdal, tulad ng ating Ama sa langit na sakdal. Hindi iyan mangyayari kaagad, kundi nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, halimbawa sa halimbawa, at hindi rin habang nabubuhay tayo sa mundong ito, sapagkat kailangan nating sumakabilang-buhay bago tayo maging sakdal at maging katulad ng Diyos.
Ngunit dito natin ilalatag ang pundasyon. Dito tayo tuturuan ng mga simpleng katotohanan ng Ebanghelyo ni Jesucristo, sa kalagayang ito ng pagsubok sa atin, upang maihanda tayo para sa kasakdalang iyon. Tungkulin ko, at tungkulin din ninyo, na maging mas mabuti ako ngayon kaysa kahapon, at maging mas mabuti kayo ngayon kaysa kahapon, at mas mabuti kayo bukas kaysa ngayon. Bakit? Dahil tayo ay nasa landas na iyon, kung sinusunod natin ang mga utos ng Panginoon, tayo ay nasa landas na iyon tungo sa kasakdalan, at mangyayari lamang iyan sa pamamagitan ng pagsunod at pagnanais sa ating puso na daigin ang sanlibutan. …
… Kung may pagkukulang tayo, kung may kahinaan tayo, iyan ang pagtuunan natin, na may pagnanais na daigin ito, hanggang sa madaig natin ito at magtagumpay tayo. Kung nadarama ng isang tao na nahihirapan siyang magbayad ng kanyang ikapu, iyan ang bagay na dapat niyang gawin, hanggang sa matuto siyang magbayad ng kanyang ikapu. Kung Word of Wisdom naman, iyan ang dapat niyang gawin, hanggang sa matuto siyang mahalin ang utos na iyan.13
5
Kapag sinunod natin ang mga kautusan, papanatagin at pagpapalain at palalakasin tayo ng Panginoon para tayo maging mga lalaki at babaeng karapat-dapat sa kadakilaan.
Para mapalugod [ang Panginoon], hindi lamang natin siya kailangang sambahin nang may pasasalamat at papuri, kundi magpakita rin tayo ng kahandaang sumunod sa kanyang mga utos. Sa paggawa nito, pagpapalain niya tayo; sapagkat sa alituntuning ito (pagsunod sa batas) nakasalalay ang lahat ng bagay [tingnan sa D at T 130:20–21].14
Binigyan tayo ng Diyos [ng mga kautusan] upang mas mapalapit tayo sa Kanya at lumakas ang ating pananampalataya at tumatag tayo. Wala Siyang ibinigay na kautusan, kahit kailan, na hindi para sa ating kapanatagan at pagpapala. Hindi ibinigay ang mga ito para lamang mapalugod ang Panginoon, kundi para maging mas mabubuti tayong kalalakihan at kababaihan, at maging karapat-dapat tayo sa kaligtasan at kadakilaan sa Kanyang kaharian.15
Kung nagpupunta tayo sa templo itinataas natin ang ating mga kamay at nakikipagtipan na paglilingkuran natin ang Panginoon at susundin ang kanyang mga utos at mananatili tayong walang bahid-dungis mula sa sanlibutan. Kung nauunawaan natin ang ating ginagawa, ang endowment ay magiging proteksyon sa atin habang tayo ay nabubuhay—proteksyong hindi ibibigay sa taong hindi nagpupunta sa templo.
Narinig kong sinabi ng aking ama na sa oras ng pagsubok, sa oras ng tukso, iniisip niya ang mga pangako, ang mga tipang ginawa niya sa Bahay ng Panginoon, at naging proteksyon ang mga iyon sa kanya. … Ang proteksyong ito ay bahagi ng layunin ng mga seremonyang ito. Inililigtas tayo nito ngayon at dadakilain tayo nito sa kabilang-buhay, kung tutuparin natin ang mga ito. Alam ko na ibinigay ang proteksyong ito dahil naranasan ko na rin ito, tulad ng libu-libong iba pa na nakaalala sa kanilang mga pananagutan.16
Bibigyan tayo ng Panginoon ng mga kaloob. Liliwanagin Niya ang ating isipan. Bibigyan Niya tayo ng kaalamang lulutas sa lahat ng suliranin at iaayon tayo sa mga utos na kanyang ibinigay sa atin; bibigyan niya tayo ng isang kaalamang mag-uugat nang malalim sa ating kaluluwa na hindi kailanman maaalis, kung hahanapin natin ang liwanag at katotohanan at ang pag-unawang ipinangako sa atin at matatanggap natin kung magiging tapat lamang tayo sa bawat tipan at pananagutang nauukol sa ebanghelyo ni Jesucristo.17
Ang dakilang pangakong ginawa sa mga miyembro ng Simbahang ito na handang sumunod sa batas at mga utos ng Panginoon ay na hindi lamang sila tatanggap ng isang lugar sa kaharian ng Diyos, kundi makakapiling din nila ang Ama at ang Anak; at hindi lamang iyan, sapagkat nangako ang Panginoon na lahat ng mayroon siya ay ibibigay sa kanila [tingnan sa D at T 84:33–39].18
Sa pagsunod sa mga kautusang iyon na nakasaad sa Ebanghelyo ni Jesucristo, at sa patuloy na pagsunod, tatanggap tayo ng imortalidad, kaluwalhatian, buhay na walang hanggan, at mananahan tayo sa piling ng Diyos Ama at ng kanyang Anak na si Jesucristo, kung saan natin sila lubos na makikilala.19
Kung tatahak tayo sa mga landas ng kabutihan at kabanalan, ibubuhos sa atin ng Panginoon ang napakarami niyang pagpapala na hindi natin inakala kailanman na mangyayari. Sa ating mga kilos tayo, tulad ng sabi ni Pedro, ay magiging “isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios.” (I Pedro 2:9.) At tayo ay magiging kakaiba dahil hindi tayo magiging katulad ng ibang mga tao na hindi sumusunod sa mga pamantayang ito. …
Bilang mga lingkod ng Panginoon, ang layunin natin ay tumahak sa landas na inihanda niya para sa atin. Hindi lamang natin hinahangad na gawin at sabihin ang ikalulugod niya, kundi hinahangad nating mamuhay sa paraang katulad ng sa kanya.
Siya mismo ay nagpakita ng sakdal na halimbawa para sa atin sa lahat ng bagay at sinabi sa atin: “Sumunod ka sa akin.” Itinanong niya sa mga disipulong Nephita: “… anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” at pagkatapos ay sinagot niya ito ng: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.” (3 Ne. 27:27.)
Ngayon ay abala tayo sa pinakadakilang gawain sa mundo. Ang priesthood na ito na ating taglay ang kapangyarihan at awtoridad ng Panginoon mismo; at nangako siya sa atin na kung gagampanan nating mabuti ang ating mga tungkulin at lalakad sa liwanag, dahil siya ay nasa liwanag, magkakaroon tayo ng kaluwalhatian at karangalan kasama niya magpakailanman sa kaharian ng kanyang Ama.
Sa gayon kagandang bagay na maaasam natin, hindi ba natin kayang talikuran ang masasamang gawi ng sanlibutan? Hindi ba natin uunahin sa ating buhay ang mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos? Hindi ba natin hahangaring mamuhay araw-araw ayon sa bawat salitang nagmumula sa kanyang bibig?20
Pinatototohanan ko na nangungusap ang Panginoon sa ating panahon; na ang kanyang mensahe ay pag-asa at kagalakan at kaligtasan; at ipinapangako ko sa inyo na kung kayo ay lalakad sa liwanag ng langit, magiging tapat sa ipinagkatiwala sa inyo, at susundin ninyo ang mga kautusan, magkakaroon kayo ng kapayapaan at kagalakan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.21
Sundin ang mga kautusan. Magsilakad sa liwanag. Magtiis hanggang wakas. Maging tapat sa bawat tipan at pananagutan, at pagpapalain kayo ng Panginoon nang higit pa sa inaasam ninyo.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Repasuhin ang kuwento sa huling bahagi ng “Mula sa Buhay ni Joseph Fielding Smith.” Bakit nagbabago ang damdamin natin tungkol sa ebanghelyo kapag sinisikap nating sundin ang mga kautusan?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talata sa banal na kasulatan na binanggit sa bahagi 1?
-
Paano nagpapakita ng pagmamahal kay Jesucristo ang pagsunod natin sa mga kautusan? Paano ito nagpapakita ng pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo? Paano ito nagpapakita ng pagsamba? (Tingnan sa bahagi 2.)
-
Pagnilayan ang mga turo sa bahagi 3. Bakit maling asahan na pagpapalain tayo ng Panginoon kung hindi naman tayo nagsisikap na maging masunurin?
-
Paano nakakatulong sa inyo ang kaalaman na hindi ninyo dapat asahang maging perpekto kayo kaagad o maging sa buhay na ito? (Tingnan sa bahagi 4.) Isipin kung ano ang magagawa ninyo araw-araw, sa tulong ng Panginoon, upang makapanatili sa “landas tungo sa kasakdalan.”
-
Sa bahagi 5, inilista ni Pangulong Smith ang 10 paraan na pagpapalain tayo ng Panginoon sa pagsunod natin sa mga kautusan. Anong mga karanasan ang maibabahagi ninyo kung saan natanggap ninyo ang ilan sa mga pagpapalang ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 4:4; 2 Nephi 31:19–20; Omni 1:26; D at T 11:20; 82:8–10; 93:1; 130:20–21; 138:1–4
Tulong sa Pagtuturo
“Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Makakatulong na kausapin ang ilang miyembro ng klase sa linggong iyan at hilingin sa kanila na maghandang ibahagi ang natutuhan nila” (mula pahina ix sa aklat na ito).