Seminaries and Institutes
Pambungad sa Manwal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (Religion 200)


Pambungad sa Manwal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (Religion 200)

Ano ang inaasahan sa isang titser ng relihiyon?

Habang naghahanda kang magturo, mahalagang maunawaan ang layunin ng Seminaries and Institutes of Religion:

“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa dito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).

Makakamit mo ang layuning ito sa pamamagitan ng masigasig na pamumuhay ayon sa ebanghelyo, epektibong pagtuturo ng ebanghelyo sa iyong mga estudyante, at angkop na pamamahala sa iyong klase o programa. Kapag naghahanda ka at nagtuturo ng ebanghelyo sa mga paraang ito, magiging karapat-dapat ka para sa impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 42:14).

Ito ay pagkakataon mo na matulungan ang mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu upang mapalakas nila ang kanilang pananampalataya at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Matutulungan mo ang mga estudyante na magawa ito kapag tinuturuan mo sila na matukoy, maunawaan, madama ang katotohanan at kahalagahan ng mahahalagang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo at maipamuhay ang mga ito.

Ang hanbuk na Gospel Teaching and Learning ay mahalagang materyal para maunawaan ang paraan ng pagtuturo at matutuhan kung paano maging matagumpay sa loob ng klase.

Ano ang mga layunin ng kursong ito?

Ang kursong ito, Ang Walang Hanggang Pamilya (Religion 200), ay isang pag-aaral tungkol sa mahalagang ginagampanan ng pamilya sa plano ng kaligtasan ayon sa itinuro ng mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta. Ang doktrina, mga tema, at mga alituntunin ng kurso ay kinuha lalo na sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Sa kursong ito, ang mga tanong at isyu na nauugnay sa kasal at pamilya ay pag-aaralan, tatalakayin, at susuriin sa konteksto ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipapaunawa nang malinaw ng kursong ito sa mga estudyante ang kaugnayan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan at ng pagtanggap ng mga pagpapala sa buhay na ito at sa daigdig na darating. Ang doktrina at mga alituntunin na nauugnay sa kasal at pamilya ay tutukuyin at susuriin upang maunawaan ng mga estudyante kung paano nauugnay ang mga ito sa mga kalagayan ngayon. Mas mauunawaan ng mga estudyante kung bakit kailangang pagtiwalaan at sundin nila ang mga turo ng mga makabagong propeta.

Ano ang inaasahan sa mga estudyante?

Upang makatanggap ng credit para maka-graduate sa institute, kinakailangang basahin ng mga estudyante ang mga scripture passage, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at iba pang mga materyal na nakalista sa bahaging Mga Babasahin ng mga Estudyante na nasa bawat lesson. Kinakailangan ding makumpleto ng mga estudyante ang attendance requirement at maipakita ang kahusayan sa materyal ng kurso sa pamamagitan ng pagkumpleto ng assessment.

Paano ibinalangkas ang mga lesson sa manwal na ito?

Ang kursong ito ay ituturo sa buong isang semestre at mayroong 28 lesson na para sa mga 50-minutong class period. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magturo ng isang lesson bawat class period. Kung nagkaklase ka nang isang beses kada linggo sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, pagsamahin ang dalawang lesson at ituro ang mga ito sa bawat class period. Bawat lesson ay binubuo ng apat na bahagi:

  • Pambungad

  • Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Mga Mungkahi sa Pagtuturo

  • Mga Babasahin ng mga Estudyante

Pambungad

Ang bahaging ito ay nagbibigay ng maikling pambungad sa mga paksa at mga layunin ng lesson.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Ang bahaging ito ay nagmumungkahi ng mga materyal o resources, tulad ng mga mensahe mula sa mga propeta sa mga huling araw at iba pang mga lider sa Simbahan, na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga doktrina, alituntunin, at katotohanan ng ebanghelyo na tinalakay sa lesson outline.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay kinapapalooban ng mga materyal na tutulong sa iyo na malaman kung ano ang ituturo at kung paano ituturo ang mga ito (tingnan din sa mga bahaging 4.3.3 at 4.3.4 sa hanbuk na Gospel Teaching and Learning [Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo]). Ang mga iminungkahing aktibidad sa pag-aaral ay nilayong tulungan ang estudyante na matukoy, maunawaan, at maipamuhay ang mga sagradong katotohanan. Maaari mong piliing gamitin ang ilan o lahat ng mga mungkahi habang iniaangkop mo ang mga ito sa paraan ng iyong pagtuturo at upang matugunan ang mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante. Habang pinag-iisipan mo kung paano maiaangkop ang mga materyal ng lesson, sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Madalas kong marinig na itinuturo ni Pangulong Packer na umayon muna tayo, at saka tayo umangkop. Kung napag-aralan na natin nang husto ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, kung gayon ay masusunod natin ang Espiritu para maiakma ito. Pero natutukso tayo, kapag tinatalakay natin ang flexibility na ito, na magsimulang iakma ito sa mga tinuturuan natin bago pag-aralan nang husto o maging pamilyar sa lesson. Dapat ay balanse. Ito ay hamon na makakaharap natin tuwina. Ngunit ang pag-aralan o maging pamilyar muna nang lubos sa lesson at pagkatapos ay iangkop sa tinuturuan ay mabuting paraan para maayos itong maituro” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], si.lds.org).

Ang kursong ito ay kinapapalooban ng mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na malamang ay makukuha sa maraming wika. Habang naghahanda kang magturo, maaari mong iakma ang mga lesson gamit ang iba pang makukuhang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan na nauugnay sa paksa.

Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ng bawat lesson ay naglalaman ng isa o mahigit pang pahayag tungkol sa doktrina o alituntunin, na nakasulat gamit ang mga naka-bold na titik. Kapag natuklasan ng mga estudyante ang mga katotohanang ito at ibinahagi kung ano ang natutuhan nila, maaaring makagamit sila ng mga salita na iba sa mga nakasaad sa manwal. Kapag nangyari ito, maging maingat na huwag ipahiwatig na mali ang kanilang mga sagot. Gayunman, kung ang isinagot ay mas maitatama pa, maingat na tumulong na maipaunawa ito nang mas malinaw.

Ipinapakita sa kurikulum na ito kung paano isasama ang mga alituntunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo sa isang thematic course (tingnan sa Gospel Teaching and Learning, 10, 23–31, 38–41). Sa darating na mga buwan, ang Seminaries and Institutes ay maglalathala ng isang dokumentong tatawaging “Teaching Thematically in Institutes of Religion,” kung saan ay ipapaliwanag nang husto kung paano isasama ang mga alituntunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo sa isang thematic course.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa kapakinabangang makukuha natin sa pag-aaral ng ebanghelyo ayon sa tema:

Elder David A. Bednar

“Bagama’t ang pagbabasa ng isang aklat ng banal na kasulatan mula simula hanggang wakas ay nagbibigay ng pangunahing lalim ng kaalaman, ang pag-aaral ayon sa paksa ay nagpapalawak ng ating kaalaman. Ang pagsasaliksik sa mga paghahayag para sa mga pagkakaugnay, huwaran, at tema ay nagpapatibay at nagdaragdag sa ating espituwal na kaalaman … ; pinalalawak nito ang ating pananaw at pang-unawa sa plano ng kaligtasan.

“Sa palagay ko, ang masigasig na pagsasaliksik upang matuklasan ang pagkakaugnay, huwaran, at tema ay bahagi ng ibig sabihin ng ‘magpakabusog’ sa mga salita ni Cristo. Ang paraang ito ay magbubukas ng daluyan ng espituwal na imbakan, liliwanagin ang ating pang-unawa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at magbubunga ng matinding pasasalamat para sa banal na kasulatan at matibay na pangako na hindi matatanggap sa ibang paraan. Ang ganitong pagsasaliksik ay magpapasalig sa atin sa ibabaw ng bato ng ating Manunubos at mapaglalabanan ang kasamaan sa mga huling araw na ito” (“A Reservoir of Living Water” [Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007], 3, speeches.byu.edu).

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Nakalista sa bahaging ito ang mga scripture passage, mga mensahe ng mga lider ng Simbahan, at iba pang mga materyal na magpapalawak sa pang-unawa ng mga estudyante tungkol sa mga paksang binigyang-diin sa mga lesson. Sabihan at hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga materyal na ito bago sila pumasok sa klase. Kapag pinag-aralan nila ang mga materyal na binigyang-inspirasyon, hindi lamang sila magiging mas handang makibahagi sa mga talakayan sa klase, kundi magkakaroon din sila ng mas malawak at malalim na pag-unawa tungkol sa mga paksa ng kursong ito. Bigyan ang mga estudyante ng buong listahan ng Mga Babasahin ng mga Estudyante sa simula ng semestre.

Paano ako maghahandang magturo?

Tutulungan ka ng Panginoon habang naghahanda kang magturo. Habang naghahanda ka, maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod:

  • Sinisikap ko bang ipamuhay ang ebanghelyo upang madaling kong mahiwatigan ang Espiritu sa aking paghahanda at pagtuturo?

  • Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo?

  • Pinag-aralan ko ba ang mga naka-assign na scripture block at ang mga babasahin tungkol sa paksa?

  • Binasa ko ba ang kurikulum at inalam kung mayroong anuman doon na kailangan kong iakma o baguhin upang matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?

  • Paano ako magpa-follow-up sa mga estudyante para matiyak ko na may natutuhan sila mula sa pagbabasa ng mga reading assignment?

  • Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na lubos na makibahagi sa talakayan sa lesson?

Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaari ding makatulong:

  • Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga naka-assign na scripture passage at artikulo bago ang bawat klase.

  • Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mga mag-aaral.

  • Bigyan ang mga estudyante ng maraming pagkakataon na magpaliwanag ng mga doktrina at alituntunin sa sarili nilang mga salita, magbahagi ng mga kaugnay na karanasan, at magpatotoo sa nalaman at nadama nila.

  • Gumamit ng iba-ibang aktibidad at pamamaraan sa pag-aaral sa bawat klase at sa bawat lesson din.

  • Lumikha ng isang kapaligirang nag-aanyaya sa Espiritu at nagbibigay sa mga estudyante ng pribilehiyo at responsibilidad na magturo at matuto sa isa’t isa (tingnan sa D at T 88:78, 122).

  • Sa buong kurso ay may makikita kang mga reperensya sa mga partikular na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gamitin ang mga pagkakataong ito upang matulungan ang mga estudyante na maging mas self-reliant sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at maging mas determinado na patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa buong buhay nila.

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Tiyakin na maraming makibahagi dahil ang paggamit ng kalayaan ng isang estudyante ay nagtutulot sa Espiritu Santo na makapagturo. … “Kapag nagpapahayag ang mga estudyante ng mga katotohanan, naipagtitibay ang mga ito sa kanilang mga kaluluwa at pinalalakas ang kanilang sariling patotoo” (“To Understand and Live Truth” [evening with Elder Richard G. Scott, Peb. 4, 2005], 3; si.lds.org).

Paano ko iaakma ang mga lesson sa mga taong may kapansanan?

Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Maghanap ng mga paraan para matulungan sila na madama na minamahal, tinatangap, at kabilang sila. Magkaroon ng ugnayang may pagtitiwala.

Para sa karagdagang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang Seminaries and Institutes of Religion policy manual section na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”