13
Gawing Mas Mataimtim ang Pagsamba sa Templo
Pambungad
Ang pagsamba sa mga banal na templo ay naghahanda sa atin na maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo, at ang “mga banal na ordenansa at tipan na makukuha [roon] ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Hinikayat ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ang mga miyembro ng Simbahan na gawing “mahalagang simbolo ng kanilang pagiging miyembro” ang templo (“The Great Symbol ng Our Membership,” Ensign, Okt. 1994, 2). Malalaman ng mga estudyante sa lesson na ito ang mga paraan para maging mas mataimtim ang pagsamba nila sa templo, na maghahatid ng malalaking pagpapala sa buhay ng kanilang pamilya.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Richard G. Scott, “Pagsamba sa Templo: Ang Pinagmumulan ng Lakas at Kapangyarihan sa mga Oras ng Pangangailangan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 43–45.
-
L. Lionel Kendrick, “Pagpapaunlad ng Ating Karanasan sa Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 78–79.
-
Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo (booklet, 2003).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mga Awit 24:3–5; Juan 2:13–16; Doktrina at mga Tipan 109:10–13, 20–22
Pagiging karapat-dapat na makapasok sa templo
Magdispley ng isang larawan ng templo na pinakamalapit sa tirahan ninyo. Ipaliwanag na ang pariralang Holiness to the Lord [Kabanalan sa Panginoon] ay nakaukit sa labas ng lahat ng templo. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Juan 2:13–16 at pag-isipan kung paano ipinakita sa talang ito ang kabanalan ng mga templo.
-
Paano ipinakita sa talang ito ang dapat na saloobin natin tungkol sa templo?
-
Sa paanong mga paraan maaaring maipapakita ngayon ng mga tao ang kawalan ng paggalang sa templo?
Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:20, na bahagi ng panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple:
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talatang ito? (Dapat kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang alituntuning ito: Iniutos ng Diyos na walang maruming bagay ang pahihintulutang pumasok sa Kanyang bahay. Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, ang mga templo ay laging inilalarawan bilang lugar ng kalinisan, kadalisayan, kabanalan, at pagiging karapat-dapat. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pansinin ang pagkakaugnay na ito kapag nagbasa sila tungkol sa mga templo.)
-
Ano ang ilan sa mga pamantayan ng pagkamarapat na dapat matugunan ng bawat tao bago sila makapasok sa templo?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 109:10–13, 21–22, at Mga Awit 24:3–5 at alamin ang mga pagpapalang nauugnay sa pagsamba sa templo nang karapat-dapat. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
-
Anong mga pangako ang ibinigay sa mga talatang ito para sa mga taong pumapasok sa templo nang karapat-dapat? (Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mananahan sa Kanyang mga tao; madarama ng mga pumapasok sa templo ang kapangyarihan ng Panginoon at kikilalanin na ito ay isang sagrado at banal na lugar; sa templo, ilalagay ng Panginoon ang Kanyang pangalan sa atin, at tayo ay lilisan taglay ang Kanyang kapangyarihan; at matatanggap natin sa templo ang mga pagpapala at kabutihan ng Panginoon.)
-
Sa inyong palagay, bakit nakabatay ang mga pangakong ito sa ating pagiging karapat-dapat?
-
Ano ang sasabihin ninyo sa isang taong nagtatanong kung sulit bang pagsikapan ang pagiging karapat-dapat para magkaroon ng temple recommend?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. … Nauunawaan nila na ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap” (“Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 92).
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo sa pakikibahagi ninyo sa mga ordenansa sa templo?
Hikayatin ang mga estudyante na kumuha at magkaroon ng current temple recommend sa buong buhay nila. Bigyang-diin na kapag mapagpakumbaba silang sumamba sa Panginoon sa Kanyang templo, tatanggapin nila ang mga pagpapala na ibibigay lamang sa matatapat sa Kanyang banal na bahay.
3 Nephi 17:1–3
Gawing mas mataimtim ang pagsamba natin sa templo
Isulat sa pisara ang sumusunod at itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap:
Matapos sumagot ang ilang estudyante, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang matatamo natin mula sa templo ay nakasalalay nang malaki sa dala nating kababaang-loob at pagpipitagan at pagnanais na matuto sa templo. Kung handa tayong matuto, tuturuan tayo ng Espiritu, sa templo” (The Holy Temple [1980], 42).
-
Sa inyong palagay, paano mababago ang inyong karanasan sa templo kung pupunta kayo nang may “pagpapakumbaba at pagpipitagan at hangaring matuto”? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung pupunta tayo sa templo nang may pagpapakumbaba, pagpipitagan, at hangaring matuto, tayo ay tuturuan sa pamamagitan ng Espiritu.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na noong dalawin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, itinuro Niya sa kanila ang isang huwaran ng pag-unawa sa mga sagradong bagay na maaari nating sundin sa pagdalo sa templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 3 Nephi 17:1–3.
-
Ano ang itinuro ng Tagapagligtas na gagawin ng mga nakikinig sa Kanya na tutulong sa kanila na maghanda upang maunawaan ang mga sagradong bagay?
-
Paano natin susundin ang huwarang ito upang mas mapaganda natin ang ating mga karanasan sa pagdalo sa templo? (Dapat nating pag-isipang mabuti ang naranasan o nadarama natin sa templo, manalangin na maunawaan ito, maghanda na dumalo sa susunod, at bumalik nang madalas kung maaari.)
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Lionel Kendrick ng Pitumpu, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga parirala na nagmumungkahi ng mga paraan para maging mas mataimtim ang pagsamba natin sa templo.
“May pagkakaiba ang pagdalo lamang sa templo at pagkakaroon ng isang makabuluhang karanasang espirituwal. Dumarating ang mga tunay na pagpapala ng templo habang pinauunlad natin ang ating karanasan doon. Para magawa ito, kailangan nating madama ang diwa ng pagpipitagan at pagsamba sa templo. …
“Ang pamimitagan ay hindi lamang pagiging tahimik. Nangangailangan ito ng pagkaunawa sa mga nangyayari. Nangangailangan ito ng makalangit na [pagnanais na] matuto at kahandaang tanggapin ang mga paghihikayat ng Espiritu. Nangangailangan ito ng pagsusumikap na maghangad ng karagdagang liwanag at kaalaman. Ang kawalang-pitagan ay hindi lamang kawalang-galang sa Maykapal, kundi hindi nito tinutulutan ang Espiritu na turuan tayo ng mga bagay na kailangan nating malaman.” (“Pagpapaunlad ng Ating Karanasan sa Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 78).
-
Anong mga parirala sa pahayag na ito ang may natatanging kahulugan sa inyo? Bakit?
Basahin ang sumusunod na payo ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga mungkahi na magagamit nila kapag pumunta sila sa templo:
“• Unawain ang doktrinang nauugnay sa mga ordenansa sa templo, lalo na ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
“• Habang nakikibahagi sa mga ordenansa sa templo, isipin ang kaugnayan ninyo kay Jesucristo at ang kaugnayan Niya sa ating Ama sa Langit. Ang simpleng gawaing ito ay higit na magpapaunawa sa kabanalan ng mga ordenansa sa templo.
“• Laging mapanalanging magpasalamat para sa walang kapantay na mga pagpapalang dulot ng mga ordenansa sa templo. Mamuhay bawat araw sa paraang mapapatunayan ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak kung gaano kahalaga sa inyo ang mga pagpapalang iyon.
“• Mag-iskedyul ng regular na pagpunta sa templo.
“• Maglaan ng sapat na oras para hindi kayo nagmamadali sa loob ng templo.
“• Makibahagi sa iba’t ibang gawain sa templo para makalahok kayo sa lahat ng ordenansa roon.
“• Hubarin ang relo pagpasok ninyo sa bahay ng Panginoon.
“• Pakinggang mabuti ang [presentasyon] ng bawat aspeto ng ordenansa nang bukas ang puso’t isipan.
“• Alalahanin ang taong ginagawan ninyo ng ordenansa. Paminsan-minsan ipagdasal na mabatid niya ang malaking kahalagahan ng mga ordenansa at maging marapat o handang maging marapat na mapagpala dahil dito” (“Pagsamba sa Templo: Ang Pinagmumulan ng Lakas at Kapangyarihan sa mga Oras ng Pangangailangan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 43–44).
-
Alin sa mga ideyang ito ang maaaring pinakamakatulong sa inyo kapag ipinamuhay ninyo?
-
Ano ang ginawa ninyo o ng iba upang maging mas makabuluhan ang pagsamba ninyo sa bahay ng Panginoon? Ano ang pagkakaibang naidudulot nito kapag ginagawa ninyo ang mga bagay na ito? (Bilang bahagi ng talakayan, maaaring mong talakayin ang sumusunod na pahayag ng Unang Panguluhan: “Kapag nahanap ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno at dinala ang mga pangalang iyon sa templo upang maisagawa para sa kanila ang mga ordenansa, lalong gaganda ang karanasan sa pagdalo sa templo” [First Presidency letter, Okt. 8, 2012].)
Hikayatin ang mga estudyante na isulat kung ano ang naramdaman nila na gagawin upang mas mapaganda ang karanasan nila sa pagdalo sa templo. Hikayatin sila na gawin ang isinulat nila.
Doktrina at mga Tipan 109:8
Isang lugar ng paghahayag
Ipaliwanag na sa panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple, inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang ilan sa mga layunin ng mga templo. Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:8. Ipaliwanag na ang isa sa mga layunin ay ang maging isang “bahay ng pag-aaral.”
-
Ano ang maaasahan nating malaman sa mga templo?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang sagradong gusaling ito ay nagiging isang paaralan ng mga tagubilin ukol sa maluwalhati at sagradong mga bagay ng Diyos. Ibinabalangkas dito ang plano ng isang mapagmahal na Ama para sa Kanyang mga anak sa lahat ng henerasyon. Ipinapakita rito ang walang-hanggang paglalakbay ng tao mula sa premortal na buhay hanggang sa buhay na ito tungo sa kabilang buhay. Ang mga pangunahin at mahahalagang katotohanan ay itinuturo nang malinaw at simple na mauunawaan ng lahat ng makikinig” (“The Salt Lake Temple,” Ensign, Mar. 1993, 5–6).
-
Paano nakatutulong sa atin ang pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo para malaman natin ang mahahalaga at pangunahing katotohanan ng plano ng Ama sa Langit?
-
Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa paraang nakatala sa 3 Nephi 17:1–3 para lalo tayong matuto habang nasa templo tayo?
Ipakita ang pahayag na ito ni Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Maraming pumupunta sa templo na sa oras ng problema, kapag kailangang gumawa ng mahihirap na desisyon at lutasin ang nakalilitong mga problema, ay nagpupunta sa templo na nakapag-ayuno at nakapagdasal upang humingi ng banal na patnubay. Maraming nagpatotoo na kahit hindi narinig ang mga tinig ng paghahayag, tumanggap sila ng mga paramdam hinggil sa landas na dapat tahakin sa oras na iyon o kalaunan na naging sagot sa kanilang mga dalangin.” (“The Salt Lake Temple,” Ensign, Mar. 1993, 6).
Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi ng kanilang damdamin at patotoo tungkol sa templo. Bigyang-diin na ang mga estudyante ay nasa pinakamahalagang panahon ng kanilang buhay, kung saan maraming bagay ang dapat pagdesisyunan. Magpatotoo na sa bahay ng Panginoon, madarama ng mga estudyante ang Espiritu, kapanatagan, at patnubay ng Diyos.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mga Awit 24:3–5; Juan 2:13–16; 3 Nephi 17:1–3; Doktrina at mga Tipan 109:8–22.
-
Richard G. Scott, “Pagsamba sa Templo: Ang Pinagmumulan ng Lakas at Kapangyarihan sa mga Oras ng Pangangailangan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 43–45.
-
L. Lionel Kendrick, “Pagpapaunlad ng Ating Karanasan sa Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 78–79.