Seminaries and Institutes
Lesson 1: Paglabas ng ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo’


1

Paglabas ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”

Pambungad

Noong Setyembre 1995 ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay naglabas ng isang pagpapahayag sa Simbahan at sa buong mundo na pinamagatang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Ang pahayag na ito ng mga propeta ay nagtuturo tungkol sa banal na ginagampanan ng pamilya sa walang hanggang plano ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung bakit inilabas ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa mga huling araw ang inspiradong dokumentong ito.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mosias 8:15–17; Moises 6:26–27, 31–36; 7:16–21

“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay isinulat ng mga tagakita

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 6:26–27, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga puso, mga tainga, at mga mata ng mga tao.

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang kasamaan ng mga tao?

  • Ano ang ibig sabihin kapag “ang mga puso [ng mga tao] ay nagsitigas, at ang kanilang mga tainga ay bahagya nang makarinig, at ang kanilang mga mata ay hindi makakita sa malayo”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 6:31–34.

  • Kung kayo si Enoc, ano ang nakita ninyong nakapapanatag sa mga salita ng Panginoon?

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano pinalalakas ng Panginoon ang Kanyang mga propeta?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para basahin ang Moises 6:35–36.

  • Ano ang nakita ni Enoc nang hugasan niya ang kanyang mga mata para maalis ang putik dito?

  • Ano kaya ang sinisimbolo ng putik? (Ang putik ay maaaring simbolo ng kamunduhan. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang makita kung maaalis ang mga makamundong bagay sa kanilang mga mata.)

  • Paano nakatulong ang talata 36 sa pagbibigay-kahulugan kung ano ang tagakita? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod na katotohanan: Nakikita ng isang tagakita ang mga bagay na hindi nakikita ng pisikal na mga mata. Maaari mong ipa-cross-reference sa mga estudyante sa talata 36 ang Mosias 8:15–17.)

Upang mas maipaliwanag ang ibig sabihin ng tagakita, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder John A. Widtsoe

“Ang isang tagakita ay isang taong nakakakita gamit ang espirituwal na mga mata. Nababatid niya ang kahulugan ng mga bagay na tila malabo sa iba; samakatwid ay isa siyang tagapagpaliwanag at tagapaglinaw ng walang hanggang katotohanan. … Siya ay isang taong nakakakita, na lumalakad sa liwanag ng Panginoon nang bukas ang mga mata [tingnan sa Mosias 8:15–17]” (Evidences and Reconciliations, inayos ni G. Homer Durham [1960], 258).

Imungkahi sa mga estudyante na isulat ang ilan sa mga kahulugang ito sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Moises 6:35–36. Ipaliwanag na ang mga tagakita ay mga propeta rin.

Ibuod ang Moises 7:16–21 upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nangyari sa mga taong tinanggap si Enoc bilang isang tagakita at sumunod sa kanyang mga salita.

  • Paano inilalarawan ng mga talatang ito ang kahalagahan ng pakikinig sa mga propeta at tagakita sa panahon ngayon? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Tinutulungan tayo ng mga propeta na makita ang mga bagay mula sa pananaw ng Diyos, at tayo ay pinagpapala kapag nagtitiwala tayo sa kanilang mga salita.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Ngayong taong ito ang ikasampung anibersaryo ng pagpapahayag sa mundo tungkol sa mag-anak na inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1995 [tingnan sa ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,’ Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129]. Ito’y panawagang inulit-ulit noon at magpahanggang ngayon na protektahan at palakasin ang mga pamilya. …

“Ang pagpapahayag ay isang [pahayag] ng propeta, hindi lang dahil inilabas ito ng mga propeta, kundi dahil [naaangkop ito noon pa man]. Nagbabala ito laban sa maraming bagay na mismong naglalagay sa panganib at nagpapahina sa mga pamilya sa [nakaraang] dekada at panawagan sa priyoridad at pagbibigay-diin na kailangan ng mga pamilya kung [nais nilang mapaglabanan] ang isang kapaligirang tila higit pang nakapipinsala sa tradisyonal na kasal at [ugnayan] ng magulang at anak.

“Malaki ang kaibhan ng malinaw at simpleng wika ng pagpapahayag sa [nakali]lito at kumplikadong mga ideya ng isang lipunang ni hindi magkasundo sa kahulugan ng pamilya” (“Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 41).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Ballard nang sabihin niya na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay “naangkop noon pa man”?

  • Paano pinagtitibay ng pagpapahayag tungkol sa pamilya ang inyong paniniwala na ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

Magpatotoo na dahil mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang maging katulad Niya tayo, nagpadala Siya sa atin ng mga propeta at tagakita.

“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”

Paglabas ng pagpapahayag tungkol sa pamilya

Tiyaking makakakuha ang bawat estudyante ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (lds.org/topics/family-proclamation). (Maaaring kailanganin mong magbigay ng naka-print na kopya para sa mga estudyanteng nangangailangan nito.) Hikayatin ang mga estudyante na magdala ng naka-print o digital na kopya ng pagpapahayag tungkol sa pamilya sa lahat ng sesyon ng klase sa buong kurso. Ipaliwanag na “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay unang inilahad sa Simbahan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) noong Setyembre 23, 1995, sa isang pangkalahatang pulong ng Relief Society.

  • Ano ang sinasabi ng pamagat kung para kanino ang pagpapahayag na ito?

  • Sa palagay ninyo, bakit inilabas ang pagpapahayag na ito sa buong mundo at hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta upang ihayag ang Kanyang mga katotohanan sa lahat ng Kanyang mga anak.)

Ipaliwanag na mula noong itatag ang Simbahan, limang pagpapahayag lamang ang inilabas ng mga lider ng Simbahan. Isa ang inilabas ng Unang Panguluhan, isa ng Korum ng Labindalawa, at ang iba pa ng Unang Panguluhan kasama ang Korum ng Labindalawa. Ang mga pagpapahayag ay inilaan para sa mga pahayag na pinakamahalaga. (Kung magtanong ang mga estudyante tungkol sa limang pagpapahayag na ito, sabihin sa kanila na sumangguni sa Encyclopedia of Mormonism, 5 tomo [1992], “Proclamations of the First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles,” 3:1151, eom.byu.edu.)

Sabihin sa mga estudyante na bago basahin ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, inilahad ni Pangulong Hinckley ang ilan sa mga dahilan kung bakit nabigyang-inspirasyon ang mga lider ng Simbahan na ilathala ang mahalagang pahayag na ito. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Hinckley, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Hindi ko na kailangang ipaalala sa inyo na puno ng kaguluhan ang mundong ginagalawan natin, at pabagu-bago ang mga pinahahalagahan. Naghuhumiyaw ang mga munting tinig para sa ganito o ganoong bagay na malayo sa mga pamantayan ng pag-uugaling subok na ng panahon. Ang mga kinakapitan o pundasyon ng moralidad ng ating lipunan ay humihina na” (“Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 99).

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ni Pangulong Hinckley na “ang mga kinakapaitan o pundasyon ng moralidad ng ating lipunan ay humihina na”? (Maaari mong ipaliwanag na ang ‘mga kinakapitan’ ay mga lubid o kadena na mahigpit na nagtatali sa isang bagay para mapanatili ito sa kinalalagyan nito.)

  • Paano ninyo ilalarawan ang nangyari sa “pundasyon ng moralidad” ng lipunan mula noong 1995, nang magsalita si Pangulong Hinckley tungkol sa matinding pagbagsak ng moralidad?

Ipakita ang sumusunod na talata mula sa mensahe ni Pangulong Hinckley. Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na mabasa ito at matukoy ang mga salita at parirala na nagpapaliwanag pa sa mga problemang nakikita ng mga lider ng Simbahan sa mundo at ang mga dahilan kung bakit naglabas sila ng pagpapahayag na ito.

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala. Bilang karagdagan dito kami ng Unang Panguluhan at ng Konseho ng Labindalawang Apostol ay nagpapalabas ngayon ng isang pahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang pagpapahayag at muling pagpapatibay sa mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito” (“Stand Strong against the Wiles of the World,” 100).

Kapag nagbahagi na ang mga estudyante kung ano ang natukoy nila, isulat ang kanilang mga sagot sa pisara. Maaaring ganito ang nakasulat sa pisara:

Anong mga problema ang nakita ng mga lider ng Simbahan sa mundo?

Tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan

Panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan

Pang-aakit at panggaganyak na maging katulad ng mundo

Ano ang ilang dahilan ng paglalabas ng mga lider ng Simbahan sa pagpapahayag na ito?

Upang magbabala at magpaalala

Upang ipahayag at pagtibayin ang mga pamantayan, doktrina, at gawain na itinuro ng mga lider ng Simbahan noon at ngayon

  • Ano ang “tusong pangangatwiran”? (Ang tusong pangangatwiran ay maling pangangatwiran na inilalahad bilang katotohanan.) Paano ninyo nakitang itinuro ang mga maling ideya bilang katotohanan na nauugnay sa pamilya? (Maaari mong tukuyin ang D at T 89:4 bilang halimbawa ng maling ideya at pilosopiya.)

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga responsibilidad ng mga propeta at mga apostol sa mga huling araw mula sa pahayag ni Pangulong Hinckley? (Dapat kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang mga propeta ay may sagradong responsibilidad na ipahayag ang “mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya” ng Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng ilang minuto na basahin ang pagpapahayag tungkol sa pamilya at tukuyin ang ilan sa mga sagot na ibinibigay nito sa mga tanong ngayon tungkol sa pamilya. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang mga nahanap nila. Dahil tinatalakay nang detalyado sa iba pang mga lesson ang pagpapahayag, huwag mag-ukol ng maraming oras sa aktibidad na ito.

Patotohanan ang mga sumusunod na katotohanan: Ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay puno ng mga inspiradong sagot sa mga problema ng lipunan. Ang pagpapahayag ay matibay na angkla o pundasyon para sa bawat tao at mga pamilya sa isang mundong pabagu-bago ang pinahahalagahan.

Ipaliwanag na matapos basahin ni Pangulong Hinckley ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, inilahad niya:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Iminumungkahi namin sa lahat na basahing mabuti, pakaisipin, at ipanalangin ang pagpapahayag na ito. Ang lakas ng alinmang bansa ay nag-uugat sa loob ng mga tahanan nito. Hinihimok namin ang ating mga miyembro sa lahat ng dako na patatagin ang kanilang pamilya alinsunod sa tradisyonal na mga pinahahalagahang ito” (“Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 101).

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng basahin nang may panalangin ang pagpapahayag tungkol sa pamilya?

  • Sa paanong mga paraan ang mga alituntuning natagpuan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay nakaimpluwensya sa inyong damdamin tungkol sa kasal at pamilya?

Tulungan ang mga estudyante na pag-isipan at ibahagi kung paano nila magagawa ang panghihikayat ni Pangulong Hinckley na pag-aralan at ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning natagpuan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya (halimbawa, pagsasaulo ng mga bahagi ng pagpapahayag). Isulat sa pisara ang mga tugon ng mga estudyante, at sabihin sa kanila na pag-isipan nang may panalangin kung paano nila mapalalakas ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pamumuhay sa “tradisyonal na mga pinahahalagahang ito.”

Mga Babasahin ng mga Estudyante