Seminaries and Institutes
Lesson 15: Kasal na Walang Hanggan


15

Kasal na Walang Hanggan

Pambungad

Ang kasal na walang hanggan ay kinakailangan para madakila sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, at ito ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagbubuklod na isinasagawa sa templo ng mga maytaglay ng angkop na awtoridad at pagkatapos ay pamumuhay nang alinsunod sa mga tipan na ginawa sa panahong iyan. Ang lesson na ito ay muling nagpapatunay sa mga estudyante na ang pagpapakasal sa tamang tao sa tamang lugar at sa pamamagitan ng tamang awtoridad ang pinakamahalagang desisyon na gagawin nila.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92–95.

  • “Marangal, Masaya, Matagumpay na Pag-aasawa,” kabanata 18 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 226–240.

  • Cree-L Kofford, “Marriage in the Lord’s Way, Part One,” Ensign, Hunyo 1998, 7–12.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 132:1–24

Ang doktrina ng kasal na walang hanggan

Ipaliwanag na ang kahalagahan ng kasal ay itinuro na mula noong mga unang araw ng Simbahan. Ang doktrina ng kasal na walang hanggan, gayunman, ay hindi malawakang itinuro ni Propetang Joseph Smith hanggang sa umabot ang panahon sa Nauvoo. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na naglalarawan kung ano ang nadama niya nang malaman niya sa unang pagkakataon na ang kasal ay maaaring maging walang hanggan. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Parley P. Pratt

“Natutuhan ko [kay Joseph Smith] na maaari kong makasama ang mahal kong asawa sa panahong ito at [sa] buong kawalang-hanggan. … Sa kanya ko natutuhan na mapag-iibayo natin ang pagmamahal na ito, at mapalalakas at mapatitibay ito sa buong kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang hanggang ugnayan ay mga binhi na kasing dami ng bituin sa langit, o ng mga buhangin sa baybayin ng dagat. … Nagmahal ako noon, subalit hindi ko alam kung bakit. Subalit ngayon nagmahal ako—nang may kadalisayan—isang maganda at dakilang damdamin” (Autobiography of Parley P. Pratt, in-ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 297–98).

  • Ano ang epekto kay Elder Pratt ng bagong kaalamang ito tungkol sa kasal sa kanyang damdamin para sa kanyang asawa?

Ipaliwanag na marami sa mga turo ng Panginoon tungkol sa kasal na walang hanggan ang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 132. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga kondisyon na dapat matugunan para maging walang hanggan ang kasal.

  • Ano ang mga kondisyong dapat matugunan para maging walang hanggan ang kasal? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod: Ang kasal ay walang hanggan para sa mga yaong ikinasal sa pamamagitan ng salita ng Diyos, kung kaninong kasal ay ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, at para sa mga sumusunod o tumutupad sa tipan.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “susunod sa tipan”? (Tuparin ang mga tuntunin at kondisyon ng tipan ng kasal. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay pumasok sa kasal na walang hanggan, sila ay gumagawa ng taimtim na mga pangako sa isa’t isa at sa Diyos. Sa asawa, nangangako silang patuloy nilang mamahalin at paglilingkuran siya nang buong katapatan. Sa Diyos, taimtim silang nangangako na tutuparin nila ang mga tuntunin at kondisyon ng mga tipang ginawa sa templo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng ang kasal ay “ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng Pangako”? (Maaari mong ipaliwanag na ang Banal na Espiritu ng Pangako ay isa sa mga titulo ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay maraming titulo, kabilang na ang Mang-aaliw o Tagapaghayag. Bawat isa sa mga titulong ito ay tumutukoy sa isa sa Kanyang mga responsibilidad o gawain.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang titulong Banal na Espiritu ng Pangako, ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ang Espiritu Santo ang Banal na Espiritu ng Pangako (Mga Gawa 2:33). Pinagtitibay niya na karapat-dapat tanggapin sa Diyos ang mabubuting gawa, mga ordenansa, at tipan ng mga tao. Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.lds.org).

  • Paano nakatulong ang pahayag na ito sa pagpapaliwanag kung bakit hindi lamang pagbubuklod sa templo ang kinakailangan para sa kadakilaan? Ano pa ang dapat mangyari? (Dapat din tayong mamuhay nang matwid at manatiling tapat sa lahat ng nakapagliligtas na ordenansa, kabilang na ang binyag, ang sakramento, mga ordenasyon sa priesthood, at mga ordenansa sa templo. Kapag nanatili tayong tapat, doon pa lamang patutunayan ng Espiritu Santo sa Ama na natupad ang mga tipan.)

Tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kasal na walang hanggan sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa kasal na sibil gamit ang sumusunod na diagram. Kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara:

Larawan
diagram ng kasal

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 132:15–18 at sa isa pang estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 132:19–24. Sabihin sa mga estudyante na pansinin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa kalagayang kahahantungan ng mga taong nagpakasal nang sibil at ang mga pagpapalang matatamo ng mga taong nagpakasal para sa kawalang-hanggan.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang nalaman. Pagkatapos ay itanong:

  • Pagkatapos ng kamatayan, paano naiiba ang kalagayan ng mga taong nagpakasal nang sibil sa mga nagpakasal para sa kawalang-hanggan? (Kapag sumagot ang mga estudyante, maaari mong idagdag ang kanilang mga sagot sa diagram na nasa pisara. Maaari mong ipaliwanag na ang mga kondisyon na inilarawan sa mga talata 20–24 ay katulad ng mga pagpapalang ipinangako sa tipan ni Abraham [tingnan sa Genesis 17:1–7; 22:17].)

Upang matulungan sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Cree‑L Kofford ng Pitumpu:

Larawan
Elder Cree-l Kofford

“Ang awtoridad para sa mga pangako sa selestiyal na kasal ay nagmumula sa Diyos, at ang mga bunga ng inyong kabiguan na tuparin ang mga pangakong ito ay magmumula rin sa Diyos. Sa kasal na sibil, ang awtoridad para sa mga pangako sa pagitan ng isang lalaki at isang babaeng ikakasal ay ang integridad ng dalawang tao. Iyan lang ang nasa kasal na sibil. Wala nang iba pa. Ang awtoridad niyan ay nagmula sa tao at hindi sa Diyos” (“Marriage in the Lord’s Way, Part One,” Ensign, Hunyo 1998, 9).

  • Ano ang naisip ninyo nang ihambing ninyo ang mga kalagayan na nakalista sa pisara?

  • Anong mga pagpapala ang napansin ninyo sa mga tahanan ng mga taong ikinasal sa templo at nagsisikap na mamuhay nang tapat sa kanilang mga tipan? Ano ang nakikita ninyong ginagawa ng mga mag-asawang ito upang matupad nila ang kanilang mga tipan? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ibahagi ang pahayag na ito ni Elder L. Whitney Clayton ng Pitumpu tungkol sa kasal: “Wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili” [“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 83].)

Ipaliwanag sa klase na ang Doktrina at mga Tipan 132 ay naglalaman din ng ilan sa mga tagubilin ng Panginoon sa pag-aasawa nang higit sa isa. Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na sundin ang batas ng pag-aasawa nang higit sa isa bilang bahagi ng panunumbalik ng lahat ng bagay (tingnan sa Mga Gawa 3:21; D at T 132:45). Sinunod ng mga miyembro ng Simbahan ang batas na ito hanggang 1890, nang ihayag ng Panginoon kay Pangulong Wilford Woodruff na hindi na Niya iniuutos sa mga miyembro ng Simbahan na gawin ito. Para linawin ang posisyon ng Simbahan tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa ngayon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Kung sinuman sa aming mga miyembro ang napatunayang nag-asawa nang higit sa isa, sila ay itinitiwalag, ang pinakamabigat na parusang maipapataw ng Simbahan. … Mahigit isang siglo na ang nakararaan malinaw na inihayag ng Diyos sa Kanyang propetang si Wilford Woodruff na ang pag-aasawa nang higit sa isa ay dapat nang itigil, na ibig sabihin ay labag na ito ngayon sa batas ng Diyos. Kahit sa mga bansa kung saan pinahihintulutan ng batas o relihiyon ang poligamya, itinuturo ng Simbahan na dapat monogamya ang kasal at hindi tinatanggap sa Simbahan ang mga nag-aasawa ng higit sa isa” (“What Are People Asking about Us?” Ensign, Nob. 1998, 71–72).

Kung may tanong ang mga estudyante tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa, patingnan sa kanila ang Gospel Topics, “Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” lds.org/topics.

Doktrina at mga Tipan 131:1–4

Ang kahalagahan ng pagpili sa kasal na walang hanggan

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4. Sabihin sa klase na alamin kung bakit mahalaga para sa atin na magpakasal ayon sa paraang iniutos ng Panginoon.

  • Anong pagpapala ang naghihintay sa mga taong pinili na pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito: “Kapag pumasok tayo sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, maaari tayong dakilain sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal. Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang salitang bago ay nangangahulugan na ang tipang ito ay muling ipinanumbalik sa ating dispensasyon. Ang salitang walang hanggan ay nangangahulugan na ang tipan na ito ay hanggang sa kawalang-hanggan at ito ay inorden noon pa man sa premortal na daigdig bilang bahagi ng plano ng kaligtasan. Naging bahagi ito ng ebanghelyo ni Jesucristo mula sa panahon ni Adan. Tungkol sa salitang pag-unlad, itinuro ni Propetang Joseph Smith na silang magtatamo ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal “ay patuloy na uunlad at magkakaroon ng mga anak sa kaluwalhatiang selestiyal” [sa History of the Church, 5:391].)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Russell M. Nelson

“Ang ibig sabihin ng [kaligtasan] ay maligtas mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan. … [Ang] kadakilaan ay tumutukoy sa pinakamataas na antas ng kaligayahan at kaluwalhatian sa kahariang selestiyal”(“Kaligtasan at Kadakilaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 8).

“Bagamat ang kaligtasan ay [dapat gawin ng bawat] tao, ang kadakilaan ay [dapat pagsikapan ng bawat] pamilya. Tanging ang mga ikinasal sa templo at kung kaninong kasal ay naibuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako ang mananatiling magkabiyak o mag-asawa matapos mamatay at tatanggap ng pinakamataas na antas ng selestiyal na kaluwalhatian, o kadakilaan” (“Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92).

  • Bakit napakahalaga ng kasal na walang hanggan? (Kapag sumagot ang mga estudyante, at ayon sa patnubay ng Espiritu, maaari mong bigyang-diin ang mapaminsalang nauuso sa mundo ngayon na pinipili ng mga tao na huwag magpakasal dahil mas mahalaga sa kanila ang mga bagay tulad ng propesyon o trabaho kaysa tuparin ang plano ng Diyos para sa kanila. Sa hindi pagpapakasal, nawawala sa kanila ang mga pagpapalang nais ibigay sa kanila ng Diyos sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit ang kasal sa templo ay nagbibigay sa mag-asawa ng mas malalaking posibilidad na lumigaya kaysa sa mga ikinasal nang sibil o nagsasama nang hindi kasal?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na matatanggap sa huli ng lahat ng Banal ang pagpapala ng kasal na walang hanggan kapag hindi nila ibinababa ang kanilang mga pamantayan sa anumang paraan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Walang mga pagpapala, pati na ang walang hanggang kasal at walang hanggang pamilya, ang ipagkakait sa sinumang karapatdapat na tao. Bagama’t maaaring magtagal nang kaunti—marahil maging lampas pa sa buhay na ito—bago makamit ng ilang tao ang pagpapalang ito, hindi ito ipagkakait” (“The Church Is for All People,” Ensign, Hunyo 1989, 76).

  • Ilan sa inyo ang may mga kakilala na gustong magpakasal sa templo ngunit hindi nagkaroon ng ganitong pagkakataon? Paano makatutulong ang pangako sa pahayag na ito ni Pangulong Hunter sa mga taong ito?

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na sagutin ang isa o pareho sa mga sumusunod na tanong at isulat ang mga sagot nila:

  • Anong mga desisyon ang ginagawa ko na hahantong para mabuklod ako sa templo?

  • Anong mga aspeto ng aking buhay ang nangangailangan ng pagbabago o pag-unlad upang maging handa ako na mabuklod sa templo?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang ginagawa nila upang maging handa na makasal sa templo. Ibahagi ang iyong patotoo na kapag tinutupad ng mag-asawa ang mga tipang ginawa nila noong ibinuklod sila sa templo, sila ay magsasama sa kawalang-hanggan. Ibahagi kung paano naging pagpapala sa iyong buhay ang kaalamang ito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Print