23
Paglalaan para sa mga Temporal na Pangangailangan
Pambungad
Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ang responsibilidad na maglaan para sa kanilang sariling temporal na mga pangangailangan at para sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya. Ang mga magulang ay may banal na tungkuling maglaan ng temporal na “mga pangangailangan sa buhay” ng kanilang mga anak (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob 2010, 129). Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante kung paano makatutulong ang alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance sa kanilang temporal at espirituwal na katatagan ngayon at sa hinaharap.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
M. Russell Ballard, “Becoming Self-Reliant—Spiritually and Physically,” Ensign, Mar. 2009, 50–55.
-
Robert D. Hales, “Pagiging Masinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 7–10.
-
Marvin J. Ashton, “One for the Money,” Ensign, Set. 2007, 37–39.
-
Provident Living website, providentliving.org
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Marcos 6:1–3; Lucas 2:51–52
Pag-asa sa sarili o self-reliance
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: “Sa paanong mga paraan inihanda ni Jesucristo ang Kanyang sarili para sa Kanyang mortal na ministeryo?” Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Marcos 6:1–3 at Lucas 2:51–52, na inaalam ang mga paraan na inihanda ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili noong Kanyang kabataan para sa Kanyang ministeryo kalaunan. Sa pagsagot ng mga estudyante, ilista sa pisara ang sumusunod:
-
Paano makatutulong ang pagtulad sa halimbawa ng Tagapagligtas sa limang aspeto na tinukoy ninyo para makapaghanda kayo na matugunan ang inyong mga sariling pangangailangan at ng inyong magiging pamilya sa hinaharap?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), at sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung ano ang tinutukoy ni Pangulong Kimball na responsibilidad ng bawat Banal sa mga huling araw:
“Iniutos ng Panginoon sa Simbahan at mga miyembro nito na tumayo sa sariling mga paa at magsarili. (Tingnan sa D at T 78:13–14.)
“Ang responsibilidad para sa kapakanang sosyal, emosyonal, espirituwal, pisikal, o pangkabuhayan ng bawat tao ay nakasalalay una sa kanyang sarili, ikalawa sa kanyang pamilya, at ikatlo sa Simbahan kung siya ay tapat na miyembro nito.
“Walang tunay na Banal sa mga Huling Araw, na may kakayahang pisikal o emosyonal, na kusang ipapaako sa iba ang kapakanan niya o ng kanyang pamilya. Basta’t kaya niya, sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon at sa sariling kayod, siya ang maglalaan sa kanyang sarili at kanyang pamilya ng espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 139–40).
-
Anong responsibilidad ang sinabi ni Pangulong Kimball na mayroon ang bawat isa sa atin?
-
Bakit mahalagang “tumayo sa sariling mga paa at magsarili”? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Kapag naging self-reliant tayo, makapaglalaan tayo para sa ating sarili at sa ating pamilya ng espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay.)
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang kahulugan para sa kanila ng pag-asa sa sarili o self-reliance. Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang pag-asa sa sarili ay pag-angkin ng responsibilidad sa sarili nating espirituwal at temporal na kapakanan at sa mga yaong ipinagkatiwala ng Ama sa Langit sa ating pangangalaga. Sa pag-asa sa sarili lang natin tunay na matutularan ang Tagapagligtas sa paglilingkod at pagpapala sa iba.
“Mahalagang unawain na ang pag-asa sa sarili ay isang paraan para makamit ang isang mithiin. Ang pinakamimithi natin ay maging katulad ng Tagapagligtas, at ang mithiing iyan ay pinag-iibayo ng ating di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang kakayahan nating maglingkod ay nag-iibayo o nababawasan ayon sa antas ng ating pag-asa sa sarili” (“Isang Pananaw ng Ebanghelyo sa Pagkakawanggawa: Pagkilos ayon sa Pananampalataya,” Mga Pangunahing Tuntunin sa Pagkakawanggawa at Pag-asa sa Sarili [buklet, 2009], 1–2).
-
Ano ang pinakalayunin ng pag-asa sa sarili o pagiging self-reliant?
-
Paano nababawasan ang kakayahan nating maglingkod sa iba kung hindi tayo self-reliant?
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang pag-asa sa sarili o pagiging self-reliant, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society general president:
Busath.com
“Paano tayo makakaasa sa sarili? Nakakaasa tayo sa sarili sa pagtatamo ng sapat na kaalaman, edukasyon, at karunungan; sa matalinong pamamahala sa pananalapi at kabuhayan, espirituwal na katatagan, kahandaan sa mga biglaang pangangailangan at kagipitan; at pagkakaroon ng kalusugan at sosyal at emosyal na katatagan” (“Ang mga Tungkuling Pangkawanggawa ng Relief Society President,” Mga Pangunahing Tuntunin sa Pagkakawanggawa at Pag-asa sa Sarili, 4).
Isulat ang mga sumusunod na salita sa itaas na bahagi ng pisara: edukasyon, pananalapi, espirituwal na lakas, [paggawa at] pag-iimbak ng pagkain sa tahanan, kalusugan, at trabaho. Sabihin sa mga estudyante na ang pag-asa sa sarili o pagiging self-reliant ay kinapapalooban ng anim na aspetong ito ng balanseng pamumuhay (tingnan sa Pagtulong Ayon sa Paraan ng Panginoon: Buod ng Gabay ng Lider sa Gawaing Pangkapakanan [buklet, 2009], 1–3). Mag-ukol ng ilang sandali sa klase na talakayin kung ano ang maaaring gawin ng mga young single adult upang lalo pang maging self-reliant sa bawat isa sa mga aspetong ito nang sa gayon ay mas makapaglaan sila para sa temporal at espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang magiging pamilya at makapaglingkod sa Simbahan. Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kasama sa mga ideya ang mga sumusunod:
-
Edukasyon: Magkamit ng degree o sertipikasyon mula sa isang unibersidad o trade school, pagbutihin ang mga gawi sa pag-aaral, matuto ng mga karagdagang kasanayan sa trabaho, mag-aral ng mga simpleng pagkukumpuni sa bahay at pag-aayos ng sasakyan.
-
Pananalapi: Magbayad ng ikapu at handog-ayuno nang tapat, matutong gumawa ng badyet at sundin ito, matutong magkaroon ng disiplina sa sarili, iwasan ang hindi kailangang pangungutang, bayaran ang mga utang, mag-impok ng kaunting pera mula sa bawat suweldo.
-
Espirituwal na lakas: Manalangin, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, mag-ayuno nang may layunin, pumunta sa templo nang regular.
-
Paggawa at pag-iimbak ng pagkain sa tahanan: Matutong magpreserba at mag-imbak ng mga pagkain, magtanim (kahit kaunti).
-
Kalusugan: Sundin ang Word of Wisdom, regular na mag-ehersisyo, kumain ng masustansyang pagkain, matulog nang sapat, kumuha ng health insurance.
-
Trabaho: Magtamo ng mga bagong kasanayan sa trabaho, pagbutihin pa ang pagtatrabaho, magtamo ng mga advanced certification.
-
Ano ang mga nagawa ninyo para mapag-ibayo pa ang inyong pagiging self-reliant sa isa sa mga aspetong ito? Paano nakadagdag ang pagsisikap na ito sa pagiging self-reliant ninyo at sa pagpapahalaga ninyo sa inyong sarili? Paano ito nakadagdag sa inyong kakayahan na tustusan ang inyong sarili at mas lubos pang maglingkod sa Simbahan?
Sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na mas pagbutihin ang isa sa anim na aspetong ito.
Malakias 3:8–12; Mateo 6:19–21; I Kay Timoteo 6:7–10; 2 Nephi 9:51; Jacob 2:13–14, 18–19; Doktrina at mga Tipan 104:13–18
Pangangasiwa sa pananalapi
Ipaalala sa mga estudyante na kung hindi pa nila ginagawa ito, magiging responsable sila balang-araw sa paglalaan para sa kanilang sarili at marahil para sa isang pamilya. Kung gayon, kailangan nilang matuto na maging matalino sa kanilang mga temporal resources.
Bigyan ang bawat estudyante ng ilan sa sumusunod na mga scripture passage na kanilang babasahin at tutukuyin mula rito ang mga alituntunin na may kaugnayan sa matalinong pangangasiwa sa pananalapi.
-
Malakias 3:8–12 (sundin ang batas ng ikapu at mga handog)
-
Mateo 6:19–21 (iwasang ilagak ang ating puso sa mga bagay ng mundo)
-
I Kay Timoteo 6:7–10 (makuntento sa kung ano ang mayroon tayo—“ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”)
-
2 Nephi 9:51 (huwag gugulin ang salapi o paggawa sa bagay na walang halaga)
-
Jacob 2:13–14, 18–19 (maghanap ng mga kayamanan para sa mabubuting layunin)
-
Doktrina at mga Tipan 104:13–18 (gamitin ang ating kasaganahan sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan)
Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang nalaman nila. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Sa paggamit ng mahuhusay na alituntunin sa pananalapi, mas mapapatatag ng mga indibiduwal at pamilya ang kanilang pananalapi at magiging handa sa pagtulong sa iba. (Maaari mong ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, madalas tukuyin ng Panginoon ang pagkakaugnay ng pagtatamo ng mga kayamanan at ng obligasyon na tumulong sa mga maralita at nangangailangan. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Jacob 2:18–19 at D at T 104:18.)
-
Anong mga pagpapala ang naranasan ninyo sa paggamit ng mahuhusay na alituntunin sa pananalapi sa inyong buhay?
Doktrina at mga Tipan 104:78
Iwasan ang di-kinakailangang pangungutang
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 104:78. Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Tandaan: ang utang ay isang anyo ng pagkaalipin. Ito’y anay sa kabuhayan. Kapag nangungutang tayo para makabili, nagkakaroon lang tayo ng ilusyon na may pera tayo. Iniisip natin na pag-aari natin ang mga bagay-bagay pero ang totoo’y pag-aari tayo ng mga bagay-bagay.
“Ang ilang utang—tulad ng para sa simpleng bahay, gastos sa pag-aaral, marahil ay para sa unang sasakyang kailangan—ay maaaring angkop lang. Pero hindi tayo dapat magpaalipin sa utang nang hindi pinag-iisipang mabuti ang kapalit nito” (“Mga Pagkakautang sa Lupa at sa Langit,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 40–41).
-
Bakit ang utang ay isang anyo ng pagkaalipin? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ipaunawa sa kanila ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-iwas sa di-kinakailangang pangungutang ay tumutulong sa mga tao at pamilya na hindi maging alipin ng utang.) Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Ang pag-asa sa sarili ay hindi matatamo kapag may malaking utang na bumabagabag sa buong sambahayan. Ang isang tao ay walang kasarinlan o kalayaan mula sa pagkaalipin kapag may obligasyon siya sa iba” (“To the Boys and to the Men,” Ensign, Nob. 1998, 53).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na payo ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Iwasan ang pilosopiya at katwirang ang mga luho ng nakaraan ay pangangailangan sa kasalukuyan. Hindi ito pangangailangan kung hindi natin ito ituturing na gayon. Marami sa ating mga batang mag-asawa ngayon ang gustong magsimula na may marami nang sasakyan at bahay na katulad ng pinaghirapang ipatayo ng kanilang mga magulang. Dahil dito, nabaon sila sa utang na matagal bayaran gamit ang suweldo nilang mag-asawa. Marahil huli na nang malaman nila na nagbabago ang buhay, nagkakaanak ang mga babae, dumadapo ang sakit sa ilang pamilya, nawawalan ng trabaho, nagkakaroon ng mga kalamidad at iba pang sitwasyon at hindi na mabayaran ang sangla base sa kita nilang mag-asawa. Kailangan nating mamuhay ayon sa kita natin” (“Mga Di Nagbabagong Katotohanan sa Pabagu-bagong Panahon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 20).
-
Ano ang ilang posibleng kahihinatnan ng mga indibiduwal at pamilya na hindi nauunawaan ang pagkakaiba ng mga gusto lang at talagang mga pangangailangan?
-
Ano ang ilang paraan para malaman ang kaibhan ng gusto lang sa talagang mga pangangailangan?
Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang journal:
-
Sa anong aspeto ng buhay ninyo ang sa palagay ninyo ay maaari pa kayong maging mas self-reliant?
-
Paano ninyo mas mainam na mapangangasiwaan ang inyong temporal resources?
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Malakias 3:8–12; Mateo 6:19–21; Marcos 6:1–3; Lucas 2:51–52; I Kay Timoteo 6:7–10; 2 Nephi 9:51; Jacob 2:17–19; Doktrina at mga Tipan 56:17; 75:28; 104:13–18, 78.
-
Robert D. Hales, “Pagiging Masinop na Tagapaglaan sa Temporal at sa Espirituwal,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 7–10.
-
Marvin J. Ashton, “One for the Money,” Ensign, Set. 2007, 37–39.