Seminaries and Institutes
Lesson 11: Paghahanda para sa Kasal na Walang Hanggan


11

Paghahanda para sa Kasal na Walang Hanggan

Pambungad

Kapag ipinamuhay ng mga young single adult ang ebanghelyo ni Jesucristo, makaaasa sila na maganda ang kanilang hinaharap at mamumuhay nang may pag-asa. Gagabayan sila ng Ama sa Langit sa kanilang mga desisyon tungkol sa kasal na walang-hanggan kapag humingi sila ng patnubay mula sa Kanya. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na pag-isipan ang pag-aasawa nang may higit na pagtitiwala, batid na makatatanggap sila ng tulong mula sa Panginoon.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 88:40

Paghahanda para sa pag-aasawa

Sabihin sa mga estudyante na itaas nila ang kanilang kamay kung gumawa na sila ng listahan ng mga katangiang hinahanap nila para sa mapapangasawa nila sa hinaharap. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang ilan sa mga katangiang inilista nila.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder David A. Bednar

“Ilang kabataan ang tila gumagawa ng shopping list ng mga katangian na gusto nila sa isang asawa at sinusuri ang kanilang potensyal: ‘Nasa iyo ba ang lahat ng mga katangiang hinahanap ko?’ Kung nais ninyong magkaroon ng asawang makakasama ninyo sa kawalang hanggan na mayroong partikular na mga espirituwal na katangian, kung gayon ay sikapin ninyo na magkaroon ng mga katangiang iyon sa inyong sarili. Pagkatapos ay maaakit sa inyo ang isang taong may ganoong mga katangian” (“Understanding Heavenly Father’s Plan,” LDS.org).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa pahayag ni Elder Bednar? (Tiyakin na natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: “Kung nais ninyong magkaroon ng asawang makakasama ninyo sa kawalang hanggan na mayroong partikular na mga espirituwal na katangian, sikapin ninyo na magkaroon ng mga katangiang iyon sa inyong sarili.”)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:40, at alamin kung paano sinusuportahan ng talatang ito ang alituntuning katutukoy pa lamang.

  • Paano magagamit ng mga taong nagsisikap na makapag-asawa ang mga katotohanang nakatala sa talatang ito?

  • Paano ninyo nakitang ginamit ang mga katotohanan sa talatang ito sa mga pagpiling ginawa ng mga kabataan tungkol sa kanilang mga kaibigan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga katangiang gusto nilang makita sa kanilang mapapangasawa sa hinaharap. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung taglay rin nila ang mga katangiang iyon. Sabihin sa kanila na isipin kung paano nila magagamit ang mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 88:40 upang mas maihanda ang kanilang sarili para sa pag-aasawa.

Marcos 5:35–36; Doktrina at mga Tipan 6:36

“Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang”

Itanong sa mga estudyante:

  • Ano ang inaasahan ninyo tungkol sa pag-aasawa?

  • Ano ang ilang bagay na ikinatatakot ng mga young adult sa pag-aasawa? (Isulat sa pisara ang mga sagot.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit natatakot ang mga young adult na mag-asawa.

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang matindi ay natatakot [ang mga young adult] na magwawakas na ang mundo sa pagdanak ng dugo at kalamidad—isang bagay na ayaw nilang maranasan ng kanilang asawa o anak. Karaniwan naman, natatakot sila na lalo lang hihirap ang mundo, na napakahirap nang maghanap ng trabaho, at na ang isang tao dapat ay [tapos nang] mag-aral, walang utang, may trabaho, at may sariling bahay bago isiping mag-asawa. …

“Bukod pa rito, napakarami kong nakausap na [mga young adult] na nangangamba na kung mag-asawa nga sila ay baka mapabilang lang sila sa mga nagdidiborsyo. … Samahan pa ang suspetsang iyan tungkol sa tagumpay sa pag-aasawa ng mababaw, masama, madalas ay mala-diyablong pangungutya sa kalinisang-puri at katapatan at buhay-pamilya na karaniwang inilalarawan sa mga pelikula at sa telebisyon at makikita ninyo ang problema” (“Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang” [isang gabi na kasama si Elder Jeffrey R. Holland, Peb. 6, 2015], lds.org/broadcasts).

  • Ilan sa inyo ang may kakilala na takot mag-asawa dahil sa isa sa mga dahilan na binanggit ni Elder Holland?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36 at isipin kung paano naaangkop sa paghahanda para sa kasal na walang hanggan ang payo ng Panginoon kay Oliver Cowdery. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 5:35–36. Ipaliwanag na si Jairo, ang pinuno ng sinagoga, ay lumapit kay Jesus na umaasang pagagalingin Niya ang kanyang anak. Sabihin sa klase na isipin kung paano maaaring iangkop sa mga naghahandang mag-asawa ang pagbibigay ng lakas ng loob ng Tagapagligtas kay Jairo.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsasaalang-alang sa Panginoon “sa bawat pag-iisip” upang tayo ay “huwag mag-alinlangan, huwag matakot” habang iniisip natin ang ating kinabukasan?

  • Paano makatutulong ang mga payo ng Panginoon kina Oliver Cowdery at Jairo sa mga taong takot mag-asawa? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo, madadaig natin ang takot at magkakaroon tayo ng tiwala sa hinaharap.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit kinailangang manampalataya nina Elder at Sister Holland sa pagpapasiyang magpakasal.

Elder Jeffrey R. Holland

“Nang magpakasal kami [ni Sister Holland] pareho pa kaming undergraduate sa BYU, at hindi kami matulungan ng aming mga magulang pagdating sa pera, at ni hindi namin naisip na makakatapos kami ng pag-aaral, at $300 lang ang pera namin sa araw ng aming kasal! Maaaring hindi iyon ang [pinakamagandang] paraan ng pagsisimula ng mag-asawa, ngunit napakaganda ng aming pagsasama at marami sanang masasayang sandaling lumagpas sa amin kung naghintay kami ng kahit isang araw pa, matapos naming malaman na tamang magpakasal kami. … Natatakot akong isipin ang maaaring nawala sa amin kung “pinairal namin ang takot,” tulad ng paulit-ulit na sinabi ni Pangulong James E. Faust sa akin kalaunan na hindi natin dapat gawing lahat kailanman” (“Huwag Kang Matakot, Manampalataya Ka Lamang”).

  • Paano natutulad ang sitwasyon nina Elder at Sister Holland sa sitwasyon ng maraming young adult ngayon?

  • Ano ang ibig sabihin ng pairalin ang inyong takot? Bakit hindi magandang paraan ito sa paggawa ng mga desisyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang patotoo at pangakong ito ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

“Minamahal kong mga kapatid, huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya” (“Magalak,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 92).

  • Ano ang naiisip at nadarama ninyo tungkol sa inyong hinaharap kapag pinagninilayan ninyo ang mga panghihikayat na ito mula sa propeta?

Tulungan ang mga estudyante na mapag-isipan nang mabuti kung paano nila maipamumuhay ang bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na isipin kung may nadarama silang anumang takot sa pag-aasawa. Sabihin sa kanila na pagnilayan kung paano nila mapapalitan ng pananampalataya sa Panginoon ang anumang takot na nadarama nila tungkol sa hinaharap.

Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:7–9; 11:12–14

Paghahangad ng banal na patnubay sa pagpili ng mapapangasawa

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ito ang pinakamahalagang pagpapasiya ng inyong buhay, ang pagpili ng inyong mapapangasawa. Walang makapapalit sa pagpapakasal sa templo. … Magpakasal sa tamang tao sa tamang lugar sa tamang panahon” (“Life’s Obligations,” Ensign, Peb. 1999, 2).

  • Paano ninyo magagawa nang tama ang pinakamahalagang desisyong ito tungkol sa kung sino ang inyong pakakasalan?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Bigyan ang bawat magkapartner ng babasahin mula sa mga sumusunod na scripture passage: Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 8:2–3; 9:7–9; 11:12–14. (Ang mga talatang ito ay mga halimbawa ng paulit-ulit na tema tungkol sa kung paano makatatanggap ng personal na paghahayag, na matatagpuan sa mga unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan. “Ang mga tema ay mga katangian o ideya na napakahalaga, paulit-ulit na binibigyang-diin, at nagbubuklod” [David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Brigham Young University fireside, Peb. 4, 2007), 6, speeches.byu.edu].)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon habang pinag-aaralan nila ang mga talata mula sa Doktrina at mga Tipan: Isipin kunwari na may kaibigan kayo na matagal nang may idinedeyt at humingi sa inyo ng payo kung dapat niyang pakasalan ang taong iyon. Ano ang ipapayo ninyo sa kaibigan ninyo?

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga banal na kasulatan, sabihin sa isang estudyante sa bawat magkakapartner na siya ang gaganap bilang kaibigan na nakikipagdeyt. Sabihin naman sa mga kapartner nila na ipaliwanag kung paano makatutulong ang mga talatang ito sa paggawa ng desisyon ng kaibigan. Matapos ang aktibidad na ito, tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin sa paggawa ng desisyon: Dapat nating “pag-aralan” ang isang desisyon sa ating isipan, gumawa ng pinakamabuting desisyon sa abot ng ating makakaya, at pagkatapos ay itanong sa Diyos kung tama ang ating desisyon. Pagkatapos, kung madama natin ang kapayapaan at kagalakan sa ating puso’t isipan, ang desisyong iyon ay mabuti. Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag hinangad natin ang patnubay ng Panginoon kapag gumagawa tayo ng mga desisyon, Siya ay mangungusap sa ating isipan at pupuspusin ang ating kaluluwa ng kapayapaan at kagalakan kapag tama ang mga desisyon natin.

  • Paano ninyo nalaman ang katotohanan ng itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila tutugon sa sumusunod na sitwasyon: ipinaliwanag ng taong idinedeyt ninyo na sinunod niya ang paraang ito sa paggawa ng desisyon at tumanggap ng impresyon na kayong dalawa ay dapat nang magpakasal.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Dallin H. Oaks

“Nakarinig na ako ng mga kuwento tungkol sa isang binata na nagsabi sa isang dalaga na dapat siya nitong pakasalan dahil tumanggap siya ng paghahayag na ang dalaga ang magiging asawa niya sa kawalang-hanggan. Kung totoo ang paghahayag na ito, pagtitibayin ito mismo sa babae kung hahangarin niyang malaman kung totoo ito. Samantala, walang obligasyon ang babae na sundin ito. Dapat siyang humingi ng patnubay at magpasiya sa sarili niya. Ang lalaki ay maaaring tumanggap ng paghahayag na gagabay para sa mga gagawin niya mismo, ngunit hindi siya maaaring tumanggap ng paghahayag para sa gagawin ng babae. Ang babae ay hindi sakop ng kanyang pangangasiwa” (“Revelation” [Brigham Young University devotional, Set. 29, 1981], 6, speeches.byu.edu).

Magpatotoo na makadarama ang mga estudyante ng kapayapaan kapag inasam nila ang kasal na walang-hanggan nang may pananampalataya. Hikayatin silang gamitin ang mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito upang makapaghanda para sa maluwalhating oportunidad ng kasal na walang-hanggan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante