Seminaries and Institutes
Lesson 18: Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa


18

Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa

Pambungad

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Kapag isinasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kanilang pagsasama at nagkakaisang ipinamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, makakamtan ng mga mag-asawa ang tunay na kaligayahan na siyang layunin ng plano ng Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Pangangalaga sa Kasal,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 36–38.

  • David A. Bednar, “Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 82–87.

  • L. Whitney Clayton, “Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 83–85.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 19:3–8; Mga Taga Efeso 5:25, 28–31; Doktrina at mga Tipan 25:5, 13–15; 42:22

Pagbuo ng isang masayang pagsasama ng mag-asawa

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Russell M. Nelson

“Malaki ang posibilidad na lumigaya ang tao sa pag-aasawa kaysa sa iba pang pakikipag-ugnayan ng tao. Ngunit bigo ang ilang mag-asawa na maabot ang kanilang [ganap na] potensyal. Hinahayaan nilang kalawangin ang kanilang pag-iibigan, binabalewala nila ang isa’t isa, pinalalabo ng ibang interes o pagpapabaya ang talagang maaaring kahinatnan ng kanilang pagsasama. Mas liligaya ang pagsasama kung higit itong pangangalagaan” (“Pangangalaga sa Kasal,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 36).

  • Sa inyong palagay, anong mga gawi o asal ang maaaring maging sanhi para “kalawangin” ang pagsasama ng mag-asawa?

Ipaliwanag na ang mga mag-asawang hinahayaang mangalawang ang kanilang pagsasama ay pinipili kung minsan na tapusin na ito sa pamamagitan ng diborsyo. Sabihin sa mga estudyante na noong mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, iginiit ng ilang Fariseo na makatwiran ang diborsyo kahit sa walang kuwentang kadahilanan, at hinangad nilang idamay si Jesus sa isyung ito sa pamamagitan ng paghingi ng Kanyang opinyon tungkol sa diborsyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 19:3–8, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang pagkakaiba ng saloobin ng Tagapagligtas at ng mga Fariseo tungkol sa pag-aasawa. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang kasulatan sa paghihiwalay ay isang legal na dokumento na ibinibigay ng lalaki sa kanyang asawa bago ito hiwalayan.

  • Anong mga salita sa talata 3 ang naglalarawan sa saloobin ng mga Fariseo tungkol sa kasal at diborsyo? (Pinahihintulutan na “ihiwalay,” o idiborsyo, “sa bawa’t kadahilanan.”)

  • Ano ang itinuro ni Jesus sa talata 8 na tumututol sa kaisipang ito at nagpatibay sa banal na katangian ng kasal? (Mula sa panahon nina Adan at Eva, nilayon ng Diyos na maging walang hanggang ang kasal. Upang pagtibayin ang doktrinang ito, maaaring mong ipa-cross-reference sa mga estudyante ang talata 8 sa Eclesiastes 3:14 at Moises 4:18.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan—na tatagal sa kawalang-hanggan at makadiyos—ay hindi nag-iisip ng diborsyo. Sa mga templo ng Panginoon, ang mga magkasintahan ay ikinakasal para sa kawalang-hanggan. Ngunit hindi nararating ng ilang mag-asawa ang mithiing iyon. Dahil ‘sa katigasan ng [ating] mga puso’ [Mateo 19:8], hindi ipinatutupad ngayon ng Panginoon ang mga bunga ng paglabag sa selestiyal na pamantayan. Pinapayagan Niyang mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 70).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang magagawa ng mag-asawa para matamo ang uri ng kasal na kailangan para sa kadakilaan, sabihin sa mga estudyante na basahin ang unang pangungusap ng ikaanim na talata ng pagpapahayag tungkol sa pamilya.

  • Ano ang obligasyon ng mag-asawa sa isa’t isa? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang pariralang ito mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya: “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa.”)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng ang mag-asawa ay may “banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa”?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang responsibilidad na ito, ipabasa sa kalahati ng klase ang Doktrina at mga Tipan 25:5, 13–15, at ipabasa naman sa natitirang kalahati ang Doktrina at mga Tipan 42:22 at Mga Taga Efeso 5:25, 28–31. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga alituntunin na nagtuturo kung paano pangalagaan ang pagsasama ng mag-asawa at pagkatapos ay isulat sa pisara ang nakita nila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga bagay na nakasulat sa pisara at ipaliwanag kung ano ang kahulugan nito sa kanila.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu at sabihin sa klase na pakinggan ang paliwanag tungkol sa mga salitang pumisan at iniiwan:

Elder L. Whitney Clayton

“Ang pinakamasayang pagsasama ng mag-asawa ay bunga ng pagsunod sa isa sa pinakamasayang kautusan—na tayo ay ‘mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig’ [D at T 42:45]. Nangungusap sa mga kalalakihan, iniutos ng Panginoon, ‘Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba’ [D at T 42:22]. Itinuturo sa hanbuk ng Simbahan: ‘Ang ibig sabihin ng salitang pumisan ay lubos na maging tapat sa isang tao. Ang mag-asawa ay pumipisan sa Diyos at sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagmamahal sa isa’t isa at pagtupad sa mga tipan nang may lubos na katapatan sa isa’t isa at sa Diyos.’ “Iniiwan ng [mag-asawa] ang buhay nila noong sila ay binata o dalaga pa at inuuna nila ang kanilang pamilya. … Hindi nila hinahayaang maging mas priyoridad nila ang ibang tao o bagay … kaysa pagtupad sa mga tipan na ginawa nila sa Diyos at sa isa’t isa’ [Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.3.1]. Magmasid at matuto: ang matagumpay na mag-asawa ay nagmamahalan at lubos na tapat sa isa’t isa” (“Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 85).

  • Ano ang ilang bagay na “iniiwan” ng mag-asawa upang “pumisan” sa isa’t isa?

  • Paano ipinapakita ng mga mag-asawang kilala ninyo ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit para sa kanilang asawa?

  • Ano ang ginagawa ninyo ngayon na tutulong sa inyo na maghandang magmahal at magmalaskit nang walang kasakiman para sa inyong magiging asawa?

Abraham 5:15–18

Pagiging isa sa pag-aasawa

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Abraham 5:15–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagsasama ng mag-asawa.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang mithiing pinagsisikapang matamo ng mag-asawa? (Maging “isang laman.”)

Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram:

tatsulok ng kasal

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata habang inaalam ng klase kung ano ang inilalarawan ng diagram:

Elder David A. Bednar

“Ang Panginoong Jesucristo ang sentro sa tipan ng kasal. Pansinin ninyo kung paano nakaposisyon ang Tagapagligtas sa pinakaitaas na bahagi ng tatsulok na ito, at ang babae at lalaki ay nasa magkabilang sulok sa ibaba. Isipin ngayon kung ano ang mangyayari sa pagsasama ng lalaki’t babae habang pareho silang unti-unting ‘lumalapit kay Cristo’ at nagsisikap na maging ‘ganap sa Kanya’ (Moroni 10:32). Dahil sa at sa pamamagitan ng Manunubos, nagkakalapit ang lalaki’t babae sa isa’t isa.

“Habang napapalapit ang mag-asawa sa Panginoon (tingnan sa 3 Nephi 27:14), habang natututuhan nilang paglingkuran at mahalin ang isa’t isa, sa mga karanasan nila sa buhay at sabay sa pag-unlad at pagiging isa, at habang pinagpapala sila sa pagsasanib ng mga likas nilang katangian, matatanto nila ang katuparan ng mga hangarin ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Ang sukdulang kaligayahan, na siyang pinakamimithi ng plano ng Ama, ay natatanggap sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa kasal na walang hanggan at [pagtupad] dito” (“Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang plano,” Liahona, Hunyo 2006, 86).

  • Ayon kay Elder Bednar, ano ang nagtutulot sa mag-asawa na mas mapalapit sa isa’t isa? (Sa pagsagot ng mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagsikap ang mag-asawa na lumapit kay Cristo, sila ay magiging isa sa kanilang pagsasama.)

  • Sa inyong palagay, paano nakatutulong ang paglapit kay Cristo para lalong mapalapit sa isa’t isa ang mag-asawa?

Ipabasa nang malalas sa isang estudyante ang pangalawang talata ng pahayag ni Elder Bednar. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon kay Elder Bednar, ano ang dapat gawin ng mag-asawa para matanggap ang “sukdulang kaligayahan” na ninanais ng Diyos para sa kanila?

  • Anong uri ng mga bagay ang nakikita ninyong ginagawa ng mga mag-asawa para matamo ang pagkakaisa at kagalakan sa kanilang pagsasama?

Basahin at pagkatapos ay magpatotoo sa katotohanan ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang kasal mismo ay kailangang ituring na isang sagradong tipan sa harap ng Diyos. Ang mag-asawang ikinasal ay may obligasyon hindi lamang sa isa’t isa, kundi maging sa Diyos. Nangako Siya ng mga pagpapala sa mga taong gumagalang sa tipang iyon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 212).

  • Paano maaaring maiba ang pagkilos ng mag-asawa kung itinuturing nila ang kasal bilang sagradong tipan na ginawa nila hindi lamang sa isa’t isa kundi sa Diyos din?

  • Ano ang magagawa ninyo ngayon para mapaghandaan ang kasal sa templo?

Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang journal kung ano ang ginagawa nila ngayon at ano ang maaari nilang gawin sa hinaharap upang mapaghandaan ang kasal na walang hanggan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante