Seminaries and Institutes
Lesson 24: Mga Single Adult na Miyembro ng Simbahan


24

Mga Single Adult na Miyembro ng Simbahan

Pambungad

Binibigyang-diin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga walang-hanggang pagpapala na matatamo sa pamamagitan ng kasal at pagpapamilya. Ngunit maraming miyembro ng Simbahan ang nasa mga kalagayan kung saan wala silang pagkakataon sa kasalukuyan para makapag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya. Binibigyang-diin sa lesson na ito na ang mga miyembro ng Simbahan na walang asawa ay makagagawa ng malalaking kontribusyon sa kaharian ng Panginoon. Bagama’t ang mga pagpapala ng pag-aasawa at pagpapamilya ay naaantala kung minsan, hindi kailanman ipinagkakait ang mga ito sa mabubuti na tumutupad sa kanilang mga tipan sa Diyos.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Gordon B. Hinckley, “A Conversation with Single Adults,” Ensign, Mar. 1997, 58–63.

  • Spencer J. Condie, “Angkinin ang Mahahalaga at Napakadakilang Pangako,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 16–18.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 12:12–20, 25–27

Mga miyembrong walang asawa sa isang Simbahan na nakatuon sa pamilya

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga hamon na maaaring maranasan ng mga miyembro ng Simbahan na walang asawa kapag nakikibahagi sila sa isang ward o branch kung saan maraming miyembro ang may-asawa at may mga anak. (Ang mga miyembro ng Simbahan na walang asawa ay maaaring madama na pinanghihinaan sila ng loob, na nag-iisa sila, at na hindi sila kabilang sa mga miting at klase na nagtuturo tungkol sa kasal at pamilya.)

  • Sa inyong palagay, paano matutulungan ng iba pang mga miyembro ng Simbahan ang mga single adult na maiparamdam sa kanila na sila ay kabilang at pinahahalagahan sa mga miting at aktibidad ng Simbahan?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Ang Simbahan ay para sa lahat ng miyembro. … Lahat tayo, may-asawa man o wala, ay may kani-kanyang identidad at pangangailangan, kabilang dito ang hangaring maituring na kapaki-pakinabang na anak ng Diyos. …

“Ito ang Simbahan ni Jesucristo, hindi simbahan ng mga may-asawa o ng mga walang asawa o anumang iba pang grupo o indibidwal” (“The Church Is for All People,” Ensign, Hunyo 1989, 76).

Ipaliwanag na inihambing ni Apostol Pablo ang Simbahan sa katawan ng tao at ang bawat miyembro ng Simbahan sa mga bahagi ng katawan. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Corinto 12:12–20, habang inaalam ng iba pa sa klase kung paano ikinumpara ni Pablo ang mga bahagi ng pisikal na katawan sa mga miyembro ng Simbahan.

  • Ano ang mga hamong kakaharapin natin kung wala ang isa o mahigit pang mga bahagi ng ating katawan?

  • Anong alituntunin ang itinuro ng analohiya ni Pablo tungkol sa Simbahan at sa mga miyembro nito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng ilang mahahalagang alituntunin. Tiyakin na nabigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang bawat miyembro ng Simbahan ay may halaga at makagagawa ng mahalagang kontribusyon sa Simbahan.)

  • Anong mga kontribusyon ang nakikita ninyong ginagawa ng mga single adult sa Simbahan sa inyong ward o branch?

Ipabasa sa isang estudyante ang I Mga Taga Corinto 12:25–27. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang magagawa ng mga miyembro ng Simbahan para magkaisa.

  • Ano ang magagawa ng lahat ng miyembro ng Simbahan, may-asawa man o wala, upang matulungan ang isa’t isa na madama na kaisa sila ng iba pang mga miyembro ng ward o branch?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Lahat tayo ay kabilang sa isang komunidad ng mga Banal, kailangan nating lahat ang isa’t isa, at nagtutulungan tayong lahat na makamit ang parehong mithiin. Sinuman sa atin ay maaaring ihiwalay ang ating sarili sa [ating ward o branch] batay sa ating mga pagkakaiba. Ngunit hindi natin dapat pagsarhan ang ating sarili o ihiwalay ang ating sarili sa mga pagkakataon dahil sa mga pagkakaibang nakikita natin sa ating sarili. Sa halip, ibahagi natin ang ating mga kaloob at talento sa iba, na magdadala ng liwanag ng pag-asa at galak sa kanila, at sa gayong paraan ay napasisigla ang ating sariling espiritu” (“Belonging to a Ward Family,” Ensign, Mar. 1996, 16).

  • Paano nakatulong sa inyo ang pagsisikap ninyong tanggapin ang mga calling at makibahagi sa inyong ward o branch para madama ninyong mas kaisa ninyo ang iba pang mga miyembro?

Sa Mga Hebreo 11:1, 6, 8–13, 16

Naghihintay sa mga ipinangakong pagpapala

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Dapat naisin ng mga wala pang asawa na makasal sa templo at gawing prayoridad na makamtan ito. Dapat labanan ng mga kabataan at young single adult ang itinuturing ng lipunan na tama ngunit talagang maling konsepto na nagbabalewala sa kahalagahan ng kasal at pagkakaroon ng mga anak” (“Hangarin,” Ensign or Liahona, Mayo 2011, 45).

  • Sa inyong palagay, bakit pinanghihinaan ng loob ang ilang mga miyembrong walang asawa kapag inisip nila ang doktrina na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak”? (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nov. 2010, 129).

Ipaliwanag na bagama’t ang pagpapakasal at pagkakaroon ng pamilya ang siyang pinakamainam, maraming single adult na miyembro ng Simbahan ang hindi nakatitiyak kung mag-aasawa sila. Maaaring iniisip ng mga nadiborsyo o nabalo kung makakapag-asawa pa silang muli.

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para makamtan ng mga taong hindi pinagpalang makapag-asawa o magkaroon ng pamilya ang mga walang hanggang pagpapala:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. Ang ilan sa inyo ay hindi pinagpalang makapag-asawa sa ilang kadahilanan tulad ng kawalan ng mapupusuan, pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga kapansanan sa katawan o pag-iisip, o dahil lang sa takot na mabigo na mas nananaig, kahit sa sandaling ito man lang, kaysa sa pananalig. O maaaring nakapag-asawa kayo, ngunit nagwakas ang pagsasama, at naiwan kayong mag-isa sa responsibilidad na halos di-kakayanin kahit ng dalawang tao pa. Ang ilan sa inyo na may-asawa ay hindi magkaanak sa kabila ng napakatinding hangarin at nagsusumamong mga panalangin.

“… Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 52).

  • Anong doktrina ang itinuro ni Elder Christofferson tungkol sa kung sino ang tatanggap ng pinakamalalaking pagpapala ng Diyos? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, matatanggap ng bawat isa sa atin ang lahat ng ipinangakong pagpapala ng ating Ama sa Langit.)

  • Ano ang dapat gawin ng isang tao para matamo ang pag-asang inilarawan sa doktrinang ito?

Ipakita ang sumusunod na katiyakan na ibinigay ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Ipinapangako namin sa inyo na kung tungkol sa kawalang hanggan, walang kaluluwa ang pagkakaitan ng marami at dakila at walang hanggang pagpapala para sa anumang bagay na hindi niya kinasasaklawan, na hindi nabibigo ang Panginoon sa kanyang mga pangako, at lahat ng mabubuting tao ay tatanggap kalaunan ng lahat ng nararapat sa kanila na hindi nila nawala dahil sa anumang kasalanan nila” (“The Importance of Celestial Marriage,” Ensign, Okt. 1979, 5).

Magpatotoo na bagama’t naaantala kung minsan ang mga pagpapala ng Diyos, hindi kailanman ipagkakait ang mga ito sa kawalang-hanggan sa mga yaong nagsikap na mamuhay nang matwid.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga halimbawa nina Abraham at Sara, na tumanggap ng mga pangako mula sa Diyos tungkol sa kanilang pamilya na naantala o hindi natupad sa kanilang buhay dito sa mundo (tingnan sa Genesis 13:14–17; 15:4–7; 17:1–8, 15–16). Ipaalala sa mga estudyante na, tulad nina Abraham at Sara, ang ating pananampalataya ay susubukan kung minsan sa pamamagitan ng mga pangakong naantala o hindi natupad sa buhay na ito.

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Sa Mga Hebreo 11:1, 6, habang hinahanap ng klase ang kahulugan ng pananampalataya.

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kahulugan ng pananampalataya? (Ipaalala sa mga estudyante na ang kapanatagan ay maaaring mangahulugan din ng katiyakan, batayan, o saligan. Alalahaning tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paggamit ng study tools sa oras ng klase.)

  • Ano ang ibig sabihin ng pariralang “katunayan ng mga bagay na hindi nakikita”? (Ang pananampalataya ay isang katiyakan o patotoo sa mga bagay na totoo ngunit hindi nakikita. Ang katiyakan ng mga bagay na inaasahan at mga bagay na hindi nakikita ay dumarating lamang kapag tayo ay kumikilos at sumusunod ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo—lalo na kapag mahirap itong gawin. Ang pananampalataya ay pagsunod na nagbubunga ng espirituwal na kaloob na patotoo. Ito ay lubos na paniniwala at pagtitiwala sa Panginoon na naghihikayat ng pagsunod sa Kanya nang hindi nakikita ang ibubunga nito.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Sa Mga Hebreo 11:8–13, 16, habang inaaalam ng iba pa sa klase kung paano nanampalataya sina Abraham at Sara sa mga panahong nahihirapan sila. Imungkahi sa klase na maaari nilang salungguhitan ang mga salita at parirala na nagpapakita kung paano nanampalataya sina Abraham at Sara.

  • Sinasabi ng talata 13 na bagama’t pumanaw sina Abraham, Sara, at marami pang iba nang hindi “[nakamtan] ang mga pangako,” nakita nila ang mga pangako “mula sa malayo” at nanampalataya sa kakayahan ng Diyos na tuparin ang mga pangakong ito. Paano makatutulong ang halimbawa ng mga sinaunang Banal na ito sa mga Banal sa panahong ito na ang pananampalataya ay sinusubok dahil hindi sila nakatatanggap ng mga ipinangakong pagpapala sa buhay na ito? (Dapat matutuhan nating lahat ang pangangailangang sumampalataya at sumunod sa mga kautusan ng Panginoon kahit na ang mga pagpapalang inaasam natin ay parang hindi darating kapag ninais natin ang mga ito.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng namuhay ang mga sinaunang Banal na ito bilang mga “taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa”? (Alam nila na ang mortal na buhay ay pansamantala lamang at ang mundong ito ay hindi nila permanenteng tahanan.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“May mga pagpapalang dumarating kaagad, ang ilan ay kalaunan, at ang ilan ay hindi dumarating hanggang sa kabilang buhay; ngunit para sa mga yaong tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito. Iyan ay personal kong pinatototohanan” (“An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38).

  • Paano makatutulong sa mga miyembro ng Simbahan na nakadarama ng kalungkutan o kawalan ng pag-asa dahil wala silang asawa o mga anak ang kaalaman na walang pagpapalang ipagkakait sa matatapat?

  • May naiisip ba kayong isang pagkakataon na pinanghinaan kayo ng loob ngunit pinili ninyong kumilos nang may pananampalataya at magpatuloy pa rin sa buhay?

Kung may oras pa, ibahagi ang sumusunod na payo ni Elder Dallin H. Oaks:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Kung hinahayaan lang ninyong lumipas ang panahon sa paghihintay ng mapapangasawa, tumigil sa paghihintay. Maaaring hindi kayo magkaroon ng pagkataong mag-asawa sa buhay na ito, kaya’t tumigil sa paghihintay at magsimulang kumilos. Ihanda ang inyong sarili para sa buhay—bagama’t walang asawa—sa pamamagitan ng edukasyon, karanasan, at pagpaplano. Huwag hintaying ibigay na lang sa inyo ang kaligayahan. Hanapin ito sa pamamagitan ng paglilingkod at pag-aaral. Pagbutihin ang inyong buhay. At magtiwala sa Panginoon” (“Dating versus Hanging Out,” Ensign, Hunyo 2006, 14).

Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila upang mas lumakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo at magtiwala sa Kanyang kakayahan na tumupad ng mga ipinangakong pagpapala.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Print