Seminaries and Institutes
Lesson 3: Ang Ating Banal na Potensyal


3

Ang Ating Banal na Potensyal

Pambungad

Ang Ama sa Langit ay naglaan ng isang plano na tutulong sa atin na makabalik sa Kanyang piling at maging katulad Niya. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Tayo ay Kanyang mga anak bago tayo pumarito sa mundo, at magiging mga anak Niya magpakailanman. Dapat mabago ng mahalagang katotohanang ito ang pananaw natin sa ating sarili, sa ating mga kapatid, at sa buhay mismo” (“Apat na Titulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 58). Kapag mas naunawaan ng mga estudyante ang kanilang banal na potensyal, mahaharap nila nang mas mabuti ang mga pagsubok na mararanasan nila sa buhay.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Apat na Titulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 58–61.

  • Gospel Topics, “Becoming Like God,” lds.org/topics.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Genesis 1:27; Isaias 55:8–9; Mga Gawa 17:29; Sa Mga Hebreo 12:9; I Ni Juan 3:1; 4:8–9; 1 Nephi 9:6; 2 Nephi 9:20; Moroni 8:18; Doktrina at mga Tipan 76:4; 88:41; 130:22

Tayo ay mga anak ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay tinanong sila ng isang kaibigan kung ano ang paniniwala ng ating Simbahan tungkol sa pagkatao ng Ama sa Langit. Sabihin sa mga estudyante na maikling ibahagi kung paano sila sasagot.

Isulat ang mga sumusunod na grupo ng mga scripture reference sa pisara, o gawin itong handout at ibigay sa kanila:

Genesis 1:27; Doktrina at mga Tipan 130:22

1 Nephi 9:6; 2 Nephi 9:20

Isaias 55:8–9; Doktrina at mga Tipan 88:41

I Ni Juan 3:1; 4:8–9

Moroni 8:18; Doktrina at mga Tipan 76:4

Mga Gawa 17:29; Sa Mga Hebreo 12:9

Mag-assign sa mga estudyante ng ilan sa mga grupong ito ng mga scripture reference para pag-aralan nila at matukoy ang mga itinuturo nito tungkol sa ating Ama sa Langit. Tiyakin na naka-assign ang bawat grupo ng mga scripture reference. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila magagamit ang isa o mahigit pa sa mga talatang ito para maipaliwanag ang kanilang nalalaman o pinaniniwalaan tungkol sa Ama sa Langit.

  • Paano makatutulong sa inyo ang nalalaman ninyo tungkol sa mga katangian ng Ama sa Langit upang sambahin Siya?

  • Paano nakaapekto sa ugnayan ninyo sa Ama sa Langit ang kaalamang Siya ay totoong nilalang na mayroong niluwalhati at nabuhay na mag-uling katawang may laman at mga buto at ang Ama ng inyong Espiritu?

  • Bakit nakatutulong na maalala na Siya ay Ama ng ating mga espiritu kapag sinasamba natin ang Diyos? (Bilang bahagi ng talakayan, bigyang-diin na dahil ang Diyos ang Ama ng ating espiritu, ang ating banal na potensyal ay maging katulad Niya. Maaaring makatulong din na ibahagi ang sumusunod na pahayag na inilabas ng Unang Panguluhan noong 1909, sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Joseph F. Smith [1838–1918]: “Lahat ng lalaki at babae ay kahalintulad ng Ama at Ina ng lahat at literal na mga anak na lalaki at babae ng Diyos” [“Gospel Classics: The Origin of Man,” Ensign, Peb. 2002, 29].)

Mamahagi ng mga kopya ng sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na basahin ito nang tahimik at pansinin ang mga parirala na nagpapakita ng kahalagahan ng pag-unawa kung sino ang Diyos.

Propetang Joseph Smith

“Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili. …

“Ang Diyos Mismo ay minsang naging katulad natin, at isang taong dinakila, at nakaupo sa luklukan sa kalangitan! … Kung mapupunit ngayon ang tabing, at ang dakilang Diyos na namamahala sa pag-inog ng mundong ito, at namamahala sa lahat ng mundo at lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, ay magpapakita,—sinasabi ko, kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa hubog ng tao—katulad ng inyong buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao; sapagkat si Adan ay nilikha sa mismong ayos, imahe at wangis ng Diyos, at nakatanggap ng tagubilin mula sa [Kanya], at lumakad, nagsalita at nakipag-usap sa Kanya, tulad ng pag-uusap at pag-uugnayan ng dalawang tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 46, 48).

  • Paano nakatutulong sa atin na maunawaan ang ating mga sarili ang pag-unawa kung sino ang Ama sa Langit? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Kapag naunawaan natin ang tungkol sa ating Ama sa Langit, mas mauunawaan natin ang ating potensyal na maging katulad ng ating mga Magulang sa Langit.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Elder Dallin H. Oaks

“Isipin ang kapangyarihan ng ideyang itinuro sa pinakamamahal nating himnong ‘Ako ay Anak ng Diyos’ [Mga Himno, blg. 189]. … Narito ang sagot sa isa sa malalaking katanungan sa buhay, ‘Sino ako?’ Ako ay anak ng Diyos na may espiritung angkan ng mga magulang sa langit. Ang mga magulang na iyon ang nagpapakita ng ating walang-hanggang potensyal. Ang makapangyarihang ideyang iyon ay nagbibigay sa atin ng lakas. Mapapalakas nito ang bawat isa sa atin na gumawa ng mga tamang pasiya at hangarin ang pinakamabuti na nasa ating kalooban” (“Powerful Ideas,” Ensign, Nob. 1995, 25).

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Ang aking kaalaman na ako ay anak ng Diyos ay makatutulong sa akin kapag .

Ang aking kaalaman na ako ay anak ng Diyos ay nakatulong sa akin nang .

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nila tatapusin ang isa sa mga pangungusap na ito.

Mga Taga Roma 8:16–17; I Ni Juan 3:2; 3 Nephi 12:48

Ang ating banal na potensyal

Sabihin sa klase na kung minsan ay naririnig natin na may “malaking potensyal” ang isang tao.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang ito?

Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga ito para malaman ang tungkol sa ating mga banal na potensyal: Mga Taga Roma 8:16–17; I Ni Juan 3:2; 3 Nephi 12:48. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang mga scripture passage na ito sa pamamagitan ng pagsulat sa dalawang iba pang scripture reference sa margin sa tabi ng bawat scripture passage.

  • Batay sa mga banal na kasulatan na napag-aralan natin tungkol sa katangian ng Diyos, ano ang ibig sabihin sa inyo ng pariralang “tayo’y magiging katulad Niya”?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “kasamang tagapagmana” ni Jesucristo? (Bilang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, karapatan ni Jesucristo na manahin ang lahat ng mayroon ang Ama. Ang mga masunurin at natanggap ang buong pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay magmamana rin ng lahat ng mayroon ang Ama [tingnan sa Mga Taga Roma 8:14–18; Mga Taga Galacia 3:26–29; D at T 84:38]. Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay ng paraan upang maging katulad tayo ng ating mga Magulang sa Langit. Ipaliwanag na bagama’t maaaring pintasan ng ilang mga tao ang ating paniniwala na maaari tayong maging katulad ng Diyos, ang paniniwalang ito ay nakabatay sa mga turo ng Biblia.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Ano ang itinuro ni Elder Dallin H. Oaks tungkol sa layunin ng ating mortal na buhay?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga sagot sa tanong na nasa pisara:

Elder Dallin H. Oaks

“Sa teolohiya ng ipinanumbalik na simbahan ni Jesucristo, ang layunin ng mortal na buhay ay ihanda tayo upang maisakatuparan ang ating tadhana bilang mga anak na lalaki’t babae ng Diyos—na maging tulad Niya. … Inilarawan ng Biblia ang mga mortal bilang ‘mga anak ng Dios’ at bilang ‘mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo’ (Rom. 8:16–17). Sinabi rin dito na ‘[na]kipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya’ (Rom. 8:17) at na ‘kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya’ (I Ni Juan 3:2). Naniniwala tayo sa mga turong ito ng Biblia. Naniniwala tayo na ang layunin ng buhay na ito ay magkaroon ng pisikal na katawan at, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo, maging karapat-dapat para sa niluwalhating nabuhay na muling selestiyal na kalagayan na tinatawag na kadakilaan o buhay na walang hanggan. … (Ang tadhanang ito ng buhay na walang hanggan o buhay ng Diyos ay dapat alam ng lahat ng nag-aral ng mga sinaunang doktrina ng mga Kristiyano na “pagkapoon” [deification] o “apotheosis” at naniniwala rito.) …

“… Nagsisimula ang ating teolohiya sa mga magulang sa langit. Ang pinakamataas nating mithiin ay maging katulad nila. Sa plano ng maawaing Ama, lahat ng ito ay posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Bugtong na Anak ng Ama, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo” (“Apostasy and Restoration,” Ensign, Mayo 1995, 86–87).

(Paalala: Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang pagkapoon o deification at apotheosis ay tumutukoy sa ideya na ang isang tao ay maaaring maging diyos o maitaas sa banal na kalagayan.)

Talakayin ang mga sagot ng mga estudyante sa tanong na nasa pisara. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong mga kaisipan ang pumasok sa inyong isipan nang pagnilayan ninyo ang katotohanan na ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa inyo ng pagkakataon na maging katulad Niya?

  • Bakit kinakailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Cristo upang maging katulad tayo ng Diyos?

Upang maipagpatuloy ang talakayang ito, basahin sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag:

“Nauunawaan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa magagawa nito sa malaking potensyal ng tao. Ang Pagbabayad-sala ni Cristo ay hindi lamang nagbibigay ng pagpapatawad sa kasalanan at pagtatagumpay sa kamatayan, tinutubos din nito ang hindi perpektong samahan, pinagagaling ang mga espirituwal na sugat na humahadlang sa pag-unlad, at pinalalakas at tinutulungan ang mga tao na magkaroon ng mga katangian ni Cristo [tingnan sa Alma 7:11–12]. Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo tayo magkakaroon ng tiyak na pag-asa ng walang hanggang kaluwalhatian at na ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay lubos na magagamit lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas sa pagsunod sa utos at pagtulad sa halimbawa ni Cristo [tingnan sa 2 Nephi 31:20; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4]. Kaya, ang mga magiging katulad ng Diyos at makakapasok sa kaganapan ng Kanyang kaluwalhatian ay inilarawan bilang mga taong ‘ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo’ [D at T 76:69]” [Gospel Topics, “Becoming Like God,” lds.org/topics).

Magbigay ng mga kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pahayag at markahan ang mga ideya na nagbibigay sa kanila ng pag-asa na maaabot nila ang kanilang banal na potensyal. Ipaliwanag na ibinigay ni Pangulong Uchtdorf ang mensaheng ito sa sesyon ng priesthood ng pangkalahatang kumperensya, ngunit ang mga ideya ay angkop sa lahat:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang isang napakahalagang titulong tumutukoy sa ating lahat ay anak [na lalaki o babae] ng Ama sa Langit. Sinuman tayo o anuman ang ginagawa natin sa buhay, hindi natin dapat kalimutan na tayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Tayo ay Kanyang mga anak bago tayo pumarito sa mundo, at magiging mga anak Niya magpakailanman. Dapat mabago ng mahalagang katotohanang ito ang pananaw natin sa ating sarili, sa ating mga kapatid, at sa buhay mismo. …

“Nakalulungkot kung minsan na kahit alam natin ang kahulugan ng maging anak ng Diyos ay nagkukulang pa rin tayo. Gustong samantalahin ng kaaway ang damdaming ito. Mas gusto ni Satanas na manatili kayo sa inyong mga kasalanan sa halip na magtuon sa inyong banal na potensyal. Mga kapatid, huwag siyang pakinggan.

“Nakakita na tayong lahat ng isang lumalaking sanggol na natututong lumakad. Maliit ang kanyang hakbang at pagewang-gewang ang lakad. Natutumba siya. Pinagagalitan ba natin siya dahil doon? Siyempre hindi. Anong klaseng ama ang magpaparusa sa isang sanggol sa pagtumba nito? Tayo ay naghihikayat, natutuwa, at pumupuri, dahil sa bawat maliit na hakbang, ang anak ay lalong nakakatulad ng kanyang mga magulang.

“Ngayon, mga kapatid, kumpara sa kasakdalan ng Diyos, tayong mga mortal ay hindi naiiba sa mga sanggol na pagewang-gewang sa paglakad. Ngunit nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na maging higit na katulad Niya tayo, at, mahal kong mga kapatid, iyan din dapat ang ating walang-hanggang mithiin. Nauunawaan ng Diyos na hindi natin mararating iyan kaagad kundi sa paisa-isang hakbang lamang” (“Apat na Titulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 58).

  • Paano makatutulong sa inyo ang pag-alala sa mga walang hanggang katotohanan na ito na maabot ang inyong mga banal na potensyal?

  • Paano maaaring makaapekto ang pag-alaala sa mga katotohanang ito sa paraan ng pakikitungo ninyo sa inyong mga kapamilya?

  • Paano maaaring makaapekto ang inyong kaalaman tungkol sa mga katotohanang ito sa inyong hangaring magsaliksik ng impormasyon tungkol sa inyong mga namatay na kapamilya at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila?

Hikayatin ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang kanilang natutuhan at nadama sa lesson na ito sa isang kapamilya o kaibigan sa darating na linggo. Maaari din nilang pag-isipan kung ano ang magagawa nila bawat araw upang palagi nilang maalala na sila ay mga anak ng Ama sa Langit at magplano na isulat sa journal kung paano nakaapekto sa kanilang mga ginagawa ang pag-alaala sa sagradong katotohanang ito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante