20
Pangangalaga sa Pananampalataya at Patotoo
Pambungad
Ang mga pamilya at bawat tao ay may sagradong tungkuling palakasin ang pananampalataya kay Jesucristo at panatilihin ang matibay na patotoo. Nagbabala ang Tagapagligtas na sa mga huling araw, maging “ang mga hinirang” ay malilinlang (Joseph Smith—Mateo 1:22). Ang lesson na ito ay nakatuon sa pagpapalakas ng patotoo upang mapangalagaan mula sa mga puwersa ng kaaway, na naghahangad na wasakin ang pananampalataya.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 21–24.
-
Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–95.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 14:26–27; Mga Taga Efeso 4:11–14; 1 Nephi 15:23–24; 2 Nephi 31:19–20; Alma 5:45–46; Helaman 3:28–30; Doktrina at mga Tipan 11:13–14; 21:4–6
Ang matitibay na patotoo ay nagbibigay ng proteksyon laban sa kaaway
Ipaliwanag na minsan ay nagsalita si Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pangkat ng lobo na pagala-gala sa lalawigan sa Ukraine maraming taon na ang nakararaan. Sa apoy lang sila natatakot. Kapag naglalakbay palabas sa mga lungsod, kailangang gumawa ang mga tao ng malalaking siga ng apoy at panatilihin itong nag-aapoy sa buong magdamag para maitaboy ang mga lobo.
Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:
“Naunawaan ng mga manlalakbay na ang paggawa at pagpapanatili ng malalaking siga ng apoy ay hindi lamang para mabigyan sila ng liwanag o init; ito ay nagsisilbing kaligtasan. …
“Hindi na natin kailangang proteksyunan ang ating sarili mula sa mga pangkat ng lobo kapag naglalakbay tayo sa buhay ngayon, ngunit, sa aspetong espirituwal, makakaharap natin ang mala-lobong katusuhan ni Satanas sa anyo ng mga tukso, kasamaan, at kasalanan. Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon kung saan ang mga gutom na gutom na lobo ay pagala-gala sa espirituwal na lalawigan sa paghahanap ng mga yaong mahihina sa pananampalataya o pananalig. … Tayong lahat ay madaling salakayin. Gayunman, mapangangalagaan natin ang ating sarili sa pamamagitan ng proteksyong ibinibigay ng nagniningas na patotoo, tulad ng siga ng apoy, na napalakas nang lubos at maingat na napanatili” (“Spiritual Bonfires of Testimony,” Ensign, Nov. 1992, 34).
-
Bakit “nagsisilbing kaligtasan” sa mundo ngayon ang mapanatiling matibay ang patotoo? (Matapos ang kaunting talakayan, isulat ang sumusunod sa pisara: Kapag pinatitibay natin ang ating mga patotoo, hindi madaling tinagin ang ating pananampalataya.)
-
Paano makatutulong sa inyo ang pagkakaroon ng matibay na patotoo para mapalakas ang mga miyembro ng inyong pamilya at ang iba laban sa mga pag-atake sa kanilang pananampalataya?
Idispley o isulat sa pisara ang sumusunod na chart. Huwag isama ang mga alituntuning nakasulat sa bold letters na nasa loob ng mga panaklong; ang alituntuning ito ay inilaan para magamit ng titser. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga talata sa isa sa mga column, hinahanap ang mga alituntunin na makatutulong sa pagprotekta laban sa mga puwersang nagpapahina ng pananampalataya. Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang nabasa nila sa pamamagitan ng isang malinaw na pagpapahayag ng doktrina o alituntunin at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga pahayag.
(Kapag nanatili tayong matatag sa pananampalataya kay Jesucristo, makasusulong tayo sa makipot at makitid na landas tungo sa buhay na walang hanggan.) |
(Kapag sinusunod natin ang mga apostol, propeta, at iba pang mga lider ng Simbahan ng Panginoon, mapoprotektahan tayo mula sa panlilinlang.) |
(Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mapagkakalooban tayo ng Panginoon ng kapayapaan at patnubay kapag inatake ang ating pananampalataya.) |
(Ang pag-aayuno, panalangin, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nagpapalakas ng pananampalataya at patotoo at nagbibigay-kakayahan sa atin na madaig ang mga hamon sa buhay.) |
-
Paano kayo o ang isang kakilala ninyo napalakas ng mga alituntuning ito laban sa pag-atake sa pananampalataya?
-
Paano ninyo magagamit ang impormasyong ito upang palakasin ang isang tao na alam inyong nagsusumikap na mapalakas ang kanyang pananampalataya?
Ipaalala sa mga estudyante ang sumusunod: “Ang pananampalataya ay isang kaloob na ibinibigay ng Diyos bilang gantimpala sa pagiging mabuti. Palagi itong ibinibigay kapag naroon ang kabutihan, at kung mas masunurin ang tao sa mga batas ng Diyos, ibayong pananampalataya ang ipagkakaloob sa kanya” (Bruce R. McConkie, Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 264). Magpatotoo na ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsunod sa mga propeta, paghahangad sa Espiritu, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magpoprotekta at magpapalakas sa mga patotoo. Kapag hindi natin ginawa ang mga bagay na ito, hihina ang pananampalataya at mawawala ang patotoo.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol para mailarawan ang bagay na ito:
“Isa sa aking mahuhusay na missionary na kasama kong naglingkod noong ako ang mission president sa Toronto ang nakipagkita sa akin makalipas ang ilang taon. Tinanong ko siya, ‘Elder, ano ang maitutulong ko sa iyo?’
“‘President,’ sabi niya, ‘Palagay ko po ay nawawalan na ako ng patotoo.’
“Hindi ako makapaniwala. Itinanong ko kung paano nangyari iyon.
“‘Sa unang pagkakataon ay nakabasa ako ng artikulong laban sa mga Mormon,’ sabi niya. ‘May mga tanong ako na hindi masagot ng kahit sino. Nalilito ako, at palagay ko po nawawala na ang aking patotoo.’
“Itinanong ko kung ano ang mga tanong niya, at sinabi niya sa akin. Iyon ay mga karaniwang sinasabi laban sa Simbahan, ngunit gusto ko munang magtipon ng materyal upang makapagbigay ng mga makabuluhang sagot. Kaya nagkasundo kaming magkita pagkatapos ng 10 araw, at sasagutin ko sa araw na iyon ang bawat tanong niya. Nang siya’y paalis na, pinigilan ko siya.
“‘Elder, marami kang itinanong sa akin ngayon,’ sabi ko. ‘Ngayon, may isa lang akong tanong sa iyo.’
“‘Ano po iyon, President?’
“‘Kailan mo huling binasa ang Aklat ni Mormon?’ tanong ko.
“Napatingin siya sa baba. Matagal siyang tumitig sa sahig. Pagkatapos ay tumingin siya sa akin. ‘Matagal na, President,’ pag-amin niya.
“Sige,” sabi ko. ‘Binigyan mo ako ng assignment. Patas lang na bigyan din kita. Gusto kong ipangako mo sa akin na magbabasa ka ng Aklat ni Mormon nang kahit isang oras araw-araw simula ngayon at hanggang sa muli nating pag-uusap.’ Pumayag siya na gagawin iyon.
“Pagkaraan ng 10 araw ay bumalik siya sa opisina ko, at handa na ako. Inilabas ko ang mga papel para simulan ang pagsagot sa kanyang mga tanong, ngunit pinigilan niya ako.
“‘President,’ sabi niya, ‘hindi na po kailangan iyan.’ Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: ‘Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon. Alam kong si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.’
“‘Natutuwa akong marinig iyan,’ sabi ko. ‘Pero makukuha mo pa rin ang mga sagot sa mga tanong mo. Ang tagal kong ginawa ito, kaya maupo ka lamang diyan at makinig.’
“Kaya sinagot ko ang lahat ng kanyang mga tanong at pagkatapos ay itinanong ko, ‘Elder ano ang natutuhan mo rito?’
“At sinabi niya, ‘Magbigay ng oras sa Panginoon.’
“Nawa’y lagi nating maisaisip at maalaala iyan habang naglalakbay tayo sa buhay na ito. Magbigay tayo ng oras sa Panginoon” (“When Shall These Things Be?” Ensign, Dis. 1996, 60).
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasang ibinahagi ni Elder Ballard?
-
Paano mapapalakas ng pagbibigay ng “oras” sa Panginoon ang inyong personal na buhay at ang buhay ng inyong pamilya laban kay Satanas?
-
Paano kayo maihahanda ng paggamit ng mga alituntuning ito ngayon upang kayo ay maging mas mabuting asawa at magulang?
Tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagpapabasa sa isang estudyante ng sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kapag patuloy tayong nagdarasal sa umaga at sa gabi, nag-aaral ng ating mga banal na kasulatan araw-araw, nagkakaroon ng lingguhang family home evening, at dumadalo sa templo nang regular, tayo ay masigasig na tumutugon sa paanyaya [ni Jesucristo] na ‘lumapit sa Kanya.’ Habang lalo nating nakakagawian ito, mas tumitindi ang hangad ni Satanas na ipahamak tayo ngunit humihina ang kanyang kakayahang gawin ito. Sa paggamit ng mga kasangkapang ito, nagagamit natin ang ating kalayaang tanggapin ang buong kaloob ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
“… Pinatototohanan ko na kapag tayo ay masigasig na lumapit sa Kanya, makakayanan natin ang bawat tukso, bawat dalamhati, at bawat hamon na kinakaharap natin” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 94).
Itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi ng isang karanasan na hindi masyadong personal kung saan nakayanan nila ang mga hamon sa kanilang pananampalataya.
Lucas 22:31–32; 3 Nephi 18:32; Doktrina at mga Tipan 108:7–8
Palakasin ang pananampalataya ng iba
Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang kamay kung may kilala sila na nagsusumikap na mapanatili ang kanyang patotoo.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan at paghambingin ang Lucas 22:31–32; 3 Nephi 18:32; at Doktrina at mga Tipan 108:7–8 para malaman ang tungkulin natin bilang matatapat na miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga miyembro ng ating pamilya. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, may tungkulin tayo na palakasin ang pananampalataya ng iba.
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Nalaman ko na dalawang pangunahing bagay ang dahilan para bumalik sa pagkaaktibo at magbago ang mga ugali, gawi, at kilos. Una, nagbabalik ang mga tao dahil may nagpakita sa kanila ng kanilang mga walang-hanggang potensiyal at natulungan silang magpasiya na kamtin ang mga ito. Hindi makukuntento ang mga di-gaanong aktibo na manatiling pangkaraniwan kapag nakita nila na kaya naman nilang magpakahusay.
Ikalawa, nagbabalik ang iba dahil sinunod ng kanilang mga mahal sa buhay o ‘mga kababayan na kasama ng mga banal’ [Ephesians 2:19] ang payo ng Tagapagligtas, inibig nila ang kanilang kapwa tulad sa kanilang sarili, at tinulungan nila ang iba na makamit ang kanilang mga pangarap at ambisyon.
“Ang nagtulak—at patuloy na magtutulak—sa prosesong ito ay ang alituntunin ng pagmamahal” (“Ang Pananagutan Nating Sumagip,” Liahona, Okt. 2013, 5).
-
Sa palagay ninyo, bakit ang pag-ibig o pagmamahal ay mahalagang motibasyon sa pagpapalakas ng pananampalataya ng iba?
-
Ano ang ginawa ninyo o ng isang taong kilala ninyo upang makatulong sa pagpapalakas ng pananampalataya ng isang taong espirituwal na nagsusumikap?
-
Ano ang mga hakbang na maaari ninyong gawin upang maging mas epektibo sa pagpapalakas ng pananampalataya ng iba?
Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na makatutulong ang mga estudyante sa pagpapabalik at pagpapalakas ng pananampalataya ng kanilang mga kaibigan at pamilya kapag nagpakita sila ng pagmamahal at sinunod ang mga alituntuning tinalakay sa lesson na ito.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Lucas 22:31–32; Juan 14:26–27; Mga Taga Efeso 4:11–14; 1 Nephi 15:23–24; 2 Nephi 31:19–20; Alma 5:45–46; Helaman 3:28–30; 3 Nephi 18:32; Doktrina at mga Tipan 11:13–14; 21:4–6; 108:7–8.
-
Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 21–24.
-
Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–95.