Seminaries and Institutes
Lesson 28: Pagpapalakas ng Pamilya Bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan


28

Pagpapalakas ng Pamilya Bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan

Pambungad

Ipinahayag ng mga propeta sa panahong ito: “Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nila masusunod at ipagtatanggol ang payo na ito ng propeta.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Thomas S. Monson, “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 66–69.

  • Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 24–31.

  • L. Tom Perry, “Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 39–42.

  • “Transcript of News Conference on Religious Freedom and Nondiscrimination” (Ene. 27, 2015), mormonnewsroom.org/article/publicstatement-on-religious-freedom-and-nondiscrimination.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 43:9, 30, 45, 48

Ang ating tungkuling ipagtanggol ang doktrina at moral na pundasyon ng pamilya

Ihanda ang mga estudyante para sa lesson na ito sa pagsasabi sa kanila na ito ay nakatuon sa ating responsibilidad na ipagtanggol ang pamilya. Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce D. Porter ng Pitumpu:

Larawan
Elder Bruce D. Porter

“Ang Simbahan ay isang maliit na institusyon kung ikukumpara sa daigdig sa kabuuan. Gayon pa man, hindi dapat maliitin ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang isang grupo ang lakas ng ating halimbawa, ni ang ating kakayahan na manghikayat ng tao, baliktarin ang negatibong nauuso, o mag-anyaya ng taong naghahanap ng katotohanan na pumasok sa pasukan at maglakad sa piniling landas ng Panginoon. Dapat nating ibigay ang lahat ng ating makakaya, sa pakikipagtulungan sa mga tao at institusyon na may gayon ding pananaw, upang ipagtanggol ang pamilya at itataas ang isang tinig ng babala at paanyaya sa sanlibutan” (“Defending the Family in a Troubled World,” Ensign, Hunyo 2011, 18).

  • Ano ang inyong saloobin tungkol sa mga responsibilidad ng mga Banal sa mga Huling Araw na ipagtanggol ang pamilya sa mundo ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na sa iba’t ibang panahon, napagtanto ng mga Nephita na nanganganib sa mga Lamanita ang kanilang mga kalayaang panrelihiyon at mga pinahahalagahan ng pamilya. Sa pag-aaral ng kanilang mga karanasan, matututuhan natin ang mga alituntunin na maihahalintulad sa ating panahon. (Ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa ating sarili ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na maaari mong bigyang-diin sa lesson na ito.) Ipaliwanag na ang isang karanasan ng mga Nephita ay nakatala sa Alma 43.

Isulat sa pisara ang Alma 43:9, 30, 45, 48, at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga salita at parirala na tutulong sa atin na maunawaan ang kahalagahan ng pagtatanggol sa mga pinahahalagahan ng pamilya at mga kalayaang panrelihiyon sa mundo ngayon. Imungkahi sa mga estudyante na markahan nila ang mga salita at mga pariralang ito.

  • Anong mga salita at parirala ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagtatanggol sa mga pinahahalagahan ng ating pamilya at mga kalayaang panrelihiyon? Anong mga alituntunin ang natutuhan ninyo tungkol sa kahalagahan ng pagtatanggol sa mga pinahahalagahan ng ating pamilya at mga kalayaang panrelihiyon? (Dapat kasama sa mga sagot ang sumusunod na alituntunin: Tayo ay may sagradong tungkulin na ipagtanggol at suportahan ang mga pinahahalagahan ng ating pamilya at ang mga kalayaang panrelihiyon.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa mga miyembro ng Simbahan na palakasin at ipagtanggol ang pamilya sa kanilang komunidad?

  • Paano natin susuportahan at ipagtatanggol ang pamilya gamit ang social media?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder L. Tom Perry

“Nais nating iparinig ang ating tinig laban sa lahat ng mali at alternatibong uri ng pamumuhay na nagtatangkang pumalit sa organisasyon ng pamilya na itinatag mismo ng Diyos. Nais din nating iparinig ang ating tinig sa pagsuporta sa kagalakan at tagumpay na hatid ng tradisyonal na pamilya. Kailangan nating patuloy na iparinig ang tinig na iyan sa buong mundo na nagpapahayag kung bakit napakahalaga ng kasal at pamilya, bakit talagang mahalaga ang kasal at pamilya, at bakit mananatiling mahalaga ang mga ito” (“Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 42).

  • Ayon kay Elder Perry, ano ang dapat nating ipahayag tungkol sa pamilya?

  • Ano ang naobserbahan ninyo sa ibang tao na naninindigan at sinusuportahan ang kahalagahan ng pamilya o ipinagtatanggol ang pamilya laban sa mga tumutuligsa dito? (Ipaliwanag na kasama sa pagtatanggol ng pamilya ang pagpapalaki ng isang matatag na pamilya at gayon din ang hayagang pagtatanggol sa pamilya kapag kinakailangan.)

Ibahagi ang sumusunod na karanasan na ikinuwento ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Kamakailan, nakausap ko ang isang Laurel na mula sa Estados Unidos. Ito ang sinabi niya sa email:

“‘Nitong nakaraang taon ilan sa mga kaibigan ko sa Facebook ang nagsimulang mag-post ng opinyon nila tungkol sa kasal. Marami ang pabor sa kasal ng parehong kasarian, at isinaad ng ilang kabataang LDS na “gusto” nila ang mga posting. Hindi ako nagbigay ng komento.

“‘Nagpasiya akong ipahayag sa maingat na paraan na naniniwala ako sa tradisyunal na kasal.

“‘Sa profile picture ko, idinagdag ko ang caption na “Naniniwala ako sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.” Agad akong nakatanggap ng mga mensahe. “Makasarili ka.” “Mapanghusga ka.” Ikinumpara pa ako ng isa sa isang taong may alipin. At natanggap ko ang post na ito mula sa isang matalik na kaibigan na matatag na miyembro ng Simbahan: “Kailangan mong tumigil sa pagiging makaluma. Nagbabago ang lahat at dapat ay ikaw rin.”

“‘Hindi ako lumaban,’ sabi niya, ‘pero hindi ko binawi ang sinabi ko.’

“Sabi niya sa huli: ‘Kung minsan, tulad ng sabi ni Pangulong Monson, “Kailangan [mong] manindigang mag-isa.” Umaasa ako na bilang mga kabataan, sama-sama tayong maninindigan sa pagiging tapat sa Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga buhay na propeta’” (“Mga Espirituwal na Buhawi,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 19–20).

  • Ano ang mga karanasan ninyo tungkol sa pagpapalakas at pagtatanggol ng pamilya?

  • Ano ang naging epekto ng mga sinabi o ginawa ninyo sa ibang tao?

Magpatotoo na maaari tayong magkaroon ng mabuting impluwensya sa ating mga komunidad at isulong ang mga layunin ng plano ng ating Ama sa Langit habang sinusuportahan at ipinagtatanggol natin ang mga pamamaraan na nagpapatatag sa mga pamilya.

Alma 46:10–13, 16; 48:7–13

Pagtatanggol ng pamilya sa tulong ng Diyos at nang may paggalang sa iba

Sabihin sa mga estudyante na nakatala sa mga kabanata 46 at 48 ng Alma na muling nanganib ang mga Nephita sa mga Lamanita. Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo na pag-aralan ang Alma 46:10–13, 16, at sa pangalawang grupo na pag-aralan ang Alma 48:7–13. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung paano natin maaaring matularan ang halimbawa ni Kapitan Moroni sa angkop na mga paraan upang masuportahan ang mga pamamaraan na nagpapatatag at nagpapalakas ng pamilya. Matapos ang sapat na oras, tulungan ang mga estudyante na ihalintulad sa ating panahon ang mga talatang ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Paano maihahalintulad ang mga ginawa ni Amalikeo at ng kanyang mga tauhan sa ginagawa ng mga taong tumutuligsa sa pamilya ngayon?

  • Ano ang matututuhan natin sa mga ginawa ni Kapitan Moroni? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Kapag hinangad natin ang tulong ng Diyos at sinikap na gamitin ang lahat ng ating mapagkukunan, tatanggap tayo ng karunungan at lakas na ipagtanggol ang ating mga pamilya, ating relihiyon, at ating mga kalayaan.)

  • Ano ang ilang angkop na paraan kung saan masusuportahan natin ang mga pamamaraan na nagpapatatag at nagtatanggol sa mga pamilya?

Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) at ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol para ipandagdag sa talakayan tungkol sa naunang tanong:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Makilahok tayo sa mabubuting layunin ng komunidad. Maaaring may mga sitwasyon kung saan, pagdating sa mabibigat na problema ukol sa moralidad, hindi natin dapat ikompromiso ang ating pamantayan. Ngunit sa gayong mga sitwasyon maaari tayong may paggalang na hindi sumang-ayon at nang hindi nakikipagtalo. Maaari nating kilalanin ang katapatan ng mga taong hindi natin matanggap ang opinyon. Maaari nating pag-usapan ang mga alituntunin sa halip na ang pagkatao” (Teachings of Gordon B. Hinckley [1997], 131).

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Kapag isinulong ng mga nananalig ang kanilang opinyon sa pampublikong talakayan, dapat ay lagi silang mapagparaya sa opinyon ng mga taong iba ang mga paniniwala. Ang mga nananalig ay kailangang magsalita palagi nang may pagmamahal at magpasensya, umunawa, at mahabag sa kanilang mga kaaway. Ang mga nananalig na Kristiyano ay inutusang mahalin ang kanilang kapwa (tingnan sa Lucas 10:27) at magpatawad (tingnan sa Mateo 18:21–35). Dapat din nilang alalahanin ang turo ng Tagapagligtas na ‘pagpalain … ang sa [kanila’y] sumusumpa, [gawan ng mabuti ang mga napopoot sa kanila], at ipanalangin … ang sa [kanila’y] lumalait’ (Mateo 5:44)” (Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 30–31).

  • Sa inyong palagay, paano ninyo maipamumuhay ang mga alituntuning itinuro nina Pangulong Hinckley at Elder Oaks?

Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinuportahan natin ang mga pamamaraan na nagtatanggol at nagpapatatag ng pamilya, dapat tayong magpakita ng paggalang sa iba at pagpaparaya sa kanilang mga opinyon.

Pagsuporta sa mga pamamaraan o gawain na nagpapatatag sa pamilya

Ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

Sabihin sa mga estudyante na noong Enero 2015, ang mga lider ng Simbahan ay nagdaos ng isang opisyal na press conference kung saan nanawagan sila sa mga opisyal ng pamahalaan na magpasa ng mga batas na magpoprotekta sa mga kalayaang panrelihiyon at mangangalaga sa kabanalan ng pamilya. Ipaliwanag na bagama’t nagsalita ang mga lider ng Simbahan lalo na tungkol sa pagtatanggol ng mga kalayaang panrelihiyon sa pahayag na ito, ang kanilang mga salita ay patungkol din sa pagtatanggol sa mga pinahahalagahan ng pamilya. Maraming kalayaang panrelihiyon ang direktang may kaugnayan sa pamilya, tulad ng kasagraduhan ng kasal.

Ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks bilang buod ng inilahad sa press conference na iyon:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ipinahahayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sumusunod na alituntunin batay sa mga turo ni Jesucristo, at upang maging makatarungan sa lahat, kabilang ang mga taong may pananampalataya:

“1. Naniniwala kami na ibinigay ng Diyos at ng Konstitusyon ang karapatan sa lahat ng tao na ipamuhay ang kanilang pananampalataya ayon sa idinidikta ng kanilang budhi, nang hindi nakapipinsala sa kalusugan o kaligtasan ng iba.

“2. Kinikilala namin na ang gayon ding kalayaan ng budhi ay dapat ibigay sa kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako nang sa gayon ay maka-anib sila sa relihiyong pinili nila, o hindi sumapi sa anumang relihiyon kung iyon ang gusto nila.

“3. Naniniwala kami na ang mga batas ay dapat isaayos upang matamo ang balanse sa pagprotekta sa kalayaan ng lahat ng tao habang iginagalang ang mga taong iba ang mga pinahahalagahan.

“4. Ayaw namin ng pang-uusig at paghihiganti sa anumang uri nito, kabilang na ang pang-uusig batay sa lahi, etniko, paniniwala sa relihiyon, kalagayan sa buhay o pagkakaiba sa kasarian o seksuwal na oryentasyon” (Dallin H. Oaks, “Transcript of News Conference on Religious Freedom and Nondiscrimination” [Ene. 27, 2015], mormonnewsroom.org/article/publicstatement-on-religious-freedom-and-nondiscrimination).

  • Ano ang natutuhan ninyo sa pahayag na ito na makatutulong sa inyo na suportahan ang mga pamamaraan na nagpapatatag sa pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan? (Bilang bahagi ng talakayang ito, bigyang-diin na ang pagpapalaki ng mga anak ayon sa mga paraan ng Panginoon, pagsuporta sa iba pang mga pamilya, pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan, at pagpapatatag ng ating mga komunidad ay pawang mga pamamaraan na sumusuporta sa pamilya.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaari nilang gawin upang masuportahan ang mga pamamaraan na nagpapatatag at nagtatanggol ng mga pamilya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

  • Alma 43:9, 30, 45, 48; 46:11–16; 48:9–13.

  • Thomas S. Monson, “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 66–69.

  • Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 24–31.

  • L. Tom Perry, “Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 39–42.

Print