4
Ang Pamilya at ang Dakilang Plano ng Kaligayahan
Pambungad
Sa paglikha kina Adan at Eva, ang sangkatauhan ay naitatag sa lupa. Ginawang posible ng Pagkahulog nina Adan at Eva na maisilang ang mga bata sa mundo, at tinutulungan tayo ng Pagbabayad-sala na madaig ang mga negatibong epekto ng Pagkahulog. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano nagtulungan ang Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala para sa kaligtasan ng mga pamilya.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
M. Russell Ballard, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 84–87.
-
Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 12–17.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Moises 1:27–39; Doktrina at mga Tipan 49:15–17
Nalaman ni Moises ang layunin ng paglikha sa mundo
Magdala sa klase ng isang maliit na lalagyan na may buhangin at isang baso ng tubig. Sabihin sa isang estudyante na isawsaw ang isang daliri sa tubig at pagkatapos ay sa buhangin. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na tantiyahin kung ilang butil ng buhangin ang kumapit sa daliri.
-
Sa palagay ninyo, ilang butil ng buhangin ang nasa lalagyan? Sa mga dalampasigan ng mga dagat?
Ipabuklat sa mga estudyante ang Moises 1, na nagtatala ng magkakasunod na mga pangitain na nakita ni Moises. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 1:27–29, at sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang ipinakita ng Panginoon kay Moises.
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang nakita ni Moises sa pangitain?
-
Ano kaya ang maaaring maisip ninyo kung nakita ninyo ang pangitaing ito?
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Moises 1:30 at markahan ang dalawang tanong ni Moises sa Panginoon (bakit at paano nilikha ang mundo at ang mga naninirahan dito). Tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng sariling mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na maghanap ng mga tanong at mga sagot sa mga tanong na ito sa banal na kasulatan sa kanilang pag-aaral.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Moises 1:31–33 at alamin kung paano sinagot ng Panginoon ang dalawang tanong ni Moises.
-
Ayon sa talata 31, bakit nilikha ng Diyos ang daigdig?
-
Anong doktrina ang itinuturo ng mga talata 32–33 tungkol sa kung paano nilikha ng Ama sa Langit ang mga daigdig? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Sa ilalim ng pamamahala ng Ama, nilikha ni Jesucristo ang mundo at ang mga daigdig na di-mabilang.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Moises 1:36–39 at tukuyin ang iba pang hangarin ni Moises at ang tugon ng Panginoon sa mga ito.
-
Ano ang layunin ng Ama sa Langit sa paglikha sa mundo at sa mga naninirahan dito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mundo ay nilikha upang tumulong sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Tandaan na ang kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman sa nabuhay na mag-uling kalagayan, at ang buhay na walang hanggan ay ang pamumuhay na tulad ng sa Diyos, ibig sabihin ay mabuhay magpakailanman bilang bahagi ng isang walang hanggang pamilya.)
-
Paano nakatutulong ang paglikha sa mundo sa pagsasakatuparan ng gawain at kaluwalhatian ng Ama sa Langit? (Gamitin ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 para maipakita na ang mundo ay nilikha bilang lugar na titirhan ng mga pamilya.)
Magpatotoo na ang mundo ay nilikha upang tumulong sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng mga anak ng Diyos. Ang layunin ng pamilya ay tulungan tayong magtamo ng buhay na walang hanggan, na ang ibig sabihin ay mabubuhay tayo magpakailanman bilang bahagi ng isang walang hanggang pamilya—ang buhay na tulad sa buhay ng Diyos.
2 Nephi 2:19–25; Moises 3:16–17; 5:9–11
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos
Ipaliwanag na binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng mga partikular na kautusan sa Halamanan ng Eden. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Moises 3:16–17, at itanong:
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kina Adan at Eva kung kakainin nila ang ipinagbabawal na bunga?
Ipaliwanag na noong kainin nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga, dinala nila sa sangkatauhan ang dalawang uri ng kamatayan.
Isulat sa pisara ang sumusunod:
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 2:19–25 at maglista ng iba pang mga bunga ng Pagkahulog.
-
Paano nakatulong kina Adan at Eva at sa buong sangkatauhan ang pagkain sa ipinagbabawal na bunga para maging higit na katulad ng Ama sa Langit?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit. Kung wala ito wala sanang mortal na mga anak sina Adan at Eva, at wala sanang pamilya ng tao na daranas ng oposisyon at pag-unlad, kalayaang moral, at kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at buhay na walang hanggan” (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 35).
Basahin kasama ng mga estudyante mo ang Moises 5:9–11. Tulungan silang maipahayag ang mga katotohanan na nakatala sa mga talatang ito sa pagtatanong ng:
-
Anong mga katotohanan ang nalaman nina Adan at Eva matapos silang paalisin sa Halamanan ng Eden? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang mga sumusunod na katotohanan: Dahil sa Pagkahulog, sina Adan at Eva ay magkakaroon ng mga anak at ang kanilang mga inapo ay maaaring sumulong tungo sa buhay na walang hanggan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga dahilan kung bakit nasasabik tayong pumarito sa lupa:
“Isa sa mga lubos na nakagagalak na sandali sa inyong buhay—nang mapuspos kayo ng pag-asam, pananabik, at pasasalamat—ang hindi ninyo maaalala. Naganap ang karanasang iyan sa buhay bago isilang nang ipaalam sa inyo na sa wakas ay dumating na ang panahon upang lisanin ninyo ang daigdig ng espiritu at manirahan sa lupa na nagkatawang-tao. Alam ninyong matututuhan ninyo ang mga aral mula sa sariling karanasan na magpapaligaya sa inyo sa lupa, mga aral na sa huli ay aakay sa inyo sa kadakilaan at buhay na walang hanggan bilang niluwalhati, selestiyal na nilalang sa piling ng inyong Banal na Ama at Kanyang Minamahal na Anak.” (“Unahin ang Mas Mahalagang Bagay,” Liahona, Hulyo 2001, 6).
-
Paano nakaaapekto sa mga pagpiling ginagawa ninyo sa buhay na ito ang pag-unawa sa mga layunin ng Pagkahulog at mortalidad?
2 Nephi 9:6–12
Dinaraig ng Pagbabayad-sala ang mga epekto ng Pagkahulog
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nitong nakaraang Enero namighati ang aming pamilya sa pagkamatay ng aming apong si Nathan sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan niya. Si Nathan ay naglingkod sa Baltic Mission na ang wika ay Ruso. Mahal niya ang mga tao at alam niyang isang pribilehiyo ang maglingkod sa Panginoon. Tatlong buwan matapos ko silang ikasal ni Jennifer sa templo, siya’y namatay sa aksidenteng ito” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 84).
Ipaliwanag na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, lahat tayo ay daranas ng masama at malungkot na karanasan tulad ng nangyari sa pamilya ni Elder Ballard. Mabuti na lang, naglaan ang Ama sa Langit ng paraan para madaig ang mga epekto ng Pagkahulog.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 9:6–12, na inaalam kung paano makatutulong ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa bawat isa sa atin na madaig ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na isiping markahan ang mahahalagang salita at parirala sa kanilang mga banal na kasulatan habang nagbabasa sila. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang mga nalaman nila.
-
Anong doktrina ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kaugnayan ng Pagkahulog ni Adan at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbigay-daan para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit na madaig ang pisikal at espirituwal na kamatayan. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pansinin ang madalas na koneksyon sa mga banal na kasulatan ng Pagkahulog at ng Pagbabayad-sala habang pinag-aaralan nila ang kanilang mga banal na kasulatan. Isiping ibahagi ang pahayag na ito: “Ang koneksyon ay pagkakaugnay o kawing na nag-uugnay sa mga ideya, mga tao, mga bagay o mga pangyayari. … Ang pagtukoy, pag-aaral, at pagninilay nang may panalangin sa mga koneksyong iyon … ay nagbibigay ng mabubuting pananaw at mga kayamanan ng nakatagong kaalaman” [David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Church Educational System fireside for young adults, Peb. 4, 2007), 4, lds.org/media-library].)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod, na karugtong ng pahayag ni Elder M. Russell Ballard:
“Ang biglaang pagkawala ni Nathan ang nagbaling sa aming puso at isipan sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. …
“Ang mahalagang pagsilang, buhay, Pagbabayad-sala sa Halamanan ng Getsemani, ang paghihirap sa Krus ng Tagapagligtas, ang paglibing sa Kanya sa puntod ni Jose, at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, lahat ng ito’y naging panibagong katotohanan para sa amin. Tinitiyak sa ating lahat ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas na tayo rin ay susunod sa Kanya balang-araw at mabubuhay na muli. Mapayapa at nakapapanatag ang kaaliwang dulot ng dakilang kaloob na ito na dulot sa atin ng mapagmahal na biyaya ni Jesucristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Dahil sa Kanya alam naming makakapiling namin muli si Nathan” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” 84).
-
Paano naipakita sa tugon ng pamilya ni Elder Ballard sa pagkamatay ng kanilang kapamilya kung paano makatutulong ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang makayanan ng mga pamilya ang epekto ng Pagkahulog sa lahat?
-
Ano ang nagawang posible ng Pagbabayad-sala para sa pamilya ni Nathan at para sa lahat ng pamilya natin sa kawalang-hanggan?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong bago sila tawaging sumagot:
-
Sa paanong mga paraan nakatulong ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa inyong pamilya na makayanan ang ilan sa mga epekto ng Pagkahulog? (Bilang bahagi ng talakayan, ipaliwanag na tanging ang mga taong ginawang ganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang makapamumuhay nang magkakasama bilang mag-asawa at pamilya sa kawalang-hanggan.)
Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapakita at pagpapabasa sa isang estudyante ng pahayag na ito ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society general president:
“Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may teolohiya tayo tungkol sa pamilya na batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Ang Paglikha sa mundo ay naglaan ng isang lugar na matitirhan ng mga pamilya. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae na dalawang mahalagang miyembro ng isang pamilya. Bahagi ng plano ng Ama sa Langit na mabuklod sina Adan at Eva at magbuo ng isang walang hanggang pamilya.
“Ang Pagkahulog ay nagbigay-daan sa paglago ng pamilya. Sina Adan at Eva ang mga pinuno sa pamilya na piniling dumanas ng mortal na buhay. Dahil sa Pagkahulog nagkaroon sila ng mga anak na lalaki’t babae.
“Dahil sa Pagbabayad-sala sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya. Tinutulutan nito ang mga pamilya na magkaroon ng walang hanggang pag-unlad at maging sakdal. Ang plano ng kaligayahan, na tinatawag ding plano ng kaligtasan, ay isang planong nilikha para sa mga pamilya” (“Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 12).
Hikayatin ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga patotoo tungkol sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala at kung ano ang magagawa nila para maanyayahan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na maging mas malaking impluwensya sa kanilang buhay at sa buhay ng kanilang pamilya.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Moises 1:27–39; 3:16–17; 5:6–12; 2 Nephi 2:19–25; 9:6–12; Doktrina at mga Tipan 49:15–17.
-
M. Russell Ballard, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 84–87.
-
Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 12–17.