7
Ang Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at Isang Babae ay Inorden ng Diyos
Pambungad
Itinatag ng Ama sa Langit ang banal na huwaran ng kasal kina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Sa ating panahon, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay ipinagtibay ang huwarang ito sa pagsasabing, “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Bagama’t maaaring tangkain ng mga batas ng tao na baguhin ang kahulugang ito, ang batas ng Diyos ay nananatiling hindi magbabago magpakailanman.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
D. Todd Christofferson, “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 50–53.
-
Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 72–75.
-
Sheri L. Dew, “Hindi Mabuti na ang Lalaki o Babae ay Mag-isa,” Liahona, Enero 2002, 12–14.
-
“The Divine Institution of Marriage,” mormonnewsroom.org/article/the-divine-institution-of-marriage.
-
Gospel Topics, “Same-Sex Marriage,” lds.org/topics.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 49:15–17; Moises 3:21–24
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos
Isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.” Sabihin sa mga estudyante kung ano ang ibig sabihin ng salitang inorden sa pangungusap na ito. (Kasama sa posibleng sagot ang sumusunod: iniutos, isinabatas, o itinalaga sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mas mataas na awtoridad.) Itanong sa mga estudyante kung paano nakatutulong sa kanila ang kahulugang ito na maunawaan ang ibig sabihin ng doktrinang nasa pisara. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 para makahanap ng banal na kasulatan na nagpapahayag ng doktrinang ito.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 3:21–24. Sabihin sa klase na alamin kung alin sa mahahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ang inilarawan sa mga talatang ito. (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ipaliwanag na ang pagtukoy sa tadyang ni Adan ay simboliko—hindi talaga inalis ng Diyos ang isang tadyang mula kay Adan. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ang sumusunod na kahulugan ng salitang makikipisan sa margin ng kanilang banal na kasulatan: “magkakaroon ng malapit, walang hanggan, at matibay na pagsasama.”)
-
Ano sa palagay ninyo ang nais ng Diyos na ituro sa atin sa paglalarawan ng pisikal na paglikha kay Eva sa ganitong paraan? (Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tadyang, na mula sa tagiliran ng katawan, ay tila tumutukoy sa pagiging magkatuwang. Ang tadyang ay hindi nangangahulugan ng pagdudomina ni pagpapailalim, kundi pagiging magkasamang may pantay na pananagutan, gumagawa at namumuhay, nang magkatuwang” [“Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87].)
-
Ano ang matututuhan natin mula sa Moises 3:24? (Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na “pinag-isa [ng Diyos sina Adan at Eva] bilang mag-asawa. … Hindi natin mababago ni ng sinumang iba pang tao ang banal na orden na ito ng kasal. Hindi ito inimbento ng tao” [“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 52].)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na alamin kung bakit inorden ng Diyos na ang kasal ay dapat gawin lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
“Matapos likhain ang mundo, si Adan ay inilagay sa Halamanan ng Eden. Gayunman, napakahalaga ng sinabi ng Diyos na ‘hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa’ (Moises 3:18; tingnan din sa Genesis 2:18), at si Eva ang naging asawa at katuwang ni Adan. Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para ipatupad ang plano ng kaligayahan. ‘Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon’ (I Mga Taga Corinto 11:11). Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 41–42).
-
Batay sa inyong pag-unawa sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, bakit inorden Niya ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae?
Moises 3:18; 5:1–5, 12, 16
Ang mga mag-asawa ay magkasama na may pantay na pananagutan
-
Ano ang kahalagahan ng pagsunod sa isang huwaran o pattern kapag gumagawa ng isang bagay tulad ng isang kasuotan?
-
Ano ang kahalagahan ng pag-aaral tungkol sa huwaran ng kasal?
Ipaliwanag na ang kasal nina Adan at Eva ay nagpapakita ng huwaran ng Panginoon kung ano dapat ang kasal. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 3:18.
-
Ano ang pagkaunawa ninyo sa salitang “katuwang”? (Ang “katuwang” ay pagsasalin ng Ingles na pariralang “help meet.” Ang “help” naman ay isanalin mula sa pagsasama ng dalawang Hebreong salitang ugat, ang ibig sabihin ng isa ay sagip o iligtas, at ang isa pang ibig sabihin ay maging malakas. Ang “meet” ay isanalin mula sa isang Hebreong salita na nangangahulugang nararapat at kapantay. Kung gayon, ang isang “katuwang” o “help meet” ay isang kasamang nararapat at kapantay sa pananagutan na nagtataglay ng kakayahang magligtas. Imungkahi sa mga estudyante na isulat ang kahulugang ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Moises 3:18. Tingnan din sa Howard W. Hunter, “Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 51.)
-
Anong uri ng pagsasama ang ipinahihiwatig ng salitang ito para sa mag-asawa? (Ibuod ang mga sagot ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng sumusunod na doktrina: Inorden ng Ama sa Langit na ang mag-asawa ay maging magkasama na may pantay na pananagutan.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin para sa mag-asawa na maging magkasamang may pantay na pananagutan?
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, na maaaring may tatlo o apat na estudyante sa isang grupo. Sabihin sa mga estudyante na mabilis na basahin ang Moises 5:1–5, 12, at 16, na inaalam kung paano nagtulungan sina Adan at Eva bilang magkasama na may pantay na pananagutan, at talakayin ang nalaman nila sa kanilang mga kagrupo.
Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) at Sister Sheri L. Dew, dating tagapayo sa Relief Society general presidency. Ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante:
“Mula sa inspiradong kuwentong ito [Moises 5:1–2, 4, 12, 16] makikita natin na binigyan tayo nina Adan at Eva ng ulirang halimbawa ng ugnayan ng mag-asawang kasal sa loob ng tipan. Magkasama silang nagtrabaho; magkasama silang nagkaanak; magkasama silang nanalangin; at itinuro nila ang ebanghelyo sa kanilang mga anak—nang magkasama. Ito ang huwarang nais ng Diyos na tularan ng lahat ng matwid na kalalakihan at kababaihan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 212).
“Pag-isipan ang mga salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol kina Adan at Eva at tingnan kung ano ang ituturo ng Panginoon sa inyo na magpapatibay sa inyong kasal [at] mag-anak. … Ang mga huwaran ng ating Ama ay tumutulong sa ating makaiwas sa panlilinlang. Umasa sa Panginoon at hindi sa mundo para sa mga kaisipan at huwaran ninyo tungkol sa mga lalaki at babae” (Sheri L. Dew, “Hindi Mabuti na ang Lalaki o Babae ay Mag-isa,” Liahona, Enero 2002, 14).
-
Kailan ninyo nakitang nagtulungan ang isang mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan?
-
Sa palagay ninyo, paano makaiimpluwensya sa inyo sa hinaharap ang pagkaunawa ninyo sa banal na huwaran para sa kasal?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na gumawa ng dalawang listahan: (1) ang mga ginagawa nila ngayon na tutulong sa kanila na humantong sa kasal na inorden ng Diyos, at (2) ang kanilang mga ginagawa na kailangan nilang baguhin para mas matupad nila ang mithiing iyon. Sabihin na nagtitiwala ka na pagpapalain ng Panginoon ang kanilang mga pagsisikap.
Mormon 9:9
Ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian
(Paalala: Maging sensitibo sa mga estudyante na may mga ibang opinyon tungkol sa isyung ito. Ituon ang talakayan ng klase sa mga pahayag ng mga General Authority ng Simbahan.)
-
Paano naaapektuhan ang huwarang inorden ng Diyos sa kasal kapag ginawang legal at isinabatas ng pamahalaan ang mga gawaing salungat sa huwarang ito? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, gamitin ang Mormon 9:9 upang ipakita na ang Diyos at ang Kanyang mga batas ay hindi nagbabago. Ang hindi nagbabagong katangian ng Diyos ay tumutulong sa atin na magtiwala at manampalataya sa Kanya.)
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga dahilan kung bakit nagsalita ang mga lider ng Simbahan tungkol sa pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian:
“Ang mga legal na paraan at ginawa ng lehislatura sa ilang bansa ay nagbigay ng sibil na pagkilala sa kasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian, at ang usapin tungkol sa pagpapakasal ng may magkaparehong kasarian ay patuloy na pinagdedebatihan sa iba’t ibang dako ng mundo. Sa pagharap natin dito at sa iba pang mga isyu, hinihikayat namin ang lahat na isaisip ang mga layunin ng ating Ama sa Langit sa paglikha ng mundo at paglalaan ng lugar para sa ating pagsilang at karanasan dito bilang Kanyang mga anak [tingnan sa Genesis 1:27–28; 2:24]. … Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay itinatag ng Diyos at mahalaga sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak at para sa kapakanan ng lipunan. Ang matatatag na pamilya, na ginagabayan ng mapagmahal na ina at ama, ay nagsisilbing mahalagang institusyon sa pagpapalaki ng mga anak, pagtuturo ng pananampalataya, at pagpapasa sa susunod na mga henerasyon ng moralidad at mabuting asal na mahalaga sa sibilisasyon at sa walang hanggang kaligtasan.
“Ang mga pagbabago sa batas ng tao ay hindi binabago, at hindi maaaring baguhin ang batas ng moralidad na itinatag ng Diyos. Inaasahan ng Diyos na ating aayunan at susundin ang Kanyang mga utos magkakaiba man ang opinyon o kalakaran sa lipunan. Ang Kanyang batas sa kadalisayan ng puri ay malinaw: ang seksuwal na relasyon ay nararapat lang mamagitan sa isang lalaki at isang babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas” (sinipi sa Gospel Topics, “Same-Sex Marriage,” lds.org/topics).
-
Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa plano at doktrina ng Diyos na malaman ang kahalagahan ng pagpapakasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae?
Bigyan din ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod, na nagmula sa isang pahayag na inilathala ng Simbahan na may pamagat na “The Divine Institution of Marriage [Ang Banal na Institusyon ng Kasal].” Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga dahilan kung bakit ang kahulugan ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay dapat pangalagaan sa mga batas at patakaran:
“Ang kasal ay hindi lamang isang kontrata sa pagitan ng dalawang tao upang pagtibayin ang kanilang pagmamahalan at bigyan ng obligasyon ang isa’t isa. Sa halip, ang kasal ay mahalagang simula sa pagpapalaki ng mga anak at pagtuturo sa kanila na maging responsable sa paglaki nila. Sa lahat ng panahon, lahat ng uri ng pamahalaan ay kinikilala ang kasal bilang mahalaga sa pagpapanatili ng katatagan ng lipunan at pagpapatuloy ng buhay. Isinagawa man ang kasal sa simbahan o sibil ang kasal, sa halos lahat ng kultura, ang kasal ay pinroprotektahan at pinagtitibay ng mga pamahalaan upang mapangalagaan at maitaguyod ang institusyong pinakamahalaga sa pagpapalaki ng mga anak at pagtuturo sa kanila ng kagandahang-asal na sumusuporta sa sibilisasyon. …
“Sa pagsaalang-alang sa kaugnayan ng kasal, pagkakaroon ng anak, kapangyarihan lumikha ng buhay, at pagiging magulang na umiral na noon pa man, ang pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian ay hindi dapat ituring na pagkakaloob ng bagong ‘karapatan.’ Ito ay napakalayong pagbibigay-kahulugan sa mismong tunay na katangian ng kasal. Malaki ang pagbabagong ginagawa nito sa institusyon ng kasal sa mga paraang salungat sa mga layunin ng Diyos para sa kanyang mga anak at nakapipinsala sa kapakanan ng lipunan” (“The Divine Institution of Marriage,” mormonnewsroom.org/article/the-divine-institution-of-marriage).
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit itinataguyod at pinroprotektahan ng mga lipunan ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae?
-
Paano malalaman ng isang tao ang katotohanan ng paninindigan ng Simbahan sa mahalagang isyung ito?
Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung paano naihahambing ang kanilang mga opinyon sa mga turo ng Diyos tungkol sa kasal na itinuro ng mga lider ng Simbahan. Ibahagi ang iyong patotoo na ang paniniwala at pagsuporta sa mga huwaran ng Diyos para sa kasal ay magdudulot ng mga walang hanggang pagpapala.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mormon 9:9; Doktrina at mga Tipan 49:15–17; Moises 3:18–25; 5:1–16.
-
Dallin H. Oaks, “Walang Ibang mga Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 72–75.
-
Sheri L. Dew, “Hindi Mabuti na ang Lalaki o Babae ay Mag-isa,” Liahona, Enero 2002, 12–14.
-
“The Divine Institution of Marriage,” mormonnewsroom.org/article/the-divine-institution-of-marriage.
-
Gospel Topics, “Same-Sex Marriage,” lds.org/topics.