Seminaries and Institutes
Lesson 10: Ang mga Banal na Tungkulin at Responsibilidad ng Kababaihan


10

Ang mga Banal na Tungkulin at Responsibilidad ng Kababaihan

Pambungad

Bilang mahalagang bahagi ng Kanyang plano ng kaligayahan, ang Ama sa Langit ay nagbigay sa kababaihan ng mga banal na tungkulin bilang asawa at ina. Itinuro ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na “ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak” at ang mga ama at ina ay “mag[tu]tulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dieter F. Uchtdorf, “Ang Impluwensya ng Matwid na Kababaihan,” Liahona, Set. 2009, 5–9.

  • “Unawain ang mga Banal na Tungkulin ng Kababaihan” Liahona, Peb. 2009, 67.

  • “Ang Kababaihan ng Simbahan,” kabanata 20 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 255–267.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 25:1–3, 10, 13–16

Ang malaking impluwensya ng mabubuting kababaihang Banal sa mga Huling Araw

Ipakita ang sumusunod na propesiya ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang karamihan sa malaking pag-unlad sa Simbahan sa mga huling araw ay darating sapagkat marami sa mabubuting kababaihan ng mundo … ang mapupunta sa Simbahan. Mangyayari ito dahil magpapakita ng kabutihan at kahusayan sa pananalita ang kababaihan ng Simbahan sa kanilang buhay at makikitang natatangi at kakaiba—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 266).

  • Sa inyong palagay, bakit magiging dahilan ng malaking pag-unlad sa Simbahan ang mabubuting kababaihang Banal sa mga Huling Araw?

Upang mapalawak ang ideyang ito, sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 25:1–3, 10, 13–16, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapakita kung paano “natatangi at kakaiba” sa masayang paraan ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw mula sa kababaihan ng mundo. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ito ay personal na paghahayag para kay Emma Smith, ngunit naaangkop sa lahat ng kababaihan sa Simbahan.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga katangian na dapat hangaring taglayin ng mabubuting kababaihan?

  • Paano ninyo ihahayag ang isang doktrina o alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 25? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ipaliwanag ang alituntuning ito: Bilang mga disipulo ng Panginoon, magagamit ng kababaihan ang kanilang mga banal na kaloob at talento para tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag nina Pangulong Spencer W. Kimball at Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang maging mabuting babae ay isang bagay na maluwalhati sa anumang panahon. Ang maging mabuting babae sa huling panahon ng mundong ito, bago ang ikalawang pagparito ng ating Tagapagligtas, ay natatanging dakilang tungkulin. Maaaring higit sa sampung beses ang lakas at impluwensya ng mabuting babae ngayon kaysa noong mga panahong mas mapayapa.” (Mga Turo: Spencer W. Kimball, 259).

Elder M. Russell Ballard

“Mga kababaihan, ang lawak at tindi ng inyong impluwensya ay kakaiba—impluwensyang hindi kayang tularan ng kalalakihan. Walang ibang makapagtatanggol sa ating Tagapagligtas nang may higit na paghihikayat o kapangyarihan kaysa sa inyo—mga anak na babae ng Diyos na malalakas ang loob at matibay ang paniniwala. Ang kapangyarihan ng tinig ng isang babaeng nagbagong-buhay ay hindi masusukat, at kailangan ng Simbahan ang inyong mga tinig ngayon nang higit kailanman” (M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 33).

Itanong sa kababaihan sa iyong klase kung ano ang naisip at nadama nila nang pag-isipan nila ang impluwensya nila sa kanilang mga tahanan, sa Simbahan, at sa kanilang mga komunidad. Bigyang-diin ang mahahalagang tungkulin ng kababaihan bilang mga lider sa Simbahan.

Maaari mong sabihin sa kalalakihan sa iyong klase na magbahagi kung paano nila nakita ang lakas at impluwensya ng kababaihan sa kanilang ward o branch sa pagdadala ng mga tao palapit sa Ama sa Langit.

II Kay Timoteo 1:5; 3:14–15; Alma 56:47–48; 57:21

Ang mga tungkuling itinalaga ng Diyos sa kababaihan bilang mga ina sa Sion

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder M. Russell Ballard

“Ang kalalakihan at kababaihan ay may iba’t ibang kaloob, lakas, at pananaw at mga inklinasyon. Iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan ang lalaki at babae upang makabuo ng pamilya, at kailangan ang kalalakihan at kababaihan upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon” (“Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” 32).

  • Bukod pa sa mga pisikal na pagkakaiba, ano pa ang ilan sa nakikita ninyong pagkakaiba ng kalalakihan at kababaihan sa isa’t isa?

Ipaliwanag na bukod pa sa mga karaniwang pagkakaibang ito, ang kalalakihan at kababaihan ay nagkakaiba rin sa mga banal na tungkulin, na nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (tingnan sa ikapitong talata). Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“At kayong kababaihan ay pinili bago pa nilikha ang mundo na magsilang at mag-aruga ng mga anak ng Diyos; sa paggawa nito, niluluwalhati ninyo ang Diyos (tingnan sa D at T 132:63)” (“Ano ang Pipiliin Ninyo?” Liahona, Ene. 2015, 19).

  • Paano maluluwalhati ng kababaihan ang Diyos sa pagsilang at pag-aaruga nila ng mga anak ng Diyos? (Habang nagbabahagi ng saloobin ang mga estudyante, tulungan sila na maunawaan ang alituntuning ito: Kapag tinanggap ng kababaihan ang kanilang banal na tungkulin bilang mga ina upang magsilang at mag-aruga ng mga anak ng Diyos, niluluwalhati nila Siya at nagiging higit na katulad ng ating mga Magulang sa Langit. Ipaliwanag na ang pagsisilang ng mga anak sa mundo ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neil L. Andersen

“Maraming tinig sa mundo ngayon ang nagbabale-wala sa kahalagahan ng pag-aanak o nagmumungkahing ipagpaliban o limitahan ang dami ng anak sa isang pamilya. Kamakailan ay ipinabasa sa akin ng mga anak kong babae ang blog na isinulat ng isang inang Kristiyano (hindi natin kasapi) na may limang anak. Sabi niya: ‘[Lumaki ako] sa kulturang ito, at napakahirap kumuha ng pananaw [tungkol sa pamilya na batay sa Biblia]. … Ang pag-aaral ay inuuna kaysa pag-aanak. Siguradong inuuna rin ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar. Inuuna rin ang paglabas sa gabi kapag ginusto. … Inuuna ang trabahong inyong papasukan o inaasam na pasukan.’ Idinagdag pa niya: ‘Ang pagiging ina ay hindi isang libangan, ito ay isang tungkulin’” (“Mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 28).

  • Ano ang ibig sabihin ng “pagbabale-wala” sa kahalagahan ng pag-aanak?

  • Anong impluwensya ang nakikita ninyo na nag-uudyok sa kababaihan na “balewalain” ang kahalagahan ng pag-aanak?

  • Ano ang magagawa ng mga young adult sa Simbahan para mapanatili ang tamang pananaw sa kahalagahan ng pag-aanak?

Tiyakin sa mga estudyante na ang mga desisyon tungkol sa kung kailan mag-aanak at kung ilang anak ang gusto nila ay mga pribadong bagay sa pagitan ng mag-asawa at ng Diyos. Sa susunod na lesson ay tatalakayin nang mas detalyado ang mga bagay na ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin at paghambingin ang II Kay Timoteo 1:5; 3:14–15 at Alma 56:47–48; 57:21, na inaalam ang mabuting impluwensya ng mga ina sa kanilang mga anak. (Ang matutuhang paghambingin ang mga scripture passage ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na magagamit ng mga estudyante sa buong buhay nila.)

  • Ano ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa tungkulin ng isang ina? (Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag itinuturo ng mga ina ang ebanghelyo sa kanilang mga anak, tinutulungan nila ang kanilang mga anak na magkaroon ng pananampalataya at inihahanda sila na mamuhay nang matwid.)

  • Paano nakatutulong ang mga scripture passage na ito sa pagpapaliwanag kung bakit nagsisikap nang husto si Satanas na pababain ang dignidad ng tungkulin ng mga ina?

  • Anong mga katangian ng kababaihan ang makatutulong sa kanila na magtagumpay sa kanilang mga tungkulin bilang mga ina?

Maging sensitibo sa katotohanan na may ilang kababaihan sa iyong klase ang maaaring hindi mag-asawa, at kung mag-aasawa man sila, maaaring hindi sila magkaanak. Gamitin ang sumusunod na pahayag ni Sister Sheri L. Dew, dating tagapayo sa Relief Society general presidency, para matulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan na ang tungkulin ng ina ay banal na mana ng lahat ng kababaihan:

Sheri L. Dew

“ Kung paano naordenan noon pa ang nararapat na kalalakihan na magtaglay ng priesthood sa mortalidad, gayundin na pinagkalooban noon pa ang mabubuting babae ng pribilehiyo na maging ina. Ang pagiging ina ay higit pa sa pagdadalantao. Ito ang diwa ng kung sino tayo bilang kababaihan. Inilalarawan nito kung sino tayo talaga, ang ating banal na katayuan at katangian, at ang natatanging kaugalian na ibinigay sa atin ng Ama… …

“… ang ilang babae ay kailangang maghintay bago magkaanak. … Ngunit ang itinakdang panahon ng Panginoon sa bawat isa sa atin ay hindi pumapawi sa ating likas na hangaring mangalaga at magmahal. Ang ilan sa atin ay dapat humanap ng ibang paraan upang magawa ito. At nakapaligid sa atin ang mga dapat mahalin at gabayan” (“Hindi Nga Ba Lahat Tayo’y mga Ina?” Liahona, Enero 2001, 96–97).

  • Paano napalawak ng pahayag ni Sister Dew ang inyong pagkaunawa tungkol sa pagiging ina?

Itanong sa mga estudyante kung mayroong gustong magbahagi sa kanila ng naiisip at nadarama nila tungkol sa mabubuting impluwensya ng kanilang sariling ina.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society general president, na nagsalita sa kababaihan na kinakailangan nilang gawin ang mga tungkuling ibinigay sa kanila ng Diyos. Ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante, at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring mangyari kapag nabigo ang kababaihan na gawin ang kanilang mga tungkulin.

Julie B. Beck

© Busath.com

“Kung hindi natin gagawin ang ating bahagi, walang ibang gagawa nito para sa atin. … Hindi natin maipagagawa sa iba [ang ating bahagi sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit]. Hindi natin ito maipapasa kaninuman. Atin ito. Matatanggihan natin ito, at maipagkakaila, ngunit bahagi pa rin natin ito, at mananagot tayo rito. Darating ang araw na maaalala nating lahat ang nalaman natin noon bago tayo isinilang. Maaalala natin na nakipaglaban tayo sa isang malaking digmaan para sa pribilehiyong ito. Paano natin magagampanan ang responsibilidad na ito? Araw-araw nating ibinubuhos ang ating lakas sa gawaing tayo lamang ang makagagawa” (“Unawain ang mga Banal na Tungkulin ng Kababaihan,” Liahona, Peb. 2009, 25).

  • Ano ang naisip at nadama ninyo tungkol sa pariralang “Kung hindi natin gagawin ang ating bahagi, walang ibang gagawa nito para sa atin”?

  • Ano ang mawawala sa pamilya, sa inyong ward o branch, o sa mundo kung hindi gagawin ng kakabaihan ang kanilang “bahagi”?

  • Ano ang ilang paraan na maisasakatuparan ng mga babaeng young adult ang kanilang mga banal na tungkulin bilang mga babae sa kaharian ng Ama sa Langit?

Patotohanan ang sagrado at mahahalagang tungkulin ng kababaihan na maging mabubuting asawa at ina, at bigyang-diin na ibibigay balang-araw ng ating Ama sa Langit ang lahat ng pagpapala sa Kanyang mabubuting anak. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang sabihin sa isang ina na kilala nila kung gaano nila siya hinahangaan sa paraan ng pagtupad niya ng kanyang banal na tungkulin.

Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanilang gustong magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag alam ng kababaihan kung sino sila sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at kumikilos ayon sa kaalamang iyan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante