Seminaries and Institutes
Lesson 5: Ang mga Kalagayan ng Mortalidad


5

Ang mga Kalagayan ng Mortalidad

Pambungad

Sa premortal na daigdig ay “tinanggap [natin] ang plano [ng Ama sa Langit] na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Ang ating mortal na katawan ay malaking pagpapala; gayunman, ang mga ito ay daranas ng maraming tukso ni Satanas. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, madaraig natin ang mga tuksong ito at makababalik sa ating Ama sa Langit.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” Liahona, Hunyo 2010, 16–25.

  • David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 40–47.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

2 Nephi 2:27–29; Abraham 3:25

Ang ating mortal na buhay ay mahalaga para sa buhay na walang hanggan

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder David A. Bednar

“Pinag-isipan na ba nating mabuti kung bakit napakahalagang magkaroon ng pisikal na katawan? … Talaga bang nauunawaan natin kung bakit napakahalaga ng katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama? Madalas at nakagawian na ba nating sabihin ang sagot na ito kaya’t hindi natin matanto ang tunay na kahalagahan nito? Gusto kong pag-isipan pa natin nang mas malalim ang pangwalang-hanggang mahalagang tanong na ito kung bakit napakahalaga ng katawan. Sa huli ay nakakaapekto ang sagot sa lahat ng bagay na ginagawa natin” (“Ye Are the Temple of God,” Ensign, Set. 2001, 14).

  • Ayon kay Elder Bednar, bakit dapat nating pagsikapang maunawaan kung bakit napakahalaga ng ating pisikal na katawan?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang sagot sa sumusunod na tanong. Habang nagpapatuloy ang lesson, hikayatin silang isulat ang mga bagay at ideyang naiisip pa nila.

  • Bakit napakahalaga ng ating pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang ikatlong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at hanapin ang pahayag na nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang pisikal na katawan sa ating walang hanggang pag-unlad.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar. Sabihin sa klase na pakinggan kung bakit napakahalaga ng ating katawan sa plano ng Ama sa Langit. Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng pahayag na ito bago ito ipabasa.

Elder David A. Bednar

“Ginagawang posible ng ating pisikal na katawan ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ‘Ang ating espiritu at katawan ay pinagsama sa paraan na ang ating katawan ay nagiging kasangkapan ng ating isipan at pundasyon ng ating pagkatao’ [“The Instrument of Your Mind and the Foundation of Your Character” (mensahe sa Brigham Young University fireside, Peb. 2, 2003), speeches.byu.edu]. Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. Sa pagkatuto sa mortalidad, dumaranas tayo ng kagiliwan, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at mga hamon ng pisikal na limitasyon na naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Sa madaling salita, may mga aral na dapat nating matutuhan at mga karanasang dapat pagdaanan, na sabi sa mga banal na kasulatan [ay], ‘ayon sa laman’ (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13)” (“Ang Katunayan ng mga Bagay-bagay,” Liahona, Hunyo 2010, 16).

  • Ano ang itinuro ni Elder Bednar tungkol sa kung bakit mahalaga ang katawan para sa ating walang hanggang pag-unlad? (Bagama’t maaaring magkakaiba ang mga sagot, bigyang-diin ang katotohanang ito: Taglay ang pisikal na katawan, nararanasan natin ang mga kalagayan ng mortalidad na maghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan.)

  • Sa paanong mga paraan “kasangkapan ng ating isipan at pundasyon ng ating pagkatao” ang ating katawan?

  • Paano ang ating “kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo … ay nagagawa dahil sa ating katawan”? (Kasama sa mga posibleng sagot ang sumusunod: Ang katawan ay nagbibigay-kakayahan sa atin na sundin ang utos na magpakarami at kalatan ang lupa. Tinutulutan tayo ng ating katawan na maranasan ang kagalakang mamuhay bilang bahagi ng isang pamilya, kung saan natututuhan at sinusunod natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa tahanan—halimbawa, natututuhan nating kontrolin ang ating galit kapag kasama natin ang ating mga pamilya.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Abraham 3:25 at 2 Nephi 2:27–29 habang inaalam ng klase kung paano nagtutulungan ang mga scripture passage na ito para matulungan tayong mas maunawaan pa ang mga layunin ng pagkakaroon ng katawan.

  • Bagama’t ang pagkakaroon ng katawan ay malaking pagpapala, paano naging bahagi ng ating mortal na pagsubok ang pagkakaroon ng katawan? (Marami sa mga tukso ni Satanas ay nagagawa dahil mayroon tayong katawan.)

  • Paanong ang pagsunod sa “kagustuhan ng laman” ay nagbibigay sa diyablo ng “kapangyarihang bumihag”?

Mosias 3:19; Moises 6:49, 53–55

“Ang likas na tao ay kaaway ng Diyos”

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moises 6:53–54, at sabihin sa klase na alamin at pagkatapos ay ipaliwanag kung ano ang itinuro ng mga talatang ito tungkol sa ating kalagayan nang tayo ay ipanganak. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang “buo” sa kontekstong ito ay malaya mula sa mga epekto ng paglabag ni Adan.

Pagkatapos ay ipabasa sa estudyante ang Moises 6:49 at 55, at itanong sa klase:

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano nakaapekto sa buong mortal na buhay natin ang Pagkahulog nina Adan at Eva? (Kapag nagpatukso tayo kay Satanas, mararanasan natin ang mapapait na resulta ng ating mga pagpili na maging mahalay, sensuwal, at masama. Maaari mong banggitin ang Eter 3:2, na nagtuturo na “dahil sa pagkahulog ng aming katauhan ay naging patuloy na masama.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang ilan sa mga unang linya ng Mosias 3:19. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Ano ang likas na tao?

Bakit ang likas na tao ay kaaway ng Diyos?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na hanapin ang mga sagot para sa mga tanong na ito at palawakin ang kanilang pagkaunawa sa katagang “likas na tao” sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga footnote sa talata 19 (lalo na ang footnote a pati na rin ang iba pang mga scripture passage na tinukoy sa mga footnote). Matapos ang sapat na oras, talakayin ang mga natuklasan ng mga estudyante. Ipaliwanag na ang katagang ito ay naglalarawan ng isang kundisyon na angkop kapwa sa kalalakihan at kababaihan.

  • Kung ang isang tao ay may mga katangian ng isang likas na tao, ano ang magiging epekto nito sa pagsasama ng mag-asawa o sa pamilya?

Ipatapos sa estudyante ring iyon ang pagbabasa ng Mosias 3:19, at sabihin sa klase na maghanap ng isang alituntunin tungkol sa pagdaig sa likas na tao. (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat ang alituntuning ito sa pisara: Sa pamamagitan ng pagtanggap sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu, mahuhubad natin ang likas na tao at magiging isang banal.)

Ipaliwanag na sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng bigyang-daan ay sumunod sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo.

  • Paano mahihiwatigan ng isang tao kung ano ang ipinagagawa sa kanya ng Banal na Espiritu?

  • Makapagbabahagi ba kayo ng isang karanasan na hindi masyadong personal kung saan hinikayat kayo ng Banal na Espiritu na hubarin ninyo ang likas na tao?

Magpatotoo na kapag nagbigay-daan tayo sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo, magagamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.

Mosias 3:19; 16:3–6

Paggamit ng Pagbabayad-sala ni Cristo

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 16:3–6 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase, na inaalam kung ano ang tutulong sa atin para madaig ang mga epekto ng Pagkahulog sa ating buhay.

  • Anong paraan ang nakasaad sa plano ng Ama sa Langit ang makatutulong sa atin na madaig ang pagiging likas na tao natin? (Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayo ay matutubos mula sa ating ligaw at nahulog na kalagayan.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder David A. Bednar

“Bawat hangarin, pagnanasa, hilig, at silakbo ng damdamin ng likas na tao ay maaaring madaig sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Narito tayo sa lupa upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Diyos at upang pigilan ang lahat ng silakbo ng laman” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis, ” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 43).

Ipaliwanag sa mga estudyante na kapag may pananampalataya tayo sa Pagbabayad-sala, matatanggap natin ang biyaya ni Jesucristo, na ginawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang pangunahing ideya ng salitang biyaya ay “tulong o lakas mula sa Diyos, na ibinibigay sa pamamagitan ng saganang awa at pagmamahal ni Jesucristo.” Ito ay isang “kapangyarihang nagbibigay ng kakayahan” na tumutulong sa atin na magsisi at magkaroon ng mga katangian na hindi natin magagawa nang tayo lang sa sarili natin (tingnan sa Bible Dictionary, “Grace”). Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na dapat nating taglayin, sabihin sa kanila na pag-aralan ang listahan ng mga katangian na naghihikayat sa atin na maging mga banal, na matatagpuan sa Mosias 3:19.

  • Paano kayo natulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng isa sa mga katangiang nakalista sa Mosias 3:19?

  • Paano ninyo nakita na naging pagpapala sa kanilang pamilya ang mga taong nagtataglay ng isa o mahigit pa sa mga katangiang ito?

  • Paano makatutulong sa inyo na maging mas mabuting asawa at ama o ina ang pagkakaroon ng isa o mahigit pa sa mga katangiang ito sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng biyaya ng Tagapagligtas?

Ipaliwanag sa mga estudyante na lahat tayo ay nabigyan ng isang mahalagang katanungang dapat masagot bilang resulta ng lesson na tinalakay sa araw na ito. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar at ipabasa ito nang tahimik sa mga estudyante:

Elder David A. Bednar

“Ang tunay na pagsubok ng mortalidad, kung gayon, ay maibubuod sa tanong na ito: Tutugon ba ako sa mga gawi ng likas na tao, o bibigyang-daan ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu at huhubarin ang likas na tao at magiging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon (tingnan sa Mosias 3:19)? Iyan ang pagsubok” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” 43).

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na maisulat ang sagot nila sa tanong na ito ni Elder Bednar. Sabihin sa kanila na pag-isipang mabuti ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na matatagpuan sa Mosias 3:19 at magplano para masimulan ang lubos na pagkakaroon ng isa sa mga katangiang iyon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante