8
Kasarian at Walang Hanggang Pagkakakilanlan
Pambungad
Ang ating kasarian ay tukoy na bago pa tayo isinilang sa mundong ito at ito ay mahalagang katangian ng ating walang-hanggang pagkakakilanlan. Nilinaw ng mga lider ng Simbahan ang pagkakaiba ng pagkaakit sa kapwa lalaki o babae, na hindi kasalanan at ng homoseksuwal na gawain, na itinuturing na kasalanan dahil salungat ito sa plano ng Ama sa Langit para sa ating kadakilaan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudynate na maunawaan ang batayan ng mga propeta para sa pagtatanging ito at malaman din na lahat ng mga anak ng Diyos ay minamahal nang pantay-pantay at nararapat pakitunguhan nang may pagmamahal at paggalang.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Robert D. Hales, “Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Liahona, Okt. 2015.
-
Jeffrey R. Holland, “Pagtulong sa mga Taong May Problema sa Pagkaakit sa Kapwa Nila Lalaki o Kapwa Nila Babae,” Liahona, Okt. 2007, 40–43.
-
Dallin H. Oaks, “Same-Gender Attraction,” Ensign, Okt. 1995, 7–14.
-
Gospel Topics, “Same-Sex Attraction,” lds.org/topics.
-
“Love One Another: A Discussion on Same-Sex Attraction,” mormonsandgays.org. Kung may mga estudyanteng nagtanong tungkol sa patakaran ng Simbahan hinggil sa homoseksuwalidad, mangyaring ituro sa kanila ang opisyal na website na ito ng Simbahan.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 76:24; Moises 2:27; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”
Ang kasarian ay mahalagang bahagi ng ating walang hanggang pagkakakilanlan
Sabihin sa tatlong estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 76:24; Moises 2:27; at ang pangalawang talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Sabihin sa klase na isipin kung ano ang itinuturo o ipinahihiwatig ng mga materyal na ito tungkol sa kasarian.
-
Paano ninyo ibubuod ang itinuturo ng mga materyal na ito tungkol sa ating walang hanggang identidad o pagkakakilanlan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Ang ating kasarian ay mahalagang katangian ng ating walang hanggang pagkakakilanlan at layunin.)
-
Bakit makatutulong sa atin na maunawaan na alam na natin noon pa man ang ating kasarian bago tayo dumating sa mundo? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith [1876–1972]: “Mababasa natin sa Genesis: … ‘At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.’ [Genesis 1:27; idinagdag ang italics.] Mahirap bang paniwalaan na ang mga espiritung babae ay nilalang sa larawan ng ‘Ina sa Langit’?” [Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 3:144].)
-
Paano nakatutulong sa atin ang pag-unawa sa walang hanggang katangian ng kasarian upang makapamuhay ayon sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, kahit kinukunsinti kung minsan ng lipunan ang mga kilos o gawaing lubhang kakaiba?
Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na nasa itaas, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong basahin nang paisa-isa ang bawat talata at pagkatapos ay talakayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa kung paano salungat ang homoseksuwal na gawain sa plano ng Ama sa Langit para sa kadakilaan ng Kanyang mga anak.
“Ang layunin ng mortal na buhay at ang misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ihanda ang mga anak ng Diyos para sa kanilang tadhana—ang maging katulad ng ating mga magulang sa langit.
“Ang ating walang hanggang tadhana—kadakilaan sa kahariang selestiyal—ay naging posible lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (dahil dito tayo ay naging at maaaring manatiling ‘walang kasalanan sa harapan ng Diyos’ [D at T 93:38]) at matatamo lamang ito ng isang lalaki at isang babae na pumasok sa mga tipan ng walang hanggang kasal sa templo ng Diyos at naging tapat dito (tingnan sa D at T 131:1–4; 132). …
“Dahil hangad ni Satanas na ang ‘lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili’ (2 Ne. 2:27), ang kanyang walang humpay na pagsisikap ay nakatuon sa paghimok sa mga tao na gawin ang mga pagpili at gawaing iyon na pipigil sa plano ng Diyos para sa kanyang mga anak. Hangad niyang parupukin ang alituntunin tungkol sa pananagutan ng bawat indibiduwal, hikayatin tayong gamitin nang hindi tama ang ating sagradong kapangyarihang lumikha ng buhay, pigilin ang pagpapakasal at pag-aanak ng mga karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan, at guluhin ang kahulugan ng pagiging isang lalaki o babae” (“Same-Gender Attraction,” Ensign, Okt. 1995, 7–8).
Doktrina at mga Tipan 59:6
Nilinaw ng Simbahan ang pagkakaiba ng pagkaakit sa kapwa lalaki o babae at ng homoseksuwal na gawain
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang pahayag na ito, na hinahanap ang mga alituntuning itinuro ni Elder Holland tungkol sa mga taong naaakit sa mga taong pareho nila ang kasarian at kung paano tutugon sa kanila nang may pagmamahal.
“Isang magiliw na binatang nasa mga 20 taong gulang ang nakaupo sa tapat ko. Maganda ang kanyang ngiti, bagama’t hindi siya madalas ngumiti habang nag-uusap kami. Ang umagaw ng pansin ko ay ang sakit na nababakas sa kanyang mga mata.
“‘Hindi ko po alam kung dapat akong manatiling miyembro ng Simbahan,’ sabi niya. ‘Palagay ko hindi ako karapat-dapat.’
“‘Bakit mo nasabing hindi ka karapat-dapat?’ tanong ko.
“‘Bakla po ako.’
“Siguro akala niya magugulat ako. Ngunit hindi ako nagulat. ‘At … ?’ pag-uusisa ko.
“Nakita kong bahagyang umaliwalas ang mukha niya nang madama niyang [nagmamalasakit] ako. ‘Hindi ho ako naaakit sa mga babae. Naaakit ako sa mga lalaki. Sinikap kong huwag pansinin o baguhin nag damdaming ito, pero …’
“Napabuntong-hininga siya. ‘Bakit ako ganito? Iyon talaga ang nararamdaman ko.’
“Tumahimik ako sandali, at saka ko sinabing ‘Kailangan ko pa ng kaunting impormasyon bago kita payuhan. Ang maakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay hindi kasalanan, pero kasalanan ang magpatangay sa damdaming iyon—kasalanan din ito kapag nangyari ito sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Nilalabag mo ba ang batas ng kalinisang-puri?’
“Umiling siya. ‘Hindi, di ko po iyon ginagawa.’
“Nakahinga ako [nang maluwag] sa sandaling iyon. ‘Salamat sa hangarin mong harapin ito,’ sabi ko. ‘Kailangan ang lakas ng loob para magsalita tungkol dito, at pinupuri kita na napananatili mong malinis ang iyong sarili.
“‘Kung bakit mo nadarama ito, hindi ko masasagot ang tanong na iyan. Siguro maraming bagay ang nakapaloob dito, at maaaring iba-iba ang mga ito dahil iba-iba rin ang mga tao. May ilang bagay, pati na ang dahilan ng iyong nadarama, na maaaring hindi natin malaman kahit kailan sa buhay na ito. Pero ang [malaman] na hindi ka nagkasala ay mas mahalaga kaysa [malaman] kung bakit gayon ang nadarama mo. Kung ang buhay mo ay naaayon sa mga kautusan, karapat-dapat kang maglingkod sa Simbahan, matamasa ang ganap na karapatan ng pagiging miyembro, dumalo sa templo, at tanggapin ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.’
“Tumuwid siya sa pagkakaupo. Nagpatuloy ako, ‘Hindi mo iginagalang ang iyong sarili kapag ang pagkakilala mo sa sarili mo ay batay lamang sa iyong seksuwal na damdamin. Hindi lang iyon ang iyong katangian, kaya huwag mong masyadong pagtuunan iyon ng pansin. Una sa lahat ikaw ay anak ng Diyos, at mahal Ka niya’” (“Pagtulong sa mga Taong May Problema sa Pagkaakit sa Kapwa Nila Lalaki o Kapwa Nila Babae,” Liahona, Okt. 2007, 40).
-
Anong mga alituntunin ang natukoy ninyo sa payo ni Elder Holland?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin na nakasulat sa mga bold letters kapag ibinahagi ito ng mga estudyante, at talakayin ito nang may pag-iingat:
-
Madarama natin ang pagmamahal ng Diyos kapag nagtuon tayo sa ating pagkatao bilang Kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.
-
Ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay hindi paglabag sa batas ng kalinisang-puri, kundi ang pagkilos ayon sa pagkaakit na iyon. Maaari mong ibahagi ang Doktrina at mga Tipan 59:6: “Huwag kayong … makiapid … ni gumawa ng anumang bagay tulad nito,” na ipinaliliwanag na ang “anumang bagay tulad nito” ay tumutukoy sa anumang seksuwal na intimasiya sa labas ng kasal. Ang homoseksuwal na gawain ay isang kasalanan, tulad ng seksuwal na relasyon ng isang lalaki at isang babae na hindi kasal sa isa’t isa na isa ring kasalanan. Sinumang makibahagi sa anumang uri ng seksuwal na kasalanan ay mapapatawad sa pamamagitan ng pagsisisi.
-
Anuman ang dahilan kung bakit naaakit ang ilang mga tao sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae, lahat ng tao ay maaaring piliin ang mamuhay ayon sa mga kautusan ng Diyos. Bigyang-diin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Napakaraming bagay ang hindi natin nauunawaan tungkol sa paksang ito, kaya makatutulong sa atin na manatiling sundin ang nalaman natin mula sa mga ipinahayag na salita ng Diyos. Ang alam natin ay ang doktrina ng Simbahan, ang seksuwal na intimasiyang iyan na dapat lamang mangyari sa isang lalaki at isang babae na ikinasal sa isa’t isa, ay hindi nagbago at hindi magbabago” (“What Needs to Change,” mormonsandgays.org).
-
Kapag namumuhay tayo nang ayon sa mga kautusan ng Diyos, maaari nating matamasa ang lahat ng pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan at ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Bagama’t maaaring hindi pinipili ng mga tao na maakit sa kapwa lalaki o kapwa babae, mapipili nila kung paano tumugon sa pagkaakit na iyon.
Matapos itala sa pisara ang mga alituntuning ito, itanong:
-
Sa paanong paraan makapagbibigay ng pag-asa ang mga alituntuning ito sa mga taong nakadarama ng pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae?
-
Anong iba pang mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa pahayag ni Elder Holland?
Mateo 7:12; Juan 8:1–11; 15:12
Dapat nating pakitunguhan nang may pagmamahal at paggalang ang ibang mga tao
(Paalala: Habang itinuturo mo ang bahaging ito ng lesson, tiyaking bigyang-diin na ang mga taong naaakit sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae nang hindi kumikilos ayon sa pagkaakit na iyon ay hindi nagkasala hindi tulad ng babaeng nahuling nangalunya. Gayunman, ang pakikitungo ni Cristo sa babae ay isang halimbawa kung paano natin dapat pakitunguhan ang lahat ng tao—naging imoral man sila o hindi.)
Sabihin sa mga estudyante na itinala ni Apostol Juan ang isang pangyayari kung saan naharap ang Tagapagligtas sa isang napakasensitibong sitwasyon. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan ang Juan 8:1–11, na inaalam kung paano pinakitunguhan ng Tagapagligtas ang babaeng nahuling nangangalunya o nakikiapid. Tulungan ang mga estudyante na iangkop ang tala na ito sa kanilang sariling saloobin at pakikitungo sa mga taong nakikibahagi sa mga gawaing homoseksuwal at iba pang imoral na gawain sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:
-
Ano ang itinuturo sa atin ng ginawa ng Tagapagligtas tungkol sa paraan kung paano natin pakikitunguhan ang iba? (Bagama’t hindi Niya kinunsinti ang kasalanan ng babae, siya ay pinakitaan Niya nang may kabaitan at paggalang, hindi nang may kalupitan.)
-
Paano natin maiaangkop ang halimbawa ng Tagapagligtas sa ating sariling saloobin at pakikitungo sa ating mga kapatid na mga bakla at tomboy, nakibahagi man sila o hindi sa mga imoral na gawain? Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Tinutularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag nakadarama tayo ng pagkahabag sa lahat ng anak ng Diyos at pinakikitunguhan sila nang may pagsasaalang-alang at kabaitan. (Tingnan din sa Mateo 7:12; Juan 15:12.)
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Malinaw na hindi binigyang-katwiran ng Panginoon ang kasalanan ng babae. Sinabi lang Niya sa kanya na hindi Niya siya kinokondena—ibig sabihin, hindi Siya magbibigay ng huling hatol sa kanya sa panahong iyan. Ang paliwanag na ito ay pinagtibay nang sabihin Niya sa mga Fariseo: ‘Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako’y hindi humahatol sa kanino mang tao’ (Juan 8:15). Ang babaeng nahuling nangangalunya ay binigyan ng panahong magsisi, panahong naipagkait sana ng mga taong gusto siyang batuhin” (“‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 8).
Makatutulong sa mga estudyante na malaman na, ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng John 8:11, matapos siyang kausapin ng Tagapagligtas “niluwalhati ng babae ang Diyos magmula sa oras na iyon, at naniwala sa kanyang pangalan” (Tingnan sa John 8:11 sa LDS version ng English Bible).
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat na pinakamapagmahal at pinakamahabagin. Tayo dapat ang manguna sa pagpapakita ng pagmamahal, pagkahabag at pagtulong. Huwag nating hayaang ipuwera o hindi igalang ng mga pamilya ang mga taong pumili ng ibang paraan ng pamumuhay dahil sa naramdaman nila tungkol sa kanilang sariling kasarian” (“Love One Another: A Discussion on Same-Sex Attraction,” mormonsandgays.org).
Sabihin sa mga estudyante na suriin ang kanilang sariling saloobin at pakikitungo sa mga taong naaakit sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae. Ang mga saloobin at pakikitungo bang iyon ay ayon sa mga turo at halimbawa ng Panginoon?
-
Ano ang gagawin ninyo kung nasa isang grupo kayo na pinag-uusapan at sinisiraan ang mga taong naaakit sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae?
Magpatotoo na kung magpapakita tayo ng higit na pagmamahal at kabaitan sa ating mga kapatid na mga bakla at tomboy, may mga buhay na magbabago, mapagagaling ang mga pamilya, at mas madarama ng mga taong lumayo sa Simbahan ang malugod na pagtanggap ng mga miyembro ng Simbahan. Ipaalala sa mga estudyante na ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa sinumang nagsisikap na sundin ang mga kautusan at manatiling tapat sa mga tipan ng ebanghelyo.
Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga taong kilala nila na naaakit sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae at isiping mabuti kung ano ang gagawin nila para maging mas mahabagin sa kanila habang nananatiling tapat sa batas ng kalinisang-puri ng Panginoon.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mateo 7:12; Juan 8:1–11; 15:12; Doktrina at mga Tipan 76:24; Moises 2:27; at ang pangalawang talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129.
-
Jeffrey R. Holland, “Pagtulong sa mga Taong May Problema sa Pagkaakit sa Kapwa Nila Lalaki o Kapwa Nila Babae,” Liahona, Okt. 2007, 40–43.
-
Gospel Topics, “Same-Sex Attraction,” lds.org/topics.