Seminaries and Institutes
Lesson 19: Pagtatatag ng Buhay at Tahanan na Nakasentro kay Cristo


19

Pagtatatag ng Buhay at Tahanan na Nakasentro kay Cristo

Pambungad

Itinuro ni propetang Helaman sa kanyang mga anak na kung itatatag nila ang kanilang buhay sa tiyak na saligan ni Jesucristo, si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan na wasakin sila (tingnan sa Helaman 5:12). Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante kung paano nila itatatag ang kanilang mga pamilya sa saligan ni Jesucristo. Kapag itinuon ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang buhay sa mga turo ni Jesucristo, maaayos at mapalalakas nila ang kanilang pagsasamahan at makadarama sila ng mas malaking kaligayahan.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Henry B. Eyring, “Ang Ating Sakdal na Halimbawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 70–73.

  • Richard G. Scott, “Para sa Kapayapaan sa Tahanan,” Ensign o Liahona, May 2013, 29–31.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Juan 15:1–5, 10–11; Helaman 5:12

Pagtatatag ng buhay at tahanan na nakasentro kay Cristo

Simulan ang klase sa pagguhit sa pisara ng isang simpleng bahay o ibang gusali. Talakayin ang sumusunod sa mga estudyante:

  • Ano ang kahalagahan ng pundasyon sa isang tahanan o iba pang istruktura?

  • Bakit ang ilang mga materyales sa pagtatayo ay nakagagawa ng mas matitibay na pundasyon kaysa sa iba?

Ipaalala sa mga estudyante na lahat ng pamilya ay nakakaranas ng maliliit o malalaking problema, at hangad ni Satanas na wasakin ang lahat ng pamilya. Nalaman natin mula sa Aklat ni Mormon ang isang tiyak na paraan upang mabawasan ang mga impluwensya ni Satanas sa ating mga pamilya.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Helaman 5:12, na inaalam ang itinuturo nito tungkol sa saligan o pundasyon.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng itayo o itatag ang ating saligan o pundasyon kay Jesucristo?

  • Ano ang magagawa ng isang pamilya para maitayo o maitatag sa saligan ni Jesucristo? (Kasama sa posibleng sagot ang sumusunod: pag-aaral at pagsasabuhay sa ebanghelyo ni Jesucristo, pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Jesucristo, pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at paghugot ng lakas sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.)

  • Paano naaangkop ang mga pangako sa Helaman 5:12 sa mga pamilya na naghahangad na itayo o itatag ang kanilang saligan sa bato na si Jesucristo? (Ang mga sagot ay dapat kakitaan ng pag-unawa sa sumusunod na alituntunin: Kapag itinatag ng mga pamilya ang kanilang saligan kay Jesucristo, hindi magkakaroon ng kapangyarihan si Satanas na wasakin sila.)

Ipaliwanag na bago ang kanyang kamatayan, ang Tagapagligtas ay nagbigay ng analohiya na makatutulong sa mga pamilya na maunawaan kung paano magtatag ng saligan sa Kanya. Ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang Juan 15:1–5, 10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pag-isipan kung paano maaangkop ang metapora ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa mga pamilya na nagsisikap na magtatag ng kanilang saligan kay Jesucristo.

  • Kung si Jesucristo ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga, ano naman ang isinasagisag ng bunga? (Ang bunga ay maaaring sumagisag sa mabubuting gawa at ugali ng mga disipulo ni Jesucristo.)

Tulungan ang mga estudyante na malaman na ginamit ng Tagapagligtas ang salitang “manatili” o “nananatili” nang ilang beses sa Juan 15:4–10. Ipaliwanag na ang salitang manatili sa kontekstong ito ay nangangahulugang “manatili—ngunit manatili magpakailanman,” sinasabi na dapat tayong manatiling matibay at permanenteng nakaugnay kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan (Jeffrey R. Holland, “Manatili sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 32). Maaari mong ipaliwanag nang maikli sa mga estudyante na ang pagpansin sa mga salitang paulit-ulit ay isang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na magagamit nila sa kanilang personal na pag-aaral. Ang pag-uulit ng isang salita sa mga banal na kasulatan ay kadalasang nangangahulugan na may mahalagang ideya na binibigyang-diin ang awtor.

  • Ayon sa talata 5 at 11, ano ang mga pagpapala ng pananatili sa Tagapagligtas? (Kung mananatili tayo sa Tagapagligtas, tayo ay magbubunga ng marami at makatatanggap ng ganap na kagalakan.)

  • Anong mga pagpapala sa palagay ninyo ang darating sa mga pamilya kapag ang mga miyembro nito ay nagsisikap na manatili sa Tagapagligtas?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Anuman ang inyong kalagayan, maaari ninyong isentro ang inyong pamilya at buhay sa Panginoong Jesucristo, dahil Siya ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan sa buhay na ito” (“Para sa Kapayaan sa Tahanan,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 29).

  • Paano ninyo ilalarawan ang tahanang nakasentro kay Jesucristo? Ano ang mga katangian ng tahanang nakasentro kay Cristo?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang mas lubos na makapanatili sa Tagapagligtas, nang sa gayon ay maanyayahan pa ang impluwensya ng Tagapagligtas sa kanilang tahanan. Hikayatin sila na pag-isipan kung anong mga pagbabago ang maaari nilang gawin sa pagsasamahan nila ng kanilang pamilya.

Helaman 14:30–31; 3 Nephi 11:29–30

Pagkontrol sa ating damdamin sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng ating kalayaan

Bago pumunta sa susunod na bahagi ng lesson, ulitin na lahat ng pamilya ay dumaranas ng mga pagsubok. Bagama’t sinisikap ng mga miyembro ng pamilya na isentro ang kanilang buhay kay Jesucristo, mahaharap sila sa mga sitwasyong susubok sa kanilang mabubuting hangarin. Isulat sa pisara ang sumusunod:

“Ginalit mo ako!”

“Hindi na ako makapagtimpi sa iyo!”

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ang mga pahayag na ito ay batay sa katotohanan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Helaman 14:30–31. Sabihin sa klase na pag-isipan kung paano nauugnay ang mga talatang ito sa mga pahayag na nasa pisara.

  • Anong mahalagang katotohanan ang matatagpuan sa mga talatang ito na angkop sa pakikipag-ugnayan natin sa iba? (Bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Dahil binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaan, maaari nating piliin kung magagalit tayo o hindi. Ipaliwanag na itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu, “Ang pagiging galit ay pagpili nang may kamalayan, isang pagpapasiya; kung gayon, magagawa nating piliing huwag magalit. Tayo ang pumipili!” [“Agency and Anger,” Ensign, Mayo 1998, 80].)

  • Anong mga problema ang idudulot ng paniniwala na ang ginawa o sinabi ng iba ang “dahilan” kung bakit tayo nagalit?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 3 Nephi 11:29–30. Ipaliwanag na itinuro ng Tagapagligtas na ang pagtatalo ay dapat “maiwaksi” (3 Nephi 11:30). Ipaalala sa mga estudyante na ang pagsasalita nang hindi maganda at ang iba pang masasamang ugali, tulad ng emosyonal at pisikal na pang-aabuso, ay hindi kailanman nabibigyang-katwiran.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga bagay na magagawa nila na tutulong sa kanila na maalaala na piliin nilang hindi magalit. Sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa mga estudyante na mangakong gamitin nang matwid ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng pagpiling hindi magalit, lalo na sa mga sitwasyon sa pamilya.

3 Nephi 12:22–24; Moroni 7:45, 48; Doktrina at mga Tipan 64:9–11; 88:119, 123–25

Pagsisisi at kapatawaran ang magpapagaling sa nasirang pagsasama ng pamilya

Sa pisara, isulat ang sumusunod na alituntunin:

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”

Sabihin sa mga estudyante na ang pahayag na ito ay mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang ilan sa mga turo ni Jesucristo na makapagbibigay ng higit na kaligayahan sa mga pamilya, ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:119, 123–25. Imungkahi na markahan o i-highlight nila ang mahahalagang turo. Pagkatapos ay ipatalakay sa mga estudyante kung paano mapalalakas ang mga pamilya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo na matatagpuan sa mga talatang ito.

Ipaalala sa mga estudyante na ang mga problema at paghihirap ay madalas nangyayari sa pamilya kapag binalewala nila ang mga turo ni Jesucristo. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang hindi maganda at nasirang pagsasamahan ay nangyayari na noon pa mang likhain ang tao. … Palagay ko lahat ng tao sa mundo ay naapektuhan kahit paano ng nakapipinsalang pagtatalu-talo, pagkamuhi, at paghihiganti. Marahil ay may mga pagkakataon pa na nadarama natin ito sa ating kalooban” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 70).

  • Anong mga turo ng Panginoong Jesucristo ang makatutulong upang maayos ang hindi maganda at nasirang pagsasamahan ng mga miyembro ng pamilya?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. Ipaliwanag na naglalaman ang mga talatang ito ng mga katotohanang itinuro ng Tagapagligtas na magpapatibay sa pagsasamahan ng pamilya.

3 Nephi 12:22–24

Moroni 7:45, 48

Doktrina at mga Tipan 64:9–11

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga scripture passage na ito, at pagkatapos ay talakayin ang sumusunod:

  • Ano ang mga itinuro mula sa mga talatang ito na makatutulong para maayos ang pagsasamahan ng pamilya na nasira dahil sa pagtatalu-talo, kawalang-galang, o iba pang mga ginawa?

  • Paano ninyo nakitang napatibay ng pagpapatawad ang pagsasamahan ng pamilya?

  • Bakit mas mahirap kung minsan na magpatawad sa mga kapamilya na nakasakit sa atin kaysa sa ibang tao?

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Dieter F. Uchtdorf at Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), at ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Walang sinuman sa atin na walang kasalanan. Bawat isa sa atin ay nakagagawa ng kamalian, kabilang na ikaw at ako. Tayong lahat ay nasaktan. Tayong lahat ay nakasakit ng ibang tao.

“Sa pamamagitan ng sakripisyo ng ating Tagapagligtas magkakaroon tayo ng kadakilaan at buhay na walang hanggan. Sa pagtanggap natin sa Kanyang mga paraan at pagdaig sa ating kapalaluan sa pamamagitan ng pagpapalambot ng ating mga puso, magkakaroon tayo ng pagkakasundo at kapatawaran sa ating mga pamilya at sa ating sariling buhay” (Dieter F. Uchtdorf, “Isang Susi sa Masayang Pamilya,” Ensign, Okt. 2012, 6).

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Anumang dantayan ng mga kamay ni Jesus ay nabubuhay. Kung ipapatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa pagsasama ng isang mag-asawa, ito ay mabubuhay. Kung tutulutan siyang idantay ang kanyang mga kamay sa pamilya, ito ay mabubuhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter [2015], 165).

  • Sa pagsunod sa mga alituntuning tinalakay sa araw na ito, paano ito nagtutulot sa Tagapagligtas na maidantay Niya ang Kanyang mga kamay sa isang pamilya?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagsisisi at kapatawaran sa pag-aayos o pagpapatatag ng pagsasamahan ng sarili nilang pamilya. Hikayatin sila na kumilos agad para maipamuhay ang mga alituntuning ito sa kanilang pamilya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante