Seminaries and Institutes
Lesson 26: Mananagot sa Harap ng Diyos


26

Mananagot sa Harap ng Diyos

Pambungad

Nagbabala ang mga propeta at mga apostol na “ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Tinatalakay sa lesson na ito kung paano magdudulot ng mga bunga sa buhay na ito at sa kabilang buhay ang mabibigat na paglabag na ito sa batas ng Diyos. Binibigyang-diin din dito na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay ng pag-asa at pagpapagaling sa nagsisisi.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Jeffrey R. Holland, “Ang Wika ng mga Anghel,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 16–18.

  • Richard G. Scott, “Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 40–43.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 18:1–6; Doktrina at mga Tipan 42:22–25; 93:39–44

Paglabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, pang-aabuso, at kabiguang gampanan ang mga responsibilidad sa pamilya

Ipaalala sa mga estudyante na nalaman nila sa mga nakaraang lesson ang tungkol sa mahahalagang responsibilidad sa pamilya, kabilang ang mga sumusunod: (1) dapat mahalin at pangalagaan ng mag-asawa ang isa’t isa, (2) ang mga anak ay dapat palakihin sa pagmamahal at kabutihan, at (3) ang mga magulang ay dapat maglaan para sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

  • Ano ang maaaring mangyari sa isang pamilya kung hindi ginawa ng mga mag-asawa at mga magulang ang mga responsibilidad na ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na matuklasan kung ano ang sinabi ng mga propeta sa panahon ngayon tungkol sa kahalagahan ng pagtupad sa mga responsibilidad sa pamilya, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 8 ng “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: “Ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos.”

  • Ano ang ibig sabihin ng mananagot sa harap ng Diyos ang mga taong gumagawa ng mga pagkakasalang ito? (Sa Araw ng Paghuhukom ay tatayo tayo sa harap ng Diyos at mananagot sa Kanya para sa mga kasalanang hindi natin pinagsisihan; tingnan sa Apocalipsis 20:11–15; 2 Nephi 9:15–16.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dennis B. Neuenschwander ng Pitumpu:

Elder Dennis B. Neuenschwander

“Ang pananagutan natin sa Diyos, bilang ating Ama at Tagapaglikha, ay isa sa mga pangunahing aral ng ebanghelyo” (“The Path of Growth,” Ensign, Dis. 1999, 15).

  • Paano tayo natutulungan ng alituntunin ng pananagutan sa Diyos na espirituwal na umunlad?

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita bilang heading sa tatlong column:

Paglabag sa mga Tipan ng Kalinisang-puri

Pang-aabuso sa Asawa o mga Anak

Hindi Pagtupad sa mga Responsibilidad sa Pamilya

Hatiin sa tatlong grupo ang klase. Sabihin sa unang grupo ng klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:22–25, at sa isa pa ang Mateo 18:1–6, at sa huling grupo ang Doktrina at mga Tipan 93:39–44. Sabihin sa mga estudyante na itugma ang kanilang scripture passage sa tamang heading sa pisara. Sabihin din sa kanila na hanapin ang mga salita at parirala na nagtuturo tungkol sa bigat ng mga kasalanang ito. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat ang mga scripture reference sa ilalim ng angkop na mga heading.)

  • Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagtuturo tungkol sa bigat ng mga kasalanang ito?

Maaaring mong ituro ang bawat heading sa pisara at itanong ang mga sumusunod na nauugnay sa bawat kasalanan. Kapag sumagot ang mga estudyante, isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng bawat heading.

  • Ano ang ilang pag-uugali o asal na kung hindi mapipigilan ay maaaring humantong sa paggawa ng isang tao ng kasalanang ito? (Halimbawa, maaaring kasama sa mga sagot para sa mga kasalanan na pag-abuso sa asawa o mga anak ang pagiging mainitin ang ulo sa iba, pamimintas, at paniniwala sa maling pananaw tungkol sa kalalakihan o kababaihan.)

  • Ano ang maipapayo ninyo sa isang tao na nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali o asal?

  • Paano mapaglalabanan ng isang miyembro ng Simbahan ang mga pag-uugali o asal na ito? (Kapag nagbahagi ang mga estudyante ng kanilang mga sagot, tulungan silang maunawaan na kapag ginawa natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pagsisisi, paglilingkod tulad ng kay Cristo, pagkahabag, pagpapasensya, at pagpapatawad, magagamit natin ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.)

II Mga Taga Corinto 5:17–21

Pag-asa sa pagsisisi, pagpapatawad, at pagbabago

Magpatotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naglalaan ng paraan para sa mga indibiduwal at mga pamilya na magtagumpay at magkaroon ng buhay na puno ng mga pagpapala. Gayunman, lahat tayo ay nakagagawa ng mga maling pagpili, at ang ilan sa mga ito ay may malaking epekto sa ating sarili o sa iba. Mabuti na lang at may pag-asa.

Ipaliwanag na ang ilang miyembro ng Simbahan ay nabiktima ng ibang tao—tulad ng isang taksil na asawa o abusadong asawa o magulang—at iniisip ng mga biktima kung ano ang magagawa nila sa kanilang sitwasyon. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Kung kayo ay naabuso, pipilitin ni Satanas na paniwalain kayo na wala nang solusyon. Ngunit alam na alam niya na may solusyon. Alam ni Satanas na ang paghilom ay mangyayari sa pamamagitan ng hindi nagmamaliw na pagmamahal ng Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Nauunawaan din niya na ang kapangyarihan nagpagaling ay kasama na sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kaya nga, ang kanyang paraan ay gawin ang lahat ng makakaya niya para maihiwalay kayo mula sa inyong Ama at Kanyang Anak. Huwag ninyong hayaang makumbinsi kayo ni Satanas na hindi kayo matutulungan” (“Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 41).

  • Bakit pinipilit kumbinsihin ni Satanas ang mga naabuso na maniwala na wala nang solusyon sa kanilang mga problema?

  • Ano ang maaaring maging mga resulta kapag naniwala ang mga tao na wala nang pag-asa o solusyon sa kanilang mga problema?

Ibahagi ang sumusunod na patotoo at payo ni Elder Richard G. Scott:

Elder Richard G. Scott

“Pinatototohanan ko na may kilala akong mga biktima na matagumpay na nakayanan ang mahirap na paglalakbay tungo sa lubusang paghilom sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Matapos malutas ang sarili niyang problema sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, isang kabataang babae na matinding inabuso ng kanyang ama ang humiling ng isa pang interbyu sa akin. Bumalik siyang may kasamang mag-asawang matanda. Nadama ko na mahal na mahal niya ang dalawa. Makikita sa kanyang mukha ang kaligayahan. Sabi niya, ‘Elder Scott, siya po ang tatay ko. Mahal ko siya. Nababagabag siya sa ilang bagay na nangyari sa akin noong ako ay bata pa. Wala na po sa akin iyon. Maaari po bang tulungan ninyo siya?’ Napakalakas na pagpapatunay ito ng kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas! Hindi na siya nagdurusa sa mga bunga ng pang-aabuso, dahil naunawaan niya nang sapat ang Kanyang Pagbabayad-sala, husto ang kanyang pananampalataya, at masunurin sa Kanyang batas. Kapag masigasig ninyong pinag-iisipang mabuti ang Pagbabayad-sala at nanampalataya na may kapangyarihang magpagaling si Jesucristo, makatatanggap kayo ng gayunding katiwasayan. …

“Ang paghilom ay maaaring magsimula sa isang maalalahaning bishop o stake president o mahusay na propesyonal na tagapayo. Kung may bali kayo sa binti, hindi kayo magpapasiyang operahan ito mismo [ng inyong sarili]. Makakahingi rin ng tulong sa mga propesyonal ang nakaranas ng matinding pang-aabuso” (“Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” 40–42).

  • Paano maaaring makatulong ang inspiradong payo ni Elder Scott sa isang taong dumanas ng pang-aabuso?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Boyd K. Packer

“Ang awa at biyaya ni Jesucristo ay hindi limitado sa mga taong nagkakasala o nagkukulang, kundi saklaw nito ang pangako ng walang hanggang kapayapaan sa lahat ng tatanggap at susunod sa Kanya at sa Kanyang mga turo. Ang Kanyang awa ang tagapagpagaling, maging sa sugatang walang-muwang” (“Ang Dahilan ng Ating Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 7).

  • Paano nagbibigay ng pag-asa at paggaling ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Kapag nagbahagi ang mga estudyante ng kanilang mga sagot, tulungan silang maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Matatamo ng lahat ng sumusunod kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo ang paggaling at walang hanggang kapayapaan sa pamamagitan ng Kanyang awa at biyaya.)

Upang maituro sa mga estudyante kung paano makatutulong ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa mga taong nang-aabuso ng iba o nananakit sa kanila sa ibang kaparaanan, sabay-sabay niyong basahin ang II Mga Taga Corinto 5:17–21.

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “bagong nilalang” kay Cristo? (Kasama sa mga posibleng sagot ang ideya na bilang bunga ng ating masigasig na pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon, pagpapalain Niya tayo ng mga kaloob ng Espiritu, na mga banal na katangian. Ang mga kaloob na ito ay gumagawa ng mahahalagang pagbabago sa atin, at nagiging bagong nilalang tayo na higit na katulad ng Diyos.)

  • Ayon sa talata 21, paano nangyari ito? (Si Jesus ay lubos na walang kasalanan, ngunit inako Niya sa Kanyang sarili ang mga kasalanan natin upang sa pamamagitan ng pagsisisi, magiging mabuti tayo sa pamamagitan Niya. Siya ang nagsakripisyo para sa atin. Kapag nagsisi tayo at nagsikap na tularan ang Kanyang halimbawa, magagamit natin ang Kanyang kapangyarihan na tutulong sa atin na maging mga bagong nilalang.)

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang pinakipagkasundo sa talata 18? (“Ang pakikipagkasundo ay pagtubos sa tao mula sa kanyang kalagayan ng pagkakasala at espirituwal na kadiliman at muli siyang ipagkakasundo at ipagkakaisa sa Diyos. Dahil dito ay hindi na magkaaway ang Diyos at ang tao” [Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo (1965–73), 2:422].)

Itanong sa mga estudyante kung may kilala silang mga tao na nagkaroon ng pag-asa at napagaling dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga halimbawa kung gusto nila at kung hindi masyadong personal ang mga ito.

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“Hindi ko alam kung sino sa inyong narito ngayon ang kailangang makarinig sa mensaheng ito ng pagpapatawad na nasa talinghagang ito [na tungkol sa manggagawa sa ubasan; tingnan sa Matthew 20:1–15], ngunit gaano man ninyo iniisip na huli na kayo, gaano man karaming pagkakataon ang iniisip ninyong lumagpas sa inyo, gaano man karaming pagkakamali ang inaakala ninyong nagawa ninyo o mga talentong wala kayo, o gaano man kayo napalayo sa inyong tahanan at pamilya at sa Diyos, pinatototohanan ko na hindi pa rin kayo ganap na napalayo sa pag-ibig ng Diyos. Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo. …

“Kaya kung nakipagtipan na kayo, tuparin ninyo ang mga ito. Kung hindi pa, makipagtipan na kayo. Kung nakipagtipan na kayo at nilabag ninyo ang mga ito, magsisi at iwasto ang mga ito. Hindi pa huli kailanman hangga’t sinasabi ng Panginoon ng ubasan na may oras pa. Makinig lamang sa pahiwatig ng Espiritu Santo na nagsasabi sa inyo ngayon, sa sandaling ito mismo, na dapat ninyong tanggapin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at masiyahan kayo sa Kanyang ginawa” (“Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 33).

Hikayatin ang mga estudyante na isulat kung ano ang pinagtibay sa kanila ng Banal na Espiritu sa araw na ito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante