Seminaries and Institutes
Lesson 14: Pagiging mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion


14

Pagiging mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion

Pambungad

Sa pamamagitan ng gawain sa templo, ginawang posible ng Panginoon para sa lahat ng pumanaw nang walang kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo “na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante kung paano tayo hinihikayat ng diwa ni Elijah na makibahagi sa gawain sa family history at maging “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21).

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 24–27.

  • Quentin L. Cook, “Mga Ugat at mga Sanga,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 44–48.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 138:27–37, 58–59

Si Jesucristo ay nagministeryo sa daigdig ng mga espiritu

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ilan sa mga ninuno nila ang namatay nang hindi narinig ang ebanghelyo o hindi natanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa.

Ipaalala sa mga estudyante na matapos mamatay ang Tagapagligtas, dumalaw Siya sa mga espiritu ng mga patay. Ang mga detalye tungkol sa pagdalaw na ito, ayon sa nakitang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138. (Tandaan na ito ay isang halimbawa ng pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang konteksto kapag nag-aaral ng mga banal na kasulatan.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:27–37. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ginawa ng Panginoon nang magministeryo Siya sa daigdig ng mga espiritu.

  • Paano inihanda ng Tagapagligtas ang daan upang matubos ang mga espiritu ng mga patay? (Bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Inatasan, tinuruan, at inihanda ng Tagapagligtas ang mabubuting espiritu upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu.)

  • Ayon sa talata 34, bakit kailangang ipangaral ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu? (Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “alinsunod sa mga tao sa laman ay mahatulan” ay lahat ng anak ng Diyos, buhay man o patay, ay magkakaroon ng pagkakataong tumanggap ng ebanghelyo at ng nakapagliligtas na mga ordenansa upang mahatulan ang lahat ng tao sa pamamagitan ng iisang pamantayan. Tingnan din sa D at T 137:7–9.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:31, 58–59, na inaalam kung ano ang dapat gawin ng mga indibiduwal na tinuruan ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu upang maging “mga tagapagmana ng kaligtasan.”

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat gawin ng mga espiritu ng mga patay upang maging “mga tagapagmana ng kaligtasan”? (Tumulong na maipaunawa nang malinaw ang alituntuning ito: Pagkatapos maturuan ang mga indibiduwal sa daigdig ng mga espiritu ng mensahe ng ebanghelyo, maaari nilang piliing magsisi at tanggapin ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila sa mga templo.)

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

“Hindi nauunawaan at inaakala ng ilan na ang mga namatay ‘ay binibinyagan sa relihiyon na Mormon nang hindi nila alam’ o ‘iuutos sa mga taong kabilang sa ibang relihiyon na tanggapin ang mga paniniwala ng mga Mormon.’ Ipinapalagay nila na mayroon tayong kapangyarihan na ipilit sa isang kaluluwa ang mga bagay ukol sa relihiyon. Siyempre, hindi natin ginagawa iyan. Ibinigay ng Diyos sa tao ang kalayaang pumili noon pa man. ‘Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos’ [D at T 138:58], kung tatanggapin nila ang mga ordenansang iyon” (“The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 10).

Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at magdula-dulaan na ipinapaliwanag kunwari sa isang hindi miyembro ng Simbahan kung paano matatanggap ng lahat ng tao, kapwa buhay at patay, ang ebanghelyo at nakapagliligtas na mga ordenansa dahil sa plano ng Diyos.

Obadias 1:21; Malakias 4:5–6; Doktrina at mga Tipan 110:13–16; 128:18

Dapat tayong maging “mga Tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21)

Sabihin sa mga estudyante na ilista ang mga paraan na makababahagi sila sa gawain sa family history. (Paghahanap ng mga pangalan ng mga kamag-anak at pagdadala ng mga ito sa templo, pagtipon at pag-ingat ng mga retrato at kuwento tungkol sa pamilya, indexing, at iba pa.)

  • Paano nakakaapekto sa damdamin natin para sa mga yumaong kapamilya ang pakikibahagi sa gawain sa family history?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang pinagmumulan ng damdaming iyon, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder David A. Bednar

“Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na ang Diwa ni [Elijah] ay ‘impluwensya ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya’ (‘A New Harvest Time,’ Ensign, Mayo 1998, 34). Ang kakaibang impluwensyang ito ng Espiritu Santo ay naghihikayat sa mga tao na tukuyin, idokumento, at itangi ang kanilang mga ninuno at kapamilya—kapwa noon at ngayon. Ang diwa ni [Elijah] ay umaapekto sa mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 25).

Maaari mong isulat ang sumusunod na kahulugan ng “diwa ni [Elijah]” sa pisara:

Ang diwa ni Elijah ay pahiwatig ng Espiritu Santo na nag-iimpluwensya sa atin na tukuyin, idokumento, at mahalin ang mga nakaraan at kasalukuyang miyembro ng ating pamilya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Malakias 4:5–6.

  • Ayon sa mga talatang ito, paano nakaimpluwensya ang ipinangakong pagbisita ni propetang Elijah sa mga pamilya sa buong mundo at sa gawain ng kaligtasan ng Panginoon sa mga huling araw? (Ipaalala sa mga estudyante na ang nabuhay na mag-uling si Elijah ay nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple at iginawad sa kanila ang mga susi ng pagbubuklod ng Melchizedek Priesthood [tingnan sa D at T 110:13–16].)

  • Ano ang ibig sabihin ng papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama at mga anak sa isa’t isa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Propetang Joseph Smith (1805–44) tungkol sa mga talatang ito:

Propetang Joseph Smith

“Ngayon, ang salitang papagbabaliking-loob dito ay dapat isalin na pagbigkisin, o pagbuklurin. Subalit ano ba ang hangarin ng mahalagang misyong ito? o paano ba ito isasakatuparan? Ang mga susi ay kailangang ipagkaloob, ang diwa ni Elijah ay darating, … at ang mga Banal ay magsisiakyat bilang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion [tingnan sa Obadias 1:21].

“Subalit paano sila magiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga templo, pagtatayo ng bautismuhan, at sa pagtanggap ng lahat ng ordenansa … para sa kanilang mga ninuno na namatay, at tubusin sila … ; at narito ang tanikalang nagbibigkis sa puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga anak sa mga ama, na nagsasakatuparan ng misyon ni Elijah” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 554–55).

  • Ayon kay Joseph Smith, nagiging ano tayo kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa templo para sa mga yumao nating kamag-anak? (Mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Literal tayong nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Ano ang kahulugan nito? Kung paanong inialay ng ating Manunubos ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat ng tao, at dahil doo’y naging ating Tagapagligtas, gayon din naman tayo, kahit paano, ay nagiging mga tagapagligtas ng mga nasa kabila ng tabing, kapag kinakatawan natin sila sa templo. Wala silang paraan para makasulong kung walang gagawa nito para sa kanila sa daigdig” (“Pangwakas na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 105).

Ipaliwanag na ginawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala para sa atin. Kapag nagsagawa tayo ng mga ordenansa para sa mga patay, tayo ay nagiging “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion.” Ang katagang “Bundok ng Sion” ay maaaring tumukoy sa iba’t ibang lugar, kabilang na ang makalangit na lungsod ng Diyos o ang lungsod ng Bagong Jerusalem (tingnan sa Sa Mga Hebreo 12:22; D at T 76:66; 84:2–4; I Mga Hari 8:1).

  • Sa paanong mga paraan tayo mahihikayat ng pang-unawa sa ibig sabihin ng “mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion” na mas kumilos para tulungan ang ating mga nakaraan at kasalukuyang kapamilya na matanggap ang mga pagpapala ng templo?

Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

“Sa pagtukoy ng mga ninuno natin at pagsasagawa para sa kanila ng nakapagliligtas na mga ordenansa na hindi nila mismong magagawa para sa kanilang sarili, pinatototohanan natin ang walang hanggang saklaw ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Si Cristo ay ‘namatay dahil sa lahat.’ [II Mga Taga Corinto 5:15.]” (“The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 10).

Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 128 ang isang liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal kung saan binanggit niya ang Malakias 4:5–6 at pagkatapos ay nagbigay ng inspiradong komentaryo tungkol sa mga talatang iyon.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:18. Sabihin sa kanila na markahan ang mga dahilang ibinigay ni Joseph Smith para sa pakikibahagi sa gawain ng pagtubos sa ating mga namatay na kapamilya. Matapos talakayin ang tinukoy ng mga estudyante, talakayin ang sumusunod:

  • Paano nagdadala rin sa atin ng kaligtasan ang mga pagsisikap nating magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa ating mga ninuno?

Sa pisara, isulat ang sumusunod na mga salita: Maghanap, Dalhin, at Magturo.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano mailalarawan ng tatlong salitang ito ang mga hakbang na hinihikayat tayong gawin kapag gumagawa tayo ng gawain sa templo at family history. (Tiyaking matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod: Maghanap at maghanda ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo; dalhin ang mga pangalang iyon sa templo at gawin para sa mga indibiduwal na iyon ang mga ordenanasa sa templo; magturo sa iba na gawin din ang gayon.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga paraang ito, ipakita at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar, o ipanood ang video na “The Promised Blessings of Family History” (lds.org/topics/family-history/fdd-cook/blessings-video). Bago magbasa o manood ang mga estudyante, sabihin sa kanila na alamin ang mga ipinangakong pagpapala na nagmumula sa pakikibahagi sa gawain sa family history.

Elder David A. Bednar

“Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni [Elijah]. Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak (tingnan sa D at T 124:28–36). At hinihimok ko kayong tulungan ang ibang tao na matukoy ang kanilang family history.

“Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. … Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at sa habambuhay” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” 26–27).

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga nakikibahagi sa gawain sa family history?

Itanong kung may sinuman sa mga estudyante ang makapagbabahagi ng personal na karanasan tungkol sa natanggap na mga pagpapala sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain sa family history.

  • Para sa inyo na tumanggap ng mga ordenansa para sa inyong mga ninuno, ano ang nadama ninyo na maaari ninyong ibahagi tungkol sa pakikibahagi sa mga sagradong karanasang ito?

Hikayatin ang mga estudyante na saliksikin ang kanilang family history gamit ang resources na makikita sa FamilySearch.org at humingi ng tulong sa family history consultant sa kanilang ward o branch kung kinakailangan. Hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng plano para maghanap ng mga pangalan ng kanilang mga ninuno, at dalhin ang mga pangalan ng mga ninunong ito sa templo at magsagawa ng mga ordenansa para sa kanila at magturo sa iba na gawin din ang gayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante