Seminaries and Institutes
Lesson 16: Ang Banal na Kapangyarihang Lumikha ng Buhay


16

Ang Banal na Kapangyarihang Lumikha ng Buhay

Pambungad

“[Iniutos ng Diyos] na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata [o buhay] ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Para sa lahat ng anak ng Diyos, ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay nangangailangan ng pagiging mabuti sa ginagawa at pati na rin sa iniisip. Ang intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado, at ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng buhay at para sa pagpapakita ng pagmamahal.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 41–44.

  • Dallin H. Oaks, “Pornograpiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 87–90.

  • Linda S. Reeves, “Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 15–17.

  • “Kadalisayan ng Puri,” Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 35–37.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Awit 24:3–4; Mateo 5:8; Jacob 2:31–35; Alma 39:3–5, 9; Doktrina at mga Tipan 42:22–24; 121:45–46

Ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri

Isulat sa pisara ang sumusunod na pangungusap at itanong sa mga estudyante kung paano nila ito kukumpletuhin:

“Ang nakababahalang kasalanan ng ating henerasyong ito ay .”

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay ang kahalayang seksuwal. Ito, sabi ni Propetang Joseph, ang pagmumulan ng mas maraming tukso, mas maraming pananakit, at mas maraming paghihirap para sa mga elder ng Israel kaysa sa iba” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 256).

  • Paano naaangkop ang pahayag ni Pangulong Benson sa ating kasalukuyang lipunan?

Ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Habang nakikinig sila, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila ipapahayag sa isang pangungusap ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri.

“Ang mga pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay malinaw at hindi nagbabago. Huwag magkaroon ng anumang pakikipagtalik bago ikasal, at maging ganap na matapat sa inyong asawa matapos ang kasal. …

“… Bago ikasal, huwag gawin ang maalab na paghahalikan, pumatong sa isang tao, o hawakan ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng isang tao, may damit man o wala. Huwag gumawa ng anupamang pupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag pukawin ang mga damdaming iyon sa sarili ninyong katawan” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 35–36).

  • Paano ninyo ipapahayag sa isang pangungusap ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na doktrina mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya: “[Iniutos ng Diyos] na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata [o buhay] ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas” [“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129].)

  • Paano makatutulong ang mga pag-iingat na binanggit sa pangalawang talata ng sipi mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan para makaiwas ang isang tao sa paggawa mas mabibigat na kasalanan?

Kopyahin sa pisara ang chart sa ibaba. Hatiin ang klase sa dalawang grupo at sabihin sa isang grupo na pag-aralan ang mga scripture passage sa ilalim ng heading na “mga bunga” at sa isa namang grupo ang nasa ilalim ng heading na “mga pagpapala.” Hikayatin ang mga estudyante na tingnan ang mga footnote sa banal na kasulatan sa pag-aaral nila.

Mga bunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri:

Jacob 2:31–35

Alma 39:3–5, 9

D at T 42:22–24

Mga pagpapala ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri:

Mga Awit 24:3–4

Mateo 5:8

D at T 121:45–46

Matapos ang sapat na oras, talakayin sa klase ang natutuhan nila. Magtanong ng tulad sa mga sumusunod:

  • Paano ipinahihiwatig ng mga bunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri ang kahalagahan ng pagsunod sa kautusang ito?

  • Paano ninyo naranasan ang mga pagpapala ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri?

Ipakita ang sumusunod na katotohanan mula pagpapahayag tungkol sa pamilya:

“Ipinapahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

  • Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito sa inyo?

Gamitin ang mga sumusunod na pahayag nina Elder Jeffrey R. Holland at Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang pag-unawa nila tungkol sa katotohanang ito. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang mga pahayag habang pinakikinggan ng klase kung bakit walang hanggan ang kahalagahan ng batas ng kalinisang-puri.

Elder Jeffrey R. Holland

Ang katawan ay mahalagang bahagi ng [kaluluwa ng] tao. Ang katangi-tangi at napakahalagang doktrinang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay-diin kung bakit napakabigat ng kasalanang seksuwal. Ipinahahayag namin na ang taong ginagamit ang katawan ng iba na ibinigay ng Diyos nang walang basbas ng kasal ay pang-aabuso mismo sa kaluluwa ng taong iyon, paglapastangan sa pangunahing layunin at pinagmumulan ng buhay, ‘ang mismong susi’ sa buhay, tulad ng tawag dito ni Pangulong Boyd K. Packer. Sa pagsasamantala sa katawan ng iba—na ibig sabihin ay pagsasamantala sa kanyang kaluluwa—nilalapastangan at hindi pinahahalagahan ng taong nagsamantala ang Pagbabayad-sala ni Cristo, na nagligtas sa kaluluwang iyon at ginawang posible na matamo ang kaloob na buhay na walang hanggan” (Jeffrey R. Holland, “Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).

Elder David A. Bednar

“Ang kasal ng isang lalaki at isang babae ang tamang pamamaraan kung saan papasok sa mortalidad ang mga premortal na espiritu. Ang hindi pakikipagtalik bago ikasal at lubusang katapatan kapag kasal na ang nagpoprotekta sa kabanalan ng sagradong pamamaraang ito.

“Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay may espirituwal na kahalagahan. Ang maling paggamit sa kapangyarihang ito ay sumisira sa mga layunin ng plano ng Ama at sa ating buhay sa lupa. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mga tagalikha at ipinagkatiwala Nila sa atin ang bahagi ng Kanilang kapangyarihang lumikha. … Ang damdamin natin at paggamit sa banal na kapangyarihang ito ang magiging batayan sa ating kaligayahan sa mortalidad at sa ating tadhana sa kawalang-hanggan” (David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 42).

  • Bakit walang hanggan ang kahalagahan ng batas ng kalinisang-puri?

  • Paano naaapektuhan ng paggamit natin ng kapangyarihang lumikha ng buhay ang ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para maisulat ang pag-iingat na magagawa nila na makatutulong sa kanila na sundin ang batas ng kalinisang-puri.

Mateo 5:27–28; Mga Taga Roma 8:6; Doktrina at mga Tipan 63:16

Ang mga panganib ng pornograpiya

Ipabasa sa mga estudyante ang mga sumusunod na talata: Mateo 5:27–28; Mga Taga Roma 8:6; at Doktrina at mga Tipan 63:16. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na gamitin ang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na paggawa ng scripture chain, simula sa unang scripture passage, pagsulat ng cross-reference sa susunod, hanggang sa huling scripture passage.

  • Anong gawain ang ipinagbabawal sa mga scripture passage na ito? (Ang isang gawain na dapat matukoy ng mga estudyante ay ang paggamit ng pornograpiya.)

  • Ano ang mga bunga ng panonood o pagbabasa ng pornograpiya ang tinukoy sa mga banal na kasulatang ito?

Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Elder Dallin H. Oaks at Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Sister Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency. Sabihin sa isang estudyante na basahin ang mga ito nang malakas, at ipahanap sa klase ang mga karagdagang ibinubunga ng paggamit ng pornograpiya.

Elder Dallin H. Oaks

“Pinapatay ng pornograpiya ang kakayahan ng isang tao na masiyahan sa normal na damdaming dulot ng paglalambingan, at espirituwal na pakikipag-ugnayan sa opposite sex” (Dallin H. Oaks, “Pornograpiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 89).

Elder Richard G. Scott

“Bihasa na si Satanas sa paggamit ng nakalululong na kapangyarihan ng pornograpiya para mawalan ng kakayahan ang tao na maakay ng Espiritu. Ang pag-atake ng pornograpiya sa lahat ng malupit, nakabubulok, nakakasirang anyo nito ay nakapagdulot na ng hapis, pagdurusa, hinanakit, at paghihiwalay ng mag-asawa,” (Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nov. 2009, 8–9).

Linda S. Reeves

“Kailangang malaman [ng mga bata at kabataan] ang mga panganib ng pornograpiya at kung paano nito kinokontrol ang buhay, nagiging dahilan ng pagkawala ng Espiritu, ng di-magagandang damdamin, panlilinlang, sirang pagsasama, kawalan ng pagpipigil sa sarili, at halos inuubos nito ang panahon, pag-unawa, at kasiglahan” (Linda S. Reeves, “Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 15).

Hikayatin ang mga estudyante na nahihirapan dahil sa paggamit ng pornograpiya o iba pang uri ng imoralidad na kausapin ang kanilang bishop o branch president. Tiyakin sa kanila na matatagpuan nila ang daan pabalik sa kapayapaan at kaligayahan sa pamamagitan ng pagsisisi. Patotohanan ang sumusunod na katotohanan: Ang pag-iwas sa pornograpiya ay humahantong sa mas malaking kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Maaari mong ilista sa pisara ang mga sumusunod na website ng Simbahan para matulungan ang mga estudyanteng gumagamit ng pornograpiya:

overcomingpornography.org

addictionrecovery.lds.org

Genesis 2:21–24

Ang papel ng intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa

Paalala: Dahil sensitibo ang bahaging ito ng lesson, gamitin ang mga turo ng propeta at iwasan ang pagtuturo ng mga bagay na hindi matatagpuan dito, pati na ang pagbabahagi ng mga detalye tungkol sa ugnayan ninyong mag-asawa.

Magpatotoo na ang pisikal na intimasiya ay sagrado, angkop, at espesyal kapag ito ay nangyayari sa mag-asawa, ayon sa paraang itinakda ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Genesis 2:21–24.

  • Bagama’t hindi tuwirang binanggit, ayon sa mga talatang ito, ano ang ipinahihiwatig na layunin ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa? (Maging isa kasama ang ating asawa.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

“Ang intimasiya ay nakalaan para sa magkasintahang ikinasal sapagkat ito ang pinakadakilang simbolo ng lubos na pagsasama, ang kabuuan at pagsasama na inorden at itinakda ng Diyos. Mula pa sa Halamanan ng Eden, ang pagpapakasal ay talagang nangangahulugang ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang puso, inaasam, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, at lahat ng bagay” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).

  • Paano nakatulong sa inyo ang pahayag ni Elder Holland para mas maunawaan ang mga layunin ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod: Ang initimasiya ay nagpapalakas sa espirituwal at emosyonal na ugnayan ng mag-asawa.)

Maaari mong ipamahagi ang mga sumusunod na pahayag bilang handout. Bigyan ng kopya ang bawat estudyante, at sabihin sa mga estudyante na salungguhitan ang mga layunin ng pisikal na intimasiya ng mag-asawa.

Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang pagsasama ng lalaki at babae, ng mag-asawa (at tanging mag-asawa lamang), ay para sa pangunahing layunin na magsilang ng mga anak sa mundo. Ang mga karanasang seksuwal ay hindi kailanman nilayon ng Panginoon na maging laruan lamang o para lamang bigyang-kasiyahan ang simbuyo ng damdamin at pagnanasa” (Spencer W. Kimball, “The Lord’s Plan for Men and Women,” Ensign, Okt. 1975, 4).

Elder David A. Bednar

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may iisa, at di-nagbabagong pamantayan sa kalinisang seksuwal: ang intimasiya ay nararapat lamang mangyari sa isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa itinakda ng plano ng Diyos. Ang ganitong relasyon ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili. … Sa halip, isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa” (David A. Bednar, “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 42).

Talakayin ang mga layuning sinalungguhitan ng mga estudyante.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang kanilang natutuhan tungkol sa batas ng kalinisang-puri at pagkatapos ay isulat sa kanilang journal ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano napalakas ang inyong determinasyong mamuhay nang may malinis na moralidad dahil naunawaan ninyo ang batas ng kalinisang-puri?

  • Ano ang mga dahilan kung bakit sinusunod ninyo ang batas ng kalinisang-puri?

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning tinalakay sa klase.

Mga Babasahin ng mga Estudyante