Seminaries and Institutes
Lesson 27: Mga Babala ng mga Propeta Hinggil sa Pamilya


27

Mga Babala ng mga Propeta Hinggil sa Pamilya

Pambungad

Nagbabala ang mga propeta ngayon na “ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Binibigyang-diin ng lesson na ito na ang mga pamilya ay poprotektahan kung sila ay masunurin sa mga kautusan ng Diyos. Ipinangako ang espirituwal na lakas upang tulungan ang mabubuting magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga huling araw.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Faith and Families,” Ensign, Mar. 2007, 36–41.

  • Quentin L. Cook, “Mga Panaghoy ni Jeremias: Mag-ingat sa Pagkaalipin,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 88–91.

  • Bonnie L. Oscarson, “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 14–17.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Kay Timoteo 3:1–7, 13

May sasapit na mga kapinsalaan kapag pinabayaan ang pamilya

Sabihin sa ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mga sitwasyon o lugar kung saan maaasahan ng isang tao na makakita ng mga nakapaskil na babala (maaaring kasama sa halimbawa ang mga traffic sign, sa mga botelya ng gamot, o sa mga lalagyan ng mga mapanganib na kemikal.)

  • Ano ang ilang posibleng kahinatnan ng hindi pagpansin sa mga babalang ito?

  • Ano ang ilang mga babala na ibinigay ng mga propeta tungkol sa temporal at espirituwal na panganib na umiiral ngayon sa ating panahon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Kay Timoteo 3:1–7 at 13 habang inaalam ng klase ang mga panganib na ibinabala ni Apostol Pablo na iiral sa mga huling araw.

  • Alin sa mga panganib na inilarawan ni Pablo ang nakita o narinig na ninyo?

  • Ano ang maaaring maging epekto ng mga panganib na ito sa mga tao, sa mag-asawa, at sa mga pamilya?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit nakatuon si Satanas sa pagwasak sa mga pamilya.

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Dahil sa kahalagahan ng pamilya sa walang hanggang plano ng kaligayahan, pursigido si Satanas na sirain ang kabanalan ng pamilya, pababain ang kahalagahan ng ginagampanan ng kalalakihan at kababaihan, nanghihikayat ng imoralidad at paglabag sa sagradong batas ng kalinisang-puri, at pinipigilan ang mga magulang na unahin ang pag-aanak at pagpapalaki ng mga anak.

“Napakahalaga ng pamilya sa plano ng kaligtasan kaya nga nagpahayag ang Diyos ng isang babala na … ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta” (“The Eternal Family,” Ensign, Nob. 1996, 65).

Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: “Ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Ipaalala sa mga estudyante na ang babalang ito ay mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya.

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Pagkakawatak-watak ng pamilya

Mga Resulta

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga katibayang nakikita nila na nangyayari na ang “pagkakawatak-watak ng pamilya” sa buong mundo. (Maaaring kasama dito ang mga sumusunod: pagtaas ng bilang ng diborsyo, aborsyon, at pang-aabuso; mas kaunti ang nagpapakasal at mas kaunti ang mga anak na isinisilang sa mag-asawang ikinasal; at mas dumami ang di-maayos na pamilya.) Sabihin sa kanila na ilista ang mga katibayang ito sa pisara sa ilalim ng heading na “Pagkakawatak-watak ng pamilya.”

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga halimbawa ng mga mangyayari sa mga tao at lipunan dahil sa pagkakawatak-watak ng pamilya. (Maaaring kasama rito ang sumusunod: pagkawala ng Espiritu, kapighatian at kalungkutan, pagtaas ng krimen, mga batang naliligaw ng daan, at kawalan ng kapayapaan at katatagan sa lipunan.) Sabihin sa kanila na maglista ng mga halimbawa sa pisara sa ilalim ng heading na “Mga Resulta.”

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Paano maaaring makatulong sa mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa ang pagsunod sa mga doktrina at alituntunin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya para makaiwas sa mga resultang ito?

1 Nephi 14:14–17; 22:16–17; Doktrina at mga Tipan 97:22–28

Mayroong pag-asa para sa mga pamilya

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa kabila ng kasamaang laganap sa mundo ngayon, hindi pa huli para palakasin ang mga pamilya. Makagagawa sila ng kaibhan sa kanilang sariling pamilya, ward o branch, at mga komunidad. Magpatotoo na mayroong pag-asa para sa mga indibiduwal at pamilya na sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:22–28, at alamin kung ano ang magagawa natin upang makatakas sa paghihiganti ng Panginoon at sa mga kaparusahang darating dahil sa kasalanan. (Linawin na ang Sion sa mga talatang ito ay tumutukoy sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa mga miyembro nito.) Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang lahat ng salitang kung na makikita sa mga talatang ito. (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagtukoy sa mga pahayag na nagsasaad ng sanhi at bunga ay kapaki-pakinabang na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.)

  • Paano ninyo ibubuod ang mga talatang ito sa isang simpleng pahayag ng alituntunin? (Ang mga sagot ng mga estudyante ay dapat kakitaan ng sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay masunurin sa lahat ng kautusan, tayo ay makatatanggap ng malalaking pagpapala at makatatakas sa paghihiganti ng Panginoon.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Hindi namin sinasabi na lahat ng mga Banal ay makatatakas at makaliligtas sa pagdating ng araw ng kapanglawan. Ngunit ang sinasabi namin ay walang ipinangakong kaligtasan at walang pangako ng seguridad maliban para sa mga taong mahal ang Panginoon at nagsisikap na gawin ang lahat ng iniuutos niya. …

“Kaya nga kami ay nagbibigay ng babala at sinasabi: Makinig; maghanda; mag-ingat at maging handa. Walang kaligtasan sa anumang paraan maliban sa pagsunod at pag-ayon at kabutihan.

“Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon: ‘Ang parusa ng Panginoon ay daraan sa gabi at sa araw, at ang ulat niyon ay gugulo sa lahat ng tao; oo, at hindi ito mapatitigil hanggang sa pumarito ang Panginoon. …

“‘Gayunpaman, ang Sion ay makatatakas kung kanyang tutuparin ang lahat ng bagay anuman ang iniutos ko sa kanya’ [D at T 97:23, 25]” (“Stand Independent above All Other Creatures,” Ensign, Mayo 1979, 93–94).

  • Paano maaaring makatulong ang pahayag na ito para mahikayat ang pamilya na sumunod sa mga kautusan ng Panginoon?

Ipaalala sa mga estudyante na nakita ni Nephi ang ilang pangitain tungkol sa mga huling araw. Sa mga pangitaing iyon, nakita niya na ang mabubuti ay pangangalagaan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 1 Nephi 14:14–17 at 22:16–17, at alamin ang mga paraan kung paano mapoprotektahan ang mga Banal. (Paalala: Ang mga talatang ito ay nagbibigay-diin sa karaniwang tema ng banal na kasulatan na ang pagsunod ay nagbibigay sa atin ng proteksyon na ipinangako ng Panginoon. Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng pagsasaliksik ng mga “pagkakaugnay, huwaran [pattern], at tema” [“A Reservoir of Living Water” (Church Educational System fireside para sa mga young adult, Peb. 4, 2007), 3, lds.org/media-library]. Ang tema o pattern ay karaniwan lalo na sa Aklat ni Mormon.)

  • Paano kayo nabigyan ng pag-asa ng isinulat ni Nephi?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce D. Porter ng Pitumpu. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga pagpapalang ibibigay sa matatapat na magulang sa mga huling araw:

Larawan
Elder Bruce D. Porter

“Anuman ang mangyari sa hinaharap, itinalaga ng Diyos na sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon, ang mga magulang ng Simbahan ay bibigyan ng lakas na tulungang iligtas ang kanilang mga anak mula sa kadilimang pumapalibot sa kanila. Kapag ang puso ng mga ama at mga ina ay bumaling sa kanilang mga anak, at ang mga puso ng mga anak ay bumaling sa kanilang mga magulang, masasaksihan natin sa huli ang pagbangon ng isang henerasyon na nadalisay at handang sumalubong sa Tagapagligtas sa Kanyang pagdating. Ang tagumpay ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw ay hindi lamang tagumpay ng Simbahan bilang isang organisasyon kundi ng libu-libong pamilya na nadaig ang sanlibutan sa pamamagitan ng pananampalataya” (“Defending the Family in a Troubled World,” Ensign, Hunyo, 2011, 18).

  • Anong pagpapala ang ipinangako sa mga magulang na nagsisikap na mapalaki ang kanilang mga anak sa kabutihan sa dispensasyong ito?

  • Paano ninyo nakita ang Panginoon na nagbigay ng lakas sa mga magulang sa kanilang mga pagsisikap na palakasin at protektahan ang kanilang mga anak mula sa kadiliman ng mundo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga impluwensya o pwersang kumikilos para wasakin ang sarili nilang pamilya, at kung paano sila hinahadlangan ni Satanas sa pagsisikap na magkaroon ng sariling pamilya sa hinaharap. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang matamo ang tulong ng Panginoon para mapalakas nila ang kanilang sarili at maprotektahan ang kanilang pamilya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Print