2
Ang mga Propeta at mga Apostol ay Taimtim na Nagpapahayag
Pambungad
“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay nagsimula sa pahayag na ito: “Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag …” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). May responsibilidad ang mga propeta sa lahat ng dispensasyon na ipahayag ang kalooban ng Panginoon at magbabala sa mga ibubunga ng kasalanan. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang tungkulin ng mga propeta bilang mga bantay na nagbibigay ng babala sa atin tungkol sa mga nakikitang kalamidad.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 89–92.
-
Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 24–26.
-
Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77–79.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ezekiel 33:1–7; Doktrina at mga Tipan 1:4–5, 11, 14
Mga bantay sa tore
Ipakita sa mga estudyante ang larawan ng isang tore, at itanong sa kanila kung matutukoy nila ang istruktura sa larawan. Ipaliwanag na ang istruktura ay isang replika ng isang sinaunang tore. (Bilang alternatibong pamamaraan, kung mayroon sa inyong wika, ipalabas ang unang minuto ng video na “Watchman on the Tower,” sa lds.org/media library.) Itanong sa mga estudyante kung anong uri ng mga bagay ang maaaring inaabangan ng mga bantay at kung bakit mahalaga para sa kanila na magawa ang kanilang mga tungkulin.
Ipabasa sa mga estudyante ang Ezekiel 33:1–3 at ipatukoy ang responsibilidad ng isang bantay.
-
Ano ang responsibilidad ng isang bantay? (Bigyan ng babala ang mga tao sa papalapit na panganib.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Ezekiel 33:4–7.
-
Anong tungkulin ang iniatas ng Panginoon kay Ezekiel?
-
Paano natutulad ang mga propeta sa mga bantay sa tore? (Maaaring makatulong sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:4–5, 11, 14 upang matulungan silang maunawaan na ang mga propeta sa panahong ito ay nagsisilbing mga bantay. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang mga talatang ito sa Ezekiel 33:4–7. Maaaring mong sabihin na ipinahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalwang Apostol, “Bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo, tungkulin naming maging mga bantay sa tore” [“Beware of False Prophets and False Teachers,” Ensign, Nob. 1999, 62].)
Patotohanan ang sumusunod na doktrina: Tumawag ang Ama sa Langit ng mga propeta sa mga huling araw upang balaan tayo sa papalapit na panganib.
Upang pagtibayin ang doktrinang ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Tila walang katapusan ang hangarin ng Tagapagligtas na akayin tayo tungo sa kaligtasan. At iyon pa rin ang paraan ng pagpapakita Niya sa atin ng landas. Hindi lamang isang paraan ang gamit Niya para makarating ito sa mga handang tumanggap nito. At ang mga paraang iyon ay laging may kasamang paghahatid ng mensahe sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang mga propeta, tuwing ang mga tao ay karapat-dapat magkaroon ng mga propeta ng Diyos sa kanilang kalipunan. Ang mga awtorisadong tagapaglingkod na iyon ay patuloy na inaatasang magbigay ng babala sa mga tao, sinasabi sa kanila ang daan patungo sa kaligtasan” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 24).
-
Kailan ninyo nadamang pinrotektahan kayo dahil sinunod ninyo ang payo ng mga propeta?
-
Anong payo ang narinig ninyo sa mga apostol at propeta ngayon na makapagbibigay ng espirituwal na proteksyon sa mga pamilya?
-
Sa paanong mga paraan ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay tinig ng babala mula sa ating Ama sa Langit?
Amos 3:6–7
Tinutulungan tayo ng mga propeta at mga apostol na maunawaan ang pananaw ng Panginoon tungkol sa pamilya
Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga paraan kung kailan nabatid ng mga propeta ang mga panganib sa mundo ngayon.
“Narinig ko na inaakala ng ilang tao na ang mga lider ng Simbahan ay nabubuhay nang ‘malayo sa katotohanan.’ Nakalimutan nila na kami ay kalalakihan at kababaihang puno ng karanasan, at napakaraming lugar na ang aming napuntahan at iba’t ibang tao na ang nakahalubilo namin. [Dahil sa] aming mga tungkulin ngayon ay talagang nakakarating kami sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan namin nakakadaupang-palad ang mga namumuno sa pulitika, relihiyon, negosyo, at kawanggawa sa mundo. Bagama’t nabisita na namin ang [mga lider sa] White House sa Washington, D.C., at mga lider ng bansa [at relihiyon] sa buong mundo, nabisita na rin namin ang pinakaabang [mga pamilya at tao] sa mundo. …
“Kapag pinag-isipan ninyong mabuti ang aming buhay at ministeryo, malamang na umayon kayo na nabubuhay kami sa mundo sa mga paraang iilan lang ang nakararanas. Matatanto ninyo na mas ‘malayo sa realidad’ ang buhay ng maraming tao kaysa sa amin …
“… May kani-kanya at pinagsama-samang karunungan ang [mga pinuno ng Simbahan] na dapat makapanatag. Naranasan na naming lahat iyan, pati na ang mga epekto ng iba’t ibang batas at patakaran ng tao, at mga kabiguan, trahedya, at kamatayan sa sarili naming pamilya. Alam namin ang nangyayari sa inyong buhay” (“Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 90).
-
Paano maaaring nakatutulong sa mga lider ng Simbahan ang malawak nilang karanasan sa kanilang tungkulin bilang mga bantay?
Ipaliwanag na ang mga propeta ay pinagkalooban ng isang bagay na higit pa kaysa sa karanasan sa buhay upang matulungan sila na magampanan ang kanilang mga tungkulin na ibinigay ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Amos 3:6–7. Ituro sa mga estudyante na binago ng Joseph Smith Translation ang salitang “ginawa” at pinalitan ng “nalalaman” sa talata 6 at ang salitang “kundi” ay ginawang “hanggang” sa talata 7.
-
Ano ang itinuturo ng Amos 3:6–7 tungkol sa mga propeta?
Ibahagi ang sumusunod na kahulugan sa mga estudyante: Ang propeta ay “isang tao na tinawag at nangungusap para sa Diyos. Bilang isang sugo ng Diyos, ang isang propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan, propesiya, at paghahayag mula sa Diyos. … Binabatikos ng isang propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang kahihinatnan nito” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” scriptures.lds.org).
Kopyahin sa pisara ang sumusunod na diagram:
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipang mabuti at talakayin ang diagram. Maaari mong naising ipaliwanag na ipinakikita ng diagram kung paano nakapaloob sa pananaw ng Diyos sa pamilya ang buhay bago ang buhay sa mundo, ang buhay na ito, at ang kabilang-buhay. Sa pamamagitan ng paghahayag, nakatanggap ang mga propeta ng mas malawak na pananaw, at tinutulungan naman nila tayo na mas mapalawak ang ating pananaw at pang-unawa.
-
Paano inilalarawan ng diagram na ito kung bakit makabubuting pag-aralan ang pagpapahayag tungkol sa pamilya? (Isulat sa pisara ang sumusunod: Sa pamamagitan ng pag-aaral sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, malalaman natin ang pananaw ng Ama sa Langit tungkol sa pamilya.)
Sabihin sa mga estudyante na ilabas ang kopya nila ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Bigyang-diin ang pambungad na parirala: “Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag. …” Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang basahin ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, na naghahanap ng katibayan na ang pananaw ng Diyos sa kasal at pamilya ay naiiba sa pananaw ng mundo. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila, at ilista sa pisara ang kanilang mga sagot.
Doktrina at mga Tipan 90:1–5
Ang pagsunod sa payo ng mga propeta sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay pangangalagaan tayo
Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 90:1–3 para matukoy kung ano ang ibinigay ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith.
-
Ano ang ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith? (Ang mga susi ng kaharian, na sumasagisag sa mga karapatan ng panguluhan, o awtoridad na pamahalaan ang kaharian ng Diyos sa lupa.)
-
Sino ang mayhawak ngayon ng mga susing iyon? (Ang lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 90:4–5. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang ipinangako ng Panginoon na darating sa Simbahan sa pamamagitan ng Propeta. (Sinabi ng Panginoon na tatanggap ang Simbahan ng “mga orakulo.” Sabihin sa mga estudyante na ang ibig sabihin ng “mga orakulo” ay “mga paghahayag.”)
-
Ano ang babalang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal sa talata 5?
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa babalang ito? (Dapat makita sa mga sagot ang pag-unawa sa sumusunod na alituntunin: Kung hindi natin masyadong pahahalagahan ang mga paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tayo ay matitisod at madarapa. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Sister Carol F. McConkie ng Young Women general presidency at Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Maaari nating pagpasiyahang balewalain, lapastanganin, yapakan, o maghimagsik laban sa mga salita ni Cristo na sinabi ng Kanyang inordenang mga tagapaglingkod. Ngunit itinuro ng Tagapagligtas na ang mga taong gagawa nito ay itatakwil mula sa Kanyang mga pinagtipanang tao [tingnan sa 3 Nephi 20:23]” (Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 79).
“Natuklasan ko sa aking paglilingkod na yaong mga naligaw [at] nalito ay karaniwang yaong mga tao na kadalasan ay … nalilimutan na kapag nagsasalita ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa sa nagkakaisang tinig, ito ang tinig ng Panginoon para sa panahong iyon. Ipinaalala sa atin ng Panginoon, ‘Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa’ [D at T 1:38]” (M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” 90).
-
Ano ang maaaring ilang mga palatandaan na hindi masyadong pinahahalagahan ng isang tao ang payo na matatagpuan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo o ng ibang tao sa pagsunod sa payo sa pagpapahayag tungkol sa pamilya?
-
Ano ang mga naiisip at nadarama ninyo hinggil sa mga propeta sa mga huling araw na maibabahagi ninyo sa klase?
Magpatotoo na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay isang binigyang-inspirasyong pahayag mula sa nagkakaisang tinig ng labinlimang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Hikayatin ang mga estudyante na samantalahin ang pagkakataon sa kursong ito na manalangin na magkaroon ng mas malalim na patotoo tungkol sa mga katotohanang nakapaloob sa pagpapahayag tungkol sa pamilya.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Ezekiel 33:1–7; Amos 3:6–7; Doktrina at mga Tipan 1:4–5, 11, 14, 37–38; 90:1–5; 124:125–126.
-
M. Russell Ballard, “Manatili sa Bangka at Kumapit nang Mahigpit!” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 89–92.
-
Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 24–26.
-
Carol F. McConkie, “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 77–79.