Seminaries and Institutes
Lesson 22: Pagbuo ng Isang Masayang Pamilya


22

Pagbuo ng Isang Masayang Pamilya

Pambungad

Inilarawan sa “Ang mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang mga alituntuning dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tatalakayin sa lesson na ito ang responsibilidad ng mga magulang na turuan ang mga anak ng tungkol sa “paggalang, … awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.” Tatalakayin din nito ang tungkulin ng mga magulang na turuan ang mga anak na “magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Ang pagtuturo ng mga alituntuning ito ay tumutulong sa mga magulang na magkaroon ng masayang pamilya.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 104–8.

  • Susan W. Tanner, “Nasabi Ko Ba sa Iyo … ?” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 73–75.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga alituntunin para sa masasayang pamilya

Ihanda ang mga estudyante para sa lesson na ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):

Pangulong David O. McKay

“Walang tagumpay na makapupuno sa pagkukulang sa pamilya” (sinipi mula sa J. E. McCulloch, Home: The Savior of Civilization [1924], 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116).

  • Isinasaalang-alang ang natutuhan ninyo sa kursong ito, ano ang ilang alituntunin na nakatutulong sa pagkakaroon ng matagumpay na pamilya?

Para matulungan sa pagsagot sa tanong na ito, ipakita at ipabasa nang malakas ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”:

“Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”

Ipaliwanag sa mga estudyante na karamihan sa mga alituntunin sa pahayag na ito ay tinalakay na sa mga nakaraang lesson. Para mapagtuunan ng pansin ang mga katangian na hindi pa natalakay, isulat sa pisara ang sumusunod:

Paggalang

Awa

Gawa

Kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo at mag-assign ng isa sa mga katangiang ito sa bawat grupo. Sabihin sa mga grupo na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

Paggalang

  • Ano ang ilang mabubuting bagay na nangyayari sa mga pamilya kapag ang mga magulang ay nagpapakita ng paggalang sa kanilang mga anak? Kapag ang mga anak ay nagpapakita ng paggalang sa kanilang mga magulang? Kapag ang mga magulang ay nagpapakita ng paggalang sa isa’t isa?

  • Anong mga halimbawa ng pagpapakita ng paggalang ang maibabahagi ninyo mula sa mga karanasan ng inyong pamilya?

Awa

  • Ano ang ilang paraan na matuturuan ng mga magulang ang mga anak na makadama ng awa sa iba pang mga miyembro ng pamilya?

  • Anong mga halimbawa ng pagtuturo ng pagiging maawain ang maibabahagi ninyo mula sa inyong pamilya o mula sa mga pamilyang kilala ninyo?

Gawa

  • Bakit ang paggawa o pagkilos o pagtatrabaho ay bahagi ng matagumpay o masayang pamilya?

  • Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na masiyahan at matuwa sa paggawa?

  • Anong mga halimbawa ng pagtuturo sa mga anak na magtrabaho ang maibabahagi ninyo mula sa inyong pamilya o mula sa mga pamilyang kilala ninyo?

Kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan

Sabihin sa grupong ito na kapag ang pamilya ay may limitadong oras na magkasama-sama sa mga aktibidad ng pamilya, makabubuting piliin ang mga aktibidad na iyon na pinakamahalaga. Ipabasa sa grupong ito ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol at talakayin ang mga sumusunod na tanong:

Elder Dallin H. Oaks

“Habang iniisip natin ang iba’t ibang pagpipilian, dapat nating tandaan na hindi sapat na maganda ang isang bagay. Ang ibang mga pagpipilian ay mas maganda, at may iba pang pinakamaganda. …

“Ang ilan sa pinakamahahalaga nating pagpili ay may kinalaman sa mga aktibidad ng pamilya. … Sa pagpili kung paano gugugulin ang ating oras bilang pamilya, dapat nating ingatang huwag maubos ang libreng oras natin sa mga bagay na maganda lang, na kakaunti na lang ang oras para sa bagay na mas maganda o pinakamaganda. Dinala ng isang kaibigan ang kanyang pamilya sa sunud-sunod na paglalakbay tuwing bakasyon, kabilang na ang pagbisita sa mga makasaysayang lugar na di-malilimutan. Pagkatapos ng bakasyon tinanong niya ang tinedyer niyang anak na lalaki kung alin sa magagandang aktibidad na ito sa bakasyon ang lubos niyang ikinasiya. May natutuhan ang ama mula sa sagot, at gayundin ang lahat ng kinuwentuhan niya nito. ‘Ang pinakagusto ko po sa bakasyong ito,’ sagot ng bata, ‘ay noong gabing nahiga tayong dalawa sa damuhan at tumingin sa mga bituin at nagkuwentuhan.’ Ang napakagagandang aktibidad ng pamilya ay maaaring maganda para sa mga bata, ngunit hindi ito laging maganda kaysa makipagsarilinan sa isang mapagmahal na magulang” (“Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 105–6).

  • Paano makatutulong ang karanasan ng mag-amang ito sa atin upang maunawaan ang kahalagahan ng “kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan” sa isang pamilya?

  • Paano makapagtutulungan ang isang pamilya para mas maging kapaki-pakinabang ang mga gawaing panlibangan?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga grupo na ibahagi ang buod ng kanilang talakayan sa buong klase.

Tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pagpapakita ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Yamang ‘walang tagumpay na maka[pu]puno sa pagkukulang’ [sa ating pamilya], dapat nating unahin ang ating pamilya. Nagtatatag tayo ng malalim at mapagmahal na ugnayan ng pamilya sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng bagay, tulad ng pagkain nang sabay-sabay, pagdaraos ng family home evening, at sama-samang pagsasaya. Sa ugnayan ng pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras. Ang pagkakaroon ng oras sa bawat isa ay ang susi sa pagkakasundo sa tahanan” (“Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 21–22).

  • Makapagbabahagi ba kayo ng isang karanasan kung saan ang magulang o iba pang miyembro ng pamilya ay nag-ukol ng makabuluhang oras sa inyo?

Itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi ng kanilang naisip o patotoo tungkol sa kung paano mapagpapala ang mga pamilya ng alinman sa mga katangiang nakalista sa pisara.

Deuteronomio 6:4–7; Doktrina at mga Tipan 134:5–6; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12

Ang tungkulin ng mga magulang na turuan ang mga anak

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang ikaanim na talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na inaalam ang mga partikular na bagay na dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak bilang bahagi ng kanilang banal na tungkulin na turuan ang kanilang mga anak. Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang mga sumusunod:

Mahalin at paglingkuran ang isa’t isa

Sumunod sa mga kautusan ng Diyos

Maging masunurin sa batas

Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Ang mga magulang ay inuutusang turuan ang kanilang mga anak na magmahalan at paglingkuran ang isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan.

Ipabuklat sa mga estudyante ang Deuteronomio 6. Ipaliwanag na nakatala sa kabanatang ito ang mga tagubilin ni Moises sa mga anak ni Israel tungkol sa kung paano susundin ang mga kautusan. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Deuteronomio 6:4–7 at iangkop ang mensahe sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paghahalili ng kanilang sariling pangalan tuwing nababanggit sa talata ang “mo” o “iyo.”

  • Paano nakakaapekto ang paghalili ng inyong sariling pangalan sa pag-unawa ninyo sa mga talatang ito?

  • Ayon sa talata 7, gaano kadalas dapat magturo ang mga magulang sa kanilang mga anak?

Ituro ang pariralang “mahalin at paglingkuran ang isa’t isa” sa pisara. Talakayin ang ibig sabihin ng pariralang ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan at pagtatanong ng mga sumusunod:

Pangulong James E. Faust

“Halos araw-araw ay nagkakaroon ng oportunidad na magsagawa ng di-makasariling paglilingkod para sa iba. Ang ganitong mga pagkilos ay walang limitasyon at maaaring maging simple tulad ng isang pagpuri, pagtulong, o magiliw na ngiti” (“Ano ang Mapapala Ko Diyan?” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 21–22).

  • Gaano karami ang oportunidad ninyo bawat araw na mahalin at paglingkuran ang mga miyembro ng inyong pamilya?

  • Ano ang magagawa ninyo upang maging mas priyoridad ninyo ang paglilingkod sa mga miyembro ng inyong pamilya?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para mapag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang mapaglingkuran nang mas mabuti ang mga miyembro ng kanilang pamilya at magpakita ng pagmamahal sa kanila.

Ituro ang pariralang “sumunod sa mga kautusan ng Diyos” sa pisara, at itanong:

  • Bakit ang mga magulang dapat ang may pangunahing tungkulin na magturo sa kanilang mga anak ng mga kautusan ng Diyos?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Sister Susan W. Tanner, dating Young Women general president. Ipaliwanag na sa mensaheng ito, ginunita ni Sister Tanner ang payo na ibinigay niya sa isa sa kanyang mga anak na babae na kakakasal pa lamang noon at nagsisimulang bumuo ng kanyang sariling pamilya:

Susan W. Tanner

“Pagmasdan ang halimbawa sa tahanan ng iyong mga lolo at lola. Kapwa pinalaki ng mga lolo at lola mo [na mga magulang ko at magulang ng iyong ama] ang kanilang “mga anak sa liwanag at katotohanan’ (D at T 93:40). Ang tahanan [na kinalakhan ng iyong ama] ay isang bahay ng pag-aaral. Kanyang binanggit sa serbisyo ng paglilibing ng kanyang ama na hindi siya kailanman natuto ng alituntunin sa ebanghelyo sa pagpupulong sa Simbahan na hindi niya naunang natutuhan sa sarili niyang tahanan. Karugtong ang Simbahan ng kanyang tahanan” (“Nasabi Ko Ba sa Iyo … ?” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 73).

  • Paano kayo makapaghahanda na magkaroon ng isang bahay ng pag-aaral—tulad ng inilarawan ni Sister Tanner—para sa inyong pamilya? Ano ang maaaring maisip ninyo kung ganito ang sasabihin ng magiging mga anak ninyo tungkol sa tahanang kinalakhan niya?

Ituro ang pariralang “maging masunurin sa batas” sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 134 ang isang “pahayag ng paniniwala tungkol sa mga pamahalaan at batas” (heading ng bahagi 134). Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng bahaging ito sa pagsasabi sa isang estudyante na basahin nang malakas ang section heading. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 134:5–6 at sa isa pa ang ikalabindalawang saligan ng pananampalataya. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga batas ng lupain.

  • Anong mga turo tungkol sa mga pamahalaan at mga batas ng lupain ang pinakanapansin ninyo? (Para sa karagdagang tagubilin, maaari mong sabihin sa mga estudyante na basahin at i-cross-reference ang Doktrina at mga Tipan 58:21 at 98:4–6.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na ang tahanan ang pangunahing lugar para sa mga bata na matutong sumunod sa mga batas ng lupain?

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Neal A. Maxwell

“Kapag ang pagtuturo ng mga magulang ay nabawasan, ang pangangailangang magbantay ay tumataas. Laging magkukulang ng mga pulis kung kulang ng mahuhusay na mga magulang! Gayon din, magkukulang ng mga bilangguan kung kulang ang mabubuting tahanan” (“Take Especial Care of Your Family,” Ensign, Mayo 1994, 89).

  • Sa palagay ninyo, paano matuturuan ng mga magulang ang mga anak na sundin ang mga batas ng lupain?

  • May kakilala ba kayo na tapat na sumusunod at nagpapakita ng paggalang sa mga batas ng lupain at sa mga opisyal ng pamahalaan? Ano sa inyong palagay ang magiging epekto ng pag-uugaling ito sa mga anak ng taong iyan?

Hikayatin ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang sandali sa darating na mga araw na pag-isipang mabuti ang mga alituntunin na dapat ituro ng mga magulang upang magkaroon ng matagumpay na pamilya. Sabihin sa kanila na gumawa ng mga plano kung paano nila masusunod ang mga alituntuning ito sa kanilang buhay ngayon at gawin ito sa kanilang magiging pamilya sa hinaharap.

Mga Babasahin ng mga Estudyante