Seminaries and Institutes
Lesson 25: Manampalataya sa mga Panahong Dumaranas ng Mahihirap na Kalagayan ang Pamilya


25

Manampalataya sa mga Panahong Dumaranas ng Mahihirap na Kalagayan ang Pamilya

Pambungad

Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” na ang “pagkakaroon ng kapansanan, ang kamatayan, o iba pang kalagayan [ng pamilya] ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa. Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan” (Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Kapag may dumating na mahihirap na kalagayan, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay ng pananaw at lakas para makagawa ng mga kinakailangang pagbabago.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 40–47.

  • “Strengthening the Family: Adapting to Circumstances,” Ensign, Dis. 2005, 34–35.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

1 Nephi 16:34–39; 17:1–4

Pag-akma sa mahihirap na kalagayan ng pamilya

Simulan ang klase sa pagpapaliwanag na ang mga lider ng Simbahan sa pangkalahatan ay nagtuturo sa atin kung paano makakamit at mapapanatili ang pinakamabuti para sa atin—kabilang na ang huwarang pagsasama ng mag-asawa at pamilya. Gayunman, sa ilang pagkakataon, ang mga sitwasyon sa buhay ay nakahahadlang sa atin sa pagkakamit ng mithiing iyan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Sa pamamagitan ng naipanumbalik na ebanghelyo, natutuhan natin na mayroong isang huwarang pamilya. Ito ay isang pamilyang binubuo ng matwid na maytaglay ng [Melchizedek Priesthood] na may matwid na asawang ibinuklod sa kanya at mga anak na isinilang sa tipan o naibuklod sa kanila. May inang namamalagi sa tahanan sa isang kapaligirang may pagmamahalan at paglilingkod, tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak, sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin, ng mga pamamaraan ng Panginoon at ng Kanyang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang banal na hirang na mga tungkuling binanggit sa pagpapahayag ng mag-anak. Nagkakaisip ang kanilang mga anak sa pamumuhay ng mga aral na ikinintal mula sa pagsilang. Nagkakaroon sila ng mga katangian ng pagsunod, paninindigan, pag-ibig sa Diyos, at pananalig sa Kanyang Banal na plano.” (“Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay, ” Liahona, Hulyo 2001, 7).

  • Ano ang ilang pangyayari o sitwasyon na maaaring makahadlang sa atin, kahit sandali, sa pagkakaroon ng isang magandang sitwasyon ng pamilya? (Maaaring kasama sa mga sagot ang sumusunod: kamatayan, kapansanan, diborsyo, kawalan ng kakayahang magkaanak, kawalan ng trabaho, at mga magulang na may maraming trabaho.)

  • Sabihin sa mga estudyante na basahin ang ikapitong talata ng pagpapahayag tungkol sa pamilya, at alamin kung ano ang inaasahan ng Ama sa Langit na gawin atin kung hindi maganda ang sitwasyon ng ating pamilya:

“Ang pagkakaroon ng kapansanan, ang kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa. Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129).

Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga uri ng pag-aakma na maaaring kinakailangang gawin ng pamilya kapag may mga dumating na pagsubok o problema:

“Sa isang perpektong daigdig lahat ng adult ay magiging maligaya sa buhay may-asawa, lahat ng mag-asawa ay bibiyayaan ng mga anak, at lahat ng miyembro ng pamilya ay magiging malusog, masunurin, at nagtutulungan sa isa’t isa. Ngunit ang buhay ay hindi perpekto. Bawat tao ay dumaranas ng paghihirap, at walang pamilya sa buhay na ito ang walang problema. …

“Ang karamdaman, kapansanan, kamatayan, diborsyo, at iba pang nakaliligalig na mga kadahilanan ay maaaring lumikha ng mga problema. Sa ganitong mga sitwasyon, maaaring kinakailangang ‘[may pagbabago]’ sa mga takdang tungkulin ng bawat isa. Maaaring kinakailangang gawin ng isang ama ang karagdagang gawain sa bahay at pag-aalaga sa mga anak, o ang isang inang nag-aasikaso sa pamilya ay kailangang magtrabaho para kumita. Maging ang mga anak ay kailangan tumanggap ng mga bagong responsibilidad.

“Kapag may nangyayaring problema, kinakailangan ding tumulong ang mga kamag-anak. Ang pagsuporta ay maaaring pagbibigay ng tulong-pinansyal o kaya’y pagbibigay ng oras sa pag-aalaga ng mga anak, pagtulong sa mga gawaing-bahay, o pag-aalaga sa maysakit o may kapansanang miyembro ng pamilya. Ang dami o laki ng pagtulong ng mga kamag-anak ay depende sa sitwasyon at mga pangangailangan ng pamilya” (“Strengthening the Family: Adapting to Circumstances,” Ensign, Dec. 2005, 34–35).

  • Ano ang ilang pagbabago na maaaring kailangang gawin ng mga pamilya o indibiduwal kapag may mga problemang dumating?

  • Ano ang ilang bagay na nakita ninyong ginawa ng mga pamilya o indibiduwal para makaakma at manatiling matatag kapag humaharap sa mahihirap o nakaliligalig na mga sitwasyon?

  • Kailan kayo nakakita ng mga kamag-anak na nagbigay ng tulong at suporta kapag kailangan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Merrill J. Bateman ng Pitumpu. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi ni Elder Bateman na makatutulong sa mga pamilya na dumaranas ng mahihirap na kalagayan.

Elder Merrill J. Bateman

“Ang mga pagsubok at paghihirap ay maraming anyo: ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, isang kasal na naiiba kaysa sa inaasahan, hindi nakapag-asawa, diborsyo, isang anak na isinilang na may kapansanan, walang anak, nawalan ng trabaho, mga magulang na nakagawa ng mga pagkakamali, suwail na anak, mahinang kalusugan. Walang katapusan ang listahan. Bakit hinahayaan ng Diyos na may puwang sa Kanyang plano ang kabiguan, pasakit, pagdurusa, at kamatayan? …

“Ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan, sa buhay bago tayo isinilang, sa buhay sa lupa, at sa kabilang buhay ay nagbibigay ng pananaw” (“Living a Christ-Centered Life,” Ensign, Ene. 1999, 13).

  • Paano inihahanda ng pag-unawa sa plano ng Diyos ang mga pamilya na humarap sa mga pagsubok? (Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang pag-unawa sa plano ng Panginoon ay nagtutulot sa mga pamilya na harapin ang mga pagsubok sa daigidig nang may higit na pananampalataya at walang hanggang pananaw.)

  • Paano tayo nabibigyan ng pananaw ng ebanghelyo ng higit na tapang na mag-adjust o gawin ang isang bagong responsibilidad sa ating mga pamilya kapag kinakailangan?

Itanong sa mga estudyante kung may naisip ba silang anumang pamilya sa mga banal na kasulatan na naharap sa pagsubok at nakatanggap ng tulong mula sa Diyos upang makayanan o matiis ang mga pagsubok na iyon. Ipaalala sa mga estudyante ang mga pamilya nina Lehi at Ismael, na naglakbay sa ilang matapos lisanin ang Jerusalem. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang ilan sa mga pagsubok o hamon na maaaring naranasan ng mga pamilyang ito sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang mga naisip nila.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 16:34–39 at 17:1–4. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga halimbawa kung paano tumugon ang iba’t ibang miyembro ng pamilya nina Lehi at Ismael sa mga pagsubok o hamong kinaharap nila.

  • Sa inyong palagay, bakit nakapagtiis ang ilang miyembro ng pamilya nina Lehi at Ismael nang may pananampalataya at tiwala sa Diyos, samantalang ang iba ay bumulung-bulong dahil sa kanilang paghihirap?

  • Sa paanong mga paraan ninyo nakita na pinagpala ng kaalaman at patotoo tungkol sa ebanghelyo ang mga pamilya na dumaranas ng mga pagsubok o problema?

Kung hinikayat ng Espiritu at kinakailangan ng mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

“Sa buong buhay ninyo sa lupa, pagsumikapang hangarin ang mga pangunahing layunin ng buhay na ito sa pamamagitan ng huwarang pamilya. Bagama’t maaaring hindi pa ninyo naaabot ang mithiing iyon, gawin ang lahat ng makakaya ninyo sa pamamagitan ng pagsunod at [pananampalataya] sa Panginoon upang patuloy na mas mapalapit nang husto roon hangga’t kaya ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan kayo ng anuman [sa pagkamit ng mithiing iyan]. … Huwag kayong gagawa ng anumang gagawin kayong di marapat para dito. Kung naglaho [na sa inyo ang mithiing magkaroon ng kasal na walang hanggang], buhayin itong muli. Kung nangangailangan ng tiyaga ang inyong pangarap, ibigay ito” (“Unahin ang Mas Mahahalagang Bagay,” 7).

Mga Kawikaan 3:5–6; Mateo 11:28–30; Mosias 24:8–16; Doktrina at mga Tipan 121:7–8

Kapag lumapit tayo kay Cristo, palalakasin Niya tayo

Ipaalala sa mga estudyante ang tala sa Aklat ni Mormon kung saan si Alma at ang kanyang mga tao ay tumakas mula sa hukbo ni Haring Noe at nagtatag ng isang matwid na lungsod. Matapos mamuhay nang mapayapa nang ilang panahon, nakita si Alma at kanyang mga tao ng isang hukbo ng mga Lamanita, na umalipin sa kanila. Nang nanampalataya at nagtiis si Alma at ang kanyang mga tao, pinagaan ng Panginoon ang kanilang mga pasanin at sa huli ay pinalaya mula sa pagkaalipin.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mosias 24:8–16. Sabihin sa klase na ilarawan sa isipan kung paano maaaring nakaapekto ang mga paghihirap na tinukoy sa mga talatang ito sa pamilya ni Alma at sa kanyang mga tao. (Pansinin na ang paglalarawan sa isipan ay isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na makatutulong para maging mas makatotohanan at mas malinaw ang mga pangyayari sa mga nagbabasa.) Ipahanap din sa klase kung ano ang mga ginawa ni Alma at ng kanyang mga tao upang matiis ang kanilang mga paghihirap.

  • Matapos ilarawan sa isip ang mga pangyayari sa mga talatang ito, paano kaya nakaapekto sa mga pamilya ang mga sitwasyon nila?

  • Ano ang ginawa ng mga tao ni Alma para makamtan ang tulong ng Panginoon? (Bagama’t maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang mahahalagang alituntunin, bigyang-diin ang sumusunod: Kapag tayo ay nanampalataya at nagtiis sa ating mga paghihirap at nagsumamo sa Diyos, palalakasin Niya tayo upang makayanan ang ating mga pasanin nang may kagaanan.)

  • Sa inyong palagay, paano sila pinalakas ng Panginoon upang “mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag, kung saan nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa nangyari sa mga tao ni Alma:

Elder David A. Bednar

“Ano ang binago sa sitwasyong ito? Hindi ang pasanin ang binago; ang mga hamon at paghihirap na dulot ng pag-uusig ay hindi kaagad inalis sa mga tao. Ngunit si Alma at ang kanyang mga tao ay pinalakas, at dahil sa nag-ibayo nilang kakayahan at lakas gumaan ang kanilang mga pasanin. Ang mabubuting taong ito ay napalakas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala na kumilos sa sarili nila at naapektuhan ang kanilang kasalukuyang sitwasyon. At ‘sa lakas ng Panginoon’ si Alma at kanyang mga tao ay ginabayan na makaligtas tungo sa lupain ng Zarahemla” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 44).

  • Bakit mahalagang maunawaan na hindi palaging inaalis ng Panginoon ang mga pasanin ng bawat tao at pamilya, hindi inaalis ang ating mga pagsubok, o pinararanas sa atin ang perpektong mga kalagayan?

  • Sa paanong mga paraan tayo pinalalakas ng ating kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na kumilos nang may pananampalataya kapag humarap tayo sa mahihirap na sitwasyon ng pamilya?

Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Steven E. Snow ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Steven E. Snow

“Ang pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng walang hanggang pananaw. Sa gayong pananaw, hindi lamang natin iniisip ang buhay na ito ngayon kundi maging ang pangako ng mga kawalang-hanggan” (“Pag-asa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 54).

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga talatang ito at tukuyin ang mga pangakong ginawa sa mga taong tapat na tinitiis ang mga pagsubok:

Mga Kawikaan 3:5–6

Mateo 11:28–30

Doktrina at mga Tipan 121:7–8

  • Paano makatutulong sa pamilyang dumaranas ng mga pagsubok ang pag-alaala sa mga pangakong ito?

Sa pagtapos mo sa lesson na ito, sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon kung saan, sa kabila ng paghihirap, ang kanilang pamilya ay napalakas ng pananampalataya sa Diyos o pinagpala dahil sa kanilang kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo. Anyayahan ang sinumang estudyante na gustong magbahagi ng mga angkop na karanasan sa klase. Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang journal ang patotoo nila kung paano pinagpala at pinalakas ng Diyos ang kanilang mga pamilya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante