Seminaries and Institutes
Lesson 21: Pagpapalaki ng mga Anak sa Pagmamahal at Kabutihan


21

Pagpapalaki ng mga Anak sa Pagmamahal at Kabutihan

Pambungad

“Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Tumutulong ang mga magulang na maisakatuparan ang tungkuling ito kapag ipinapahayag nila ang kanilang pagmamahal at patotoo sa salita at sa gawa at kapag regular silang nagdaraos ng family home evening, nagdarasal bilang pamilya, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Richard G. Scott, “Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 92–95.

  • Jeffrey R. Holland, “Isang Dalangin para sa mga Bata,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 85–87.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 15:11–20; Mga Taga Efeso 6:4

Ang responsibilidad ng mga magulang na mahalin at alagaan ang kanilang mga anak

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Russell M. Nelson

“Noong ang aking pinakabatang anak na babae ay humigit-kumulang sa apat na taong gulang, umuwi akong gabing-gabi na galing sa pagtatrabaho sa ospital. Nadatnan ko ang mahal kong maybahay na pagod na pagod. … Kaya’t ako na ang nag-aasikaso sa aming apat-na-taong-gulang sa pagtulog. Nagsimula akong mag-utos: ‘Hubarin mo ang damit mo; isampay mo ang mga ito; isuot mo ang pajama mo; magsipilyo ka; magdasal ka’ at iba pa, nag-uutos sa paraang naaangkop sa isang istriktong sarhento sa hukbo. Bigla niyang ibinaling ang kanyang ulo, tiningnan ako nang may nag-uusisang mata, at sinabi, ‘Itay, pag-aari ba ninyo ako?’

“Tinuruan niya ako ng mahalagang aral. … Hindi, hindi natin pag-aari ang ating mga anak. Ang pribilehiyo natin bilang mga magulang ay mahalin, patnubayan, at hayaan silang magpasiya para sa kanilang sarili” (“Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 22).

  • Anong alituntunin ang itinuro ni Elder Nelson gamit ang karanasang ito? (Ang mga magulang ay may pribilehiyong mahalin at patnubayan ang kanilang mga anak.)

Basahin o ipakita ang sumusunod mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, at sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mahahalagang salita at parirala: “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. … Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Itanong sa mga estudyante kung anong mahahalagang salita ang pinakanapansin nila at kung bakit. Kung kailangan, itanong:

  • Sa inyong palagay, bakit ginamit ang salitang “banal” para mailarawan ang mga responsibilidad at tungkulin ng mga magulang?

Sabihin sa mga estudyante na itinuro ng Tagapagligtas ang isang talinghaga na nagpapakita kung paano patuloy na nagtitiwala sa kanyang pamilya ang isang batang pinalaki sa pagmamahal. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 15:11–20, na naghahanap ng katibayan na alam ng alibughang anak na mahal siya ng kanyang ama. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ama sa talinghagang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

“Sa talinghaga ng alibughang anak, may mabisang aral para sa pamilya at lalo na sa mga magulang. Matapos ‘makapagisip’ [Lucas 15:17] ang bunso, nagpasiya itong umuwi.

“Paano niya nalamang hindi siya itatakwil ng kanyang ama? Dahil kilala niya ang kanyang ama. Sa mga di-maiwasang pagtatalo, pag-aaway, at kalokohan ng kanyang kabataan, naiisip kong naroon ang kanyang ama na may maunawain at mahabaging puso, may malumanay na sagot, nakikinig na tainga, at yakap na nagpapatawad. Nakikita ko rin na parang alam ng kanyang anak na makakauwi siya dahil alam niya ang uri ng tahanang naghihintay sa kanya” (“Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 90).

  • Anong pagpapakita ng pagmamahal mula sa ama ang tinukoy ni Elder Hales? Ano ang iba pang mga ginagawa ng mga magulang na humahantong sa pagkakaroon ng mapagmahal at mapagmalasakit na pamilya? (Maaari mong gamitin ang Mga Taga Efeso 6:4 bilang karagdagan sa talakayan sa klase para sa tanong na ito.)

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga magulang na nagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga anak?

  • Ano ang ginagawa ninyo ngayon para makapaghandang mahalin at pangalagaan ang inyong magiging mga anak balang araw?

Doktrina at mga Tipan 68:25–28; 93:36–40

Pagpapalaki ng mga anak sa kabutihan

Ipakita sa mga estudyante ang larawan ng isang batang musmos, marahil ang iyong sariling anak.

  • Ano ang mahahalagang turo na kailangan ng isang anak para espirituwal na umunlad?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito habang pinag-aaralan at inihahambing nila ang mga turong matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 93:36–40 at 68:25–28. (Paunawa: “Ang isang talata ng banal na kasulatan o ang isang doktrina o alituntunin ay madalas lumilinaw kapag inihambing ito” sa isa pang talata ng banal na kasulatan [Gospel Teaching and Learning (2012),22].)

  • Anong alituntunin hinggil sa mga responsibilidad ng mga magulang ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito? (Bagama’t maaaring gumamit sila ng iba’t ibang salita, dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Sinusunod ng mga magulang ang utos ng Tagapagligtas kapag pinapalaki nila sa liwanag at katotohanan ang kanilang mga anak. Ipaliwanag na sa konteksto ng mga talatang ito, ang “liwanag” ay tumutukoy sa espirituwal na kaalaman at pag-unawa sa mabubuting alituntunin.)

  • Bakit mahalaga para sa mga magulang na turuan ang mga anak ng mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan?

Upang matulungan sa pagsagot ng tanong na ito, basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong Boyd K. Packer

“Binabanggit ng banal na kasulatan ‘ang kalasag ng pananampalataya at sa pamamagitan nito,’ sabi ng Panginoon, ‘masusubuhan ninyo ang lahat ng nag-aapoy na sibat ng masama’ (D at T 27:17).

“Ang kalasag na ito ng pananampalataya ay mainam na nagagawa sa tahanan. Bagamat maaaring pakinisin ang kalasag sa mga klase sa Simbahan at mga aktibidad, nilayon itong gawin sa tahanan para [umangkop] sa bawat indibiduwal” (“Huwag Matakot,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 79).

  • Paano ninyo nakita ang mga magulang na mabisang itinuro sa kanilang mga anak ang mabubuting alituntunin na gumabay sa kanila patungo sa liwanag at katotohanan?

  • Anong resulta ang binanggit sa Doktrina at mga Tipan 68:25 para sa mga magulang na alam ang ebanghelyo ni Jesucristo subalit hindi nagawang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang mga anak? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang sumusunod na alituntunin: Ang mga magulang na nakaaalam ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mananagot sa Diyos kung hindi nila ituturo sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo.)

Ipaliwanag na paulit-ulit na tinukoy ng mga lider ng Simbahan ang mabubuting gawain na dapat isagawa ng mga magulang sa kanilang tahanan upang maituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

handout, Mga Pagpapala ng Pagdarasal ng Pamilya, Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya, at Family Home Evening

Ibigay sa bawat estudyante ang handout na matatagpuan sa katapusan ng lesson, at basahin ang mga instruksyon sa handout. Matapos ang sapat na oras at kapag hinikayat ng Espiritu Santo, itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano kayo natulungan ng tatlong gawaing ito ng pamilya?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang makagawian ang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdaraos ng family home evening bago kayo mag-asawa at magsimula sa pagkakaroon ng mga anak?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na mayroon pang ibang mga lugar kung saan matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng mga alituntunin ng ebanghelyo, ibahagi ang mga sumusunod na pahayag nina Elder David A. Bednar at Elder Jeffrey R. Holland:

Elder David A. Bednar

“Dapat na maging mapagbantay at espirituwal na masigasig ang mga magulang sa biglaang nagsusulputang pagkakataon na magpatotoo sa kanilang mga anak. Ang gayong mga pangyayari ay hindi kailangang planuhin, iiskedyul, o isulat. Sa katunayan, ang di gaanong pinlanong pagbabahagi ng patotoo ay mas malamang na makapagpasigla at magkaroon ng matagalang epekto. …

“Halimbawa, ang nagaganap na pag-uusap ng pamilya sa hapunan ay maaaring perpektong sitwasyon para sa mga magulang na ikuwento at patotohanan ang mga biyayang kanilang natanggap na may kaugnayan sa mga ginawa nila sa araw na iyon” (David A. Bednar, “Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 42).

Elder Jeffrey R. Holland

“Ipamuhay ninyo ang ebanghelyo hangga’t kaya ninyo. Tuparin ang mga tipang alam [ng mga anak ninyo na] ginawa ninyo. Magbigay ng basbas ng priesthood. At magpatotoo! Huwag ninyong akalain na basta na lang matututuhan ng mga anak ninyo ang mga pinaniniwalaan ninyo. …

“… Alam ba ng ating mga anak na mahal natin ang mga banal na kasulatan? Nakikita ba nilang binabasa natin ang mga iyon at minamarkahan at inaasahan araw-araw sa ating buhay? Nangyari na bang di sinasadyang binuksan ng mga anak natin ang pinto at nakita tayong nagdarasal? Narinig na ba nila tayong nanalangin di lang nang kasama sila kundi para sa kanila dahil mahal natin sila bilang [kanilang] mga magulang? Alam ba ng mga anak natin na naniniwala tayo sa pag-aayuno … ? Alam ba nila na gustung-gusto nating nasa templo … ? Alam ba nila na mahal at sinusuportahan ninyo ang pangkalahatan at lokal na mga pinuno, hindi man sila perpekto … ? Alam ba ng mga anak na ito na mahal natin ang Diyos nang buong puso at umaasam na makita ang mukha—at yumukod sa paanan—ng Kanyang Bugtong na Anak? Dalangin ko na sana’y alam nila ito” (Jeffrey R. Holland, “Isang Dalangin para sa mga Bata,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 86–87).

  • Paano ginamit ng inyong mga magulang o ng iba pang mga magulang ang mga di-inaasahang pagkakataong ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo?

  • Bakit mahalagang ipakita ng mga magulang na ipinamumuhay nila ang ebanghelyo?

  • Ano ang ginagawa ninyo ngayon upang mapalalim ang inyong kaalaman tungkol sa ebanghelyo para maituro ninyo sa inyong mga anak ang liwanag at katotohanan?

Magpatotoo na “[mapalalaki ng mga magulang] ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan” sa pamamagitan ng paggabay sa kanila pabalik sa kanilang Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, pagtuturo sa kanila ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at pagpapakita ng mabuting halimbawa.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Handout

handout, Mga Pagpapala ng Pagdarasal ng Pamilya, Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya, at Family Home Evening

Mga Pagpapala ng Pagdarasal ng Pamilya, Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya, at Family Home Evening

Manwal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 21

Habang binabasa ninyo ang mga sumusunod na turo ng mga lider ng Simbahan, salungguhitan ang mga pagpapalang nagmumula sa araw-araw na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya at lingguhang family home evening.

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Mga magulang, tumulong na protektahan ang inyong mga anak sa umaga at gabi sa pagbibigay sa kanila ng sandata ng kapangyarihan ng panalangin ng pamilya. … Protektahan ang inyong mga anak mula sa araw-araw na mga makamundong impluwensya sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanila gamit ang makapangyarihang mga pagpapalang nagmumula sa panalangin ng pamilya. Ang panalangin ng pamilya ay dapat ninyong unahin palagi sa inyong buhay araw-araw.

“… Gawing mahalagang bahagi ng buhay araw-araw [ang mga banal na kasulatan]. Kung nais ninyong makilala, maunawaan, at sundin ng inyong mga anak ang mga pahiwatig ng Espiritu, dapat ninyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan na kasama sila. … Sa araw-araw at patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makasusumpong kayo ng kapayapaan sa kaligaligang nakapaligid sa inyo at ng lakas na labanan ang mga tukso. Magkakaroon kayo ng malakas na pananampalataya sa biyaya ng Diyos at malalaman ninyo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maitatama ang lahat ayon sa takdang panahon ng Diyos” (“Unahin Ninyong Manampalataya,” Ensign or Liahona, Nob. 2014, 93–94).

Itinuro ni Sister Linda S. Reeves ng Relief Society general presidency:

“Dapat akong magpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal at family home evening linggu-linggo. Ang mga kaugaliang ito mismo ang tumutulong para maalis ang pagkabalisa, nagbibigay ng patnubay sa ating buhay, at nagdaragdag ng proteksyon sa ating mga tahanan” (“Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 16–17).

Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Ang mga panalangin ng pamilya ang pinakamalaking hadlang sa kasalanan, at dahil dito, ang panalangin ang pinakaepektibo sa pagbibigay ng kagalakan at kaligayahan” (“Hallmarks of a Happy Home,” Ensign, Nob. 1988, 69).

Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang naranasan ninyo sa inyong pamilya o nakita sa iba pang mga pamilya?

  • Ano ang magagawa ninyo ngayon para mas lubos na matanggap ang mga pagpapalang ito?