12
Mga Ordenansa at mga Tipan sa Templo
Pambungad
Ipinahayag ng mga propeta sa mga huling araw, “Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa mundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 129). Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante na sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay matatamo nila ang mga banal na pagpapala sa buhay na ito at makakamtan ang buhay na walang hanggan.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Boyd K. Packer, “Ang Banal na Templo,” Liahona, Okt. 2010, 29–35.
-
D. Todd Christofferson, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 19–23.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Doktrina at mga Tipan 97:10–17; 109:12–21; 124:37–40, 55
Mga layunin ng mga templo
Ipakita sa klase ang larawan ng iyong paboritong templo, at sabihin kung bakit ito ang paborito mo.
-
Bakit tayo may mga templo?
Upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito, isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang isa sa mga scripture passage, na inaalam ang mga dahilan kung bakit naglaan ang Ama sa Langit ng mga templo:
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit naglaan ang Ama sa Langit ng mga templo? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ipaunawa sa kanila ang sumusunod na alituntunin: Naglaan ang Ama sa Langit ng mga templo para matanggap ng Kanyang mga anak ang mahahalagang ordenansa at kaalaman at maihanda sila na manirahan sa Kanyang kinaroroonan.)
-
Anong mga parirala sa mga talatang ito ang nagtuturo na tumutulong ang templo upang makapaghanda tayo na manirahan sa piling ng Diyos?
Sabihin sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 109 ay naglalaman ng panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 109:12–21 at ilista ang mga paraan kung paano tayo inihahanda ng templo para makapanahan sa piling ng Diyos.
-
Ayon sa mga talatang ito, paano tayo inihahanda ng templo na manirahan sa piling ng Diyos? (Maaaring imungkahi ng mga estudyante ang sumusunod: madarama natin ang kapangyarihan ng Panginoon, matututo ng karunungan, at matatanggap ang kaganapan ng Espiritu Santo sa mga templo; hinihikayat tayong magsisi kaagad sa templo; at kinakailangang malinis tayo kapag pumasok tayo sa templo. Kung may oras pa, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Exodo 19:10–14, na naglalarawan kung paano sinikap ni Moises na pisikal at espirituwal na ihanda ang Israel upang makapasok sa presensya ng Panginoon.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Pangulong Brigham Young (1801–1877):
“Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga kailangang ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay ginagabayan tayo patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Robert D. Hales, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2009, 48).
“Ang inyong endowment [sa templo] ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik na muli kayo sa piling ng Ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 339).
-
Paano nakatutulong ang mga pahayag na ito upang mapahalagahan ninyo ang pagtangap ng mga ordenansa sa templo?
Doktrina at mga Tipan 84:19–21
Ang mga ordenansa ng priesthood na natanggap natin sa mga templo ay tumutulong sa atin na maging higit na katulad ng Diyos
Ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Sa Simbahan, ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang ilang ordenansa ay mahalaga sa ating kadakilaan. Ang mga ordenansang ito ay tinatawag na nakapagliligtas na mga ordenansa. Kabilang dito ang binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), endowment sa templo, at pagbubuklod ng kasal” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 90).
-
Paano naiiba ang “nakapagliligtas na mga ordenansa” sa iba pang mga ordenansa ng ebanghelyo? (Ang iba pang mga ordenansa, tulad ng pagbabasbas ng mga sanggol at pagbabasbas sa mga maysakit, ay hindi kailangan para sa kadakilaan.)
Bago magpatuloy, ipaliwanag na ang ilang nakapagliligtas na mga ordenansa, tulad ng binyag at ordinasyon sa Melchizedek Priesthood, ay isinasagawa bago tayo tumanggap ng mga ordenansa sa templo; gayunman, ang bahaging ito ng lesson ay nakatuon sa nakapagliligtas na mga ordenansa na isinasagawa sa templo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:19–21. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang matatanggap natin kapag nakikibahagi tayo sa mga ordenansang pinangangasiwaan ng Melchizedek Priesthood.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng katagang “kapangyarihan ng kabanalan”? (Maaari mong ipaliwanag na ang “kapangyarihan ng kabanalan” ay ang kakayahang maging banal o katulad ng Diyos.)
-
Paano ninyo ihahayag ang isang alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 84:20–21? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Sa pamamagitan ng mga ordenansa at mga tipan sa templo, tayo ay magiging higit na katulad ng Diyos.)
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo kung paano tumutulong sa atin ang pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo upang higit tayong maging katulad ng Diyos.
“Ang mga pinakadakilang pagpapala ng priesthood na para sa [mga kabataang lalaki o babae] ay matatagpuan sa templo. Doon, masisilip nila ang langit. … Ang mga kagalakan ng kawalang-hanggan, na tila napakalayo sa labas ng templo, ay biglang tila abot-kamay na.
“Sa templo, ang plano ng kaligtasan ay ipinapaliwanag at ang mga sagradong tipan ay ginagawa. Ang mga tipang ito, kabilang ang pagsusuot ng sagradong mga temple garment, ay nagpapalakas at nagpoprotekta sa taong tumanggap ng endowment laban sa kapangyarihan ng kaaway. …
“Sa pinakasukdulang ordenansa sa templo—ang kasal na pangwalang-hanggan—ipinapangako sa magkasintahan, kung sila ay tapat, na magsasama sila bilang pamilya, kasama ang kanilang mga anak, at ang Panginoon sa buong kawalang-hanggan. Tinatawag itong buhay na walang hanggan” (“Blessings of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1995, 34).
Talakayin ang minarkahan ng mga estudyante.
-
Paano kayo napagpala ng pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo sa mga paraang katulad ng inilarawan ni Elder Hales?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para maisulat kung ano ang maaari nilang gawin upang ang pagsamba nila sa templo ay maging mas makabuluhan at mas nakatuon sa pagsisikap nila na maging katulad ng Diyos.
Exodo 19:3–6; Docktrina at mga Tipan 109:22–26
Pagtupad ng mga tipan sa templo
Ipaalam sa mga estudyante na may isa pang mahalagang layunin ang pagsamba sa templo na may kaugnayan sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo. Sabihin sa kanila na pakinggan ang layuning iyon habang ibinabahagi mo ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Pinatototohanan ko na matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang awtoridad ng priesthood na mangasiwa sa mga ordenansa para tayo makapasok sa nagbubuklod na mga tipan sa ating Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Banal na Anak. Pinatototohanan ko na tutuparin ng Diyos ang mga pangako Niya sa inyo kung tutuparin ninyo ang inyong mga tipan sa Kanya”(“Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 22).
-
Kapag tinatanggap natin ang nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo, ano ang pinapasok natin?
Ipakita ang mga sumusunod na pahayag nina Elder David A. Bednar at Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa mga estudyante na alamin ang mahahalagang katangian ng ating mga tipan sa Panginoon:
“Ang tipan ay kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak sa mundo, at mahalagang maunawaan na ang Diyos ang nagpapasiya ng mga kundisyon ng lahat ng tipan ng ebanghelyo. Ikaw at ako ay hindi nagpapasiya sa mga katangian o nilalaman ng tipan. Bagkus, sa paggamit ng ating kalayaan, tinatanggap natin ang mga hinihingi sa mga tipan [na ibinigay] ng ating Ama sa Langit” (David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 28–29).
“Ang tipan ay isang may bisang espirituwal na kasunduan, isang taimtim na pangako sa Diyos na ating Ama na mamumuhay at mag-iisip at kikilos tayo sa isang partikular na paraan—ang pamamaraan ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Bilang kapalit, ipinapangako sa atin ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang ganap na kaluwalhatian ng buhay na walang-hanggan” (Jeffrey R. Holland, “Pagtupad ng mga Tipan: Isang Mensahe para sa mga Magmimisyon,” Liahona, Ene. 2012, 49).
-
Ano ang napansin ninyo sa mga pahayag na ito tungkol sa mga tipan?
-
Bakit mahalaga na ang Diyos ang nagpapasiya ng mga kundisyon ng lahat ng tipan ng ebanghelyo? (Dahil Siya ang nag-aalok sa atin ng buhay na walang hanggan, Siya ang may karapatang magtakda ng mga kundisyon kung paano ito matatanggap. Ang tanging maihahandog natin sa Kanya ay ang ating kalayaan sa pagpili kapag pinili nating sumunod. Bilang bahagi ng talakayang ito, bigyang-diin ang sumusunod: Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa Panginoon, tayo ay pagpapalain sa buhay na ito at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.)
Sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner. Sabihin sa isang estudyante sa mga magkakapartner na pag-aralan ang Exodo 19:3–6 at sa kapartner nila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 109:22–26. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga pagpapalang matatamo ng mga tumutupad ng kanilang mga tipan, lalo na ng mga tipan sa templo. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na ibahagi ang nalaman nila. (Kaugnay ng mga talata ng Exodo, maaari mong tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na sa banal na templong ito tayo nagsisimulang maging karapat-dapat bilang mga hari at mga reyna na balang araw ay magiging isang banal na bansa at mananahan sa piling ng Diyos; tingnan din sa Apocalipsis 1:6; 5:10; 19:16; D at T 76:55–56.)
-
Paano naging pagpapala o proteksyon sa inyo ang mga tipan ninyo sa Panginoon?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
“Kung nagpupunta tayo sa templo itinataas natin ang ating mga kamay at nakikipagtipan na paglilingkuran natin ang Panginoon at susundin ang kanyang mga utos at mananatili tayong walang bahid-dungis mula sa sanlibutan. Kung nauunawaan natin ang ating ginagawa, ang endowment ay magiging proteksyon sa atin habang tayo ay nabubuhay—proteksyong hindi ibibigay sa taong hindi nagpupunta sa templo.
“Narinig kong sinabi ng aking ama [si Pangulong Joseph F. Smith] na sa oras ng pagsubok, sa oras ng tukso, iniisip niya ang mga pangako, ang mga tipang ginawa niya sa Bahay ng Panginoon, at naging proteksyon ang mga iyon sa kanya. … Ang proteksyong ito ay bahagi ng layunin ng mga seremonyang ito. Inililigtas tayo nito ngayon at dadakilain tayo nito sa kabilang-buhay, kung tutuparin natin ang mga ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 268–69).
-
Ano ang mga saloobin o impresyon ang natanggap ninyo sa lesson na ito na nais ninyong ibahagi sa klase?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang buhay ay isang paglalakbay pauwi para sa ating lahat, pabalik sa piling ng Diyos sa Kanyang kahariang selestiyal.
“Ang mga ordenansa at mga tipan ay nagiging mga kredensyal natin para makapasok sa Kanyang kinaroroonan. Ang matanggap ang mga ito nang karapat-dapat ang dapat na maging pinakamithiin natin sa buhay; at napakalaking hamon sa atin na tuparin ang mga ito sa buhay na ito” (“Covenants,” Ensign, Mayo 1987, 24).
Magpatotoo na ang pagtanggap ng mga ordenansa sa templo ay talagang “pinakamithiin natin habang buhay.” Ang mga ordenansa sa templo ay tumutulong sa atin na magkaroon ng mga kredensyal na kinakailangan para makapasok tayo sa kinaroroonan ng Ama sa Langit.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung priyoridad nila ang pagsamba at pagtanggap ng mga ordenansa sa templo sa kanilang buhay. Sabihin sa kanila na isulat kung ano ang magagawa nila para mas mapagtuunan ang mga tipan na ginawa o gagawin nila sa templo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Exodo 19:3–6; Doktrina at mga Tipan 84:19–21; 97:10–17; 109:12–26; 124:37–40, 55.
-
Boyd K. Packer, “Ang Banal na Templo,” Liahona, Okt. 2010, 29–35.