Ginagawa ang Tama sa Tamang Panahon, nang Walang Pagpapaliban
Ang Tagapagligtas…ay nagbigay sa atin ng isang dakilang halimbawa na hindi dapat ipagpaliban ang pagtulong sa mga nagdurusa at nagdadalamhati.
Sa panahong ito maraming tao ang nabubuhay sa kalungkutan at matinding pagkalito. Wala silang mahanap na sagot sa kanilang mga tanong at hindi natutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sa ilan ay nawala ang kahulugan ng kaligayahan at kagalakan. Ipinahayag ng mga propeta na ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan sa pagsunod sa halimbawa at mga turo ni Cristo. Siya ang ating Tagapagligtas, Siya ang ating Guro, at Siya ang perpektong Halimbawa.
Ang Kanyang buhay ay puno ng paglilingkod. Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, tinutulungan natin ang mga nangangailangan. Dahil dito, maaari tayong makahanap ng lunas sa ating mga paghihirap. Sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas, ipinakikita nating mahal natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at tayo’y higit na natutulad sa Kanila.
Binanggit ni Haring Benjamin ang kahalagahan ng paglilingkod, na sinasabing kapag tayo’y “nasa paglilingkod ng [ating] kapwa-tao [tayo] ay nasa paglilingkod lamang ng [ating] Diyos.”1 Bawat isa ay may mga pagkakataong maglingkod at magmahal.
Hiniling ni Pangulong Thomas S. Monson sa atin na “saklolohan” at paglingkuran ang iba. Sabi niya: “Matutuklasan natin na sila na ating pinaglilingkuran, na nadama sa pamamagitan ng ating paggawa ang impluwensiya ng pagmamahal ng Tagapagligtas, ay hindi makakayang maipaliwanag ang pagbabago na dumarating sa kanilang buhay. May paghahangad na makapaglingkod nang tapat, lumakad nang may kapakumbabaan, at mamuhay nang tulad ng Tagapagligtas. Sa pagtanggap ng kanilang espirituwal na paningin, at pagsulyap sa mga pangako ng kawalang-hanggan, ay pinaaalingawngaw nila ang mga salita ng lalaking bulag na pinagaling ni Jesus, na nagsabing, ‘Isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako’y naging bulag, ngayo’y nakakakita ako.’”2
Bawat araw may pagkakataon tayong tumulong at maglingkod—ginagawa ang tama, sa tamang panahon, nang walang pagpapaliban. Isipin ang maraming taong nahihirapang makahanap ng trabaho o yaong maysakit, nalulungkot, na iniisip na nawala na sa kanila ang lahat. Ano ang magagawa ninyo para makatulong? Kunwari’y isang kapitbahay, na nasiraan ng sasakyan sa gitna ng ulan, ang humingi sa inyo ng tulong. Ano ang tamang gawin para sa kanya? Kailan ang tamang oras para gawin ito?
Naaalala ko nang minsang magpunta ang aming pamilya sa downtown Mexico City para bilhan ng damit ang dalawa naming anak. Napakabata pa nila noon. Ang panganay ay halos dalawang taon pa lamang, at ang bunso ay isang taong gulang. Puno ng mga tao ang kalye. Habang namimili kami, na akay-akay ang aming mga anak, sandali kaming tumigil para tingnan ang isang bagay, at hindi namin namalayang nawala na pala ang aming panganay na anak! Hindi namin alam kung paano nangyari, pero hindi na namin siya kasama. Hindi na kami nagsayang pa ng oras, mabilis namin siyang hinanap. Naghanap kami at tinawag siya, na labis ang dalamhati dahil baka mawala na siya sa amin nang tuluyan. Sa aming isipan ay sumasamo kami sa Ama sa Langit na tulungan kami na makita siya.
Ilang sandali pa ay natagpuan namin siya. Naroon siya, walang-muwang na nakatingin sa mga laruan sa bintana ng isang tindahan. Niyakap at hinalikan namin siya, at nangako kaming babantayang mabuti ang aming mga anak para hindi na sila mawalay sa amin. Nalaman namin na sa pagsaklolo sa aming anak, hindi namin kailangang magmiting at magplano. Basta kumilos kami, para hanapin ang nawalang anak. Nalaman din namin na ni hindi alam ng aming anak na nawawala na pala siya.
Mga kapatid, maaaring napakaraming tao, na sa kung anong dahilan, ay hindi na natin makita at hindi nila alam na nawawala na pala sila. Kung ipagpapaliban natin ang pagkilos, baka habang panahon na silang mawala sa atin.
Para sa marami na nangangailangan ng ating tulong, hindi kailangang lumikha ng mga bagong programa o gumawa ng hakbang na kumplikado at magastos. Ang kailangan lamang nila ay ang ating determinasyon na maglingkod—na gawin ang tama sa tamang panahon, nang walang pagpapaliban.
Nang magpakita ang Tagapagligtas sa mga tao sa Aklat ni Mormon, ibinigay Niya sa atin ang isang dakilang halimbawa na hindi dapat ipagpaliban ang pagtulong sa mga nagdurusa at nagdadalamhati. Nang maturuan Niya ang mga tao, nakita Niya na hindi nila kayang unawain ang lahat ng Kanyang mga sinabi. Hinikayat Niya silang umuwi sa kanilang mga tahanan at pag-isipang mabuti ang mga bagay na sinabi Niya sa kanila. Sinabi Niya sa kanila na manalangin sa Ama at ihanda ang kanilang sarili na bumalik kinabukasan, pagbalik Niya para turuan sila.3
Sa Kanyang pagtatapos, minasdan Niya ang mga tao at nakitang tumatangis sila, dahil nais nilang lumagi pa Siya sa piling nila.
“At kanyang sinabi sa kanila: Masdan, ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo.
“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa.”4
At dinala nila sa Kanya ang kanilang mga maysakit, at pinagaling Niya ang mga ito. Ang mga tao ay yumukod sa Kanyang paanan at sinamba Siya at humalik sa Kanyang mga paa, “kung kaya nga’t napaliguan nila ng kanilang mga luha ang kanyang mga paa.” At iniutos Niya na ang kanilang maliliit na anak ay ilapit, at binasbasan Niya ang bawat isa sa kanila.5 Iyan ang halimbawang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas. Mahal Niya tayong lahat, at hindi Niya kailanman nalilimutan ang kahit sino.
Alam ko na ang ating Ama sa Langit ay mapagmahal, maunawain, at matiyaga. Ang Kanyang Anak, na si Jesucristo, ay nagmamahal din sa atin. Tinutulungan Nila tayo sa pamamagitan ng Kanilang mga propeta. Natutuhan ko na may sapat na kaligtasan sa pagsunod sa mga propeta. “Ang pagsaklolo” ay patuloy pa rin. Sinabi ni Pangulong Monson: “Inaasahan ng Panginoon na tayo’y mag-iisip. Inaasahan Niya na tayo’y kikilos. Inaasahan Niya na tayo’y gagawa. Inaasahan Niya ang ating mga patotoo. Inaasahan Niya ang ating pananalig.”6
Tayo ay may responsibilidad at malaking oportunidad. Kailangang madama muli ng marami ang matamis na kaligayahan at kagalakan sa pagiging aktibo sa Simbahan. Ang kaligayahang iyan ay nagmumula sa pagtanggap ng mga ordenansa, paggawa ng mga sagradong tipan, at pagtupad sa mga ito. Kailangan tayo ng Panginoon para matulungan sila. Gawin natin ang tama sa tamang panahon, nang walang pagpapaliban.
Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at Siya ang ating Ama. Si Jesucristo ay buhay at ibinigay ang Kanyang buhay upang makabalik tayo sa piling ng ating Ama sa Langit. Alam ko na Siya ang ating Tagapagligtas. Alam ko na ang Kanilang walang-katapusang kabaitan ay patuloy na ipinakikita. Pinatototohanan ko na si Pangulong Thomas S. Monson ay Kanilang propeta at ito lamang ang totoong Simbahan sa balat ng lupa. Alam ko na si Propetang Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik. Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ang salita ng Diyos. Ito ang ating gabay at halimbawang dapat sundin upang higit na maging katulad ng Diyos at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Sinasabi ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.