Pagtubos
Sa pamamagitan ni Cristo, maaaring baguhin at binabago ng mga tao ang kanilang buhay at natatamo ang pagtubos.
May iba’t ibang pangalang tumutukoy sa Panginoong Jesucristo. Ipinababatid sa atin ng mga pangalang ito ang iba’t ibang aspeto ng pagbabayad-sala ng Panginoon. Halimbawa, ang titulong “Tagapagligtas.” Alam natin ang kahulugan ng maligtas dahil minsan sa buhay natin ay nakaranas na tayong maligtas. Noong bata pa kami ng kapatid kong babae, naglalaro kami sa ilog sakay ng maliit na bangka nang hindi nag-iisip na umalis kami sa ligtas na lugar na pinaglalaruan namin at natangay kami ng agos pababa sa mapanganib na ilog. Narinig ni Itay ang pagsigaw namin, at sinagip kami at iniligtas mula sa panganib ng ilog. Kapag naiisip ko ang tungkol sa pagliligtas, naaalala ko ang karanasang iyon.
Ang titulong “Manunubos” ay gayundin ang kahulugan. Ang “tumubos” ay bayaran o bawiin ang isang bagay. Sa batas, natutubos ang ari-arian kapag binayaran ang kabuuang utang o prendang kapalit nito. Sa Lumang Tipan, ang batas ni Moises ay may iba’t ibang paraan ng pagpapalaya, o pagtubos, sa mga alipin at ari-arian sa pamamagitan ng pagbabayad ng salapi (tingnan sa Levitico 25:29–32, 48–55).
Ang isang kilalang gamit sa banal na kasulatan ng salitang tubusin ay patungkol sa pagliligtas sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Matapos ang pagliligtas na iyon, sinabi sa kanila ni Moises: “Dahil sa inibig kayo ng Panginoon, … inilabas [Niya] kayo sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto” (Deuteronomio 7:8).
Ang tema ng pagtubos ni Jehova sa mga tao ni Israel mula sa pagkaalipin ay maraming beses na inulit sa mga banal na kasulatan. Kadalasan ginagawa ito para ipaalala sa mga tao ang kabutihan ng Panginoon sa pagliligtas sa mga anak ni Israel mula sa mga taga-Egipto. Ngunit ginagawa rin ito para ituro sa kanila na may isa pang pagtubos, na mas mahalaga, para sa Israel. Itinuro ni Lehi: “At ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog” (2 Nephi 2:26).
Isinulat ng Mang-aawit: “Ngunit tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng sheol” (Awit 49:15).
Ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias, “Aking pinawi na parang masinsing ulap ang iyong mga pagsalangsang, at, parang alapaap, ang iyong mga kasalanan: manumbalik ka sa akin; sapagka’t tinubos kita” (Isaias 44:22).
Ang pagtubos na tinukoy sa tatlong talatang ito, mangyari pa, ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ang “[walang hanggang pagtubos]” na inialay ng ating mapagmahal na Diyos (Awit 130:7). Hindi tulad ng mga pagtubos sa ilalim ng batas ni Moises o sa makabagong batas, ang pagtubos na ito ay hindi natutumbasan ng “mga bagay na nangasisira, ng pilak at ginto” (I Ni Pedro 1:18). “[Kay Cristo ay] mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya” (Mga Taga Efeso 1:7). Itinuro ni Pangulong John Taylor na dahil sa sakripisyo ng Manunubos, “nabayaran ang pagkakautang, nagawa ang pagtubos, natupad ang tipan, naibigay ang kinakailangan ng katarungan, [naisagawa ang kalooban ng Diyos,] at ang lahat ng kapangyarihan ay naibigay … sa mga kamay ng Anak ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2001], 54).
Kabilang sa mga epekto ng pagtubos na ito ang pagdaig sa kamatayang pisikal para sa lahat ng anak ng Diyos. Ibig sabihin, nadaig ang kamatayang temporal at lahat ay mabubuhay na mag-uli. Isa pang aspeto ng pagtubos na ito ni Cristo ang tagumpay laban sa kamatayang espirituwal. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at kamatayan, nagbayad-sala si Cristo para sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan sa kundisyon na bawa’t isa ay magsisisi.
Samakatwid, kung tayo ay magsisisi, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan, na ang halaga ay nabayaran na ng ating Manunubos. Ito ang magandang balita para sa ating lahat, “sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Mga Taga Roma 3:23). Yaong mga lumihis mula sa landas ng kabutihan ay lubos na nangangailangan ng pagtubos na ito, at kung sila ay lubos na magsisisi, makakamit nila ito. Ngunit yaong nagsisikap na mamuhay nang mabuti ay kailangang-kailangan din ang pagtubos na ito, dahil walang makararating sa kinaroroonan ng Ama nang walang tulong ni Cristo. Dahil dito, ang mapagmahal na pagtubos na ito ay tumutugon sa hinihingi ng batas ng katarungan at awa sa buhay ng lahat na nagsisisi at sumusunod kay Cristo.
Dakila, mal’walhati’t sadyang ganap:
Hangaring tayo’y matubos.
Pag-ibig, awa at katarungan
Ay nagtutugma nang lubos!
(“Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116)
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “May isang Manunubos, isang Tagapamagitan, na handa at kayang tugunan ang hinihingi ng katarungan at nagbibigay ng awa sa lahat ng nagsisisi” (“The Mediator,” Ensign, Mayo 1977, 56).
Ang mga banal na kasulatan, panitikan, at mga karanasan sa buhay ay puno ng mga kuwento ng pagtubos. Sa pamamagitan ni Cristo, maaaring baguhin at binabago ng mga tao ang kanilang buhay at natatamo ang pagtubos. Gustung-gusto ko ang mga kuwento ng pagtubos.
May kaibigan ako na hindi sinunod ang mga turo ng Simbahan noong kanyang kabataan. Nang magbinata siya, natanto niya ang mga bagay na nawala sa kanya sa hindi pamumuhay ng ebanghelyo. Siya ay nagsisi, nagbagong-buhay, at namuhay nang matwid. Isang araw, matapos ang matagal na di-pagkikita, nakita ko siya sa templo. Nabanaag ko sa kanyang mga mata na ipinamuhay niya ang ebanghelyo, at nadama ko na isa siyang tapat na miyembro ng Simbahan na nagsisikap ipamuhay nang lubos ang ebanghelyo. Isang kuwento ng pagtubos iyon sa kanya.
Minsan ay ininterbyu ko para sa binyag ang isang babaeng nakagawa ng napakabigat na kasalanan. Tinanong ko siya sa interbyu kung nauunawaan niya na hindi na niya maaaring ulitin ang kasalanang iyon kailanman. Puno ng damdamin ang kanyang mga mata at tinig, at sinabi niyang, “President, hinding-hindi ko na po uulitin ang kasalanang iyon. Kaya nga po gusto kong magpabinyag—upang malinis ako mula sa mga epekto ng napakabigat na kasalanang iyon.” Isang kuwento ng pagtubos iyon sa kanya.
Nang bisitahin ko ang mga stake conference at iba pang pulong nitong nakalipas na mga taon, naalala ko ang payo ni Pangulong Thomas S. Monson na hanapin at iligtas ang mga di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan. Sa isang stake conference, nagkuwento ako tungkol sa isang di-gaanong aktibong miyembro na nagbalik sa pagiging aktibo matapos bisitahin ng kanyang bishop at iba pang mga lider sa bahay niya, sinabi sa kanya na kailangan siya, at tinawag siyang maglingkod sa ward. Hindi lamang tinanggap ng lalaking ito sa kuwento ang tungkulin kundi binago pa niya ang kanyang buhay at mga gawi at naging lubos na aktibo sa Simbahan.
Nasa kongregasyon ang isa kong kaibigan nang ikuwento ko ito. Kitang-kita ang pagbabago sa kanyang mukha habang ikinukuwento ko iyon. Pinadalhan niya ako ng e-mail kinabukasan at sinabing naantig siya sa kuwento dahil ang kuwento ng pagiging aktibong muli ng kanyang biyenang lalaki sa Simbahan ay katulad na katulad ng ikinuwento ko. Sinabi niya na dahil sa pagbisita ng bishop at sa paanyayang maglingkod sa Simbahan, muling sinuri ng kanyang biyenan ang kanyang buhay at patotoo, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa kanyang buhay, at tinanggap niya ang tungkulin. Ang lalaking iyon na napabalik sa Simbahan ay may 88 inapo nang aktibong miyembro ng Simbahan.
Sa isa pang pulong pagkaraan ng ilang araw, inilahad ko ang dalawang kuwentong ito. Kinabukasan, nakatanggap ako ng isa pang e-mail na nagsimula sa, “Ganyan din ang nangyari sa tatay ko.” Ikinuwento sa e-mail na iyon, mula sa isang stake president, kung paano inanyayahan ang kanyang ama na maglingkod sa Simbahan kahit matagal na itong hindi nagsisimba at may mga gawing dapat baguhin. Tinanggap niya ang paanyaya at nagsisi, dahil doon, at kalaunan ay naglingkod bilang stake president at pagkatapos ay bilang mission president, at nagtayo ng pundasyong pagsasaligan ng kanyang mga inapo upang maging matatapat silang miyembro ng Simbahan.
Pagkaraan ng ilang linggo ibinahagi ko ang tatlong kuwentong ito sa isa pang stake conference. Pagkatapos ng pulong ay lumapit ang isang lalaki at sinabi sa akin na hindi iyon nangyari sa kanyang ama. Sa kanya nangyari iyon. Sinabi niya sa akin ang mga pangyayaring nagtulak sa kanyang magsisi at lubusang bumalik sa Simbahan. At gayon nga ang nangyari. Nang maalala ko ang payo na hanapin at ibalik ang mga di-gaanong aktibo, marami akong nakita at narinig na kuwento ng mga taong tumugon sa paanyayang bumalik at baguhin ang kanilang buhay. Marami akong kuwentong narinig tungkol sa pagtubos.
Bagaman hindi natin matutumbasan kailanman ang ginawa ng Manunubos para sa atin, hinihingi ng plano ng pagtubos na gawin natin ang lahat upang lubos na makapagsisi at magawa ang kalooban ng Diyos. Isinulat ni Apostol Orson F. Whitney:
Tagapagligtas ng aking kaluluwa,
Na sa akin ay lumikha,
Sa kapangyarihan Ninyong taglay
Ang dusa ko ay nawala!
Maraming salamat po,
Butihing Diyos ng Israel.
Hindi ko kayang tumbasan,
Kayo’y iibigin. Inyong salita,
Di ba’t ligaya sa puso ko,
Sa umaga’y galak, sa gabi’y pangarap?
Kung gayo’y aking sasambitin,
Kalooban Ninyo’y gagawin.
(“Savior, Redeemer of My Soul,” Hymns, blg. 112)
Pinatototohanan ko ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Kapag tayo ay nagsisi at lumapit sa Kanya, matatanggap natin ang lahat ng pagpapala ng buhay na walang hanggan. Nawa’y magawa natin ito, na nagkakaroon ng sariling kuwento ng pagtubos, ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.