Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 8: Ang Bato ng Paghahayag


“Ang Bato ng Paghahayag,” kabanata 8 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 8: “Ang Bato ng Paghahayag”

Kabanata 8

Ang Bato ng Paghahayag

grupo ng mga taong nakatayo sa paanan ng isang obelisk

Noong tagsibol ng 1904, sinubaybayan ni John Widtsoe ang mga detalye ng pagdinig kay Smoot kahit nasa malayo siya. Ang kanyang kaibigan at gurong si Joseph Tanner, na ngayon ay naglilingkod bilang superintendente ng mga paaralan ng Simbahan at tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Sunday School, ay isa sa ilang mga Banal na ipinatawag upang magbigay-saksi sa komite ng Senado. Dahil si Joseph ay nag-asawa nang marami matapos ang Pahayag, tumanggi siyang magpasiyasat at sa halip ay tumakas patungong Canada.

“Hindi ako nababahala,” isinulat niya kay John noong huling bahagi ng Abril, na nilagdaan ang liham gamit ang isang alyas. “Kapag napagpasiyahan na ang kaso ni Smoot, marahil ay sandali tayong magkakaroon ng katahimikan.”1

Tulad ng iba pang mga Banal, naniniwala si John na ang mga pagdinig kay Smoot ay isa lamang pagsubok ng pananampalataya para sa Simbahan.2 Nakabalik na sila ni Leah Widtsoe sa Logan. Bukod sa kanilang anak na si Anna, mayroon pa silang anak na lalaki, si Marsel, at ang ikatlong anak na isisilang pa lang. Ang isa pa nilang anak na lalaki, si John Jr., ay namatay noong Pebrero 1902, ilang buwan bago ang unang kaarawan nito.

Nasa malayong lugar ang ibang miyembro ng pamilya Widtsoe. Ang ina ni John na si Anna, at ang nakababatang kapatid nito na si Petroline Gaarden ay nilisan ang Utah upang magmisyon sa Norway, ang kanilang sinilangang bayan, noong 1903. Sa isang liham kay Leah, inilarawan ng ina ni John ang kanilang gawain. “Marami na kaming nakausap na dating kaibigan at nakipagtalakayan sa kanila tungkol sa ebanghelyo, marami sa kanila ay wala pang kailanman na nakakausap na Banal sa mga Huling Araw,” isinulat niya. “Sinusubukan naming kumatok sa pintuan ng ‘tradisyon,’ ngunit hindi pa nila handang buksan ito para sa mga itinuturo namin.”3

Samantala, natapos kamakailan ng nakababatang kapatid ni John na si Osborne ang isang misyon sa Tahiti at nag-aaral na ngayon ng panitikang Ingles sa Harvard.4

Inasikaso ni Leah sa bahay ang kanilang mga anak at naglingkod sa konseho ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association sa stake. Sumulat din siya ng mga buwanang lesson tungkol sa edukasyong pantahanan at pangkabuhayan para sa Young Woman’s Journal. Ang bawat lesson ay bahagi ng isang taong kurso na maaaring pag-aralan at talakayin ng mga kabataang babae sa Simbahan sa kanilang mga miting sa YLMIA. Ginawa ni Leah ang bawat lesson sa pamamaraan ng siyensiya, ginagamit ang kanyang pagsasanay sa unibersidad upang ituro sa kanyang mga mambabasa ang tungkol sa pagluluto, pag-aayos ng kagamitan sa tahanan, pang-unang lunas, at pangunahing pangangalagang medikal.5

Nagturo si John ng kimika sa Agricultural College, pinangasiwaan ang istasyon para sa mga eksperimento sa paaralan, at pinag-aralan ang mga pamamaraan na makapagpapabuti ng pagsasaka sa tuyong klima ng Utah. Dinala siya ng kanyang gawain sa mga nayon sa buong estado habang nagtuturo siya sa mga magsasaka kung paano gamitin ang siyensya sa pagpapainam ng kanilang pagsasaka. Naglingkod din siya bilang pangulo ng MIA ng Young Men ng kanyang ward at bilang miyembro ng konseho ng Sunday School sa stake. Tulad ni Leah, palagian siyang sumusulat para sa mga magasin ng Simbahan.

Si John ay may simpatiya para sa mga batang Banal na nahihirapan, tulad niya noon, na pagtugmain ang kaalaman sa ebanghelyo sa sekular na pag-aaral. Parami nang parami ang mga taong tinatanggap ang ideya na ang siyensya at relihiyon ay tunay na magkaiba. Subalit naniwala si John na ang siyensya at relihiyon ay kapwa pinagmumulan ng mga banal at walang-hanggang alituntunin at maaaring magkatugma.6

Kamakailan, nagsimula siyang maglathala ng isang serye ng mga artikulo na tinatawag na “Joseph Smith bilang Siyentipiko [Joseph Smith as Scientist]” sa Improvement Era, ang opisyal na magasin ng YMMIA. Ipinaliwanag ng bawat artikulo kung paano inasahan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang ilang malalaking tuklas ng makabagong siyensya. Sa kanyang artikulong “Oras ng Heolohiya [Geological Time],” halimbawa, ipinaliwanag ni John kung paanong ang mga talata mula sa Aklat ni Abraham ay tinanggap ang mga pananaw ng siyensya na ang mundo ay mas matanda sa anim na libong taon kaysa sa tinataya ng ilang iskolar sa Biblia. Sa isa pang artikulo, tinukoy niya ang pagkakatulad ng mga aspeto ng kontrobersyal na teorya ng ebolusyon at doktrina ng walang hanggang pag-unlad.7

Naging matagumpay ang serye. Si Pangulong Joseph F. Smith, na naglingkod bilang patnugot ng Improvement Era, ay nagpadala ng personal na liham na pumupuri sa mga serye. Ang tanging pinanghihinayangan niya ay hindi niya mababayaran si John para sa gawain nito. “Tulad ng ilan sa atin,” isinulat niya, “ikaw, sa kasalukuyan kahit paano, ay kailangang tanggapin na ang iyong kabayaran ay ang kaalaman na nakagawa ka ng mabuting gawain para sa kapakinabangan ng mga batang lalaki at babae ng Sion.”8


“Ang ating sitwasyon ay tila pinakamabigat ngayon,” isinulat ni apostol Francis Lyman sa kanyang journal. Ang patotoo ni Joseph F. Smith sa paglilitis kay Reed Smoot ay kaunti lamang ang nagawa upang lutasin ang mga alalahanin ng komite ng Senado tungkol sa nagaganap na pag-aasawa nang marami sa Simbahan matapos ilathala ang Pahayag. Hindi rin nakatulong sa kaso ng mga Banal na sina John W. Taylor at Matthias Cowley, na kumikilos ayon sa payo ng mga lider ng Simbahan, ay kaagad nagtago matapos silang ipatawag ng komite ng Senado na magbigay-saksi sa mga pagdinig. Tulad ni Joseph Tanner at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan, parehong nag-asawa nang marami ang dalawang lalaking ito pagkatapos ng Pahayag. Ang dalawang apostol ay nagsagawa rin ng bagong maramihang pagpapakasal at hinikayat ang mga Banal na panatilihing umiiral ang gawaing ito.9

Bilang pangulo ng Labindalawa, ipinahayag ni Francis na bawat lalaki sa korum ay dapat sumunod sa bagong ibinigay na Pangalawang Pahayag. Nagpadala siya ng mga liham sa ilang apostol, ipinapaalam sa kanila ang determinasyon ng Unang Panguluhan na ipatupad ang proklamasyon. “Mabuti na iisa ang pagkaunawa natin ang mahalagang bagay na ito at pamahalaan ang ating sarili nang naaayon dito,” isinulat niya, “upang hindi magkakaroon ng mga hindi pagkakasundo o pagtatalu-talo sa atin.”10

Kalaunan, inatasan ni Pangulong Smith si Francis na tiyaking wala nang iba pang pag-aasawa nang marami na magaganap sa Simbahan. Simula noong huling bahagi ng dekada ng 1880, may ilang apostol na binigyan ng awtoridad na magsagawa ng mga pagbubuklod sa labas ng mga templo para sa malalayong lugar. Noong Setyembre 1904, ipinahayag ni Pangulong Smith na lahat ng pagbubuklod ay kailangang maganap na ngayon sa mga templo, kung kaya imposible nang lehitimong makapag-asawa nang marami ang mga Banal sa Mexico, Canada, o sa ibang lugar. Agad ipinabatid ni Francis sa mga apostol ang desisyong ito.11

Noong Disyembre, ipinadala ni Pangulong Smith si Francis upang hikayatin si John W. Taylor na magbigay-saksi sa mga paglilitis kay Smoot. Natagpuan ni Francis si John W. sa Canada at hinikayat itong sundin ang payo ng propeta. Sa wakas, pumayag si John W. na magbigay-saksi at nagsimulang maghandang maglakbay patungong Washington.

Nang gabing iyon, natulog si Francis, batid na ang kanyang misyon ay tagumpay. Ngunit pagsapit ng alas-tres ng umaga ay nagising siyang nanginginig. Binabagabag siya ng ideya na magbibigay-saksi si John W. sa mga paglilitis. Si John W. ay tapat na sumusuporta sa pag-aasawa nang marami. Kung ihahayag niya na nagsagawa siya ng pag-aasawa nang marami matapos ang Pahayag, hihiyain nito ang Simbahan at sisirain ang mga pagkakataon ni Reed Smoot na maglingkod sa Senado.

Isang tahimik at payapang damdamin ang nanahan kay Francis habang iniisip niyang payuhan si John W. na huwag pumunta sa Washington. Hiniling niya sa Panginoon na pagtibayin kung ito nga ang tamang gawin. Nakatulog siya nang mahimbing, at napanaginipang nakita niya si Pangulong Wilford Woodruff. Gulat at puno ng damdamin, tinawag niya ang pangalan ni Pangulong Woodruff at niyakap ito. Pagkatapos ay nagising siya, tiwala na tama lang na nagbago ang kanyang isipan. Agad niyang hinanap si John W. at sinabi rito ang tungkol sa panaginip. Handa na si John W. na umalis papuntang Washington, ngunit napanatag siya nang pinayuhan siya ni Francis na huwag tumuloy.12

Bumalik si Francis sa Lunsod ng Salt Lake pagkaraan ng maikling panahon. Inaprubahan ni Joseph F. Smith ang kanyang gawain sa Canada, subalit nanatili ang tanong sa kung ano ang gagawin sa dalawang apostol. Batid ni Pangulong Smith na kailangan niyang ipakita na ang Simbahan ay tunay na tapat sa pagtapos ng pag-aasawa nang marami. Upang masiyahan ang komite ng Senado, kailangan niyang pormal na alisin sina John W. at Matthias mula sa pamunuan ng Simbahan, sa pamamagitan ng pagdisiplina sa kanila o sa paghiling sa kanila na magbitiw. Hindi niya gusto ang anumang pagpipilian.13

Hindi magkasundo ang mga lider ng Simbahan sa kung paano haharapin ang krisis. Gayunman, noong Oktubre 1905, ang mga tagapayo kay Reed Smoot ay nagbabala sa kanila na kailangan nang kumilos ang Simbahan dahil nauubusan na sila ng oras. Habang sumasaksi sa komite ng Senado noong unang bahagi ng taong iyon, nangako si Reed na sisiyasatin ng mga awtoridad ng Simbahan ang mga paratang laban kina John W. at Matthias. Makalipas ang anim na buwan, walang naganap na pagsisiyasat, at ngayo’y ilang senador ang nag-aalinlangan na sa katapatan ni Reed. Ang patuloy na pagpapaliban ng pagsisiyasat ay magpapahiwatig sa mundo na hindi tapat na kumikilos ang mga lider ng Simbahan nang sinabi ng mga ito na aktibo silang sumasalungat sa poligamya.14

Ipinatawag ang dalawang apostol sa punong-tanggapan ng Simbahan, at nang sumunod na linggo, araw-araw na nagpulong ang Labindalawa upang talakayin kung ano ang gagawin. Noong una ay ipinagtanggol nina John W. at Matthias ang kanilang mga ginawa, na nagpalinaw sa pagkakaiba ng pormal na pagbawi ng Simbahan ng suporta para sa pag-aasawa nang marami at ng kanilang indibiduwal na pagpili na patuloy na mag-asawa nang marami. Gayunman, hindi lubos na sinang-ayunan ng sinuman sa dalawang lalaki ang Ikalawang Pahayag, isang desisyon na hindi naaayon sa panuntunan ng Simbahan.

Sa huli, hiniling ng korum sa dalawang apostol na lumagda ng mga liham ng pagbibitiw. Noong una, tumutol na magbitiw sa kanyang panunungkulan si John W. Inakusahan niya ang kanyang korum sa pagsukob sa pamimilit sa pulitika. Mas malumanay ang pagtugon ni Matthias, ngunit nag-atubili rin siyang sumunod. Gayunman, sa huli, ninais ng dalawang lalaki ang pinakamabuti para sa Simbahan. Nilagdaan nila ang mga papel, handang isakripisyo ang kanilang puwesto sa Labindalawa para sa mas ikabubuti ng lahat.15

“Iyon ay isang napakasakit at napakabigat na pagsubok,” isinulat ni Francis noong araw na iyon sa kanyang journal. “Tunay na nabagabag kaming lahat dito.” Nilisan nina John W. at Matthias ang pulong taglay ang mabuting kalooban at mga pagpapala ng kanilang mga kapatid. Ngunit kahit na tinulutan sila ng Labindalawa na manatiling miyembro ng Simbahan at apostol, hindi na sila mga miyembro ng korum.16


Makalipas ang dalawang buwan, noong umaga ng ika-23 ng Disyembre 1905, sumakay si Susa Gates sa isang karwahe sa Vermont, sa hilagang-silangang Estados Unidos. Ang propetang Joseph Smith ay isinilang eksaktong isandaang taon na ang nakararaan sa isang bukirin mga limang kilometro sa silangan, sa munting nayon ng Sharon. Ngayon si Susa at mga limampung Banal ay papunta sa sakahan upang ilaan ang isang monumento sa kanyang alaala.17

Pinamunuan ni Pangulong Joseph F. Smith ang grupo. Dahil patuloy pa rin ang paglilitis kay Smoot, patuloy ang masusing pagsisiyasat sa kanya ng mga opisyal ng pamahalaan at mga peryodista ng pahayagan. Noong unang bahagi ng taong iyon, inilathala ng Salt Lake Tribune ang kanyang pagbibigay-saksi sa mga pagdinig kay Smoot kasama ang mga editoryal na nagtatanim ng pagdududa sa kanyang tungkulin bilang propeta at personal na integridad.

“Hayagang ikinaila ni Joseph F. Smith na siya ay tumanggap ng mga paghahayag, o nakatanggap na ng paghahayag, mula sa Diyos upang gabayan ang simbahang Mormon,” isinulat ng isang editoryal. “Hanggang saan dapat sundin ng mga Mormon ang gayong uri ng pinuno?”18 Nagdulot ng kalituhan at maraming katanungan sa ilang mga Banal ang mga editoryal.

Bilang pamangkin ni Joseph Smith, may mga personal na dahilan si Joseph F. Smith sa kanyang pagpunta sa Vermont. Subalit ang paglalaan ay magbibigay rin sa kanya ng isa pang pagkakataon na magsalita sa publiko tungkol sa Simbahan at magpatotoo tungkol sa banal na gawain ng Panunumbalik.19

Nang makasakay si Susa at ang grupo sa kanilang mga karwahe, nagtungo sila sa seremonya ng paglalaan. Ang sakahan ay nasa tuktok ng isang kalapit na burol, at ang matatarik na kalsada ay maputik dahil sa natutunaw na niyebe. Hinakot ng mga lokal na manggagawa nang paisa-isang bahagi ang isang daang toneladang monumento sa parehong mga kalsada. Noong una, balak lamang nilang hilahin ang bato gamit ang mga baka o kabayo. Ngunit nang hindi kayang matinag ang bato ng isang pangkat ng dalawampung malalakas na kabayo, gumugol ang mga manggagawa ng halos dalawang nakapapagal na buwan paakyat ng burol gamit ang lubid at mga kalo na hinihila ng mga kabayo.20

Papalapit na sa sakahan, natigalgal ang pangkat habang pinapaikutan nila ang huling paliko sa daan. Nasa unahan nila ang isang makintab na obelisk na yari sa granito na umaabot sa 38½ talampakan o 11.58 metro ang taas—isang talampakan para sa bawat taon ng buhay ni Joseph Smith. Sa ilalim ng obelisk ay isang malaking pedestal na may nakasulat na patotoo tungkol sa sagradong misyon ng propeta. Ang mga salita sa Santiago 1:5, ang banal na kasulatang nagbigay-inspirasyon sa kanya na humingi ng paghahayag mula sa Diyos, ay nakaukit sa itaas ng pedestal.21

Sinalubong ng taga-disenyo ng monumento na si Junius Wells ang grupo sa isang kubong itinayo sa pundasyon ng lugar kung saan isinilang si Joseph Smith. Pagpasok sa bahay, hinangaan ni Susa ang patag at kulay-abong dupungan na yari sa ladrilyo [hearthstone], na isinalba ng mga manggagawa mula sa orihinal na tahanan. Karamihan sa mga Banal na personal na nakakilala sa propeta ay patay na ngayon. Ngunit ang dupungan na yari sa ladrilyong ito ay matibay na saksi sa kanyang buhay. Parang nakikita niyang naglalaro ito sa tabi nito bilang isang musmos.22

Nagsimula ang serbisyo nang ika-labing-isa ng umaga. Habang inilalaan niya ang monumento, nagpasalamat si Pangulong Smith para sa Panunumbalik ng ebanghelyo at humingi ng basbas para sa mga tao ng Vermont na sumuporta sa pagtatayo ng monumento. Itinalaga niya ang lugar bilang isang lugar kung saan maaaring magmuni-muni ang mga tao, matuto pa tungkol sa misyon ni Joseph Smith bilang propeta, at magalak sa Panunumbalik. Inihalintulad niya ang pundasyon ng monumento sa pundasyon ng Simbahan na mga propeta at apostol, na si Jesucristo ang pangulong batong panulok. Inihambing din niya ang paanan nito sa bato ng paghahayag kung saan itinayo ang Simbahan.23

Sa mga sumunod na araw, sina Susa, Joseph F. Smith, at iba pang mga Banal ay saglit na naglibot sa mga lugar ng Simbahan sa silangang Estados Unidos. Sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Smith, sinimulang bilhin ng Simbahan ang ilang lugar na sagrado sa kasaysayan nito, kabilang na ang piitan ng Carthage, kung saan napatay ang kanyang ama at tiyo. Ang iba pang mga makasaysayang lugar ng Simbahan sa mga estado sa silangan ay nanatiling hindi pag-aari ng Simbahan, bagama’t ang mga may-ari nito ay karaniwang nagbigay ng pahintulot sa mga Banal na libutin ang mga ito.24

Sa Manchester, New York, mapitagang naglakad ang grupo sa gitna ng kakahuyan kung saan nakita ni Joseph Smith ang kanyang unang pangitain tungkol sa Ama at Anak. Noong nabubuhay pa ang propeta, hayagang pinatotohanan niya at ng iba pang mga Banal ang kanyang pangitain. Ngunit sa mga dekadang lumipas pagkamatay ni Joseph, binigyang-diin nina Orson Pratt at ng mga kapwa lider ng Simbahan ang mahalagang papel nito sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang salaysay tungkol dito ay makikita na ngayon bilang banal na kasulatan sa Mahalagang Perlas, at madalas itong tukuyin ng mga missionary sa kanilang mga pakikipagtalakayan sa mga tao sa labas ng Simbahan.25

Matinding pagkamangha ang nadama ni Susa at ng kanyang mga kasamahan habang pinagninilayan nila ang sagradong pangyayari. “Dito lumuhod ang batang lalaki nang may lubos na pananampalataya,” paggunita ni Susa. “Dito, sa wakas, ang mga bukal ng mundo ay bumubuhos, at katotohanan, ang kabuuan ng buhay, ay natanggap mula sa mga sinag ng direktang paghahayag.”26

Kalaunan, habang pabalik sila sa Utah, pinamunuan ni Pangulong Smith ang isang maliit na pulong ng patotoo habang nakasakay sa tren. “Hindi ako, ni ang sinumang tao, kahit ang propetang si Joseph Smith, na pangunahing lider sa gawaing ito, ang namamahala at namumuno rito,” sabi niya sa kanila. “Ito ay ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”

Pinukaw ng mensahe si Susa, at namangha siya sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga anak ng Diyos. “Ang mga tao ay mga tao, at samakatwid ay mahina!” sabi niya. Ngunit si Jesucristo ang Panginoon ng buong mundo.27


Habang ipinagdiriwang ng mga Banal ang paglalaan ng monumento ni Joseph Smith, sina Anna Widtsoe at Petroline Gaarden ay nasa Norway pa rin, nangangaral ng ebanghelyo. Mahigit dalawang taon na ang lumipas mula nang nilisan ng magkapatid ang Utah. Ang kanilang tawag sa misyon ay hindi inaasahan, ngunit kinagigiliwan. Kapwa sila nasasabik na bumalik sa kanilang sinilangang bayan upang ibahagi ang kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga kamag-anak at kaibigan.28

Si Anthon Skanchy, isa sa mga missionary na nagturo kay Anna ng ebanghelyo noong dekada ng 1880, ay pangulo ng Scandinavian Mission nang dumating ang magkapatid noong Hulyo 1903. Inatasan niya silang maglingkod sa lugar ng Trondheim, Norway, kung saan nakatira si Anna nang sumapi siya sa Simbahan. Mula roon, sumakay ang magkapatid sa bangka papunta sa kanilang nayon, ang Titran, sa isang malaking isla sa kanlurang baybayin ng Norway. Nag-alala si Anna nang dumating siya sa isla. Dalawampung taon na ang nakararaan, tinalikuran siya ng mga tao sa Titran dahil sa pagsapi niya sa Simbahan. Tatanggapin ba nila siya ngayon at ang kanyang relihiyon?29

Mabilis na kumalat ang balita na bumalik ang magkapatid bilang mga missionary na Banal sa mga Huling Araw. Noong una, walang sinuman—kaibigan o pamilya—ang nagbigay sa kanila ng matutuluyan. Nagpatuloy sina Anna at Petroline, at kalaunan ay pinatuloy sila ng mga tao sa kanilang tahanan.30

Isang araw, binisita ng magkapatid ang kanilang tiyo na si Jonas Haavig at ang pamilya nito. Tila maingat sa kanilang ikinikilos ang lahat, handang makipagtalo sa magkapatid tungkol sa kanilang mga paniniwala. Iniwasan nina Anna at Petroline ang paksa tungkol sa relihiyon, at natapos ang unang gabi nang walang pagtatalo. Ngunit kinaumagahan, pagkatapos mag-almusal, nagsimulang magtanong ang pinsan nilang si Marie ng mahihirap na tanong tungkol sa ebanghelyo, nagtatangkang mag-udyok ng pagtatalo.

“Marie,” sabi ni Anna, “determinado akong huwag makipag-usap sa iyo tungkol sa relihiyon, ngunit ngayon ay makikinig ka sa sasabihin ko.” Nagbigay siya ng malakas na patotoo, at tahimik na nakinig si Marie. Ngunit masasabi ni Anna na walang epekto ang kanyang mga salita. Kalaunan nang araw na iyon ay nilisan nila ni Petroline ang bahay, lubhang nalulungkot sa nangyari.31

Hindi nagtagal ay bumalik ang magkapatid sa Trondheim, ngunit ilang beses silang bumalik sa Titran nang sumunod na dalawang taon. Naging mas malugod na ang pagtanggap ng mga tao sa magkapatid sa paglipas ng panahon, at kalaunan ay inanyayahan sina Anna at Petroline sa bawat tahanan sa bayan. Mahirap din ang kanilang paglilingkod sa iba pang mga bahagi ng Norway, ngunit nagpapasalamat ang magkapatid na may karanasan sila sa paglilingkod sa Simbahan bago sila umalis patungo sa kanilang misyon.

Nagpapasalamat din sila na matatas sila sa wikang Norwegian bago sila dumating. “Mas nagagawa naming makibahagi sa lahat ng pagkakataon kaysa sa mga batang missionary na hindi makapagsalita ng wika, maging sa kanilang pagdating o pag-uwi,” ipinaalam ni Anna kay John sa isang liham.32

Nasisiyahan man si Anna sa gawaing misyonero, nangulila siya sa kanyang pamilya sa Utah. Regular na sumusulat sina John, Leah, at Osborne. Noong tag-init ng 1905, iniulat ni John na nawalan siya ng trabaho sa Agricultural College nang pinatalsik siya at dalawa pang matatapat na miyembro ng Simbahan mula sa kaguruan ng pamunuan ng paaralan. Ang Brigham Young University, ang bagong pangalan para sa Brigham Young Academy sa Provo, ay agad siyang tinanggap upang pangasiwaan ang departamento ng kimika nito. Mula nang itinatag ito noong 1875, ang paaralan ay naging nangungunang institusyon ng mas mataas na edukasyon, at tinanggap ni John ang trabaho nang may pasasalamat.

Samantala, si Osborne ay nagtapos sa Harvard at tumanggap ng posisyon bilang pinuno ng departamento ng Ingles sa Latter-day Saints’ University sa Lunsod ng Salt Lake.33

“Naging mabuti ang Diyos sa amin,” sinabi ni Anna kay John sa isang liham. “Naniniwala ako na natulungan tayo ng Panginoon na gumawa ng mabuti. Marami na kaming nakitang bunga ng aming pagsisikap dito, at umaasa ako at nananalangin sa Diyos na matulungan Niya rin tayo sa bagong taon tulad noong nakaraang taon.”34

Noong Enero 1906, inatasan ng mga mission leader sina Anna at Petroline na manatili sa Trondheim upang tapusin ang kanilang misyon sa kanilang mga kapamilya at magsaliksik sa talaangkanan. Hindi pa rin interesado sa ebanghelyo ang kanilang mga kamag-anak. Ngunit hindi na nadama ng magkapatid ang pagkagalit at paghihinala mula sa mga ito. Napanatag sila sa pagbabagong ito. Ginawa na nila ang kanilang bahagi sa paglilingkod sa Panginoon sa Norway.35


Noong tag-init na iyon, nalaman ng mga Banal sa Europa na si Pangulong Joseph F. Smith ay maglilibot sa kanilang kontinente. Tuwang-tuwa sa balita ang labing-isang taong gulang na si Jan Roothoff, lalo na nang marinig niya na ang unang bibisitahin ng propeta ay ang Netherlands, kung saan nakatira si Jan. Lubos ang tuwa ng bata na wala na siyang maikuwento pa tungkol sa ibang bagay.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkasakit si Jan na nakaapekto sa kanyang mga mata at naging lubhang sensitibo sa liwanag. Ang kanyang ina, si Hendriksje, na walang katuwang sa buhay, ay hindi na siya pinapasok sa paaralan at sinikap na maging komportable siya hangga’t maaari sa pamamagitan ng pagsasabit ng mga kurtina para makapaglaro siya sa dilim. Ngunit pagtagal ay nabulag siya, at sinabi ng mga doktor sa kanyang ina na hinding-hindi na babalik ang kanyang paningin.

Si Jan ay may mga benda na sa kanyang mga mata upang protektahan ang mga ito mula sa liwanag. Ngunit alam niya na kung may makapagpapagaling sa kanyang mga mata, ito ay isang propeta ng Diyos. “Inay, siya ang pinakamakapangyarihang missionary,” sabi niya. “Ang kailangan lang niyang gawin ay tumingin sa aking mga mata at ako ay gagaling.”36

Naniwala ang ina ni Jan na mapagagaling siya ng Panginoon, ngunit nag-atubili itong hikayatin siyang humingi ng tulong kay Pangulong Smith. “Masyado lamang abala ngayon ang pangulo,” sagot niya. “Daan-daang tao ang nais na makita siya. Ikaw ay isang batang lalaki lamang, anak ko, at hindi tayo dapat manggambala.”37

Noong ika-9 ng Agosto 1906, dumalo si Jan at ang kanyang ina sa isang espesyal na pulong sa Rotterdam, kung saan nagsalita si Pangulong Smith sa apat na daang Banal. Habang nakikinig si Jan sa pagsasalita nito, sinikap niyang mabuti na ilarawan sa isip niya ang propeta. Bago nawala ang kanyang paningin, nakakita si Jan ng isang larawan ni Pangulong Smith, at naalala niya ang mabait na mukha nito. Ngayon ay naririnig na rin niya ang kabaitan sa tinig ng propeta, bagamat kailangan niyang hintayin ang isang missionary na isalin ang mga salita sa wikang Dutch bago niya maunawaan ang mga ito.38

Nagsalita si Pangulong Smith tungkol sa kapangyarihan ng mga missionary. “Kanilang gawain na lumapit sa inyo at ipakita sa inyo ang mas dakilang liwanag,” sabi niya, “upang ang inyong mga mata ay mabuksan, upang ang inyong mga tainga ay mawalan ng takip, upang ang inyong mga puso ay maantig ng pagmamahal sa katotohanan.”39

Hindi nag-alinlangan ang pananampalataya ni Jan. Pagkatapos ng pulong, inakay siya ng kanyang ina sa isang pintuan kung saan binabati ni Pangulong Smith at ng kanyang asawang si Edna ang mga Banal. “Heto ang pangulo, munting Jan,” sabi ni Hendriksje. “Nais niyang makipag-kamay sa iyo.”

Hawak siya sa kamay, inalis ni Pangulong Smith ang mga benda ni Jan. Pagkatapos ay hinawakan niya ang ulo ng bata at tumingin sa kanyang mga namamagang mata. “Binabasbasan ka ng Panginoon, anak ko,” sabi niya. “Ipagkakaloob Niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso.”

Hindi naunawaan ni Jan ang Ingles ni Pangulong Smith, ngunit nagsimula nang bumuti ang pakiramdam ng kanyang mga mata. Pagdating niya sa bahay, hindi niya mapigilan ang kanyang kagalakan. Mabilis niyang inalis ang kanyang mga benda at tumingin sa liwanag. “Tingnan ninyo, Inay,” sabi niya. “Magaling na ang mga mata ko. Nakakakita na ako!”

Nagmamadaling lumapit sa kanya ang kanyang ina at sinuri ang kanyang paningin sa lahat ng paraan na maiisip nito. Talagang nakakakita na si Jan tulad nang bago siya magkasakit.

“Mama,” sabi ni Jan, “ang pangalan po ng pangulo ay Joseph F. Smith, hindi ba?”

“Oo,” sabi ng kanyang ina. “Siya ay pamangkin ni Propetang Joseph.”

“Ipagdarasal ko siya palagi,” sabi ni Jan. “Alam ko na siya ay totoong propeta.”40


Matapos lisanin ang Rotterdam, si Joseph F. Smith at ang kanyang pangkat ay naglakbay patungong silangan sa Germany, kung saan halos tatlong libong Banal ang nakatira. Ang Swiss-German Mission ang pinakamabilis na lumalagong mission sa Simbahan. Subalit ang mga batas sa kalayaang pangrelihiyon sa Germany ay hindi kinikilala ang Simbahan o pinoprotektahan ito mula sa pag-uusig, na lumalaganap matapos nakarating sa Europa ang mga nakakahiyang ulat tungkol sa mga paglilitis kay Smoot. Ang ilang ministrong German, na nasaktan dahil sa pagkawala ng mga miyembro mula sa kanilang mga kongregasyon, ay nakipagtulungan sa mga mamamahayag upang ibaling ang opinyon ng publiko laban sa mga Banal. Pinaalis ng mga pulis ang mga missionary mula sa mga bayan at pinigilan ang mga miyembro ng Simbahan na magtipon nang magkakasama, mangasiwa ng sakramento, o gamitin ang Aklat ni Mormon o iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw.41

Matapos tumigil sa Berlin upang makipagkita sa mga lokal na miyembro ng Simbahan, mga missionary, at isang maliit na grupo ng mga Amerikanong Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral ng musika sa lunsod, naglakbay si Pangulong Smith at ang kanyang grupo patimog patungong Switzerland. Sa isang kumperensya sa Bern, pinayuhan ng propeta ang mga Banal na sumunod sa kanilang mga lokal na pamahalaan at igalang ang mga paniniwala sa relihiyon ng ibang tao. “Ayaw nating ipilit ang ating mga ideya sa mga tao kundi sa halip ay ipaliwanag ang katotohanan tulad ng pagkakaunawa natin dito,” sabi niya. “Hinahayaan nating ang indibiduwal ang magpasiya kung tatanggapin nila ito o hindi.” Itinuro niya na ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay kapayapaan at kalayaan.

“Isa sa mga pinakamaluwalhating epekto nito sa mga tao,” sabi niya, “ay pinalalaya sila nito mula sa mga gapos ng kanilang sariling mga kasalanan, nililinis sila mula sa kasalanan, inaayon sila sa langit, ginagawa silang magkakapatid sa ilalim ng tipan ng ebanghelyo, at tinuturuan silang mahalin ang kanilang kapwa-tao.”42

Tinapos ni Pangulong Smith ang kanyang mensahe sa isang propesiya tungkol sa mga darating na araw: “Darating pa rin ang panahon—marahil hindi sa aking panahon o maging sa susunod na henerasyon—na ang mga templo ng Diyos na inilaan sa mga banal na ordenansa ng ebanghelyo ay itatatayo sa iba’t ibang bansa sa mundo.”

“Sapagkat ang ebanghelyong ito ay kailangang ikalat sa buong mundo,” pahayag niya, “hanggang sa takpan ng kaalaman ng Diyos ang mundo tulad ng tubig na bumabalot sa malawak na kailaliman.”43

  1. “George R. Francis” [Joseph M. Tanner] to John A. Widtsoe, Apr. 28, 1904, John A. Widtsoe Papers, CHL; tingnan din sa Clarence Snow to John A. Widtsoe, Mar. 29, 1904, John A. Widtsoe Papers, CHL; John A. Widtsoe to Anna Gaarden Widtsoe, Apr. 20, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL; Flake, Politics of American Religious Identity, 51; at Ward, Joseph Marion Tanner, 39–41, 49–50.

  2. John A. Widtsoe to Anna Gaarden Widtsoe, Apr. 20, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL.

  3. Widtsoe, In a Sunlit Land, 235; “Local Points,” Journal (Logan, UT), Peb. 11, 1902, [8]; “Anna Karine Pedersdatter,” at “Petroline Jorgine Pedersdatter Gaarden,” Missionary Database, history.ChurchofJesusChrist.org/missionary; Anna Gaarden Widtsoe to Leah D. Widtsoe, Feb. 8, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL.

  4. Osborne John Peter Widtsoe,” Missionary Database, history.ChurchofJesusChrist.org/missionary; Osborne Widtsoe to John A. Widtsoe, Oct. 10–11, 1903; Oct. 12, 1903; Oct. 21, 1903, Widtsoe Family Papers, CHL; Harvard University Catalogue, 1903–4, 121.

  5. Logan Fifth Ward, Young Women’s Mutual Improvement Association Minutes and Records, Mar. 25, 1903; Sept. 2, 1903; Sept. 28, 1904; tingnan din, halimbawa sa, Leah Dunford Widtsoe, “Lessons in Cookery,” Young Woman’s Journal, Ene. 1901, 12:33–36; Leah Dunford Widtsoe, “Furnishing the Home,” Young Woman’s Journal, Ene. 1902, 13:25–29; at Leah D. Widtsoe, “The Cook’s Corner,” at “Accidents and Sudden Illness,” Young Woman’s Journal, Ene. 1903, 14:32–36.

  6. Widtsoe, In a Sunlit Land, 42, 66–67; Mga Banal, tomo 2, kabanata 44.

  7. John A. Widtsoe, “Geological Time,” Improvement Era, Hulyo 1904, 7:699–705; John A. Widtsoe, “The Law of Evolution,” Improvement Era, Abr. 1904, 7:401–9. Mga Paksa: Organic Evolution [Organikong Ebolusyon]; Mga Peryodiko ng Simbahan

  8. John A. Widtsoe to Anna Gaarden Widtsoe, Nov. 24, 1903, Widtsoe Family Papers, CHL; Joseph F. Smith to John A. Widtsoe, Sept. 24, 1903, John A. Widtsoe Papers, CHL.

  9. Francis Marion Lyman, Journal, Mar. 10 and 26, 1904; Apr. 10, 1906; Reed Smoot to Joseph F. Smith, Mar. 23, 1904, Reed Smoot Papers, BYU; Flake, Politics of American Religious Identity, 91–92; Miller, Apostle of Principle, 411–14, 431, 442–43, 463, 502; Tanner, A Mormon Mother, 173, 268, 314; Hardy, Solemn Covenant, 206–7. Mga Paksa: Pag-aasawa nang Marami pagkaraan ng Pahayag; Matthias F. Cowley

  10. Francis Marion Lyman, Journal, Mar. 31, 1904; Apr. 6, 1904; May 3, 1904; July 9, 16, and 21, 1904; tingnan din sa 3 Nephi 11:28.

  11. Francis Marion Lyman, Journal, Aug. 18 and Sept. 29, 1904; Clawson, Journal, Sept. 29 at Oct. 4, 1904; John Henry Smith, Diary, Sept. 21 at 29, 1904; Miller, Apostle of Principle, 432–33; Alexander, Mormonism in Transition, 67–68; “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics Essays, ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays. Paksa: Pagbubuklod

  12. Francis Marion Lyman, Journal, Dec. 29, 1904, and Jan. 4–5, 1905; Lund, Journal, Dec. 30, 1904; Mouritsen, “George Franklin Richards,” 274–76; Miller, Apostle of Principle, 454–57, 503–4. Si John Henry Smith ay nagsagawa ng gayon ding misyon upang makipag-usap kay Matthias Cowley sa Mexico. Tumangging magbigay-saksi si Matthias. John Henry Smith, Diary, Jan. 8, 1905; Cowley, Journal, Jan. 7 and 20, 1905; Cowley, Autobiography, Jan. 20, 1905.

  13. Francis Marion Lyman, Journal, Jan. 12, 1905; Mouritsen, “George Franklin Richards,” 274; Account of Meetings, Oct. 1905, Francis M. Lyman Papers, CHL; Flake, Politics of American Religious Identity, 102–5.

  14. Francis M. Lyman to George Teasdale, July 8, 1904, sa Francis Marion Lyman, Journal, July 9, 1904; Reed Smoot to Joseph F. Smith, Dec. 8, 1905; Reed Smoot to George Gibbs, Telegram, Dec. 8, 1905, Reed Smoot Papers, BYU; Jorgensen and Hardy, “The Taylor-Cowley Affair,” 4–36.

  15. John W. Taylor to Council of the Twelve Apostles, Oct. 28, 1905; Matthias F. Cowley to Council of the Twelve Apostles, Oct. 29, 1905, Reed Smoot Papers, BYU; Mouritsen, “George Franklin Richards,” 274–76.

  16. Mouritsen, “George Franklin Richards,” 275–76; Francis Marion Lyman, Journal, Oct. 28, 1905; Miller, Apostle of Principle, 464–67. Mga Paksa: Matthias F. Cowley; Korum ng Labindalawa

  17. “The Centennial Memorial Company,” sa [Smith], Proceedings at the Dedication, 7; Susa Young Gates, “Memorial Monument Dedication,” Improvement Era, Peb. 1906, 9:313–14; Mar. 1906, 9:388; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Peb. 1906, 17:51; “Ceremonies at the Unveiling,” Deseret Evening News, Dis. 23, 1905, 2; Erekson, “American Prophet, New England Town,” 314–15. Mga Paksa: Mga Makasaysayang Lugar; Joseph Smith Jr.

  18. Susa Young Gates, “Memorial Monument Dedication,” Improvement Era, Peb. 1906, 9:313–14; Mar. 1906, 9:388; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Peb. 1906, 17:51; Flake, Politics of American Religious Identity, 95–98, 109–11; “Why Sustain Him?,” Salt Lake Tribune, Mar. 9, 1905, 4; “People Talk about Joseph F.’s Shame,” Salt Lake Tribune, Mar. 21, 1905, 1; “Joseph F. Does Not Understand,” Salt Lake Tribune, Mar. 22, 1905, 4; “The Church Disavows Itself,” Salt Lake Tribune, Mar. 30, 1905, 4.

  19. Flake, Politics of American Religious Identity, 94–102.

  20. “Introduction,” “The Centennial Memorial Company,” at “Dedication Exercises,” sa [Smith], Proceedings at the Dedication, [1], [5], 7, 9–17; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Peb. 1906, 17:51.

  21. “The Centennial Memorial Company,” at “Description of the Monument,” sa [Smith], Proceedings at the Dedication, 7, 26–27; Wells, “Report on Joseph Smith’s Birthplace,” 23–25; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Peb. 1906, 17:52.

  22. “Dedication Exercises,” sa [Smith], Proceedings at the Dedication, 9–17; Susa Young Gates, “Memorial Monument Dedication,” Improvement Era, Peb. 1906, 9:310; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Feb. 1906, 17:55; tingnan din sa Joseph Smith Centennial Photograph Album, CHL.

  23. [Smith], Proceedings at the Dedication, 30–31; Francis Marion Lyman, Journal, Dec. 23, 1905; “Full Text of President Smith’s Prayer in Dedication of Memorial,” Deseret Evening News, Dis. 30, 1905, 5; tingnan din sa Efiseo 2:20; at Mateo 16:18.

  24. Lund, Journal, Dec. 26, 1905; Lund, “Joseph F. Smith and the Origins of the Church Historic Sites Program,” 342–55. Paksa: Historic Sites [Mga Makasaysayang Lugar]

  25. Harper, First Vision, 71–73, 93–99, 131–34; Allen, “Emergence of a Fundamental,” 44–58; tingnan din, halimbawa sa, Pratt, An Interesting Account, 4–5, sa JSP, H1:523; at Hyde, Ein Ruf aus der Wüste, 14–16.

  26. Susa Young Gates, “Memorial Monument Dedication,” Improvement Era, Mar. 1906, 9:381–83, 388; Susa Young Gates, “Watchman, What of the Hour?,” Young Woman’s Journal, Peb. 1906, 17:56–61. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “Dito lumuhod ang bata” sa orihinal ay pinalitan ng “Dito nakaluhod ang bata.” Paksa: Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith

  27. Francis Marion Lyman, Journal, Dec. 30, 1905; Susa Young Gates, “Memorial Monument Dedication,” Improvement Era, Mar. 1906, 9:383, 388.

  28. Widtsoe, In the Gospel Net, 101–2. Paksa: Norway

  29. Widtsoe, In the Gospel Net, 104–5, 113–14; Anthon Skanchy to First Presidency, Feb. 4, 1904, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Mga Banal, tomo 2, kabanata 32–33.

  30. Widtsoe, In the Gospel Net, 113–14.

  31. Anna Gaarden Widtsoe to John A. Widtsoe, Nov. 2, 1903, John A. Widtsoe Papers, CHL.

  32. Widtsoe, In the Gospel Net, 115; Anna Gaarden Widtsoe to John A. Widtsoe, Apr. 19, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL.

  33. Anna Gaarden Widtsoe to John A. Widtsoe, June 6, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL; John A. Widtsoe to Anna Gaarden Widtsoe, Aug. 18, 1905, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, In a Sunlit Land, 83–87; Woodworth, “Financial Crisis at Brigham Young Academy,” 73, 105–6; “Widtsoe, Osborne John Peder,” sa Jenson, Latter-day Saint Biographical Encyclopedia, 2:403–4. Paksa: Mga Akademya ng Simbahan

  34. Anna Gaarden Widtsoe to John A. Widtsoe, Dec. 9, 1904, Widtsoe Family Papers, CHL.

  35. Widtsoe, In the Gospel Net, 105, 115.

  36. LeGrand Richards, “President Joseph F. Smith in Europe,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ago. 23, 1906, 68:532–33; Roothoff, Life History, 4.

  37. Osborne J. P. Widtsoe, “The Little Blind Boy of Holland,” Juvenile Instructor, Nob. 15, 1907, 42:679–81.

  38. Osborne J. P. Widtsoe, “The Little Blind Boy of Holland,” Juvenile Instructor, Nob. 15, 1907, 42:679–81; LeGrand Richards, “President Joseph F. Smith in Europe,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ago. 23, 1906, 68:533.

  39. LeGrand Richards, “Discourse by President Joseph F. Smith,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ago. 30, 1906, 68:546.

  40. Osborne J. P. Widtsoe, “The Little Blind Boy of Holland,” Juvenile Instructor, Nob. 15, 1907, 42:679–81; Roothoff, Life History, 4. Mga Paksa: Pagpapagaling; Netherlands

  41. “Saints Gather at Conference,” Deseret Evening News, Okt. 5, 1906, 1–2; Mitchell, “Mormons in Wilhelmine Germany,” 152; Scharffs, Mormonism in Germany, 51–53; Swiss-German Mission, Office Journal, Apr. 22, 1900, 4–5; Aug. 1, 1900, 4–5; Apr. 9, 1909, 92–94; Hugh J. Cannon to George Reynolds, Aug. 11, 1904; Sept. 13, 1904, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Thomas McKay to Reed Smoot, Mar. 17, 1909, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL. Paksa: Germany

  42. “Saints Gather at Conference,” Deseret Evening News, Okt. 5, 1906, 1–2; Ballif, Journal, Aug. 16–17, 1906; Ashby D. Boyle, “Prest. Smith in Switzerland,” Deseret Evening News, Set. 29, 1906, 30; “The Gospel of Doing,” Der Stern, Okt. 15, 1906, 38:305–8.

  43. The Gospel of Doing,” Der Stern, Nob. 1, 1906, 38:331–32; tingnan din sa Isaias 11:9. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “kapag ang mga templo ng Diyos na inilaan sa mga banal na ordenansa ng ebanghelyo at hindi sa pagsamba sa diyus-diyusan ay mapagtitibay” sa orihinal ay pinalitan ng “na ang mga templo ng Diyos na inilaan sa mga banal na ordenansa ng ebanghelyo ay itatatayo sa iba’t ibang bansa sa mundo.” Mga Paksa: Pagtatayo ng Templo; Switzerland