Kasaysayan ng Simbahan
24 Ang Layon ng Simbahan


Kabanata 24

Ang Layon ng Simbahan

sinehang nagpapalabas ng balita sa mga nagsisiksikang manonood

Mabilis na kumilos sina Pangulong Heber J. Grant at kanyang mga tagapayo upang ipatupad ang programa para sa pagtulong ni Harold B. Lee. Noong ika-6 ng Abril 1936, ibinalita nila ang plano sa isang espesyal na pulong para sa mga stake presidency at ward bishopric. Makalipas ang ilang araw, itinalaga ni Pangulong Grant si Harold na maglingkod bilang namamahalang direktor ng programa, inaatasan itong makipagtulungan kay apostol Melvin J. Ballard at sa isang sentral na komite ng pangangasiwa.1

Ang pangunahing mithiin ng Simbahan sa sumunod na ilang buwan ay tiyakin na pagsapit ng ika-1 ng Oktubre, bawat pamilyang nangangailangan sa mga stake ay may sapat na pagkain, damit, at panggatong na magtatagal sa buong taglamig. Nais ding bigyan ng hanapbuhay ni Pangulong Grant ang mga Banal na walang trabaho upang palakasin ang kanilang loob, ibalik ang nawalang dignidad, at magkaroon ng katatagan sa pananalapi.

Upang maisakatuparan ang mga mithiing ito, hiniling niya at ng kanyang mga tagapayo sa mga Banal na magbayad ng buong ikapu at dagdagan ang kanilang mga handog-ayuno. Tinagubilinan din nila ang mga lokal na lider ng Relief Society at priesthood na alamin ang mga pangangailangan at lumikha ng mga proyekto sa trabaho upang makatulong sa mga tao sa kanilang ward. At hangga’t maaari, ang Simbahan mismo ang magbibigay ng mga oportunidad na makapagtrabaho tulad ng pag-aayos at pagkukumpuni ng mga ari-arian ng Simbahan.

“Lahat ng pagsisikap ay kailangang gawin upang pawiin ang lahat ng nadaramang kakimian, pagkapahiya, o kahihiyan sa bahagi ng mga yaong tumatanggap ng tulong,” ipinahayag ng Unang Panguluhan. “Ang ward ay dapat maging isang malaking pamilya na pantay-pantay.”2

Sa unang linggo ng Mayo, naglakbay si Pangulong Grant patungong California upang mag-organisa ng bagong stake at magsalita sa mga Banal tungkol sa bagong programa para sa pagtulong.3 Mula nang itatag ang Los Angeles Stake noong 1923, libu-libong Banal ang lumipat sa California upang maghanap ng mas mainit na klima at mas magandang trabaho. Bukod pa rito, may ilang maiinam na unibersidad ang estado, at maraming Banal sa mga Huling Araw ang umunlad sa mga institusyong ito. Noong 1927, inorganisa ng mga lider ng Simbahan ang isang stake sa San Francisco, na sinundan ng isa pa sa kalapit na Oakland makalipas ang ilang taon. Ngayon, ang Simbahan ay may mahigit animnapung libong miyembro sa siyam na stake sa buong estado.4

Ginugol ni Pangulong Grant ang kanyang unang gabi sa Los Angeles sa pakikipag-usap sa pangulo ng bagong stake at pakikipagpulong sa mga lokal na Banal tungkol sa programa para sa pagtulong. Gayunman, nang magising siya kinaumagahan, mga templo, hindi ang plano para sa pagtulong, ang nasa kanyang isipan. Siya at ang mga lider ng Simbahan ay matagal nang pinagninilayan ang pagtatayo ng mas maraming templo sa labas ng Utah sa mga lugar na maraming Banal. Kamakailan lamang ay nagpasiya silang magtayo ng templo sa Idaho Falls, isang maliit na lunsod sa timog-silangan ng Idaho. Ngayon ay nadama niya na kailangang magtayo ng templo ang Simbahan sa Los Angeles.5

Humuhupa na ang Depression, at ang Simbahan ay mayroon nang pinansyal na kakayahan upang magtayo ng dalawang templo habang isinasagawa rin ang programa para sa pagtulong. Wala itong utang at umiiral gamit ang mabubuting gawi sa pananalapi. Ang mahalagang pamumuhunan ng Simbahan sa asukal, na sinimulan noong mga unang taon ng dekada ng 1900, ay nagkakaroon din ng tubo. Sa palagay ni Pangulong Grant ang mga bagong templo ay hindi kinakailangang maging magarbo at magastos tulad ng Salt Lake Temple. Sa halip, nakinita niya ang mga templong tama lamang ang sukat na tutugon sa mga pangangailangan ng mga lokal na Banal.6

Gayunman, para sa panahong iyon, ang pagpapatupad ng bagong plano para sa pagtulong ang magiging pangunahing prayoridad ng Simbahan. Ngayon pa lang, nagsisimula nang maglabasan ang mga pagtutol sa programa. Ilang mga Banal ang nayamot sa dami ng bagong mabibigat na gawain na hinihingi nito sa mga ward at stake. Hindi ba sapat ang tapat na pagbabayad ng ikapu at mga handog-ayuno upang pangalagaan ang mga nangangailangang miyembro ng Simbahan? Nag-alala rin sila na ang pagbabayad ng ikapu sa pamamagitan ng pag-aambag ng mga bagay na inihandog bilang ikapu sa mga lokal na kamalig ay lumikha ng karagdagang gastos sa pagsisinop at pag-imbak. Nadama ng iba na, bilang mga mamamayang nagbabayad ng buwis, may karapatan silang tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan kung karapat-dapat sila para dito, kahit hindi nila ito kailangan.7

Batid ni Pangulong Grant na magkakaroon ng mga kritiko ang programa, ngunit hinikayat niya si Harold na magpatuloy sa gawain. Nakadepende ang tagumpay ng programa sa susunod na anim na buwan. Kung magtatagumpay ang programa para sa pagtulong, kinakailangang magtulungan ang mga Banal.8


Samantala, sa Mexico, ang limampu’t limampung taong gulang na si Isaías Juárez ay nakikipaglaban upang hindi mawala ang Simbahan sa kanyang bansa. Bilang district president, pinamumunuan niya ang mga Banal sa gitnang Mexico simula noong 1926, noong ang kaguluhan sa relihiyon at pulitika ay nagtulak sa pamahalaan ng Mexico na paalisin ang lahat ng banyagang pari, kabilang na ang mga misyonero na Amerikanong Banal sa mga Huling Araw, mula sa bansa. Sa payo mula kay Rey L. Pratt, ang ipinatapong mission president at isang general authority ng Simbahan, mabilis na napunan nina Isaías at iba pang mga Banal na Mehikano ang mga bakanteng tungkulin sa pamumuno sa Simbahan na humadlang sa pagbagsak ng mga lokal na branch.9

Ngayon, makalipas ang sampung taon, humaharap sa mga bagong problema ang Simbahan sa Mexico. Matapos ang di-inaasahang pagpanaw ni Elder Pratt noong 1931, tinawag ng Unang Panguluhan si Antoine Ivins ng Unang Konseho ng Pitumpu upang humalili dito bilang mission president. Bagama’t lumaki si Antoine sa mga kolonya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico at nag-aral ng abogasya sa Lunsod ng Mexico, hindi siya isang mamamayan ng Mexico at hindi siya legal na makapaglilingkod sa bansa. Dahil dito, nakipagtulungan siya sa mga Mehikano-Amerikanong nakatira sa timog-kanlurang bahagi ng Estados Unidos.10

Ang mga Banal sa gitnang Mexico ay nabagabag dahil sa pagkawala ng mission president, lalo na kapag kinakailangang bigyan kaagad ng pansin ang mga lokal na alalahanin. Ang Simbahan, halimbawa, ay nangangailangang magtayo ng mas maraming meetinghouse simula nang isaad sa batas sa Mexico na ang mga tao ay hindi maaring magdaos ng mga serbisyong panrelihiyon sa mga pribadong tahanan o iba pang mga gusali na hindi panrelihiyon. Subalit ang mga lokal na lider ng Simbahan ay walang awtoridad o mga resource upang sila mismo ang magbigay-kalutasan sa problemang ito.11

Dahil nadaramang pinabayaan sila, nagdaos sina Isaías at kanyang mga tagapayo, sina Abel Páez at Bernabé Parra, ng mga pulong kasama ang ilang iba pang mapagmalasakit na mga Banal noong 1932 upang talakayin kung ano ang dapat gawin. Sa mga pulong na ito, na kalaunang tinawag na First and Second Conventions [Una at Ikalawang Kumbensyon], napagkasunduan ng mga Banal na pinakamainam kung isang mamamayan ng Mexico ang maglilingkod bilang kanilang mission president. Noong Rebolusyong Mehikano, marami sa kanila ang pumanig sa mga lider na nakipaglaban sa mga banyagang kapangyarihan para sa mga karapatan ng mga katutubong Mehikano, at nadismaya sila sa mga banyagang pinuno ng pulitika na namamahala mula sa malayo at tila binabalewala ang kanilang mga pangangailangan.12

Ang mga Conventionist ay sumulat ng mga liham upang hilingin ang pagbabagong ito at ipinadala ang mga ito sa punong tanggapan ng Simbahan. Tumugon ang Unang Panguluhan sa pamamagitan ng pagpapadala kina Antoine Ivins at Melvin J. Ballard sa Lunsod ng Mexico upang makipag-usap kay Isaías at sa iba pang mga nagpepetisyon. Tiniyak sa kanila ng dalawang bisita na makakahanap ang Unang Panguluhan ng isang inspiradong solusyon sa kanilang suliranin sa pamumuno. Ngunit pinagsabihan din sila ni Antoine dahil sa kanilang direktang pagsamo sa Unang Panguluhan nang hindi muna sumasangguni sa kanya.13

Nang matapos ang panahon ni Antoine bilang mission president, tinawag ng Unang Panguluhan si Harold Pratt, ang nakababatang kapatid ni Rey Pratt, upang palitan siya. Isinilang sa mga kolonya ng Mexico, malayang makapaglilingkod si Harold sa bansa, at hindi nagtagal ay inilipat niya ang punong tanggapan ng mission sa Lunsod ng Mexico. Gayunpaman, ilang miyembro ng Simbahan ang nakadama ng galit sa kanyang tutok na pangangasiwa. Labis na nalungkot ang iba pang mga Banal na hindi siya tubong Mehikano kapwa sa kultura at lahi. Nais nila ang isang mission president na makauunawa sa pang-araw-araw na buhay at mga pangangailangan ng mga taong pinaglingkuran niya.14

Noong unang bahagi ng 1936, nagpasiya ang Unang Panguluhan na hatiin ang Mexican Mission sa pambansang hangganan, iniaalis ang isang bahagi ng timog-kanlurang Estados Unidos mula sa mga hangganan ng mission. Nagbigay ang balitang ito ng pag-asa sa ilang Banal na isang katutubong Mehikano ang maglilingkod bilang bagong mission president. Ngunit nang napanatili ni Harold Pratt ang kanyang posisyon, nagpasiya ang isang grupo ng mga nadismayang Banal na magdaos ng ikatlong kumbensyon.

Ang nangunguna sa pagsisikap ay sina Abel Páez at kanyang tiyo na si Margarito Bautista. Labis na ipinagmamalaki ni Margarito ang kanyang pamana bilang Mehikano—at sa paniniwala na siya ay inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Inakala niya na maaaring pamahalaan ng mga Banal na Mehikano ang kanilang sarili, at kinamumuhian niya ang panghihimasok ng mga lider mula sa Estados Unidos.15

Nakikiisa si Isaías kina Abel at Margarito, ngunit hinikayat niya sila na huwag isagawa ang kumbensyon. “Ang organisasyon ng Simbahan,” paalala niya kay Abel, “ay hindi batay sa kahilingan ng karamihan.” Nang sumulong pa rin ang mga plano para sa Ikatlong Kumbensyon [Third Convention], nagpadala si Isaías ng liham sa kabuuan ng mission, sinisikap pigilan ang mga miyembro ng Simbahan na dumalo.

“Marangal ang layon,” isinulat niya, “ngunit ang uri ng proseso ay wala sa kaayusan dahil lumalabag ito sa alituntunin ng awtoridad.”16

Noong ika-26 ng Abril 1936, isandaan at dalawampung Banal ang nagtipon sa Tecalco, Mexico, para sa Ikatlong Kumbensyon. Sa pulong, buong pagkakaisa nilang ibinoto na sang-ayunan ang Unang Panguluhan. Naniniwala na hindi naunawaan ng mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake ang kanilang naunang liham, napagpasiyahan nilang kailangan nilang magsumite ng bagong petisyon na malinaw na humihiling ng mission president mula sa kanilang sariling “raza y sangre”—lahi at dugo. Pagkatapos ay buong pagkakaisang bumoto ang mga Conventionist na ipakilala si Abel Páez bilang kanilang pinili para sa isang bihasang katutubong pangulo ng Mexican Mission.17

Matapos ang pulong, nakipagtulungan si Isaías kay Harold Pratt upang makipagkasundo kay Abel at sa mga Conventionist, ngunit nabigo ang kanilang mga pagsisikap. Noong Hunyo, sumulat ang mga Conventionist ng labinwalong pahinang petisyon sa Unang Panguluhan. “Magalang naming hinihiling na bigyan ninyo kami ng dalawang bagay,” kanilang isinulat. “Una, nawa ay ipagkaloob sa amin ng ating Simbahan ang isang mission president na Mehikano, at pangalawa, na tanggapin at pahintulutan ng ating Simbahan ang kandidato na aming pipiliin.”

Wala nang iba pang magagawa si Isaías upang pigilang isumite ng mga Conventionist ang petisyon. Sa pagtatapos ng buwan, ipinadala nila ito na may kalakip na 251 lagda sa Lunsod ng Salt Lake.18


Noong ika-2 ng Oktubre 1936, binuksan ni Pangulong Heber J. Grant ang pangkalahatang kumperensya na may ulat tungkol sa plano para sa pagtulong, na kilala ngayon bilang Church Security Program. Sa unang buwan, ipinaalala niya sa mga Banal, na nais ng Simbahan na ang bawat nangangailangan at matatapat na Banal sa mga stake nito ay magkaroon ng sapat na pagkain, panggatong, at damit para sa darating na taglamig.

Bagama’t tatlong sangkapat lamang ng mga stake ang nakapagkamit ng mithiin, nalugod siya sa agap at kahusayang ipinakita ng mga Banal sa nakalipas na anim na buwan. “Mahigit isang libo at limandaang tao ang nagtrabaho sa magkakaibang proyekto ng stake at ward,” iniulat niya. “Daan-daang libong oras ng trabaho ang ibinigay ng mga tao sa kinakailangan at kapuri-puring layuning ito.”19 Nag-ani sila ng mga butil at iba pang mga panananim, nangalap ng mga damit, at gumawa ng maraming kumot at kubre-kama. Ang mga komite sa trabaho ay nakatulong sa hanggang pitong daang tao na makahanap ng trabaho.

“Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili,” sinabi ni Pangulong Grant sa mga nagtitipong Banal. “Hindi natin dapat pag-isipang itigil ang ating mga pambihirang pagsisikap hanggang mawala ang kakulangan at pagdurusa sa atin.”20

Dalawang buwan matapos ang kumperensya, isang grupo ng mga tauhan sa pelikula ang dumating sa Lunsod ng Salt Lake upang gumawa ng maikling dokumentaryo tungkol sa programa sa seguridad para sa The March of Time, isang sikat na serye ng mga balita na mapapanood sa mga sinehan sa buong Estados Unidos. Kinunan ng mga tagagawa ng pelikula ang mga eksena sa mga tampok na lugar sa Lunsod ng Salt Lake at ang karaniwang Banal sa mga Huling Araw na inaasikaso ang lupain at pinapangasiwaan ang mga kamalig at talyer ng Simbahan. Sa pakikipagtulungan ni Pangulong Grant at ng iba pang mga lider ng Simbahan, kinunan din ng mga tauhan ang mga talakayan at pulong tungkol sa plano sa seguridad.21

Ngayong mas handa na ang mga Banal na harapin ang taglamig, muling bumaling ang pansin ng propeta sa mga templo. Noong taglamig na iyon, binigyan ng lupain ang Simbahan para sa isang templo sa tabi ng Ilog Snake sa Idaho Falls, Idaho, kung saan nakatira ang isang matatag na komunidad ng matatapat na Banal.22 Pagkatapos ay bumalik sa Los Angeles si Pangulong Grant upang bisitahin ang mga stake doon at sundin ang natanggap niyang pahiwatig na magtayo ng templo sa lunsod.

Sa California, natagpuan niya ang mga miyembro ng Simbahan na masigasig na ipinatutupad ang programa sa seguridad. Bilang sentro ng bayan, isang hamon ang plano para sa Los Angeles, na nakadepende sa pagsasaka at iba pang mga gawain sa bukid upang magbigay ng trabaho sa mga Banal na walang trabaho. Dahil dito iniangkop ng mga stake sa California ang programa sa kanilang rehiyon. Nagdelata sila ng mga bunga mula sa saganang taniman ng estado, at habang patuloy na lumalago ang Simbahan sa lugar, ang mga Banal na nangailangan ng tulong ay nagtrabaho bilang mga manggagawa sa itinatayong mga bagong meetinghouse.23

Gayunpaman, nahirapan pa rin ang mga Banal sa California na matugunan ang mithiing dagdagan ang kanilang mga handog-ayuno. Sa pagsasalita sa mga miyembro ng Pasadena Stake, sa hilagang-silangan ng Los Angeles, binigyang-diin ni Pangulong Grant ang kahalagahan ng sakripisyong ito. “Lahat ng miyembro ng ating Simbahan ay hindi mahihirapan,” ipinangako niya sa kongregasyon, “kung minsan kada buwan lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay mag-aayuno ng dalawang kainan at ibibigay ang katumbas na halaga nito sa mga kamay ng bishop, para sa pamamahagi sa mga nangangailangan.”24

Kung hindi siya nakikipagpulong sa mga Banal, binibisita ni Pangulong Grant ang mga potensyal na pagtatayuan ng templo. Nakakita siya ng maraming angkop na lugar, ngunit sa tuwing magpapakita siya ng interes sa pagbili, hihingi ang mga may-ari ng mas malaking halaga kaysa inakala niyang halaga ng lupain.25 Ang pinakamagandang lugar na natagpuan niya ay ang isang magandang 9.5 ektaryang lote na matatagpuan sa pagitan ng Los Angeles at Hollywood. Nag-alok siya ng halaga sa ari-arian, ngunit wala siyang natanggap na tugon mula sa may-ari bago siya bumalik sa Lunsod ng Salt Lake.

Kinabukasan, tumanggap siya ng telegrama mula sa bishop sa Los Angeles. Tinanggap ng may-ari ng lote ang alok ng Simbahan. Tuwang-tuwa ang propeta. “Nasa atin ang pinakamagandang lugar sa buong bansa,” sinabi niya kay J. Reuben Clark.26

Dumating ang balita sa mismong panahon na ang The March of Time ay unang ipinalabas sa mga sinehan, at nakuha nito ang pansin ng bansa tungkol sa magagandang ginagawa ng mga Banal para tulungan ang mga maralita.27 Ilang linggo bago ipalabas ang pelikula, isang sinehan sa Lunsod ng Salt Lake ang nagpaunlak ng pribadong palabas para sa mga lider ng Simbahan at lunsod. Nasa California pa noon si Pangulong Grant, kaya hindi niya inabutan ang kaganapang iyon. Ngunit nakapunta si David O. McKay, at maraming papuri ang ibinigay niya sa pelikula.

“Magandang pelikula iyon,” sabi niya. “Napakaganda at napakahusay ng pagkakagawa ng pelikula kaya dapat itong ipagpasalamat ng bawat lalaki, babae, at bata sa Simbahan.”28


Sa panahong ito, ang alitan sa pagitan ng Ikatlong Kumbensyon ng Mexico at ng Simbahan ay patuloy na lumalala.29 Matapos tanggapin ang petisyon ng mga Conventionist, tinugunan ito ng Unang Panguluhan gamit ang mahabang liham, muling binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga pamantayang pamamaraan ng pamahalaan ng Simbahan sa lahat ng dako ng mundo.

“Kung hindi magkagayon,” ipinahayag ng panguluhan, “magkakaroon kalaunan sa Simbahan ng iba’t ibang gawi, at ang mga ito ay hahantong sa iba’t ibang doktrina, at sa huli ay wala nang kaayusan sa Simbahan.”30

Hiniling nila sa mga Conventionist na magsisi. “Maaaring dumating ang panahon na isang mission president mula sa sarili ninyong lahi ang itatalaga,” isinulat nila, “ngunit ito ay kapag ang pangulo ng Simbahan, na kumikilos ayon sa inspirasyon ng Panginoon, ang magpapasiyang gawin ito.”31

Si Santiago Mora Gonzáles, isang branch president sa gitnang Mexico, ay nakipagpulong sa iba pang mga tagasuporta ng Ikatlong Kumbensyon noong Nobyembre 1936 upang talakayin ang pinakamainam na paraan ng pagtugon sa liham ng Unang Panguluhan. Ang ilang Conventionist, kabilang na si Santiago, ay nalungkot sa liham ngunit nais niyang sumunod sa desisyon ng Unang Panguluhan. Nagalit ang ilan.

Si Margarito Bautista, na nakaupo malapit kay Santiago sa pulong, ay tumalon mula sa mesa. “Ito ay tunay na kawalang-katarungan!” sabi niya. Nais niyang tunay na tanggihan na ng mga Conventionist ang awtoridad ni Harold Pratt. “Siya ay hindi na natin pangulo,” sabi ni Margarito. “Ang ating pangulo ay ang ating mahal na si Abel!”

Nabahala si Santiago. Sa simula ng taong iyon, tinanong niya si Margarito kung ano ang mangyayari kung hindi magiging sang-ayon ang mga lider ng Simbahan sa petisyon ng mga Conventionist. Tiniyak sa kanya ni Margarito na kung nakuha man nila o hindi ang sagot na nais nila, patuloy nilang susuportahan si Harold bilang mission president at umaasang isasaalang-alang nito ang mga isyung inilagay nila sa petisyon. Ngayon ay tila nananawagan na ng talamak na paghihimagsik ang mga Conventionist.

“Hindi ito ang pinagkasunduan natin,” sinabi ni Santiago sa kanyang kaibigan.

“Oo, pero ito ay kawalan ng katarungan,” sabi ni Margarito.

“Kung gayon,” sabi ni Santiago, “hindi natin tinutupad ang ating pangako.”

Nang gabing iyon, umuwi si Santiago at nakipag-usap sa kanyang asawang si Dolores. “Ano ang dapat nating gawin?” tanong niya. “Tutol akong maging elemento ng oposisyon para sa gawain ng Simbahan.”

“Pag-isipan mo itong mabuti,” sabi ni Dolores.32

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakipagpulong si Santiago sa mahigit dalawang daang Conventionist upang talakayin ang daan pasulong. Marami sa kanila, tulad ni Margarito, ang nagalit sa liham ng Unang Panguluhan. Subalit nabagabag din sila sa mga sabi-sabi na sinusuyo ni Margarito ang mga pangmaramihang asawa, isang kaugaliang nasaksihan niya noong nabinyagan siya noong bata pa siya sa mga kolonya ng Mexico. Nang matuklasan ng mga Conventionist na totoo ang mga sabi-sabi, sumang-ayon sila na ang kanyang pag-uugali ay hindi katanggap-tanggap at pinaalis mula sa organisasyon.33

Nabagabag si Santiago na si Margarito, isa sa mga punong pasimuno ng Kumbensyon, ay naligaw ng landas. Matapos dumalo sa ilang miting, nagsimulang magsabi si Santiago sa kanyang asawa at iba pang mga Conventionist na hindi na siya makakasama sa grupo. Hindi nagtagal siya at ang iba pang mga nadismayang Conventionist ay nakipagpulong kay Harold, at sinabi rito ang hangarin nilang muling makasama ang pangunahing pangkat ng Simbahan, at tinanong kung ano ang kailangan nilang gawin para makabalik.

“Aba,” sabi ni Harold, “walang kundisyon para sa inyo mga kapatid. Patuloy kayo sa pagiging miyembro. Kayo ay mga miyembro ng Simbahan.”34

Patuloy na tapat na naglingkod si Santiago bilang pangulo ng kanyang branch. Ang Ikatlong Kumbensyon ay nanatiling isang maliit na kilusan sa mga Banal sa Mexico, ngunit umakit pa rin ito ng daan-daang miyembro ng Simbahan na sumapi sa grupo nito. Matapos na mabigo ang iba pang mga pagsisikap sa pakikipagkasundo, nagpadala ang mga lider ng Kumbensyon ng isa pang liham sa Unang Panguluhan, ipinapahayag ang kanilang mga hangarin na lubusang tanggihan ang pamumuno ng mission president.

Kalaunan ang mga lider ng Simbahan sa Mexico ay tumugon, itinitiwalag sina Abel Páez, Margarito Bautista, at iba pang mga lider ng Kumbensyon noong Mayo 1937 dahil sa paghihimagsik, pagsuway sa pamunuan, at apostasiya.35


Noong tagsibol na iyon, sa silangang Estados Unidos, ang labinwalong taong gulang na si Paul Bang ay abala sa paglilingkod sa Cincinnati Branch. Bukod pa sa pagiging priest sa Aaronic Priesthood, siya ay isang branch clerk, isang kalihim sa MIA, at isang lokal na misyonero.

Tuwing Linggo, siya at ang iba pang mga lokal na misyonero ay kumakatok sa bawat pintuan ng lunsod, at nagbabahagi ng ebanghelyo. Ang isa sa kanyang mga kompanyon, si Gus Mason, ay nasa hustong gulang na para maging ama niya at sinikap na laging nakatutok sa kanya. Sa kanilang unang araw ng pagbabahagi ng ebanghelyo, kumatok si Paul sa isang pintuan nang mag-isa at siya ay inanyayahang magbigay ng mensahe ng ebanghelyo. Samantala, tarantang naglakad-lakad si Gus sa mga lansangan sa paghahanap sa kanya. Pagkatapos niyon, magkasama na silang kumakatok sa mga pintuan.36

Nais ni Paul na makipag-usap sa mga tao tungkol sa Simbahan. Hindi tulad ng mga binatilyo sa Utah, napaliligiran siya ng mga taong hindi umaayon sa kanyang mga paniniwala. Nasisiyahan siyang pag-aralan ang ipinanumbalik na ebanghelyo at magsulat ng mga tala tungkol sa natutuhan niya. Sa kanyang libreng oras, binabasa niya ang mga banal na kasulatan, kabilang na ang A Young Folk’s History of the Church ni Nephi Anderson, at ang Jesus the Christ at Articles of Faith ni James E. Talmage. Karaniwang pinag-aaralan niya ang mga aklat na ito habang nagbabantay ng tindahan tuwing Linggo ng hapon, kapag iilang tao lamang ang nagpupunta upang bumili.37

Si Paul at ang kanyang kasintahan na si Connie Taylor ay halos hindi mapaghihiwalay sa mga pulong ng Simbahan at sa mga aktibidad ng MIA.38 Hinikayat ni Alvin Gilliam, na pumalit kay Charles Anderson bilang branch president noong unang bahagi ng 1936, ang ugnayan nina Paul at Connie. Sa nakalipas na sampung taon, dumoble ang bilang ng branch, salamat sa mga batang Banal na ikinasal, nananatili sa branch, at bumubuo ng mga pamilya.

Dahil sa Depression kinailangang lumipat ng lugar ang maraming tao, sa pisikal at espirituwal, na kung minsan ay humahantong sa pagyabong ng Simbahan mula sa mga lokal na nabinyagan o mga Banal na lumipat sa Cincinnati mula sa mga lugar na lugmok ang ekonomiya tulad ng Utah o ng Katimugang Estados Unidos. Ang iba naman ay nagmula pa sa mas malayo, kabilang na ang isang pamilya ng mga Banal na Aleman mula sa Buenos Aires, Argentina. Kamakailan, pinakasalan ng kapatid ni Paul na si Judy si Stanley Fish, isang binata mula sa Arizona na bumalik sa Cincinnati matapos magmisyon doon.39

Noong ika-6 ng Hunyo 1937, sina Paul, Connie, at iba pang mga miyembro ng branch ay naglakbay nang mahigit 160 kilometro upang marinig si Pangulong David O. McKay sa isang kumperensya ng mission sa isang kalapit na estado. Matiim na nakinig sina Paul at Connie nang magsalita si Pangulong McKay sa kongregasyon tungkol sa kasagraduhan ng pagliligawan at pag-aasawa. Nang gabing iyon, bago inihatid ni Paul si Connie sa apartment ng pamilya nito, sinabi ni Connie kay Paul sa unang pagkakataon na mahal niya ito.40

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nakipag-usap si Pangulong Gilliam kay Paul tungkol sa paglilingkod sa full-time mission. Hindi lahat ng karapat-dapat na binata ay inaasahang maglingkod sa gayong misyon noong panahong iyon, at kung gagawin ito ni Paul, siya ang unang full-time missionary na maglilingkod mula sa Cincinnati Branch.41 Hindi sigurado si Paul kung dapat niyang gawin ito. Tunay na kailangan ng Simbahan ang kanyang tulong dahil sa kakulangan sa mga misyonero sa panahon ng Depression. Ngunit mayroon din siyang pamilya at tindahan na kailangang pagtuunan ng pansin. Ang kanyang mga kuya ay lumipat na ng bahay, at batid niyang umaasa sa kanya ang kanyang mga magulang.42

Sa huli, nagpasiya si Paul na huwag maglingkod sa full-time mission. Nagpatuloy siya bilang branch missionary, at noong ika-1 ng Agosto, dalawang araw matapos mangaral sa isang miting sa kalye, bininyagan niya ang anim na tao sa isang swimming pool. Noong taglagas, tinawag din nina Pangulong Gilliam at pangulo ng Northern States Mission na si Bryant Hinckley si Connie upang maging branch missionary.43

Hindi nagtagal, magkasamang pumupunta sina Paul at Connie sa mga lansangan, nagpapamigay ng literatura ng Simbahan at nangangaral sa sinumang makikinig. Para sa ikalabingsiyam na kaarawan ni Connie noong Mayo 1938, sinorpresa siya ni Paul ng isang Biblia at isang kopya ng Jesus the Christ—dalawang aklat na magagamit niya sa kanyang bagong tungkulin.

May sandali rin na nagbiro ito na bibigyan siya nito ng singsing ng pagiging magkasintahan. Ngunit isang taon pa bago sila matapos ng hayskul—at kapwa sila hindi pa handang mag-asawa.44

  1. Harold B. Lee, Journal, Apr. 6, 15, and 21–28, 1936; Schedule of Regional Meetings, Apr. 24, 1936, David O. McKay Papers, CHL; Grant, Journal, Apr. 20–21 and 23, 1936.

  2. First Presidency, Important Message on Relief, [2]–[3]; David O. McKay to Edward I. Rich, May 1, 1936, David O. McKay Papers, CHL.

  3. Grant, Journal, May 2–3, 1936; “Church Officials Form New L.D.S. Stake on Coast,” Salt Lake Tribune, Mayo 5, 1936, 24.

  4. Orton, Los Angeles Stake Story, 40–42; Johnson at Johnson, “Twentieth-Century Mormon Outmigration,” 47; Cowan at Homer, California Saints, 264, 274; Candland, History of the Oakland Stake, 26–27; “Temple Is a Challenge to California Mormons,” Ensign (Los Angeles), Mar. 18, 1937, 1. Paksa: Paglipat sa Ibang Lugar

  5. Grant, Journal, May 2–4, 1936; Cowan at Homer, California Saints, 267–69; Groberg, Idaho Falls Temple, 49–51.

  6. Alexander, Utah, the Right Place, 318–19; Heber J. Grant to Russell B. Hodgson, Aug. 24, 1935, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Heber J. Grant to Bayard W. Mendenhall, Nov. 27, 1935, Letterpress Copybook, tomo 73, 81, Heber J. Grant Collection, CHL; Presiding Bishopric, Office Journal, June 16, 1936. Mga Paksa: Pananalapi ng Simbahan; Pagtatayo ng Templo

  7. “Tentative Program for Group Meetings with Stake Presidents,” Oct. 1–3, [1936], David O. McKay Papers, CHL.

  8. Lee, “Remarks of Elder Harold B. Lee,” 3–4; “A Message from the President of the Church,” Improvement Era, Hunyo 1936, 39:332; First Presidency, Important Message on Relief, [3].

  9. Tullis, Mormons in Mexico, 111–14, 138. Paksa: Mexico

  10. Tullis, Mormons in Mexico, 116; Informe de la Mesa Directiva de la 3a Convención, [June 25, 1936], 31. Paksa: Mga Kolonya sa Mexico

  11. Martin F. Sanders to J. Reuben Clark Jr., Sept. 30, 1933; Oct. 29, 1933; Harold W. Pratt to J. Reuben Clark Jr., Apr. 10, 1934, J. Reuben Clark Jr. Papers, BYU; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 162.

  12. Páez, Lamanite Conventions, 25–27; Informe de la Mesa Directiva de la 3a Convención, [June 25, 1936], 19–20; Tullis, Mormons in Mexico, 112, 116–17; Acta de la Convención de Tecalco, Apr. 26, 1936, 14–15; Pulido, “Margarito Bautista,” 48–56.

  13. Tullis, Mormons in Mexico, 117–18; Páez, Lamanite Conventions, 25–27.

  14. Tullis, Mormons in Mexico, 119–21, 127; Harold W. Pratt to First Presidency, May 1, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Dormady, Primitive Revolution, 76; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 162.

  15. Tullis, Mormons in Mexico, 121, 125–26; Acta de la Convención de Tecalco, Apr. 26, 1936, 14–15; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 108–35, 165–70. Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita

  16. Tullis, Mormons in Mexico, 138–39; Harold W. Pratt to First Presidency, Apr. 25, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Acta de la Convención de Tecalco, Apr. 26, 1936, 18. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “hindi ibinatay” sa orihinal ay pinalitan ng “hindi batay.”

  17. Acta de la Convención de Tecalco, Apr. 26, 1936, 14–18; Harold W. Pratt to First Presidency, Apr. 28, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Tullis, Mormons in Mexico, 139–40; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 167–70. Paksa: Ikatlong Kumbensyon

  18. Informe de la Mesa Directiva de la 3a Convención, [June 25, 1936], 20, 21–22, 27–29, 36–37; First Presidency to Harold Pratt, July 22, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Tullis, Mormons in Mexico, 140–41. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “pangulo” sa orihinal ay pinalitan ng “mission president.”

  19. Heber J. Grant, “The Message of the First Presidency to the Church,” sa One Hundred Seventh Semi-annual Conference, 2–4; tingnan din sa “Tabulation of Church-Wide Survey to October 1st, 1936,” [1], David O. McKay Papers, CHL.

  20. Heber J. Grant, “The Message of the First Presidency to the Church,” sa One Hundred Seventh Semi-annual Conference, 3–5; “Tabulation of Church-Wide Survey to October 1st, 1936,” [1]–[3], David O. McKay Papers, CHL.

  21. General Church Welfare Committee, Minutes, Dec. 3, 1936; The March of Time: Salt Lake City!, CHL; “Church Film at Orpheum,” Deseret News, Peb. 4, 1937, 8. Mga Paksa: Broadcast Media; Public Relations

  22. Presiding Bishopric, Office Journal, June 2, 1936; Sept. 8, 1936; Nov. 24, 1936; Jan. 5, 1937.

  23. Don Howard, “The Mormon Fathers Discard the Dole,” Los Angeles Times, Nob. 22, 1936, Sunday magazine, 7; General Church Welfare Committee, Minutes, Dec. 3, 1936; “Three Opportunities,” California Inter-mountain Weekly News (Los Angeles), Mayo 14, 1936, [2].

  24. “Ballard Address Enthuses Local C.S.P. Committees,” California Inter-mountain Weekly News (Los Angeles), Dis. 3, 1936, 1; “The Church Security Program in Southern California Stakes,” California Inter-mountain Weekly News, Dis. 10, 1936, 2; “Honest Fast Offer Will Supply L.D.S. Needy, Says Pres. Grant,” Ensign (Los Angeles), Peb. 4, 1937, 1. Paksa: Pag-aayuno

  25. Heber J. Grant to June Stewart, Feb. 17, 1937; Heber J. Grant to Tom C. Peck, Feb. 17, 1937, Heber J. Grant Collection, CHL; “Pres. Grant Confers with Local Leaders on Temple Site,” California Inter-mountain Weekly News (Los Angeles), Ene. 21, 1937, 1.

  26. Heber J. Grant to Ethel Grant Riggs, Feb. 20, 1937, Heber J. Grant Collection, CHL; David Howells to Heber J. Grant, Feb. 17, 1937, First Presidency Miscellaneous Correspondence, CHL; Heber J. Grant to J. H. Paul, Feb. 20, 1937, Letterpress Copybook, tomo 75, 80, Heber J. Grant Collection, CHL; Cowan, Los Angeles Temple, 18, 21.

  27. “S.L. ‘March of Time’ Opening at Studio,” Salt Lake Telegram, Peb. 11, 1937, 15; “Far Reaching,” Deseret News, Peb. 20, 1937, Church section, 2.

  28. “Time Turned Back on Screen to Depict Story of Church,” Salt Lake Telegram, Ene. 26, 1937, 26; David O. McKay to J. Reuben Clark, Jan. 26, 1937, First Presidency General Administration Files, CHL.

  29. Harold W. Pratt to First Presidency, July 2, 1936; Sept. 18, 1936; First Presidency to Harold W. Pratt, Sept. 18, 1936; Antoine Ivins to First Presidency, July 3, 1936, First Presidency Mission Files, CHL.

  30. First Presidency to Third Convention Committee and Followers, Nov. 2, 1936, 3–4, First Presidency Mission Files, CHL.

  31. First Presidency to Third Convention Committee and Followers, Nov. 2, 1936, 5–7, First Presidency Mission Files, CHL. Ang ikalawang pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nagsimula ang orihinal na pinagmulan sa “Hindi dapat isipin na ang naunang binanggit ay nagsasabi o nagpapahiwatig na maaaring hindi dumating ang panahon na ang Pangulo ng Mission ng sarili ninyong lahi ay itatalaga.”

  32. Mora, Oral History Interview, 36.

  33. Third Convention Directive Committee to First Presidency, Dec. 7, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 165–78; Mora, Oral History Interview, 36–37; Tullis, Mormons in Mexico, 147.

  34. Mora, Oral History Interview, 37, 39; Tullis, Mormons in Mexico, 147; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 174–78.

  35. Mora, Oral History Interview, 39; Pulido, Spiritual Evolution of Margarito Bautista, 174; Third Convention Directive Committee to First Presidency, Dec. 7, 1936, First Presidency Mission Files, CHL; Tullis, Mormons in Mexico, 145. Mga Paksa: Pagdisiplina sa Simbahan; Ikatlong Kumbensyon

  36. Paul Bang, “My Life Story,” 17, 21; Paul Bang, Northern States Mission Certificate of Appointment, Nov. 3, 1936, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Gus Mason entry, Cincinnati Branch, South Ohio District, Northern States Mission, no. 789, sa Ohio (State), bahagi 2, Record of Members Collection, CHL.

  37. Paul Bang, “My Life Story,” 11–13, 27; Bang, Diary, Jan. 5, 7–8, and 10, 1936.

  38. Paul Bang, “My Life Story,” 10–11, 17–19, 23; tingnan din, halimbawa sa, Taylor, Diary, [June 2, 1937]; [July 30, 1937]; [Aug. 6, 1937].

  39. Cincinnati Branch, Minutes, Jan. 15, 1936; Cincinnati Branch member entries, South Ohio District, Northern States Mission, sa Ohio (State), bahagi 2, Record of Members Collection, CHL; Bang, Diary, Jan. 15, 1936; Paul Bang, “My Life Story,” 19. Paksa: Paglipat sa Ibang Lugar

  40. McKay, Notebook, June 6, 1937, David O. McKay Papers, Special Collections, J. Willard Marriott Library, University of Utah, Salt Lake City; Taylor, Diary, [spring 1937]; [June 1 and 6, 1937]; Paul Bang, “My Life Story,” 18, 23, 28; “News from the Missions,” Liahona, the Elders’ Journal, Hulyo 13, 1937, 35:62.

  41. Taylor, Diary, [June 24 and July 18, 1937]; Paul Bang, “My Life Story,” 19–20.

  42. Paul Bang, “My Life Story,” 19–20; Cowan, Church in the Twentieth Century, 162–63.

  43. Taylor, Diary, [July 30 and Aug. 1, 1937]; Cornelia Taylor, Northern States Mission Certificate of Appointment, Dec. 12, 1937, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Paul Bang, “My Life Story,” 19.

  44. Paul Bang, “My Life Story,” 19, 21, 27; Taylor, Diary, Oct. 18, 1937.